Bad Blood/Bad Romance Duology Chapter 20

BABY E, where are you?

Alam ni Denim na maling umalis nang hindi nagpapaalam sa Bloodkeeper na nagsabing maghintay siya. Pero nang masiguro naman niyang ligtas na sina Lilac at Tyrus, wala nang dahilan para mag-alala pa siya sa mga tao (at kalahating tao-kalahating bampira) na napahamak dahil sa pagsunod ni Finn sa Magnus na `yon. Isa na lang ang gusto niyang masigurong okay din. Siyempre, walang iba kundi si Eton.

Sinundan niya ang ungol na naririnig niya mula sa mahabang pasilyo ng first floor. Kinabahan siya dahil sigurado siyang boses `yon ni Eton. Pero magpapatalo ba siya sa takot niya?

Of course not!

Lakas-loob na binuksan ni Denim ang double-doors na pinagmumulan ng mga ingay na naririnig niya. Akala niya, handa na siya sa kung anumang aabutan niya.

Pero muntik pa ring lumabas ang puso niya sa kanyang dibdib nang makita si Aunt Cerise na akmang ibabaon ang kamay nito na may mahahaba at siguradong matatalas na kuko sa dibdib ni Eton na nakalutang sa ere, duguan at wala nang malay.

“Aunt Cerise, don’t!” desperadang pakiusap ni Denim habang tumatakbo papasok ng kuwarto hanggang sa mapahinto siya dala ng panghihina mula sa malakas na puwersang nakabalot sa silid. Napaluhod siya sa malamig na sahig, pero pinilit niyang tumingala at nakahinga siya ng maluwag nang makitang hindi tinuloy ni Aunt Cerise ang balak nitong pagpatay kay Eton. “Don’t kill him, please.”

“Give me a reason not to kill the young Bloodkeeper, child,” malamig na sabi ni Aunt Cerise na malayo sa malambing nitong persona na kinagisnan niya.

“I love him, Aunt Cerise,” matapat na sagot ni Denim, saka niya binigyan ng nagmamakaawang tingin si Aunt Cerise na mula sa pagiging pula ay bumalik sa pagiging emerald ang mga mata. “Kaya kapag pinatay mo si Eton, para mo na rin akong pinatay.”

Bakas sa mukha ni Aunt Cerise ang pagkabigla sa mga sinabi niya. Kinumpas nito ang kamay dahilan kaya siguro bumagsak si Eton sa sahig, wala pa ring malay. “Oh, Denim. Kung magmamahal ka rin naman ng isang Bloodkeeper, bakit hindi na lang si Finn? Bakit sa isang kaaway pa nahulog ang loob mo?”

Malungkot na ngumiti si Denim. “Love doesn’t work that way, Aunt Cerise. You taught me that.”

Bumuntong-hininga si Aunt Cerise habang iiling-iling. “Denim, kailangan mo nang kalimutan ang damdamin mo para sa Bloodkeeper na `yan. Kung gusto mong buhayin ko siya, magpaalam ka na sa kanya. Narinig ko ang mga nangyari kanina. Nang dahil sa pagtulong mo kay Lilac Alonzo, nasa panganib ngayon ang buhay nina Miguel at Finn. Mas pipiliin mo pa rin ba si Ethan kaysa sa pamilya mo?”

Tiningnan ni Denim si Eton na halatang malala ang injury at hindi kayang lumaban. Sa aura ngayon ni Aunt Cerise, sigurado siyang tototohanin nito ang banta nito. At higit sa lahat, hindi niya kayang iwan sina Uncle Miguel at Finn dahil gaya ng sinabi ng Nobleblood, napahamak ang mga ito dahil sa kanya.

Ito siguro ang dahilan kung bakit pakiramdam ko, hindi na ko makakabalik.

“Just let me save him first, Aunt Cerise,” pakiusap ni Denim kay Aunt Cerise nang hindi inaalis ang tingin sa sugatan pero guwapo pa ring mukha ng mahal niyang Bloodkeeper. “And please give me a little time to say good-bye to him.”

“I will wait for you outside,” sabi ni Aunt Cerise, saka ito bigla na lang naglaho sa kuwarto.

Nakahinga na ng mas maluwag si Denim nang nawala na ang mabigat na presensiya ni Aunt Cerise. Nakakilos na rin siya ng maayos at mabilis kaya nakalapit na siya kay Eton nang hindi nanghihina.

Lumuhod siya sa tabi ng lalaki at marahang pinunasan ang dugo sa gilid ng mga labi nito gamit ang mga daliri niya. Mukhang malalim din ang sugat nito sa tagiliran dahil walang tigil sa pag-agos ng dugo nito. `Yon siguro ang dahilan kung bakit may manipis ng yelo ang nakabalot ngayon sa buong sahig. Kaya pala malamig `yon. His splattered blood on the floor was slowly turning into thin ice.

“Baby E, hindi ka puwedeng mamatay,” bulong ni Denim kay Eton sa basag na boses. “Hindi mo na mababantayan si Lola Isabel kapag nawala ka. Kaya kailangan mong lumaban para sa kanya. Matatanggap kong may mahal kang iba. Pero hindi ko matatanggap kapag namatay ka ngayon, lalo na kung dahil `yon tinatrato ko bilang aunt.” Marahang hinaplos niya ang pisngi ni Eton na bahagyang kumunot ang noo. Kahit paano, nakahinga siya ng maluwag. Mukha namang makakaligtas ang lalaki. “I’m sorry, Ethan Albert Rousell. Hindi ko kayang panindigan ang pagmamahal ko sa’yo. Bukod sa hindi ko naman puwedeng ipaglaban ang lalaking may mahal nang iba, hindi ko rin kayang talikuran ang pamilya ko, eh.” Ngumiti siya nang maramdaman niyang maiiyak na siya. Baka kasi naririnig siya ni Eton. Ayaw niyang malaman nito na natatakot at nasasaktan siya ng mga sandaling `yon. “But perhaps that was just an excuse. Maybe I’m just being a coward. Siguro natatakot lang ako na piliin ka dahil wala namang assurance na mamahalin mo rin ako kung mag-i-stay ako sa tabi mo. Ngayon pa nga lang, ang sakit-sakit na. Paano pa kaya kung magtagal `tong unrequited love ko para sa’yo?” Sumakit ang lalamunan niya sa pagpipigil umiyak. Hanggang sa hindi na niya napigilan ang pagpatak ng mga luha niya. “But who am I kidding? Kung hindi lang dahil sa pamilya ko, ikaw ang pipiliin ko, mahal mo man ako o hindi. Because I love you, Baby E. And I will continue loving you in silence. Even if you already love someone else.”

Siyempre, hindi sumagot si Eton. Pero nawala ang kunot ng noo nito at bahagyang umaliwalas ang mukha. Hindi gaya kanina na halatang nasasaktan ito. Siguro, narinig ng lalaki ang mga sinabi niya.

She smiled sadly, then she leaned down and closed her eyes to give him a light kiss on the lips.

“I stole a kiss from you, Ethan Albert Rousell,” nakangiti pero malungkot na biro ni Denim kay Eton matapos niya `tong nakawan ng halik. “I’ll return it only if you find me.”

NAPAPIKSI si Lilac habang nakatingala sa rooftop kung saan may nakikita siyang pagkislap ng mapusyaw na apoy. Sigurado siyang nakikipaglaban na ngayon si Tyrus kay Magnus.

Hindi siya mapakali pero wala rin naman siyang magawa. Kung ngayon siya susugod do’n, ano naman ang maitutulong niya? Ni hindi na nga niya magamit uli `yong salamangkang nagawa niya kanina. Kapag nakita siya ni Magnus, siya ang aatakihin nito at baka ma-distract pa si Tyrus.

Naikuyom niya ang mga kamay. Bumabalik na ang lakas niya, pero hindi pa rin `yon sapat para gumawa ng salamangka. Ang kaya palang niya ngayon ay tumayo nang hindi nahihilo o nabubuwal.

Don’t die on me, Tyrus. Nangako kang babalik ka. `Wag kang paasa.

“Vice-captain!” bulalas ni Hyacinth na nakatayo sa likuran niya.

Mabilis namang pumihit paharap si Lilac sa mga bagong dating. Nakita niya si Saffron na akay-akay ang walang malay na si Eton. Walang malay ang vice-captain at duguan pa. Natakot siya para sa lalaki. “Anong nangyari kay Eton?”

“He was almost killed by Cerise Alessandra Stratton,” sagot ni Saffron, saka nito maingat na inihiga sa damuhan si Eton. “Tutulungan ko sana si Vice-captain, pero dumating ang mortal na si Denim at pinigilan niya ang Nobleblood sa masama nitong plano.”

Mabilis na dinaluhan ni Hyacinth si Eton. Mukhang may kakayahan ang dugo ng babae na magpagaling dahil pinatakan nito ng sariling dugo ang malaking sugat sa tagiliran ng vice-captain.

“Nasa’n na si Denim?” nag-aalalang tanong naman ni Lilac kay Saffron. “Bakit hindi mo siya kasama?”

Napayuko si Saffron na parang napahiya. “Narinig ko ang usapan ni Denim at Cerise. Kapalit ng buhay ni Vice-captain, sinakripisyo ni Denim ang sarili niya. Sumama uli siya sa Nobleblood.”

Nanikip ang dibdib ni Lilac sa narinig. Niligtas siya ni Denim kanina, kaya masakit para sa kanya na wala siyang magawa para ito naman ang iligtas sa pagkakataong `yon. “Denim…”

Lumagpas ang tingin ni Saffron sa kanya, pagkatapos ay napatayo ito habang nanlalaki ang mga mata. “Captain Tyrus!”

Mabilis na pumihit si Lilac paharap sa mansiyon. Nanlaki din ang mga mata niya nang makitang mula sa rooftop ay bumubulusok pababa si Tyrus. No’ng una ay may mahina pang apoy sa mga kamay nito. Pero mabilis din `yong nawala. Hindi gumagalaw ang lalaki kaya malamang ay wala itong malay.

Tinaas niya ang mga kamay niya at sinubukan niyang gumawa ng salamangka para mapigilan ang pagbagsak ni Tyrus. Pero sumakit na ang sentido niya, wala pa ring nangyari.

Hanggang sa may mabilis na nilalang ang tumalon sa ere at sinalo si Tyrus bago pa ito bumagsak.

Sino `yon?

Napatitig si Lilac sa matangkad at malaking lalaki na kung isampay si Tyrus sa balikat nito, akala mo ay magaang lang ang Bloodkeeper. The other man was incredibly handsome, had long silvery hair tied in a neat ponytail, and possessed bright eyes. For some reason, she was pretty sure he had green orbs.

Sabay na yumukod sina Saffron at Hyacinth sa estranghero. “Lord Nicholas.”

Napasinghap si Lilac sa gulat. Lord Nicholas? As in `yong leader ng mga Bloodkeeper?

Ngumiti si Lord Nicholas at sa isang kisap-mata lang, nakatayo na ito sa harap nila samantalang nakahiga na si Tyrus sa tabi ng kakambal nitong wala ring malay. Maging sina Hyacinth at Saffron ay halatang nabigla na para bang maging ang dalawang Bloodkeeper ay hindi nasundan ang galaw ng Nobleblood. Ganito ba talaga kataas ang level ng matatandang bampira?

Well, whatever.

Mas inuna ni Lilac ang pagluhod sa tabi ni Tyrus para sigurihing buhay pa ito. Kinulong agad niya ang mukha ng lalaki sa mga kamay niya. Nakahinga siya ng maluwag nang maramdamang mainit pa rin ito at humihinga pa. Gaya ni Eton, may butas din ito sa sikmura. “Kambal nga kayo,” iiling-iling na komento niya.

“Mas mabuti na ang butas sa sikmura kaysa butas sa puso,” sabi naman ni Hyacinth na nakaluhod sa kabilang gilid ni Tyrus habang nakatapat ang pupulsuhan nitong may sugat para patakan ng dugo nito ang butas sa sikmura ng lalaki. “Magaling umiwas sina Captain Tyrus at Vice-captain Eton. Hindi tinamaan ang vital organs nila. Marami lang dugo ang lumalabas, pero wala naman sa panganib ang buhay nila. Isasara ng kapangyarihan ng dugo ko ang sugat nila para hindi naman sila maubusan ng dugo. They’ll be fine.”

Tumango si Lilac. “Salamat, Hyacinth.”

Ngumiti lang si Hyacinth.

Si Lilac naman, marahang hinaplos ang pisngi ni Tyrus bago siya tumayo at muling humarap sa mansiyon. Namalayan lang niyang nasa tabi nga pala niya si Lord Nicholas nang magsalita rito. Wow, nakakatakot talaga ang mga Nobleblood na gaya nito. Nagagawa nitong itago ang presensiya na kahit katabi niya lang ang matandang bampira ay hindi niya ito agad napansin.

“Magnus Cadmus Stratton,” malakas na sabi ni Lord Nicholas, nakatingala sa rooftop ng mansiyon. “Hindi mo man lang ba babatiin ang dati mong guro sa pakikipaglaban?”

Medyo nagulat si Lilac do’n. So, student pala ni Lord Nicholas si Magnus noon, ha?

Mayamaya lang, lumabas na si Magnus. Nakatuntong ang baliw na bampira sa pinaka-edge ng rooftop. Nakapamaywang ito at nakangisi pa habang nakatingin pababa sa kanila.

Naikuyom ni Lilac ang mga kamay. Sa tuwing nakikita talaga niya si Magnus, kumukulo ang dugo niya sa galit. Imposibleng hindi siya magkaro’n ng “badblood” sa nilalang na pumatay sa pinamamahal niyang kakambal. Mahulog ka sanang baliw ka!

“I’ve missed you, Nicholas,” nakangising bati ni Magnus dito sa malakas at masiglang boses. “You’re looking good, so I assume you had a good life for the past century. Kung sabagay. Hindi ka kasama sa sumpa ni Mayumi kaya nakakainom ka pa rin ng dugo ng mga tao. Nakakainggit ka, mahal kong kaibigan.”

Ngumiti si Lord Nicholas, pero nagbago ang hangin sa paligid nito.

Aatras pa lang sana si Lilac dahil alam niyang naglalabas na ng Bloodlust si Lord Nicholas. Pero sa isang kisap-mata lang niya, malayo na agad ang Nobleblood mula sa kanila na para bang iniiwasan nitong masaktan sila sa pagpapalabas nito ng malakas na kapangyarihan.

Ohh. He’s cool.

“Gusto ko pa sanang makinig sa mga hinaing mo at aluin ka, pero masyado nang mahabang panahon ang isang daang taon na kalayaang tinamasa ng traidor na tulad mo,” nakangiti pero mapanganib na sabi ni Lord Nicholas. Pagkatapos, inangat nito ang braso nito na may mahabang hiwa. Mukhang malalim din `yon dahil sa matinding pagdurugo ng bukas na sugat. “Tama na ang paglalaro, Magnus.”

Nanlaki ang mga mata ni Lilac habang pinapanood ang nangyayari sa dugong lumalabas sa braso ni Lord Nicholas. Unti-unti `yong nagiging patalim na madilim ang kulay kaya malamang, pula iyon. Ngayon ay may mahaba at halatang matalim na sandata nang nakabaon sa braso ng Nobleblood.

Ito `yong kinuwento sa’kin ni Tryus noon na kaya ng mga Nobleblood na gumawa ng sandata gamit ang dugo ng mga ito…

“Aw, too bad I’m too busy right now,” playful na sabi naman ni Magnus, pagkatapos ay may kung sino itong hinila. “If you come closer, I’ll kill this little girl.”

Nanlaki ang mga mata ni Lilac nang makitang si Denim ang in-a-armlock ni Magnus sa leeg. Napakawalanghiya talaga ng bampirang `to! “Denim!”

“Hawak naman ni Cerise ang tiyuhin ng batang ito,” pagpapatuloy ni Magnus sa masiglang boses. “Hindi niyo naman siguro gugustuhing madagdagan ang listahan ng mga mortal na mamamatay sa mga kamay namin, tama ba?”

“Hulihin niyo na siya!” sigaw ni Denim kahit nanginginig ang boses nito at kitang-kita naman sa mukha ang matinding takot. “Don’t worry about me!”

Mariing umiling si Lilac. “No, Denim! I can’t let you die after you saved my life!”

Halatang may sasabihin pa si Denim, pero tinakpan na ni Magnus ang bibig ng babae.

Nakagat ni Lilac ang ibabang labi, nakakaramdam ng awa para kay Denim. She also hated the fact that once again, she felt helpless against the enemy.

“Lord Nicholas,” malakas na sabi naman ni Saffron, saka may tinuro sa ere. “Tatakas na sila!”

Napatingala si Lilac. Napasinghap siya nang makita ang helicopter sa ere.

“Tingin mo mapipigilan ako ng ganyang klaseng pagbabanta?” malamig na tanong ni Lord Nicholas, nasa boses pa rin ang kahandaan sa pakikipaglaban.

Binigyan ni Lilac ng hindi makapaniwalang tingin si Lord Nicholas. Seryoso ba ito na hindi ililigtas si Denim para lang mahuli si Magnus? Well, alam niyang ito na ang pagkakataong madakip ang nilalang na malaki ang atraso sa kanya. But not at the expense of the person who saved them! “Niligtas kami ni Denim, Lord Nicholas,” katwiran niya. “Kung hindi dahil sa kanya, baka nakuha na ko ni Magnus. Ginawa niya ring hostage ang sarili niya ngayon para naman mabuhay si Eton! Alam kong kailangan nating mahuli ang lintik na Magnus na `yan, pero may ibang pagkakataon pa naman siguro.”

Binalingan siya ni Lord Nicholas. Nawala na ang pagiging mabait sa mukha nito. All she could see right now was a soldier on “kill mode.” “Sigurado ka bang palalagpasin mo ang pagkakataong ito para mahuli ang nilalang na pumatay sa kakambal mo?”

Aaminin ni Lilac na mahirap para sa kanya ang desisyong ito. Pero kanina, walang pag-aalinlangang pinili ni Denim na ilagay sa panganib ang sarili nito, gano’n na rin ang tiyuhin nito na alam niyang mahal na mahal nito, para iligtas siya. At gano’n din ang nararamdaman niya ngayon.

Sinu-sino pa ba ang magtutulungan sa gano’ng sitwasyon? Siyempre, silang magkalahi.

“Sigurado ako,” mariing sagot ni Lilac, deretso ang tingin kay Lord Nicholas. “Hindi ko hahayaang mamatay ang kalahi ko para lang mahuli ng buhay ang baliw na bampirang `yon.”

Ilang segundo siyang tinitigan ni Lord Nicholas. Mayamaya, nawala na ang Bloodlust nito at ang sandatang gawa sa dugo. Bumalik na rin sa normal ang kulay ng mga mata nito. Pagkatapos, tumingala ito kay Magnus. “Sa susunod na magkita tayo, tatapusin na kita.”

Tumawa lang si Magnus, pagkatapos ay tumalon na ito paatras kasama si Denim.

Mayamaya lang, bumaba na ang helicopter at naglaglag ng hagdan na gawa sa lubid. Mula sa kinatatayuan nila ay hindi nila natanaw ang nangyayari. Pero pagkatapos ng ilang segundo, umangat na uli ang rope ladder at muli nang umangat sa ere ang helicopter at lumipad palayo.

“Pinagsisisihan mo bang pinatakas mo si Magnus, Lilac Alonzo?” tanong ni Lord Nicholas sa gentle na uli na boses.

Tiningnan ni Lilac ang Nobleblood, saka siya mariing umiling. “Hindi, Lord Nicholas.”

Ngumiti si Lord Nicholas at tinapik siya sa balikat. “The loyalty and compassion that you and Denim possess are truly inspiring. Sana hindi `yan magbago sa paglipas ng panahon,” sabi nito, saka siya nilagpasan para kausapin si Onyx na kadarating lang.

“Dumating na ang mga sasakyan na kailangan natin, Lord Nicholas,” pagbabalita ni Onyx.

Pumihit si Lilac paharap sa pinanggalingan ng ingay ng mga sasakyan. Nakita niya ang dalawang ambulansiya na sigurado siyang hindi ordinaryong ambulansiya lang. Nakita rin niya si Eton na nakahiga na sa stretcher at ito rin ang unang pinasok sa isa sa mga ambulansiya.

Na-curious siya kaya sumilip siya. Bukas naman ang pinto ng ambulansiya sa likuran kaya kita niya ang nasa loob. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang nakabukas na cooler na naglalaman ng blood bags. Ikinakabit ni Saffron ang isa bilang dextrose ni Eton. Wala kasing malay si Eton kaya siguro sa gano’ng paraan na lang paiinumin ng dugo na kailangan nito.

“Binili namin ang dugo na `to mula sa blood bank,” nakangiting sabi ni Saffron nang napansing pinapanood niya ito. “Alam mo na siguro ang weakness ng dugo ng mga Rousell. Kaya para hindi makontrol si Vice-captain ng mortal na pinanggagalingan ng iniinom niyang dugo, bumibili na lang siya sa blood bank kapag kailangan. Bukod sa hindi na niya kilala ang taong nagmamay-ari niyon, iba-ibang mortal pa ang pinagmumulan kaya hindi siya makokontrol ng kahit sino.”

Tumango-tango si Lilac. “That’s convenient.”

“Captain, you’re awake!” bulalas naman ni Hyacinth.

Mabilis namang napatingin si Lilac sa kabilang ambulansiya na nakabukas din ang likurang bahagi. Nang makita niyang bumangon si Tyrus, mabilis siyang tumakbo palapit sa lalaki. `Yong kaba at pag-aalala niya, bumalik na naman. “Tyrus!”

Agad na tumingin sa kanya si Tyrus. He smiled at her in a lazy yet sexy manner, and his heated gaze fell on her neck. “Babe, you smell really good and I know you taste divine. Puwede ba uli kitang tikman?”

Nag-init ang mga pisngi ni Lilac. Kapag gutom talaga si Tyrus, kung anu-ano ang pinagsasasabi!

Tumikhim naman si Hyacinth. “Maiwan ko na sa’yo si Captain, Lilac. Tutulungan ko na lang muna si Saffron sa pag-aasikaso kay Vice-captain.”

Tumango lang si Lilac, hindi makatingin kay Hyacinth na halatang nagpipigil lang tumawa, saka siya sumampa papasok sa likod ng ambulansiya. Alam niyang wala na naman sa sarili si Tyrus kaya bago pa sila mapahiya pareho, siya na ang nagsara ng pintuan.

“Woah,” komento naman ni Tyrus habang marahan siyang hinihila hanggang sa nakaupo na siya sa pagitan ng mga hita nito. Pagkatapos, pinalupot nito ang mga braso sa katawan niya. Sapat lang ang higpit niyon para maiparamdam nitong ligtas siya rito. “Alam kong gusto mo kong masolo, pero alam mo naman sigurong maririnig pa rin nila tayo, `di ba?”

“Eh di utusan mo silang huwag makinig,” sabi naman ni Lilac, saka siya sumandal sa dibdib ni Tyrus. Ang clingy niya. Pero siguro, alam niyang maiksi ang oras niya bilang mortal kaya sinasamantala na niya ang bawat oras na kasama niya ang lalaking mahal niya. “Iinumin mo ba `yong dugo from blood bank?”

“Mmm,” sagot ni Tyrus, nasa leeg na niya ang ilong at bibig nito. Hinalikan nito ang likod ng tainga niya bago sumagot. “Nope. I only want your blood, babe.”

Nakaramdam si Lilac nang pag-iinit ng katawan, lalo na ngayong pinaparaan na ni Tyrus ang mainit at malambot nitong dila sa pagitan ng leeg at balikat niya. Kinagat niya ang ibabang labi para pigilan ang sariling umungol sa sarap na dulot ng ginagawa ng lalaki. “Tyrus, mas sexy at mas flirty ka kapag gutom.”

Sinubsob ni Tyrus ang mukha sa leeg niya kaya naramdaman at narinig niya ang mahina nitong pagtawa. “This is my vampire side talking, babe. Ang dugong bampira namin, parating gutom. Hindi lang para sa dugo, kundi pati na rin sa…” Pinasok nito ang kamay sa ilalim ng T-shirt niya para himasin ang kanyang tiyan habang hinahalik-halikan nito ang balikat niya. “Alam mo na.”

Hindi na napigilan ni Lilac ang mahinang pag-ungol, pero napigilan naman niya ang pag-akyat ng kamay ni Tyrus sa dibdib niya. “Eh bakit nagiging ganyan ka lang kapag gutom ka?”

“Kapag nanghihina ako, mas lumalakas ang dugong bampira ko kaya hindi ko nalalabanan ang vampire instinct ko,” paliwanag ni Tyrus na pinisil ang baywang niya bago ilabas ang kamay nito sa loob ng damit niya. “Sinanay ko na lang ang utak ko na kalimutan ang nakakahiyang mga bagay na ginagawa o sinasabi ko kapag gutom ako. Kapag bumabalik ako sa dati, ikakahiya ko ang sarili ko. My human side has a strong moral fiber, you know. When I’m normal, I hate giving in to my blood and sex cravings.”

Natawa si Lilac. Kaya pala no’ng unang beses niyang makitang gutom si Tyrus ay hindi agad siya nito nakilala at nagulat naman ito nang makitang sakmal nito ang braso niya no’n. “So, may split personality ka? Gentleman na masungit kapag normal, at malanding pervert naman kapag gutom?”

“Pervert?” gulat na bulalas ni Tyrus na parang hindi makapaniwala sa sinabi niya, pero marahan naman nitong kinagat ang tainga niya. “I’m not a pervert. But I love the feel of your skin against mine… and you make me think of sex more often than before. Lalo na ngayong tayong dalawa lang ang nandito.”

Natawa lalo si Lilac habang iiling-iling. Ayaw na niyang patulan ang “alter-ego” ni Tyrus at baka kung saan pa sila dalhin ng “kamanyakan” nito. “Drink my blood, Tyrus. Nang ikahiya mo na uli ang sarili mo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.