BAIDER (FILIPINO VERSION) Chapter 21

Pinagmasdan ko ang taas ng bundok. Ang kaba sa dibdib ko ay hindi na nawala pa. Natatakot ako, ipinakita nila sa akin ang mga gamit nila. Nanginginig ko iyong pinasadahan ng tingin, baril, pana, kutsilyo, espada, at iba-iba pang makapanindig balahibong gamit. Ipinaliwanag nilang swerte ko kung hindi ko sila makakasalubong sa daan pero imposible raw 'yon dahil kalat sila. Matatalim na ang mga tingin nila sa akin. Wala sa sariling hinaplos ko nang pasimple ang tiyan ko. Ito na ang huli at sana magtagumpay ako.

"This is our family, you should deal with it. We never force you to be with us but you insist to be one of our family," seryosong sabi ni Ariya at ikinasa ang shotgun.

Napalunok ako pero hindi ko pinahalata. Humawak si Lauressa ng espada pero nang tingnan niya ako ay hindi na gano'n katalim. Si Lucio ay kutsilyo, si Semon ay pana, si Anton ay espada rin. Tig-iisa silang kumuha ng sandata pero ang ilan noon ay hindi ko na mapangalanan kung ano iyon. Nakita kong tulalang kumuha si Resttan ng baril. Pati siya ay kasama.

"Nasa taas ng bundok si Laurent sana marating mo siya nang humihinga pa," seryosong sabi ni Lucio.

Ngumiti ako sa kaniya at sinabing "Salamat."

Gano'n na lang kagulat ang mga mukha nila para bang laging may mali sa sagot ko at lagi nila iyong ikinagugulat.

"I hope you'll pass the last patunay. I'll be happy," tipid ang ngiting sabi ni Leroi, ang pinakabata sa kanilang lahat.

"Salamat."

"Simulan na natin," sabi ni Ariya at ibinigay sa akin ang maliit orasan. "Sa loob ng trenta minutos papasok ka ng gubat. Tandaan mong bawal sumuway."

Tiningnan muna ako ni Resttan, nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya pero hindi siya nagsalita. Himalang nang tumingin sa akin si Lauressa ay tumango siya. Para bang sinasabi niyang mag-ingat ako pero hindi niya isinatinig. Makakaligtas ako dahil namimiss ko na si Laurent. Tiningala ko ang bundok.

Hinihintay na tayo ng daddy mo, Laurenz. Nakangiti kong sabi. Tiningnan ko ang orasan. Labing siyam na minuto na lang.

Tumayo ako nang diretso at naghanda na. Isinuot ko ang mask ko, inilagay ko sa bulsa ang sleeping powder at muling tiningala ang bundok.

Walang kasiguraduhan na mararating kita pero naniniwala akong mahal kita at 'yon ang magliligtas sa akin, sa amin ng anak mo.

Tiningnan ko ang mga sandatang iniwan nila. Sabi nila ay pwede akong kumuha ng kahit na ilan pero siguraduhin kong wala raw akong papatayin sa angkan nila dahil ang parusa ay kamatayan pa rin. Pwede ko silang saktan pero hindi pwedeng patayin. Sila naman ay talagang hahabulin ako upang patayin, haharangan nila akong makaakyat ng tuktok ng bundok. Alinman doon ay hindi na ako natakot dahil alam kong hindi ako mamamatay dahil...totoo at puro ang pagmamahal ko.

Hinawakan ko ang tiyan ko.

Maghanda ka, anak, pupuntahan natin ang daddy mo at hindi magiging madali ang daan paakyat.

Nang tumunog ang orasan ay kabado akong pumasok ng gubat. Wala pa man lang ay nakita ko nang may lumipad na palaso, nakaiwas ako pero dumaplis iyon sa braso ko. Nakita ko si Semon na may hawak na pana. Akmang magpapalipad pa siya pero tinakbo ko na ang distansya naming dal'wa. Mabilis kong nahawakan ang pana niya at tinabig iyon. Nilabanan niya ako, nagpambuno kami, pasimple kong dinudukot ang powder pero hindi ko magawa. Naihampas niya ako sa puno at walang emosyong sumuntok sa mukha ko pero gulat akong yumuko upang hindi matamaan. Napa-aray siya nang tumama ang kamao niya sa likod ng puno. Ginamit ko ang pagkakataong iyon upang dumukot ng sleeping powder at itinakip ang kamay ko sa ilong at bibig niya. Nagtagumapay akong mapatulog siya. Napangiti ako nang makitang tulog na siya. Isinandal ko siya sa puno upang hindi manakit ang katawan niya sa pagkakahimbing.

Tinakbo ko na agad ang daan. Dumaan ako sa kaliwa, napatago ako agad nang makita si Lauressa. Kinabahan ako nang makita ang espada niyang hawak. Nahihirapan akong umakyat ng puno upang hindi niya ako makita. Galos-galos ang katawan ko bago ko maakyat ang punong iyon. Nilingon ko ang langit dumidilim na at hindi ito maganda. Hindi ko masyadong makikita ang daan dahil hindi ako dapat mag-ilaw makikita nila ako.

Pinagmasdan ko si Lauressang luminga-linga nang makalampas siya ay saka ako bumaba. Tinakbo ko nanaman ang daan, nakaapak ako nang matulis na kahoy kaya napaupo ako sa sakit. Tinakpan ko ang bibig ko upang hindi mapasigaw.

Hala!

Inis kong pinunit ang laylayan ng sando ko upang lagyan ng bandage ang sugat ko sa paa.

Good thing, I'm a nurse.

Gumagapang akong tumago sa likod ng puno nang makita si Leroi na naghahanap. Makapigil hininga ako nang dumaan siya sa gilid ng punong pinagtataguhan ko. Nang makitang nakatalikod na siya ay unti-unti kong dinukot ang powder at saka mabilis na tumakbo at tinakpan ang ilong at bibig niya magmula sa likod niya. Nakatulog na rin siya agad. Buti pala effective ang powder na nabili ko.

"Sleep well, Leroi," nakangiti kong bulong.

Gumapang ang kaba sa dibdib ko nang may tumalsik na kutsilyo tinamaan ako noon sa balikat. Habol ko ang hiningang tiningnan kung sino iyon.

Lucio..

Matalim ang tingin niya sa akin. Lumapit siya at inambahan ako ng suntok. Nasuntok niya ako sa may dibdib dahilan upang bumanda ako sa puno at malakas na bumagsak. Nanghihina akong tumayo, ramdam ko ang pagtulo ng dugo sa balikat ko dahil nakatarak pa roon ang kutsilyo.

Akmang susuntok nanaman siya pero umilag ako tumama ang suntok niya sa bato kaya katulad ni Semon kanina ay namilipit siya sa sakit. Sinamantala ko ang pagkakataon at pinaamoy siya ng powder. Nakatulog na rin siya. Binuhat ko siya at itinabi kay Leroi.

"Good night," nakangiti ko silang pinagmasdan bago tumalikod.

Nagtatakbo nanaman ako parang namamanhid na ang katawan ko. Tumago muna ako sa halamanan kinagat ko ang shirt ko upang hindi sumigaw. Tinanggal ko ang kutsilyo sa balikat ko. Ramdam ko ang sakit sa iba't ibang parte ng katawan ko.

"Ihh," pilit kong pinapatatag ang sarili ko.

Makakaligtas ako, pangako.

Napapikit ako sa sakit nang pagtanggal ko noon. Kumikirot at gumagapang ang tindi ng sakit sa buong katawan ko.

Gumagapang akong naglakad nang makitang si Lauressa at si Cristoph ay magkasamang naghahanap. Pigil ko nanaman ang hininga ko dahil dal'wa sila siguradong mapapatay nila ako. Muli akong umakyat sa puno. Inintay ko na makalapit sila. Magkatalikuran sila ngayon nang makalapit si Cristoph ay bumitin ako patiwarik, pilit na pinapalakas ang mga paang nakasabit sa puno dahil kapag nalaglag ako ay katapusan na ng anak ko. Nakatalikod siya sa akin kaya nahuli ko agad ang ulo niya at tinakpan agad ang ilong ng powder. Nang lumingon si Lauressa ay nagulat siyang nakahiga na si Cristoph.

Nagulat ako nang tingalain niya ako kaya naman mabilis akong bumaba habang siya ay tinitira ako ng espada. Umiwas ako at nakita ko ang paglaglag ng buhok ko.

Hala! Muntik na!

Sinugod niya ako pero sinangga ko ang espada niya ng kamay ko. Hindi ko na alintana ang pagdurugo noon habang pilit na itinatarak ni Lauressa sa akin ang espada.

"Give up!" Nakangisi niyang sabi at mas idiniin ang espada. Naluluha ko siyang nilabanan at inubos ang lakas upang maitulak ko siya.

Nang magtagumpay ako ay agad akong tumakbo pero nahawakan niya ang paa ko kaya natumba ako. Agad akong nag-alala sa lagay ng tiyan ko pero mukhang okay naman siya. Nagpambuno kaming dal'wa. Tumama sa kanan ang espada pero gumulong ako sa kaliwa. Nang makatayo ay iwinasiwas niya sa akin ang espada. Takot akong umilag nang umilag. Nanginig ang katawan ko nang tumama iyon sa may tiyan ko. Gumapang nanaman ang hindi ko mapangalanang kaba sa dibdib ko. Tumulo ang dugo roon pero sa tingin ko ay hindi malalim kaya nakahinga ako nang maluwag.

Kung malalaman niya bang dinadala ko ang pamangkin niya sasaktan niya pa rin ba ako?

"You know what? I want you to be part of the family." Nagulat ako sa sinabi ni Lauressa. Tinitigan ko siya, ang espada ay mahigpit pa rin niyang hawak. "But this is our tradition whether you like it or not this will happen. Ang maging isang Baider ay hindi madali. Pamilya muna bago ang iba. Sorry not sorry, Baider is Baider. It’s both a curse and an honor."

Humugot ako nang malalim na hininga nang sumugod na ulit siya. Natamaan ako ng espada sa hita. Naiiyak na ako pero pinigil ko iyon. Kailangan kong makaligtas sa kaniya. Sumugod siya pero umilag ako at umikot nang mapapwesto ako sa likod niya ay mabilis kong hinugot ang powder at itinakip sa ilong niya. Bumagsak na siya. Huminga ako nang malalim at pinakalma ang sarili. Hinang-hina akong tumakbo muli.

Malapit na...Nakikita ko na!

Hawak ko ang tiyan ko, natutop ko ang bibig ko upang hindi mapasigaw nang malaglag ako sa isang malalim na balon. Humagulgol na ako habang hawak ang tiyan ko. Ramdam ko ang mga sugat sa iba't ibang parte ng katawan ko, kumikirot at nagpapahina sa akin.

Kapit lang, baby..

Iyon na lang ang nagpapalakas ng loob ko. Ang alalahaning may anak ako at sa tuktok nito ay si Laurent. Pinalis ko ang luha sa mga mata ko. Kahit madilim na ay naghanap ako ng maaring gamitin upang makaakyat. Nakakuha ako ng baging at maingat na tumalon upang kumapit iyon sa kung saan. Nagulat na lang ako nang may maghawak noon sa taas.

Resttan...

Inangat niya ang baging paakyat. Hirap na hirap akong umakyat, sugat-sugat ang kamay ko. Nang makaakyat ako ay hindi ko aasahang tututukan ako ng baril ni Resttan.

"Resttan," humahagulgol kong sabi. Seryoso siyang nakatingin sa akin at nakatutok pa rin ang baril. "Hindi ako nagmamakaawa saiyo para sa buhay ko kung hindi para sa buhay ng anak ko," umiiyak kong sabi sa kaniya. Patuloy ako sa pagluha at natigilan nang makitang isenenyas niya ang daan sa kaliwa.

"Isinusumpa ko ang sarili ko sa gagawin kong ito. Dumaan ka ng kaliwa, Anmela. Walang tao roon maliban kay Ariya. Mag-iingat ka," diretso niyang sabi habang nakatutok pa rin ang baril sa akin. Nakita kong tumulo ang luha niya bago ako sigawan "Takbo!"

Nagmadali akong tumakbo at tinahak ang kaliwa bago ako tuluyang iwanan siya ay mahina kong sinabi sa kaniya ang "Salamat." Nanlulumo siyang umupo habang walang emosyon na nakatingin sa akin.

Naging mabilis ang pag-usad ko sa daan. Tama siya walang tao, takbo ako nang takbo kahit na kumikirot na ang iba't ibang parte ng katawan ko. Hawak ko pa rin ang tiyan ko para bang nakikisama ang anak ko at hindi siya nagparamdam nang kahit na anong pagduduwal o pag-ikot ng tiyan. Napahinto ako nang humarang si Ariya sa harapan ko. Hinihingal ko siyang tiningnan. Hawak niya ang shotgun at nakatutok sa akin. Walang habas niya iyong pinaputok at umilag ako nang umilag hanggang sa makitang may tama ako sa kabilang balikat. Sa kanan ay may tama ng kutsilyo at sa kaliwa naman ay shotgun. Ipinagpapasalamat ko na hindi iyon sa tiyan ko tumama.

Nagulat na lang ako nang mag-angat ng tingin ay nasa mismong mukha ko na ang bunganga ng shotgun.

Katapusan ko na..

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.