Belle Trilogy Chapter 23

“MA, BAKIT niyo po ba ginagawa sa akin ito?”

Pangatlong araw ng nakakulong si Rhett sa attic ng bahay nila. Ikinulong siya roon ng kanyang Mama dahil nasa bahay ang bagong boyfriend nito. Sa tuwing may inuuwing lalaki ang Mama niya ay ikinukulong siya roon ng kanyang ina. Galit ito sa kanya dahil siya raw ang sumira ng lahat ng pangarap nito.

Nasa kasagsagan ng career nito bilang modelo ang kanyang Mama nang ma-rape ito nang hindi makilalang lalaki. Ayon sa kuwento nito ay nangyari iyon sa bahay ng pamilya nito kung saan nag-iisa lang itong nakatira. Nakapasok raw ang rapist at dahil nakataklob ang mukha nito, hindi iyon nakita ng kanyang ina. Isama pang sa madilim na bahagi ng bahay ginawa ang panghahalay. Kahit nagsusumigaw ang ina, walang nakarinig rito. Paano kasi ay malayo sa bahayan ang bahay. Dahil sa sobrang lakas ng rapist ay hindi nakapalag ang kanyang ina. Sa kasamaang palad pa ay nabuo siya roon.

That was the most hate experience of her mother. Ganoon pa man ay ipinagpatuloy nito ang pagbubuntis dahil na rin sa pag-e-encourage dito ng kanyang Lola. Sa ibang bansa nakabase ang matanda pero sa durasyon ng pagbubuntis ng ina ay inalalayan nito ang anak. Nang makita nitong maayos na ang lagay ng anak ay saka muli ito lumipad ng America kung saan ito nagtatrabaho.

Pakiramdam ng Mama niya ay sinira niya ang buhay nito sa pagdating niya. Pagkatapos kasi ng pagkapanganak sa kanya ay dumalang na ang mga projects nito hanggang sa tuluyan na iyong mawala. Siya ang sinisisi nito dahil roon. Hindi iyon alam ng Lola ni Rhett. Hindi nito alam ang tungkol sa pambabalewala sa kanya ng ina, ang pananakit nito sa kanya. Paminsan-minsan ay umuuwi ito sa Pilipinas para bisitahin sila. Kapag umuuwi ito, iyon ang mga pinakamasayang araw ni Rhett. Paano kasi ay hindi siya sinasaktan ng kanyang ina. Gusto sana niyang magsumbong pero palagi siyang tinatakot ng kanyang ina para huwag sabihin iyon. Paano kasi ay malaki ang suntentong natatanggap ng Mommy niya mula rito dahil sa kanya. Natatakot itong kapag nalaman nito ang masamang ginagawa sa kanya ay putulin nito iyon. Wala naman kasing regular na trabaho ang kanyang ina kaya maghihirap ito kapag pinutol ng Lola niya ang suweldo nito at kinuha siya kapag nalaman ang mga masasamang ginawa nito sa kanya.

Minsan ay naiisip ni Rhett na sana ay hindi na nga lang siya binuhay ng kanyang ina. It was hell living with her. Sa labing dalawang taon na pamumuhay niya kasama ito ay ilang klase na ng sakit ang pinaparamdam nito sa kanya. Lagi siya nitong pinapagalitan, pinapalo o kaya ay kapag nakatikim ito ng drugs ay nilalatigo pa siya. Hindi rin miminsang ikinulong siya ng ina sa attic para lang itago ang existence niya kapag may lalaki sa bahay nito. Paano kasi ay natu-turn off raw ang nagiging boyfriend nito kapag natutuklasang may anak na ito.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa `yo na bawal kang lumabas kapag nandito ang boyfriend ko? Saka `wag kang magreklamo. Ayaw ko sa lahat, `yung nagrereklamo. Naiintindihan mo? O gusto mo pa talaga na malatigo?” akmang babaklasin nito ang belt sa baywang nito nang umiling siya.

“`Wag po, Mama. Magpapakabait na po ako rito,” pangako ni Rhett sa ina. Hindi pa naghihilom ang mga sugat nang nilatigo siya nito nang nakaraang araw. Itinigil naman nito ang akmang gagawin.

Ngumisi ito. “Mabuti naman. Ayaw kong mangyari muli ang nangyari sa relasyon namin dati ni Danny nang marinig niya ang ingay na ginawa mo kaya kailangan lang kitang pagsabihan,” iyon lang at umalis na ito. Naging dahilan kasi siya ng paghihiwalayan nito at ng dating nobyo. Minsan kasing nagtatalik ang mga ito nang umiyak siya at narinig iyon ng nobyo nito. Nadiskubre nito ang existence niya kaya nakipaghiwalay ito sa kanyang ina. Ilang latigo rin ang inabot niya sa kanyang Mama nang dahil roon.

Madilim ang attic kaya hindi maiwasan na matakot at umiyak ni Rhett, lalo na noong una pa lang siyang dinala at kinulong doon ng kanyang ina. Halos wala na nga siyang makita sa kadiliman noon. He was always tortured. Kung anu-ano ang pumapasok sa isip niya habang nasa dilim at para na siyang mababaliw sa nararamdaman. Tanging ang pagtitig sa dilim na lang ang madalas na gawin niya. Nasasanay na nga siya at nawawala na rin ang takot sa dibdib niya. Kung dati ay palaging pagmamakaawa sa ina ang ginagawa niya, ngayon tuloy ang mga pagtatanong na lang.

Mga isang oras pagkatapos nang pagbisita ng ina ay dumating naman si Mang Chito. Ito ang all-around na tauhan nila sa bahay. Katulong nila ito kumbaga pero hindi kagaya ng karaniwang katulong ay lalaki ito. Bata pa siya ay nandoon na si Mang Chito sa kanila. Ito ang kinamulatan niyang kasambahay nila. Dati itong all-around helper sa kapitbahay nila, ayon sa kuwento nito. Si Mang Chito ang nagbigay sa kanya ng pagkain. Kung mayroon man siyang tao na nararamdaman ng pag-aalaga sa bahay na iyon kapag wala ang Lola niya, kay Mang Chito iyon.

“Salamat po,”sabi niya nang pakainin siya nito. Mabait si Mang Chito, lalo na sa kanya. Magaling rin ito sa bahay. Lahat ng gawain ay kayang gawin nito mula sa paglalaba, paglilinis ng bahay at kung anu-ano pang pagkukumpuni. Kung ituring nga siya nito ay para na siya nitong anak. Kaya lang ay ang Mama pa rin niya ang sinusunod nito at alam niya ang mahigpit na bilin rito ng ina na huwag siyang palabasin mula sa attic.

Nginitian siya ni Mang Chito at ginulo pa ang buhok. Nasa ganoon silang katayuan nang may marinig na pamilyar na boses si Rhett. Nagliwanag ang mukha niya sa narinig,

“Rhett! Apo! Diyos ko!” sigaw nito sa paghahanap sa kanya.

“Lola!” hindi na napigilang kalabugin ni Rhett ang pintuan ng attic. Binuksan agad iyon ng kanyang Lola at umiiyak na niyakap siya.

Hindi inaasahan ni Rhett ang pagdating nito. Wala itong sinasabi o hindi kaya ang ina na darating ito ngayong araw kaya siguro hindi ito napaghandaan ng kanyang ina.

“B-bakit po kayo nandito, Lola?”

“Gusto ko sana kayong sorpresahin sa pagbabalik ko. Pero ako ang nasorpresa, Apo. Hindi ko alam na magiging ganito ang sitwasyon mo. Kung alam ko lang, sana ay kinukupkop kita sa America kahit nagtatrabaho ako roon at kaunting oras lang ang maibibigay ko sa `yo. Pero nagtiwala ako kay Jeanette noon nang sabihin niya sa aking kaya ka na naman niyang alagaang mag-isa pagkatapos niyang mapanganak sa `yo. Ang akala ko ay pag-aalaga nga ang ginagawa niya sa `yo dahil hindi ka naman nagrereklamo at isa pa ay dahil anak ko siya, pinagkatiwalaan ko siya. Mabait naman siya noon kahit na ba alam kong naging masakit para sa kanya ang sinapit niya noon. Hindi ko nga lang lubos naisip na magiging ganito kasama ang epekto noon. Ang akala ko ay maayos na siya noon dahil kapag binibisita at kinakausap ko siya, kayo, ay maayos ang mga sinasabi niya. Pero nagkamali ako ng akala…” naiyak pa ang matanda.

“Sa halip na palalimin ko pa ang emotional support sa anak ko at para sa `yo, mas inuna ko pa ang financially. Kung titignan ay malaki ang narating ko pagdating sa aspeto ng pang-pinansyal dahil sa pangingibang bansa ko. Pero napabayaan kita, Rhett. Napabayaan kita pati na rin ng Mommy mo. Pero hindi na ngayon. Ipinapangako kong ngayong alam ko na ang lahat ay magbabago na ang buhay mo. Ako na ang mag-aalaga sa `yo.”

Naging totoo ang sinabi ng kanyang Lola. Ito na ang nag-alaga sa kanya pagkatapos noon. Bumalik na ito sa Pilipinas for good. Naging malaki ang ipon nito bilang manager sa isang multi-national company sa America kaya naman nakapagtayo ito ng sariling business sa Pilipinas. Doon na nito ipinagpatuloy ang buhay kasama siya pati na rin si Mang Chito. Nagpatuloy si Mang Chito bilang trabahador ng bahay nila dahil ito lang at ang Lola niya ang kinakausap niya pagkatapos ng insidente. Malugod namang tinanggap iyon ni Mang Chito.

Ipina-rehab naman ng kanyang Lola ang ina niya. Nalaman kasi nitong hindi lang pala sex ang ginagawa ng magkarelasyon kundi nagpa-pot session rin. Tinanggap naman iyon ng kanyang Mama. Anim na buwan pagkatapos noon ay nakalaya ang kanyang ina mula sa rehab. Naging maayos ang lagay nito pero hindi para kay Rhett. Nagkaroon siya ng trauma sa ina. Kahit anong gawin nitong pakikipaglapit sa kanya ay hindi niya maggawang tanggapin ito. Kaya naman naisipan na lang nang Lola niya na palayuin ito dahil baka mas lalo pa iyong makasama sa kanya. Pumunta ito sa America at doon talaga nagkaroon ng bagong buhay. Ang balita niya ay nakapag-asawa ito roon at naging maayos ang buhay.

Ganoon pa man, nanatiling nakatanim sa puso ni Rhett ang mga ginawang pasakit nito. He became mad after that. Hindi siya naka-recover.

Nang dahil sa mga insidenteng pagkukulong sa kanya sa attic ay nasanay siya sa dilim. Gusto niyang palaging nandoon. Ayaw rin niyang lumabas ng bahay dahil parang naging komportable na lang siya na nasa dilim. Hindi niya gustong makakita ng ibang tao dahil hindi siya sanay sa ganoon. Noong una pa nga siyang lumabas ay talaga namang naging grabe ang pangangatal niya. Pakiramdam niya ay hindi iyon ang mundo niya.

Pinapinturahan pa nga niya ng maitim na shade ang kuwarto para lalong magmukha iyong kagaya ng sa attic sa bahay nila. Dinala siya ng Lola niya sa ilang psychiatrists pero walang naggawa ang mga ito sa condition niya. Siguro ay dahil ayaw rin ni Rhett na magrespond sa mga sessions niya. Sa tingin niya kasi ay nakakatulong sa kanya ang pagkakulong sa dilim. Doon ay nakakaisip siya ng mga kung anu-anong goth scenes na namalayan na lang niyang sinusulat niya…

Mas nagustuhan niya ang buhay na malayo sa mga tao at madalas na nag-iisa. Hindi na niya ninais pang mabuhay sa isang mundo na maraming tao…

NAPABALIKWAS ng bangon si Rhett nang mapaginipan na naman niya ang tungkol sa kabanatang iyon ng buhay niya na naging malaki ang impact sa paglaki niya. Ang mga insidente sa attic ang naging dahilan kung bakit ginusto niyang ganoon kadilim at nakakatakot ang bahay niya. Iyon kasi ang nagbigay ng daan sa kanya para makapasok sa mundo ng pagsusulat. Kapag nasa dilim siya ay nakakapag-isip siya nang ayos. Nakakapag-imagine rin siya lalo ng mga nakakatakot na eksena at misteryo na siyang nagbibigay ng pera sa kanya ngayon at kasikatan. Kung hindi dahil sa pangyayaring iyon, hindi maabot ni Rhett ang mga nasa kanya na ngayon.

Ganoon pa man, mayroon pa rin palang tao na hindi nakakaintindi sa kanya. Noon ay hindi rin siya maintindihan ng kanyang Lola pero nang pinatunayan niya na dahil sa mga weird na ginagawa ay naging successful siya ay hinayaan na rin siya nito. At the age of fourteen, he have his first book published at isang sikat na publishing company sa America pa iyon nalathala. Magaling siya sa ingles kaya hindi siya nahirapan na isulat iyon kahit Filipino siya. Sa tuwina ay pinipilit pa rin siya nitong magpatingin sa psychiatrist pero hindi na siya nagpumilit pa. Ayaw niyang isipin na may problema siya sa pag-iisip kaya hindi niya pinagpatuloy ang mga sessions. Kung hindi matino ang pag-iisip niya, bakit nagiging hit ang mga libro niya?

Hindi naman niya masisisi si Mira kung bakit siya sinabihan nito nang ganoon. Hindi nito alam ang totoong kuwento niya. Pero masakit pa rin pala kapag may taong nagsasabi sa `yo na may sira ka sa pag-iisip. At ang pinakamasaklap pa ay kapag nararamdaman mo na unti-unti ka ng nahuhulog sa babaeng iyon.

Hindi na kayang itanggi ni Rhett ang nararamdaman niya para kay Mira. Nang makita niya itong umiyak ay talaga namang parang dinudurog ang puso niya. Hindi niya makayang makita na nasa ganoong anyo ito. Kaya naman kahit tinitikis niya ito para mawala ang attraction na nararamdaman ay natalo pa rin siya. Napilitan siyang samahan ito na magsimba para makita na masaya ulit ito. Hindi man niya ipakita rito ay tumataba ang puso niya sa kaalamang napasaya siya nito. Na-spoil nga lang ang moment na iyon dahil sa pagiging madaldal nito. O pagiging palakaibigan, dapat niyang sabihin.

Pero hindi niya muna puwedeng sabihin kay Mira ang lahat. Hindi pa siya lubos na nagtitiwala rito. Natatakot siya. Minsan na siyang nagtiwala at naloko, sa tingin niya. Kahit hindi niya maggawang isantinig at parang na-block sa utak niya ang pangyayaring iyon ay nagkaroon pa rin ng impact kay Rhett ang pangyayaring iyon. Lubos niyang pinagkakatiwalaan ang taong iyon pero pinagtaksilan siya nito. Kahit alam niyang kailangan niyang sabihin ang totoo ay hindi niya maggawa. Para kasing may bahagi ng utak niya na pumipigil roon na kahit anong pilit ni Rhett na alalahanin ay hindi niya maggawa. Basta ang tanging alam lang niya ay isa iyon sa mga taong pinagkakatiwalaan niya nang husto. Hindi naman siya sigurado pero may pakiramdam siya…

May ideya siya kung sino iyon pero kapag naiisip niya ay mabilis na inaalis rin niya iyon. Kung ito ang taong iyon, bakit nanatili pa rin ito sa kanya gayong kahit na-block ang isip niya sa mga nangyari ay may pag-asa pa rin na bumalik iyon? Siguradong matatakot ito kapag bumalik ang alaala niya. Kaya kahit may pakiramdam siya ay hindi rin niya maggawang sabihin ang mga iyon sa pulis. Hindi kapani-paniwala iyon, lalo na ngayong ang tagal na ng pinagsamahan nila at puro kabaitan naman ang ibinibigay nito sa kanya.

Huminga nang malalim si Rhett at napagpasyahang bumangon na. Hindi na dapat niya pinag-aaksayahan pa ng oras ang pag-iisip ng bagay na iyon. Lumabas siya ng kuwarto at pumunta sa video room. Doon ay pinanood niya si Mira. Naka-harap na ito sa computer at mukhang nagtatrabaho na. Hapon na at alam niyang patapos na ito pero kakagising lang niya. Napuyat kasi siya kagabi sa pagsusulat. Tuwing gabi at madaling araw kasi siya nagsusulat. Pero nang i-zoom niya ang camera ay nakita niyang mukhang hindi naman pala. Napansin kasi niya na paulit-ulit itong nagtitipa ng ibang website sa address bar at paulit-ulit rin iyong nade-deny. Napatunayan niya iyon nang bigla-bigla na lang itong kumanta.

“Should I give up or should I just keep chasing pavements? Even if it leads no way…” natatawang parang naiiyak pa si Mira habang binibigkas ang lyrics. Patungkol iyon sa hindi ito makapasok na website. Pagkatapos pa noon ay nagsalita ito.

“I miss you both Mommy and Daddy. I miss you too, Ate Clari and Ate Lora. Sana kahit man lang via internet ay makausap ko kayo pero kahit naka-ilang try na ako, bigo pa rin ako,” malungkot rin ang boses ni Mira.

Napailing-iling si Rhett kapagkuwan ay natigilan. Alam niyang mahirap ang buhay ni Mira sa bahay niya. Ramdam rin niya na nangungulila ito sa pamilya nito. Mukhang mahal na mahal ni Mira ang pamilya…

May na-realize si Rhett pagkatapos noon. Kailangan ba talagang maging malupit siya para lang sa itinatagong identity? Marami na siyang nasasaktan. Marami na siyang napapahirapan dahil sa mga weirdong paraan ng pamumuhay. Hanggang kailan ba niya ikukulong ang mga empleyado niya? Hanggang kailangan ba siya magtatago? Ilang tao pa ba ang pahihirapan niya dahil sa mga naging epekto ng nakaraan niya?

“Rhett, may problema ba?” bumalik ang diwa ni Rhett sa narinig na boses. Si Mang Chito iyon. Nakita yata nito ang sandaling pagkatulala niya. Lumingon siya rito.

“Ha? Wala naman po,” tanggi niya sa matanda.

Tumaas ang isang kilay nito. “Talaga? Nitong mga nakaraan ay ilang beses kitang nahuhuli na nakatulala. Kapag binibisita kita sa video room ay palaging si Mira ang tinitignan mo. Hindi ka dating ganyan sa mga sekretarya mo. Sagutin mo nga ako, may nararamdaman ka ba para kay Mira?”

Dahil matagal ng kilala ni Rhett si Mang Chito ay ito lang ang taong hinahayaan niyang makalapit sa kanya. Pinagkakatiwalaan rin niya ito ng lubos. Pero sa ilang dekada na magkasama sila ay ngayon lang siya nito tinanong nang ganoon. Hindi ito nanghihimasok sa personal na buhay niya.

“Maganda po siya at hindi naman ako ganoon kabato para wala akong maramdaman na kakaiba sa kanya,”

Bahagyang nagdilim ang mukha ni Mang Chito. Pero hindi iyon binigyang pansin ni Rhett. Hindi niya ugaling magkuwento ng mga nararamdaman niya kahit sa isang taong matagal na niyang pinagkakatiwalaan. Nagpaalam na siya sa matanda at dumiretso sa working station niya. Pero sa halip na magsulat ay may inayos siya sa settings ng internet connection ng computer ni Mira. Marunong siya noon dahil isa rin iyon sa mga itinuro sa kanya ng digital company.

Sa ngayon ay susubukan niyang magtiwala. Para kay Mira.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.