Nagtayuan ang mga balahibo ni Alta. Naalala niya ang pangitain niya tungkol kay Kristian. Nakakapangilabot na pangitain. Ito ba ang katumbas ng pangitaing iyon? May totoong mga bampira?
Hindi siya basta-basta naniniwala sa mga nuno sa punso, aswang at mga multo. Para sa kanya ay resulta lamang iyon ng malilikot na imahinasyon ng mga tao. Sa pagkakataong ito ay handa na siyang paniwalaan ang lahat lalo na’t mukhang handang manila ng buhay ang mga lalaking nasa harap nila.
"Homer, tumakas na tayo. Mga bampira sila. Papatayin nila tayo,” aniya at pilit na hinatak ang braso nito. Nauna na siyang tumakbo sa pag-asang susunod sa kanya si Homer. Nararamdaman niya ang pagragasa ng dugo sa ugat niya na parang buhay na buhay dahil sa matinding takot. Kailangan niyang makaligtas at lumayo.
Inubos niya ang lakas sa pagtakbo subalit sa isang iglap ay nasa harapan na niya si Dexter. Muntik pa niya itong mabangga kundi lang nito nahawakan ang balikat niya. "Hindi ka makakatakas, mezzo."
Mezzo. Kanina pa niya iyon narinig. Anong ibig sabihin ng mezzo? Pagkain?
Pilit siyang nanlaban at kumawala dito at tumakbo pabalik kay Homer na walang katinag-tinag sa kinatatayuan. Namatay na ba ito dahil sa takot? Subalit kahit anong palag niya at panlalaban ay hindi man lang natinag si Dexter. kahit na tadyakan niya ang paa nito ay parang matigas pa rin itong estatwa na di man lang pumitlag.
Humalakhak lang si Dexter. “Wala kang kawala. Sa akin ka na.”
“Huwag!” sigaw niya at naramdaman ang dahan-dahang paglapit ng pangil nito sa leeg niya. No. Ayaw niyang mamatay. Ayaw niyang maubos ang dugo niya. Bakit siya nasuot sa sitwasyon na ito? Wala naman siyang ginagawang masama sa kapwa niya. Pilit niyang inunat ang kamay. "Homer, tulungan mo ako."
Pagharap ni Homer ay parang hindi na ito ang Homer na kilala niya. Maputla na rin ang kulay ng balat nito sa liwanag ng buwan. Nagsimulang humaba ang mga daliri nito sa kamay kasabay ng paglabas ng pangil sa magkabilang gilid ng labi nito. Nang iangat nito ang mga mata ay pula na rin ang mata nito. Isa na rin itong bampira.
"Hindeeee!"
“TANGGAPIN mo na lang ang card ko at hayaan mong insurance company ang umayos sa damage ng kotse mo. Tama na ang perang ibinigay ko sa iyo sa ngayon. Okay?”
Nang tumango ang driver ng kotseng nabangga diumano ni Kristian ay saka lang siya bumalik sa kotse niya at pinaharurot iyon sa maluwag na Taft Avenue.
“Napapadalas yata ang gamit mo ng mind control,” komento ni Hideo na nakaupo sa tabi ng driver’s seat habang nakahalukipkip. “That’s not good for your health.”
“I am on a hurry. Nasayang na ang oras ko.”
Hindi mabuti ang mind control sa isang bampira dahil kailangan niya ng matinding lakas para magamit iyon. Kahit ang mga matatandang bampira ay nanghihina kapag sunud-sunod ang gamit niyon. Nakakasira iyon pati sa isip ng kinontrol kapag nasobrahan. He was fine. Hindi naman intense ang kapangyarihang ginamit niya. Just enough to persuade a pesky driver.
“This is your fault. Late ka nang dumating,” paninisi niya dito.
“Late ang flight ko,” paglilinaw nito. “Hindi ko kasalanan kung may bagyo.”
Hideo was a three-hundred year old sanguis. Nabuhay ito noong Edo Period kung saan namamayagpag ang mga samurai sa Japan. Hindi niya alam kung ano ang eksaktong background nito. Ang sabi ay apo ito ng makasaysayang tennyo ng Japan na si Kaguya-hime at ng isang emperador ng Japan noong unang panahon. Subalit lumaki si Hideo na isang assassin na ninja. It suited him because he was the son of the night, a shadow warrior.
He fell in love with a shogun’s daughter. Lihim lang ang pag-iibigan ng mga ito dahil mistulang prinsesa ang babae. Ayaw ni Hideo na maging bampira ang nobya nito. Sa kasamaang-palad ay ipinakasal ang babaeng iyon ng ama nito at namatay ito sa sakit.
Doon sila nagkakapareho. Ayaw din niyang gawing bampira ang kahit na sino. Hindi rin masayang mabuhay habambuhay. Ayaw niyang mawalan ng choice ang mga ito.
"Bakit kailangan natin siyang puntahan? May appointment ka na sa kanya bukas. Sasama naman ako sa iyo,” sabi nito at inunat ang mga kamay. May isang buwang hibernation period si Hideo tuwing tatlong taon. Iyon daw ang panahon nito para makasama ang nobya nito. Pero dahil sa bagong development kay Alta.
Alam niya kung gaano iyon kaimportante sa isang tulad ni Hideo. He had seen so much death in his life. Masyado ring malungkot ang buhay nito dahil bago ito naging kabilang sa mga rojo dalawampung taon na ang nakakaraan ay lagalag ito, walang master, walang pamilya at walang allegiance maliban sa sarili nito. Kailangan daw nito ng isang buwan para patahimikin ang kaluluwa nito.
"That's business,” katwiran niya. “This one is more urgent. Kailangang malaman natin kung mezzo nga siya o hindi. Malakas ang kutob ko na mezzo siya. Nagkaka-rashes siya kapag nae-expose sa araw. Nakita ko iyon mismo kanina.”
"Oo. Pinadalhan mo nga siya ng special sunscreen natin. How sweet,” nakangising sabi nito.
"Huwag ka ngang magulo.”
"You are blushing!" anito at pinakatitigan siya.
Matalim niya itong sinibat ng tingin. "Stop it! Ginagawa ko lang ang misyon ko. Wala na tayong oras. Maaring siya ang magturo sa atin kung nasaan ang itinakda."
Pabalik na sina Enricus at Jermaine mula sa Bali. Nagdesisyon ang mga ito matapos ang pag-uusap nila ni Jermaine sa telepono. Gawan daw niya ng paraan na dalhin sa Valle si Alta. May masama daw na mangyayari dito.
"Alright. Relax. I won’t tease you anymore. Pakiramdam ko kasi lumalambot ka sa Alta Kintanar na 'yan. And it has nothing to do with the prophecy,” ani Hideo.
“Hindi lang ako natutuwa kung paano siyang apihin ni Wanda kanina.”
Alam niya kung anong pakiramdam na mamuhay ng iba sa mga normal na mga tao. Wala pang naiimbentong special sunscreen noon para sa mga batang sanguis gaya nito na nasa estado pa ng tao. Sa mga panahon na gusto niyang maglaro sa initan ng araw ay lagi siyang namumula at nagkaka-rashes. Tinutukso siya ng mga kalaro niya kahit pa nga mas malakas siya sa mga ito. Kaya nakaka-relate siya kay Alta. Ang ibinigay niyang lotion dito ay magandang sunscreen kahit pa sa mga tao na may sensitibong mga balat.
“Ah! The hero.” Tinapik nito ang balikat niya. “Malamang nadagdagan ang fans mo.”
“Hindi ko kailangan ng extra fans. Gusto ko lang matapos na ang problema natin sa mga Umbra na ‘yan at mabawi natin sa kanila ang mezzo na itinakda.”
Parte na marahil ng pagiging pambira niya na malakas ang atraksiyon ng mga kababaihan at maging mga kalalakihan sa kanila. Very few human could resist it. Pero kadalasan ay gulo lang ang dala noon katulad ni Wanda. If only he also had the power to make unwanted people repel him. Mas mapapadali siguro ang buhay niya.
Pagdating niya sa Thrilla Cafe ay may mangilan-ngilan pang customers. Marahil ay galing sa trabaho o kaya ay sa mga kalapit na bar. Tuloy-tuloy siya sa counter. "Good evening!”
Dali-dali naman siyang dinaluhan ng babaeng crew doon. “Good evening, Sir. Welcome to Thrilla Café.”
Pasimple siyang lumingon sa paligid. Umaasang makikita o mararamdaman ang presensiya ni Alta ngunit wala ito. “I am looking for Alta Kintanar,” sabi ng crew na Betchay ang pangalan ayon sa nametag nito.
"Sir, kaalis pa lang po niya. Nagkasalisi po kayo. Sinundo po ni Homer."
Kumunot ang noo niya. "Homer?"
Naalala niya ang isa sa mga atletang ipinakilala sa kanya noong victory party. Matangkad lang siya dito ng dalawa o tatlong pulgada. Mukhang maamo ang mukha nito at parang nasa mid-twenties lang.
"Kaibigan po niyang may gusto sa kanya pero kaibigan lang po talaga ang tingin ni Alta sa kanya,” tuloy-tuloy na kwento ni Betchay at saka siya tinitigang mabuti. “Kayo po ba si Kristian Cordero? Malamang kayo iyon kasi sabi ni Alta nakakatanga daw ang kaguwapuhan ninyo."
"Ako nga." Nakakatangang kaguwapuhan? Gusto niyang tumawa. He was never described that way before. Pero hindi iyon ang oras para magtawanan. Hindi niya gusto ang ideya na di niya naabutan si Alta. Hindi rin niya gusto na kasama nito ang lalaking may gusto dito kahit pa kaibigan lang ang turing nito.
"Kanina pa po niya kayo hinihintay,” sabi nito at pumalatak. “Tama nga siya. Dadating nga kayo ngayon kahit bukas pa naman daw talaga ang usapan ninyo.”