Hindi makapag-concentrate si Alta sa pinag-aaralang libro. Tungkol iyon sa mga kasaysayan ng iba’t ibang ng mga rojo. Kasama iyon sa dapat pag-aralan niya bilang bagong rojo para bigyan din niya ng respeto at maintindihan ang pinagdaanan ng mga naunang sanguis.
Ilang araw na mula nang sabihin niya kay Kristian na mahal niya ito. Halatang iniiwasan siya nito. Hindi naman niya ipinipilit dito ang sarili niya. Okay lang na hindi siya nito mahalin. Ang gusto lang naman niya ay mahalin ito ngunit pati iyon ay ipinagkait nito sa kanya.
“Alta?” magkasalubong ang kilay na untag sa kanya ni Eskaya, ang bunsong anak nina Lupita at Pinunong Kaptan. “May problema ba?”
Ito ang tagapag-ingat ng mahahalagang aklat at datos ng mga angkan. Hindi niya ito madalas makausap dahil mas gusto pa nitong magbasa at magkulong library kaysa makihalubilo sa mga tao o sa mga rojo. Kaya rin sabik sa anak na babae si Lupita dahil di masyadong naglalalabas sa lungga nito si Eskaya.
“Naranasan mo na na bang ma-in love sa isang lalaki? Di lang niya sinabi na ayaw niya sa iyo. Ayaw din niyang ma-in love ka sa kanya. Parang ganoon lang kadali iyon,” aniya at bumuntong-hininga. Hindi talaga niya gusto ang ganoong pakiramdam. Wala siyang karapatan na magmahal ng gusto niyang mahalin.
“Bakit mo pa iniisip ang lalaking iyon? Mahalin mo na lang siya ng tahimik.”
Napayuko siya. “Gusto ko ring ipakita ang pagmamahal ko sa kanya.”
“Hindi ko pa nararanasan ang naranasan mo pero may kilala akong ganyang lalaki. Kung si Kristian ang tinutukoy mo, mahihirapan ka talaga. Masyadong maraming sama ng loob sa buhay ang isang iyon. Ayaw niyang magmahal at natatakot din siyang may magmamahal sa kanya. It is a big responsibility for him. At ayaw niya ng ganoon kalaking responsibilidad.”
“Ano bang nangyari sa kanya at parang ayaw niyang mamahalin siya?”
Wala pa rin siyang alam tungkol sa buhay ni Kristian hanggang ngayon. Mukha naman itong malambing na lalaki. Kahit nga ang mga babaeng nakaka-date nito ay gustong-gusto rin ito dahil generous daw ito. Pero pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa emosyon ay lagi itong umiiwas. He even has the tendency to be vicious.
“Noong tao pa siya, sabihin na nating nakukuha niya ang lahat ng pagmamahal na kailangan niya. Masyado siyang na-spoiled kaya puro sarili lang niya ang naiisip niya. When he became a sanguis that’s when he lost everything. Kung pinahalagahan lang niya ang mga taong iyon, sana daw hindi sila tuluyang nawala. Sinisisi niya ng sarili niya kaya nawala siya. Kaya ayaw na niyang mahalin siya ng iba dahil baka ipahamak lang daw niya.”
“Pero paano ang pamilya ninyo? Mahal ninyo siya.”
Nagkibit-balikat ito at nagbuklat ng libro. “Wala naman siyang magagawa dahil mamahalin pa rin namin siya. Matagal ding panahon bago niya naisip na bumawi sa mga mahal niya sa buhay na nawala sa pamamagitan ng pag-aayos ng buhay niya. Ibig sabihin kailangan ni Kristian ng isang matapang na babaeng magmamahal at magtitiyaga sa kanya.”
Napabuga siya ng hangin. “That’s a big challenge.” Mai-in love lang kasi siya ay doon pa sa rojo na mukhang bugnutin.
“Mag-review ka lang diyan. Masisiraan ka lang ng ulo kung lagi mo siyang iisipin. Kaya mas gusto ko ang libro. Hindi sila komplikado tulad ng mga lalaki.”
Isinubsob na lang niya ang sarili sa pagbabasa ng libro. Nagsisimula na siyang masanay sa bagong buhay niya bilang bampira. Nasasanay na siya sa bagong bilis niya, sa pag-inom ng mga inumin na gawa sa synthetic blood at sa pakikihalubilo sa iba pang bampira. Hindi na siya nagpa-panic kapag may nakikita siyang may nakalabas na pangil o umiinom ng dugo mula sa mga ka-partner ng mga ito. Mas romantic daw kasi iyon kaysa sa pag-inom ng dugo mula sa baso. Ang hindi lang niya kasasanayan ay ang pagiging malayo ng loob ni Kristian sa kanya.
Patapos na siya sa binabasang libro, salamat sa speed reading na nakuha niya sa pagiging bampira, ay kinalabit siya ni Eskaya. “It’s midnight. Ipinapatawag din tayo sa family room nina Nanay at Tatay.”
“Bakit daw?” tanong niya.
“They said it is something really important.”
Nasapo niya ang dibdib sa sobrang kaba. Tungkol kaya saan iyon? Nakita na kaya si Homer? Wala pa rin siyang balita tungkol dito. O baka naman tungkol kay Kristian. Napapansin na ba ng mga ito ang pag-iwas ni Kristian sa kanya? Baka sinabi ni Kristian na siya ang problema.
Nang dumating sila sa family room ay awtomatiko siyang lumingon sa kanan. Nakatayo sa tabi ng glass wall si Kristian at nakatanaw sa bintana. Natigilan siya sa kinatatayuan at hindi inalis ang tingin dito hangga’t di ito lumilingon sa kanya. Nang naramdaman marahil nitong nakatingin siya ay dahan-dahan itong lumingon. Bigla siyang yumuko habang malakas na malakas ang kaba sa dibdib niya at umupo sa bakanteng sofa. Ayaw niyang mahuli siya nitong tinitingnan ito dahil kahit yata sayaran ito ng mga mata niya ay bawal na rin.
Nang muli niyang iangat ang tingin ay saka lang niya napansin na naroon din si Kristoff, ang asawa nitong si Olivia at si Rafflesia na mukhang behaved na behaved nang mga oras na iyon. Isang kiming ngiti at simpleng kamay lang ang ibinigay nito. Hindi nga naman ito pwedeng maging improper lalo na’t nasa ibang bahay na pag-aari ng ibang miyembro ng consejo. Isa pa ay nasermunan ito at si Claude dahil sa pagkalasing niya nang nakaraang party.
“Alta, lumabas na ang blood result mo. Nasa record namin kung saang pamilya ng sanguinare ka nagmula,” sabi ni Pinunong Kaptan.
Sumasal ang kaba sa dibdib niya. “A-Alam na po ninyo kung sino ang pamilya ko?”
“Isa kang de Angelis, Alta,” wika ni Kristoff. “Anak ka ng kapatid kong namatay na si Romeo.” Ibinuka nito ang mga kamay sa kanya. “Pamangkin kita.”
“At pinsan kita,” tili ni Rafflesia at hindi na napigilan pa ang excitement. Tumakbo ito at niyakap siya ng mahigpit. “Yes! May kakampi na ako sa bahay.”
“Si Romeo de Angelis po ang ama ko?” mahina niyang usal at naalala ang notorious na playboy na nakababatang kapatid ni Kristoff de Angelis. Marami daw itong babaeng pinaluha at kasama na doon ang ina niya. Biglang bumugso ang sama ng loob niya sa amang di nakilala subalit pumanaw na ito. Napaiyak na lang siya. Di kasi niya maisusumbat dito ang lahat ng hirap na pinagdaanan niya sa buhay.