Broken Vows Trilogy Chapter 17

SIGURADO ba ako sa ginagawa ko? Bulong ng isang bahagi ng isip ni Maria. Kasalukuyan siyang nasa isang drive-in chapel sa Las Vegas---ang lugar kung saan aksidente siyang naligaw nang maisip nilang gugulin ng mga ka-opisina niya sa Los Angeles ang kanilang isang linggong Christmas Vacation. Maituturing na hindi magandang pangyayari ang maligaw sa isang lugar na hindi ka sanay at una mo pang napuntahan. Pero sa kaso ni Maria, hindi niya maituturing na masamang pangyayari iyon. Dahil sa kawalan niya ng sense of direction, nagtagpo ang mga landas nila ni Cristiano---ang lalaking kasama niya ngayon sa drive-in chapel na iyon. Ang groom niya.

Hawak-hawak ni Cristiano ngayon ang kamay niya. Kagaya nang una niyang makita, hanggang sa magkalapit sila, hindi pa rin ito nakangiti. Pero hindi naman ibig sabihin noon, hindi nito ginusto ang ginagawa. Sa totoo nga lamang ay ito pa ang nagyaya sa kanya para magpakasal ngayong araw. Madalas lang na seryoso ang anyo ng mukha nito.

Ilang araw pa lamang sila na nagkakilala ni Cristiano. Ramdam ni Maria na mali iyon, lalo na at nasa lugar sila na mas kilala na “City of Sins”. Maaaring nagpapadalos-dalos rin ito, siya, na maikasal. Pero malaking bahagi naman ng puso niya ang nagsasabing gusto niya na gawin iyon.

Twenty two years old na ngayon si Maria. Sa tinagal ng pamumuhay niya sa mundo, ngayon lang siya nakaramdam ng kakaiba para sa isang tao at iyon ay kay Cristiano. Gusto niya ito nang una niya pa lamang na makilala ito. Gusto niya ito nang una pa lamang niya itong makita. Pakiramdam niya ay na-love at first sight siya rito. At kahit ilang araw pa lamang sila na nagkakakilala, matinding nakuha at nahulog na ang loob niya rito.

Napakalakas ng epekto sa kanya ni Cristiano. Sa sandaling nakilala niya ito, pakiramdam niya ay ayaw na niyang lubayan pa itong muli. Bonus pa na pakiramdam niya ay ang gaan-gaan ng loob niya dahil kagaya niya, isa rin itong Pilipino na kasalukuyang inaaliw ang sarili sa Las Vegas. Nang dahil rito, ni hindi na nga niya inaliw ang sarili kasama ang mga kaopisina sa lugar nang sumunod na araw na magkita sila ay niyaya siya nitong lumabas. They date, they tour. Hindi naman nagreklamo ang mga kaopisina niya, bagkus ay itinulak pa nga siya mga ito sa lalaki. Iyon ang pangunahing gusto ng mga kaopisina niya bukod sa good time sa Las Vegas---ang makahanap ng lalaki. Pare-pareho kasing single. Wala man sa plano iyon ni Maria ay naging masaya na rin naman siya. Wala siyang plano na magpakasal rin nang ganoon-ganoon lang pero dahil sa matinding nararamdaman niya kay Cristiano, hindi naman ganoon katindi ang pag-aalinlangan niya.

Mahal na niya si Cristiano. At alam niyang ganoon rin ito sa kanya. Sinasabi nito sa kanya. Naniniwala naman siya roon. Hindi naman siya yayain nito na basta-basta magpakasal kung hindi rin ganoon katindi ang nararamdaman nito para sa kanya, hindi ba? After all, kahit ilang araw pa lamang sila na nagkakasama, nakilala na niya ito. Matalino ito. Isa itong matagumpay na tao. Kung isa itong tao na basta-basta na lang gumagawa ng mga desisyon, hindi ito magiging ganoon. Madalas na seryoso ito. Walang bakas ng pagloloko sa guwapong anyo nito.

“With this ring, I, Cristiano Jason, promise to give you, Maria Villanueva, my heart and soul. I will always be with you, through good and bad times. I vow from this day forward, you shall not walk alone. I vow to always be there for you when you need me the most. To you be the only woman in my life from now on. To love and to cherish, from this day forward, in this world and the next...” naramdaman niya ang kaseryosohan sa tinig ni Cristiano. Isinuot nito ang singsing sa daliri niya.

May pag-aalinlangan na biglang naramdaman si Maria. Muntik na siyang mapalunok at maipahalata kay Cristiano at sa pari na nasa harap nila ang nararamdaman. Pero pinilit na inalis ni Maria ang mga iyon. Matindi ang pagkagusto niya kay Cristiano. Mahal na niya ito. At kapag nagmamahal, dapat ay nagtitiwala.

Isa sa mga gusto ni Maria ngayon ay ang magkaroon siya ng kinakasama sa buhay. Ilang taon na rin siyang parang namumuhay na mag-isa. Wala siyang pamilya na maituturing dahil tatlong taon na ang nakakaraan nang sabay na mamatay sa isang car accident ang kanyang mga magulang. Simula noon ay mag-isa na lang siya sa buhay dahil parehong solo na anak ang kanyang mga magulang. Kung may mga kamag-anak man sila ay nasa malayong lugar ang mga iyon at hindi siya malapit mga ito. Gusto niya ng isang tao na maituturing na pamilya...kahit isa lang sa ngayon dahil alam niyang hindi pa rin naman niya kayang mag-handle ng isang pamilya. Napakabata pa niya. Sadyang napakatindi lang ng nararamdaman niya para kay Cristiano ngayon at hindi niya matanggihan ito. Hindi na niya gustong mawala ito sa kanya at masisigurado lang niya iyon kapag nakasal na siya rito.

Gusto rin ni Maria maniwala sa mga sinabi nito. Natupad ang kagustuhan niya sa vow sa kanya ni Cristiano. Iyon ang eksaktong gusto niyang mangyari. Ang manatili ito palagi sa tabi niya. Ang nandoon ito sa mga panahong kailangang-kailangan niya. Kagaya ng mga magulang niyang lumisan na sa mundo ngayon. Nangungulila siya sa isang tao na matatawag niyang isang pamilya.

Kinuha ni Maria ang singsing at hinawakan ang daliri ni Cristiano. Nilabanan niya ang lahat ng takot at pag-aalinlangan. Inisip niya kung gaano kasaya ang ilang araw na pagkakalapit nila ni Cristiano at ang nararamdaman na mas sasaya pa iyon sa mga susunod na araw. Inisip rin niya ang masarap na pakiramdam na tanging naramdaman lang niya sa piling ng lalaki. Napangiti si Maria at sinimulan na sabihin ang wedding vow niya.

“With this ring, I, Maria Villanueva, commit myself to you, Cristiano Jason to be your wife for all time. I will love you faithfully, through the difficult and the worst. My heart, my body and soul, I will only share with you and will always be with you till the day that I die. I vow to walk in this life with only beside you. For always. For forever...” pagkatapos noon ay isinuot na ni Maria ang singsing.

Hindi nakaligtas kay Maria ang pagngiwi ng lalaking nagkasal sa kanila. Ang mga taong estranghero para sa kanila na naimbitahan nila para maging witness sa kasal ay naramdaman niya na parang tumatawa. Malaki ang ngiti sa mga labi nito, tila nakakaloko. Nagtaka si Maria. Kaya ba ganoon ang mga ito dahil parang napakaseryoso yata ng mga sinabi nila ni Cristiano sa isa’t isa? Sa halip na sundin ang tradisyonal na wedding vows ng simbahan, gumawa pa sila ng medyo kakaiba kaysa sa mga iyon.

Ilang beses na siyang nakapanood ng pelikula tungkol sa Las Vegas. Ilan sa mga paborito niya ay ang “What Happened in Vegas” at “The Hangover”. Sa mga pelikula na iyon ay na-feature ang impulsive na pagpapakasal ng dalawang tao sa lugar rin na iyon. Kalokohan rin daw ang magpakasal sa Las Vegas. Madalas ay puro walang seryoso sa mga taong nagpapakasal doon at nadadala lamang sa matinding damdamin at sa huli ay nakakapag-divorce rin. Isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit mataas ang divorce rate sa lugar.

Tinignan niya si Cristiano. Kagaya rin ba ng sa mga pelikula ang kasal nila? Hindi pa nila lubusang kilala ang isa’t isa. Masyado lang ba talaga silang nagpadala sa isa’t isa? Naglolokohan ba sila? Lolokohin rin ba siya ni Cristiano? Pero wala naman siyang kalokohan na nakikita sa mga mata nito hindi kagaya ng mga tao sa paligid. Hindi dapat matakot si Maria. Hindi man nila masyadong kilala pa ang isa’t isa, marami pang oras para gawin nila iyon lalo na ngayong kasal na sila.

Tama ang desisyon ni Maria. Mahal niya si Cristiano. Walang mali kapag nagmamahal ang isang tao.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.