Broken Vows Trilogy Chapter 24

NAKAUGALIAN na ni Cristiano na tuwing kaarawan niya ay ginugugol niya iyon sa isang children’s orphanage. Isa ang children’s orphanage na iyon sa tinutulungan ng Jason Shipping. Ilang beses rin siyang nakasama kapag may mga activities kagaya na lang ng feeding program ang kompanya. Gusto niya ang mga bata roon. Nagustuhan niya ang pakiramdam kapag naroroon siya. Dahil rin doon, nangarap siya na magkaroon rin ng malaking pamilya. Gusto niya ang pakiramdam na napapalibutan ng mga bata.

Pero ngayong taon, nakaramdam si Cristiano ng kamalian sa ginawang celebration. Nakikita man niya na masaya si Santo na makipaglaro sa mga bata roon na nagiging kalaro nito kapag dinadala niya ito roon minsan, kaiba naman iyon kay Maria. Tumutulong ito kagaya ng ginagawa niya pero mapapansin na parang wala ito sa sarili. Ngumingiti naman ito pero hindi iyon umaabot sa tainga nito.

Pero hindi na sinubukan na tanungin ni Cristiano si Maria kung bakit ganoon ang iginagawi nito. Lately ay napapansin niya na ganoon ito. Tinanong na naman niya ito kung bakit pero sa tuwina ay sinasabi nito na madalas lang daw kasi nitong naiisip ang farm. Nami-miss daw nito ang buhay roon. Madalas man daw na dinadalaw nila iyon ay iba pa rin ang nakatira roon. Pero naiintindihan naman daw siya nito kaya pinipilit nito na maging maayos. Nasa adjustment stage pa rin siguro ito. Ganoon rin ang iniisip ni Cristiano. Hindi man niya gustong makita na nalulungkot si Maria, hindi rin naman niya makakaya na mawala ito sa tabi niya. Malaki ang responsibilidad niya sa Jason Shipping.

Pagkatapos ng activities na isinagawa sa children’s orphanage, naisipan ni Cristiano na i-celebrate ang mga huling oras ng kaarawan niya sa farm. Masaya siya pero gusto niyang maging masaya rin ang asawa. Dahil na rin sa mga iginagawi nito sa mga nakaraang araw, naisip niya na ang pagbalik nito sa farm ay ang makakapagpasaya rito. Gabi na nang makarating sila sa farm at nakatulog na rin si Santo sa biyahe. Nang mailagay nila ito sa kuwarto ay kinausap niya si Maria. Nagtungo sila taas na terrace ng villa upang matanaw ang malaking parte ng farm.

Niyakap ni Cristiano sa likod si Maria habang ito ay tinitignan iyon. “Masaya ka ba?”

“Its your birthday.” Wika nito sa hindi niya nagustuhang tinig. Para bang napipilitan lang ito.

Tumaas ang isang kilay niya. “Iyon lang ang dahilan? Hindi ka ba masaya na dinala kita rito sa farm? Ang sabi mo ay nami-miss mo ang farm...”

Napakagat labi si Maria. “G-gabi naman. Hindi ko masyadong makita ang kabubuuan...”

Tinignan ni Cristiano nang mataman si Maria. Naramdaman niya ang pag-aalinlangan nito. Kung nami-miss talaga nito ang farm, masaya na dapat ito sa presensiya noon. Pero hindi ganoon ang nakikita niya kay Maria. “May iba pang dahilan ng kakaibang ikinikilos mo ng mga nakaraang araw. Tama ako `di ba?”

Hindi nagsalita si Maria, dahilan lang para magduda si Cristiano. “Anong totoong problema?” untag niya rito.

Tinitigan lang ni Maria si Cristiano. Mababakas ang sakit sa mukha nito. Biglang kinabahan ito. “Sabihin mo sa akin kung ano. Tungkol ba ito sa akin? Sa relasyon natin? Hindi ka na ba nagiging masaya?”

“S-si Jewel...”

Kumunot ang noo nito. “Si Jewel? Anong mayroon kay Jewel? Sinigurado ko na naman sa `yo na wala ang nangyari sa amin `di ba? Wala na kami. Ang lahat ng nangyari sa amin ay wala lang. Isang bagay na hindi mo na dapat ininiintindi.”

“Nakausap ko siya. Sinabi niya sa akin na magkaibigan pa rin kayo. Sinabi rin niya sa akin na sinabi mo sa kanya ang kalagayan ko! Siya ang nagsabi kay Santo na hindi na siya magkakaroon ng kapatid dahil wala na akong kakayahan...”

Natulala si Cristiano sa narinig. Nakita niya ang kalungkutan sa anak sa mga nakaraang araw at inamin na nito iyon sa kanya kung bakit. Nalaman na nito ang masakit na katotohanan na hindi na maaaring magkaanak ang ina nito. Pero hindi niya alam na hindi pala si Maria ang nagsabi rito ng lahat. Hindi niya inisip na maaaring iyon ang problema kay Maria dahil na rin sa iba ang sinasabing dahilan nito sa kanya. Nalulungkot man si Santo pero iniisip niya na parte talaga iyon ng sitwasyon. Hindi naman ito nagtatampo kaya naisip niya na hindi naman makakaapekto iyon sa lahat. Pinipilit rin naman niya na ipaintindi rito ang lahat.

“Hindi kita maintindihan. Wala akong sinasabi kay Jewel. Hindi ko sinasabi kahit kanino ang tungkol sa kalagayan mo.”

“Pero si Jewel mismo ang nagsabi sa akin. Nakita namin siya ni Santo sa mall. Naniniwala ako sa kanya. Ikaw lang naman bukod kay Aling Rosita ang may alam ng lahat.”

Nasaktan si Cristiano. Bakit hindi siya pinaniniwalaan nito? “Sa tingin mo ay ganoon ako ka-insensitive para sabihin na lang iyon sa iba?” natutop ni Cristiano ang noo. “Kahit sa mga kapatid ko ay hindi ko sinasabi ang tungkol roon! Ayaw kong maisip nila na may mali sa `yo. Ayaw kong isipin ng iba na may mali sa perpektong tao para sa buhay ko. Pero iba ang inisip mo. Iyon ba ang dahilan kung bakit kakaiba ang ikinikilos mo sa mga nakaraang araw? Dahil iniisip mo iyon?”

May tumulo ng luha sa mata ni Maria. “Napakasakit para sa akin na tanggapin ang lahat. I feel insecure. Nalulungkot ako. Hindi ko maibibigay kay Santo ang gusto niya. Sa `yo rin---“

“Pero sinigurado ko na sa `yo na maayos lang para sa akin ang lahat. Napag-usapan na natin ang tungkol rito.”

“Kung pipili ka ng ibang babae ay magkakaroon ka pa ng pagkakataon na matupad ang pangarap mo. Maibibigay mo kay Santo ang gusto niya at---“

Itinaas ni Cristiano ang kamay para patigilin si Maria sa pagsasalita nito. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito. “Masakit para sa akin na malaman ang katotohanan tungkol sa iyo. Gusto ko rin na maibigay kay Santo ang gusto niya. Gusto ko rin na magkaroon pa ng mga anak. Pero kung hindi lang din naman ikaw ang babaeng magbibigay sa akin noon, hindi bale na lang. Mahal kita, Maria. Alam mo iyon. Paano mo naisip ang mga ganoong bagay? Pinipilit ko na naman na iparamdam sa `yo ang mga bagay na `yan `di ba? Pero bakit kulang pa rin? Hindi ka ba nagtitiwala sa akin? Ramdam ko naman na mahal mo na rin ako...pero bakit ganito?”

Tuluyan nang napaiyak si Maria. Hindi ito nagsalita. Nanghina si Cristiano sa nakita. Gusto niyang kalmahin si Maria pero kahit siya ay hindi maggawang kalmahin ang sarili. Nasasaktan rin siya.

“Ang dati...hindi lang yata iyon tungkol sa pagkakaroon mo ng depression...”

“Cristiano...”

Mapait na ngumiti si Cristiano. “Sinabi mo sa akin noong gabi na unang may nangyari sa atin ulit na pinagkakatiwalaan mo ako. Na alam mo na hindi kita sasaktan. O nasabi mo lang iyon dahil nadala ka sa sitwasyon?” umiling-iling si Cristiano. “Whatever it is, iisa lang ang bottom line. Hindi mo ako pinagkakatiwalaan. Hindi mo talaga ako pinagkakatiwalaan.”

Nanatiling nakatitig lang sa kanya ang umiyak na si Maria. Naghalo-halo ang emosyon sa dibdib ni Cristiano at lalo lang siyang nahihirapan na mag-isip na umiiyak ito sa harap niya. Tumalikod siya rito at nagsimulang maglakad palayo. Kailangan niyang umalis. Kailangan niyang mag-isip. Kailangan niyang gumawa ng desisyon sa relasyon nila ni Maria na tanging siya lang yata ang may gusto.

TANGHALI na nang maggising si Maria. Hindi na rin niya pinagtakahan iyon dahil na rin sa mga nangyari kagabi. Magdamag yata siyang umiyak. Hindi niya nagustuhan na nag-away sila ni Cristiano. Lalo na at dahil alam niyang sa kanya kaya nangyari iyon.

Ilang araw na ang nakalilipas simula nang magkita sila ni Jewel at malaman ni Santo ang totoo. Nasasaktan pa rin siya, lalo na at ramdam niyang kahit hindi naman nagtatampo sa kanya si Santo ay mababakas ang lungkot sa mukha nito. Nai-insecure siya. Pero ayaw sana niyang ipahalata iyon kay Cristiano. Dahil sa nangyari sa pagitan nila ni Jewel, nakaramdam siya ng maraming takot sa katawan. Hindi niya gustong isipin na hindi niya pinagkakatiwalaan si Cristiano, pero nang malaman kay Jewel ang sensitive topic na ibinigay ni Cristiano rito, pakiramdam niya ay nabawasan iyon.

Pero pinilit isipin at intindihin naman iyon ni Maria. Pinipilit niya na maging maayos, na hindi awayin si Cristiano sa mga nakalipas na araw dahil sa kanilang dalawa, tanggap niya na may mali siya. Sinubukan niya na pakitunguhan pa rin si Cristiano pagkatapos ng lahat. Mahal niya ito at kahit nagdadamdam siya, alam niya na kahit papaano, may pagkakamali rin siya. May kulang sa kanya. Pero mahirap pala talaga ang mga may itinatago. Hindi niya maggawang maging normal. At sumabog ang lahat kagabi...

Hindi nagustuhan ni Maria ang naramdaman niya noong umaga pa lang. Masaya naman siya na birthday ni Cristiano pero ang klase ng pag-celebrate nito sa isang bahay ampunan? Ang parang pagpapakita nito sa kanya na masaya ito sa kompanya ng mga bata? Nakadagdag lamang iyon sa insecurity niya. Gulong-gulo ang isip niya. At sa tingin niya, nakadagdag rin iyon sa mga nangyari sa pagitan nila kagabi.

Gusto niyang maibigay sa mag-ama niya ang gusto ng mga ito. Nalulungkot at nai-insecure siya na hindi niya magagawa ang mga iyon. Hindi niya gustong isipin na may problema sa kanya.

Alam naman ni Maria na hindi dapat ganoon ang ginagawa niya. May mali na nga sa kanya at iyon, nag-iinarte pa siya. Pero masyado siyang kinakain ng lungkot, ng insecurities niya upang kumalma na lamang. Nahihirapan siyang tanggapin ang sitwasyon niya.

Alam rin ni Maria na dahil sa mga kamalian, kailangan na siya ang gumawa ng unang hakbang. Nasaktan niya si Cristiano kagabi. Ramdam na ramdam niya iyon lalo na at hindi ito natulog sa kuwartong tinutulugan nila. Pero masyado pa rin na magulo ang isip ni Maria. Kailangan rin niya ng space para makilala ang kanyang mga pagkakamali.

Nabulag siya masyado sa narinig kay Jewel. Nabawasan ang tiwala niya kay Cristiano dahil iniisip niya na sinabi talaga nito iyon sa dalaga. Inamin man sa kanya ni Cristiano ang lahat sa kanya kagabi, mahirap pa rin maniwala. Si Cristiano lang ang may alam ng sitwasyon niya. Iyon pa rin ang naiisip niya. Ngunit sa pagdaan ng mga gabi, naisip niya na kailangan rin niya na mag-imbestiga. Kailangan niyang makinig sa dalawang panig at malaman ang totoo. Pero ngayong nakapag-isip na siya, sa tingin niya ay hindi na dapat siya makinig kay Jewel.

Kay Cristiano siya dapat makinig. Gusto niya ito. Mahal niya ito. Samantalang si Jewel...sino ba ito sa buhay niya? Sa una pa lang naman ay inis na siya rito `di ba? Dapat ay naisip na niya na hindi dapat siya nagtitiwala sa mga kagaya nito. Paano kung isa lang ito sa mga ex na hindi maka-move on at gustong sirain ang kasalukuyang relasyon ng dating ka-affair nito? Malamang ay ganoon nga si Jewel.

Napagtanto na ni Maria ngayon ang lahat. Ngunit nang maggising siya ay nakarinig siya nang masamang balita kay Aling Rosita.

“Naku Ma’am, umalis po sina Sir Cristiano at Santo kanina. Ang sabi po ay mamasyal lang daw sila. Hindi ko lang po alam kung saan. Hindi po nagsabi, eh.”

Nanlumo si Maria. Naramdaman na niya kung bakit umalis si Cristiano. Iniiwasan siya nito. Paniguradong galit at nagtatampo ito sa kanya. Isinama pa nito si Santo kaya lalo lang siyang nalungkot. Umalis ang mag-ama niya at naiwan siya. Hindi siya sanay na ganoon. Hindi umaalis ang mag-ama niya na hindi siya kasama. Madalas ay namamasyal sila na isang buong pamilya. Pero ngayon...

Napapikit si Maria. Kagaya ba ng dati ay masisira muli iyon? Ayaw na niyang isipin. Ang mga nakalipas na buwan na kasama niya sina Cristiano at Santo sa iisang bahay, na isa silang kompletong pamilya ay ang pinakamasayang mga buwan sa buhay niya. Pero kagaya ng dati, maaaring nasira na naman niya iyon. Inis na inis si Maria sa sarili. Hindi na niya gustong mangyari muli iyon. Hindi na niya papayagan.

Sinubukang tawagan ni Maria si Cristiano. Gusto niyang kausapin ito. Kailangan niyang mag-reach out rito. Pero lalo lang siyang nanlumo nang hindi nito sinasagot ang telepono. Hindi na siya tumawag muli. Inisip niya na babalik rin naman siguro ito mamaya. Mas maganda rin na personal sila na magkausap.

Dumating ang hapon ay hindi pa rin bumabalik sina Cristiano at Santo. Nag-umpisa nang mag-alala si Maria ngunit pinili niya na kumalma. Ayaw na rin niyang mag-isip nang masama. Sa mga nakaraang araw ay ganoon ang ginawa niya at saan siya dinala noon? Nag-away lang sila ni Cristiano. Pinasama lang lalo noon ang sitwasyon.

Bandang mag-a-alas singko ng hapon ay dumating ang driver ni Cristiano. Inabisuhan siya nito na magbihis. Pinapasunod daw siya nito kung saan naroroon ang kanyang mag-ama. Nagsuot si Maria ng simpleng dress bago sumama sa driver. Dinala siya nito sa isang sikat na resort sa Batangas rin.

“Pumasok na lang po kayo, Ma’am. Paniguradong makikita niyo naman po agad sila,” malaki ang ngiti na sabi sa kanya ng driver.

Kumunot ang noo ni Maria. Sa totoo lang ay kanina pa siya nagtataka. Bakit sa resort siya dinala ng driver? Gusto bang mag-swimming ng dalawa? Pero may swimming pool naman sa farm. Bakit kailangan pa nilang dumayo roon?

Ngunit nasagot ang mga tanong ni Maria nang makitang kakaiba ang ayos ng resort. Puro pula, pink at puti ang nakikita niya sa paligid. Parang inayos iyon para sa isang romantic na okasyon.

Sinalubong siya ni Santo nang makita siya nito. Namilog ang kanyang mga mata nang makitang nakaayos ito. Nakasuot ito ng long-sleeve polo at pants. Pormal na pormal para sae dad nito. Binigyan siya nito nang isang bouquet ng bulaklak.

“I love you so much, Mommy!” biglang sabi nito at niyakap na lang siya sa paanan niya. Pakiramdam ni Maria ay nanlambot siya. Na-miss niya ang ganoong sigla ni Santo. Iba na ang nakikita niya ngayon sa mata nito.

Bumaba si Maria para mayakap naman niya ang anak. Hinalikan pa niya ang bumbunan nito. “I love you so much, too, Santo. Sana ay naiintindihan mo na ang lahat,”

Tumango si Santo. “Opo, Mommy. Okay na po sa akin. Nandiyan pa rin naman po si Jaysen. Puwede ko po siya ituring na kapatid at ang kanyang magiging kapatid. Naiintindihan ko na po. Ang mahalaga po ay pareho na kayo na nasa tabi ko kayo ni Daddy.”

Maluha-luha si Maria sa narinig sa anak. “At magkakaroon ka pa ng maraming-maraming kaibigan. Hahayaan ka na namin ng Daddy mo na makipag-play sa iba. Kagaya noong mga kaklase mo sa school. Kapag naging malapit kayo sa isa’t isa, you can treat them as your siblings, too.”

“Right po, Mommy.” Nakangiting wika ni Santo. Hinawakan nito ang kamay niya, kapagkuwan ay hinila siya palapit sa naglalakad na rin na si Cristiano. Hindi niya inaasahan na kagaya ni Santo, malaki rin ang ngiti nito sa kanya. Para bang walang nangyaring masama sa pagitan nila kagabi. Kagaya ni Santo, nakabihis rin si Cristiano. Bagay rito ang pormal na suot nitong long-sleeve polo at black na pantalon. He looked dashing. Inabutan rin siya nito ng bouquet ng bulaklak. It was white roses.

“For last night,”

Naguluhan si Maria. “Peace offering? Ako ang may kasalanan ng lahat---“

“No. May kasalanan rin ako. Pero bago natin pag-usapan `yan, let me take you to the table,” ibinigay nito ang braso sa kanya para kapitan. Kumapit naman siya roon pero biglang nag-alinlangan nang maalala si Santo. Tanaw ang table na sinasabi ni Cristiano sa kinaroroonan nila ngayon kaya alam niyang pandalawahan iyon. Nasa tabi lang iyon ng swimming pool at kagaya ng lugar ay maganda rin na nakaayos. “S-si Santo? Sasama ba siya sa atin na mag-dinner?”

Sumagot si Santo. Umiling ito. “I’ll be with my Yaya’s Mommy. You just enjoy the date with Daddy,” kumindat pa ito sa kanya pagkatapos ay tumatakbong umalis sa harapan nila.

Naiwan silang dalawa ni Cristiano. Hindi pa rin siya makapaniwala. Pagkatapos ng lahat, naggawa pa nito iyon sa kanya. Ito pa ang nag-reach out sa kanya. Hindi niya inaasahan ang lahat.

“Thank you,” wika niya kay Cristiano nang makaupo sila. “Thank you for everything,”

“Mamaya na `yan. Let’s just enjoy what we have right now. Nagugutom na rin kasi ako,” wika ni Cristiano. May mga pagkain na sa lamesa kaya naman naging madali lang para rito ang makakuha.

Bahagya naman natawa si Maria sa ikinilos nito. “Mukhang gutom na gutom ka nga talaga, ah. Hard day? Ano ba kasing nangyari ngayong araw?” wika naman niya pero nagsimula na rin na kumain. Nag-usap sila ni Cristiano habang kumakain.

“Mahirap magplano ng ganito sa isang araw lamang.”

“Alam mo na hindi mo na kailangang gawin ito. Ako ang may kasalanan sa lahat. Hindi ako nagtiwala sa `yo. Nagduda ako.”

“And yet, I still feel I have a problem, too. Hindi ko tinanong kung anong nararamdaman mo. Hindi ako masyadong nag-effort na maramdaman mo na mahal kita. Pakiramdam ko ay kulang pa. Dahil kung sapat iyon, hindi mo na dapat nararamdaman ang ganito...”

Napakurap si Maria. “H-hindi. Ako talaga ang may problema. Hindi mo dapat sinisisi ang sarili mo. Nabulag ako sa mga insecurities. Mas pinanaig ko iyon kaysa sa nararamdaman ko para sa `yo. Hindi ako nagtiwala.”

“Okay, fine. Kung gusto mo na ipagpilitan na ganoon, ayaw ko ng makipagtalo pa. Hindi ko gusto na magtalo pa tayo, Maria. Kaya ko nga ginagawa ito. Kahit hindi naman talaga ako ang masasabi na may kasalanan ng pagtatalo natin, gusto ka pa rin na mag-reach out dahil ayaw ko na nagtatalo tayo. Hindi ko rin gusto na nasasaktan ka.”

Tumaba ang puso ni Maria sa narinig. Gusto rin niyang maiyak. Na-touch siya. Gagawin iyon ni Cristiano para sa kanya? Alam niya na hindi iyon nararapat pero masaya siya. Doon niya lubos na nakikita kung gaano nito kagusto na umayos talaga ang relasyon nila. Mas naging secure siya lalo sa pagmamahal nito.

“A-at dahil doon...kinausap mo rin si Santo. Ikaw ang nagpaliwanag sa kanya ng lahat, tama ako `di ba?” hindi niya pinangarap na magiging ganoon kadali ang lahat, lalo na ang tungkol sa anak. Dahil sa edad nito, tanggap niya na magiging mahirap para rito na intindihin ang lahat ng iyon.

Tumango si Cristiano.

“Paano mo naggawa?”

Nagkibit-balikat si Cristiano. “Hindi naman naging mahirap. Pinapili ko lang siya kung ano ang mahalaga para sa kanya: Ang magkakasama tayong tatlo sa iisang bahay o ang magkahiwalay pero may kapatid siya. Pinili niya ang una. Kagaya ko, hindi rin niya maaatim ang pangalawang option. Hindi niya kayang mawala ka sa buhay niya. Nagpapatunay lang noon na sa kabila ng lahat, mahal na mahal ka niya, Maria.”

“At ganoon ka rin sa akin...” pakiramdam ni Maria ay malapit na talaga siyang maiyak. Gusto niyang yakapin si Cristiano. Pinasaya siya nito nang husto sa ginawa nito.

Tumango ito. “At hindi ka na rin nagdududa sa akin ngayon? Nagtitiwala ka na sa akin?”

Tumango siya. “Ang dahilan kaya hindi ko rin ginawang mag-reach out kagabi. Kailangan ko na mag-isip para sa sarili ko. At napagtanto ko na hindi dapat talaga kita pinagdudahan. I should have comfront and believe you.”

Ngumiti si Cristiano. “Mabuti kung ganoon. Dahil may paliwanag na rin ako sa mga inakusa mo sa akin.”

“Hindi na kailangan. Dapat ay alam ko na isa lang si Jewel sa mga kontrabida sa buhay natin at gustong sirain ang---“

“Nalaman niya iyon ng birthday party ni Santo. Remember, she came with Alekos? Apparently, sinundan niya ako at narinig ang pag-uusap natin. Pinalabas niya lamang na nalaman niya sa akin upang mabawasan ang tiwala mo sa akin. Hindi pa rin siya nakaka-moved on sa lahat. She’s a spoiled brat. Ayaw niya ng natatalo at nasaktan rin daw siya nang hiwalayan ko siya kaya naggawa niya iyon bilang ganti.” Putol na pagsagot rin naman ni Cristiano na paliwanag nito sa lahat. “Kinausap ko siya at nag-demand na sabihin kung paano niya nalaman iyon. Isang misteryo rin sa akin ang lahat.”

“At talagang inalam mo kung bakit...”

“Dahil kailangan na matahimik at maging malinaw ng lahat. Kailangan na maging maayos ang lahat. Kailangan ko na maging masaya at wala ng sakit o ano man na tampo ka na nararamdaman, Maria. Mahal kita at dahil mahal kita, kailangan kong makilala ka. Kailangan ko rin na tanggapin ang lahat ng takot at insecurities mo at ang pinakadapat kong gawin ay ang malaman na ang isa sa mga pagganap ko sa buhay mo ay ang maintindihan at i-comfort ka.”

Tumayo si Maria. Lumapit siya kay Cristiano. Hindi na niya mapigilan ang sarili na yakapin ito. Tumayo rin naman ito at sinalubong siya. Niyakap rin siya ni Cristiano. “I love you, Cristiano. At maraming salamat sa mga ginawa mo sa akin, sa pag-intindi, sa pagmamahal at lalong-lalo na sa pagpaparamdam mo noon sa akin.”

“Ginusto ko ito. Hindi mo na kailangan na magpasalamat. Hindi mo na rin kailangang magtanong pa kung paano makakabawi o kung karapat-dapat ba ang pagmamahal na ito sa `yo. Dahil pare-pareho lang tayo na nagkamali. Mas gusto kong sisihin ang sarili ko sa unang nangyari sa relasyon natin. I acted really like an ass and I lose you because of that. Nangako ako sa `yo pero hindi ko naggawang tuparin ang mga iyon. Hindi ko naggawahang hawakan ang pressure. Hindi ko naggawang balansehin ang buhay at nahirapan akong mag-adjust. Ngayon, nagkamali ka rin pero lahat naman iyon ay may paliwanag. Hindi kita masisisi na nagiging insecure at natatakot ka. Naging napakasakit ng kalagayan mo at mahirap na tanggapin iyon lalo na sa paulit-ulit na pag-demand ni Santo sa `yo. But always just remember that I’m here. I’m always be here. Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa `yo. Hindi ko na hahayaan na maging malungkot at nasasaktan ka muli. At ang tanging gusto ko lang naman na gawin mo para tuluyan na maisakatuparan iyon ay ang mahalin at pagkatiwalaan mo ako. Umaasa ako na magagawa mo na `di ba?”

“Ginagawa ko na ngayon at ipinapangako ko na gagawin ko pang-habang buhay.”

Hinaplos ni Cristiano ang pisngi niya. “Pangako?”

“Pangako.”

“Mahal kita, Maria. Mahirap man na paniwalaan dahil napakadali ng lahat sa pagitan natin pero mahal kita noong una pa lamang. Noon lang ako nagkaroon ng urge na makasama ang isang babae kahit hindi ko naman siya ganoong kakilala. At kahit nagkasira man tayo, kahit nasaktan mo ako sa pakikipaghiwalay mo sa akin, hindi pa rin iyon nawawala sa akin. Nagkaroon man ng ibang babae pagkatapos ng paghihiwalay, wala pa rin akong ginusto na mahalin at mapalapit nang husto kung hindi ikaw. Its always been you, Maria...”

“Ay ganoon rin ako. Aaminin ko na maraming lalaki ang nagtangka sa akin pagkatapos ng paghihiwalay natin pero wala akong ni isa na pinatulan. Dahil gusto ko na kung magkakaroon man muli ako ng karelasyon, iyong mararamdaman ko rin ang kaparehas na emosyon na naramdaman ko sa `yo. Pero mali ako na inisip na hanapin pa iyon at mag-isip na may magpaparamdam sa akin muli noong iba. Dahil tanging ikaw lamang, Cristiano Jason, ang makakapagparamdam noon sa akin.”

Hinalikan siya ni Cristiano. Doon niya lalong naramdaman ang pagmamahal at romance sa paligid. Kahit alam niyang wala namang literal na fireworks, pakiramdam niya ay nagkaroon dahil sa ginawa nito sa kanya. Naging matagal rin ang halik sa pagitan nila at mabilis na pinag-init noon ang kani-kanilang katawan. Nang bitawan siya ni Cristiano ay humihingal na silang dalawa.

“Ah, I just can’t wait for the desserts to be served,” nakangiting wika nito.

“Aba at mukhang naghahanap ka pa ng ibang matamis, ah. Hindi pa ba sapat sa `yo ang labi ko?” ngiti-ngiting wika naman ni Maria.

Bahagyang natawa si Cristiano. “Your lips is as soft as marshmallows, tasted like strawberries and as addicting as drugs. Pero malalaman mo rin kung bakit hindi pa rin sapat iyon para sa akin ngayon.”

Tumaas ang isang kilay ni Maria. Gusto niyang magtanong kung bakit pero as if on cue ay dumating naman ang sinasabi ni Cristiano. Nang makita ang sinasabing desserts, nasagot na agad ni Maria ang katanungan. May singsing sa taas ng cake na dinala roon.

Doon na tuluyan na napaluha si Maria. Umaapaw ang kasiyahan na nararamdaman niya. Sa tingin niya ay anumang oras ay sasabog na ang puso niya lalo na nang lumuhod si Cristiano sa harapan niya.

“Will you be Mrs. Cristiano Jason again?”

“Pagkatapos ng lahat ng napag-usapan natin ngayon, malamang ay alam mo na ang sagot...” wika ni Maria at ibinigay kay Cristiano ang kamay niya. Nakangiting isinuot naman ng dating asawa at magiging

Perpektong bumagay ang singsing sa daliri ni Maria. Kagaya na lang ng pagbagay ni Cristiano sa buhay niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.