Broken Vows Trilogy Chapter 28

Six Years Later

BORING. Iyon ang nasa isip ni Alekos nang mag-isa siyang dumalo sa kasal ng isa sa mga naging kaibigan niya sa negosyo. Hindi niya sana gustong dumalo sa mga ganoon, lalo na at allergic siya sa mga ganoong klaseng okasyon pero dahil hindi naman niya gustong tanggihan ang paanyaya nang kaibigan dahil malaki ang itinulong nito sa kanya, tiniis na lang ni Alekos ang lahat.

Inilibot niya ang tingin sa buong paligid. Nasa reception na sila ng kasal at nakikinita niya na kahit maraming babae roon na nagpapakita ng interes sa kanya, ginustong pigilan ni Alekos ang kanyang sarili. Golden rule niya sa kanyang sarili ang hindi magsama o mag-entertain man lang ng babae sa isang kasal o sa reception man lang niyon. Ayaw niyang isipin ng mga ito na dahil lamang sa nagkita sila sa isang kasal o sa parte noon, ay maaaring maging interesado na siya roon. Hindi niya gustong maikasal. Wala iyon sa plano niya. O mas masasabing wala na.

Sinubukang lumayo ni Alekos sa karamihan ng mga tao. Sa paglayo niya, napadpad siya sa isang terrace na akala niya ay walang tao. Gusto sana niyang magpahangin. Pero kahit alam niyang mali na tumuloy pa rin, lalo na at hindi naman siya ang nauna, hindi naiwasan ni Alekos na ma-curious. Pamilyar sa kanya ang boses at bulto ng lalaking nasa terrace.

“Matagal ka na naming nilimot. Hindi mo pa ba naiintindihan ang mga iyon? You dishonoured the family name. Wala akong anak na disgrasyada at dahil doon, wala ka ng aasahan sa akin. Hindi ko gustong tulungan ka!” narinig ni Alekos na halos isigaw ni Mr. Navarro sa kung sino man na kausap nito sa telepono.

Hanggang doon lang ang naabutan ni Alekos. Pinatay na ni Mr. Navarro ang cell phone nito. Napansin niya agad na pulang-pula ang mukha nito pero nang makita siya ay lalo pang namula ang mukha ng matandang lalaki.

“Anong ginagagawa mo rito?” kagaya ng tinig na ginagamit nito sa kanya sa mga nakaraang taon, ganoon rin ang ginamit sa kanya nang matanda.

Hindi nagpasindak si Alekos sa matandang kahit kinaiinisan niya ay minsan na sinubukan rin niyang respetuhin. “Well, I’m invited to this wedding. Sa tingin ko naman ay may karapatan ako na pumunta sa kung saan man na lugar na gustuhin kong puntahan.”

Naningkit ang mga mata nito. Hindi nagustuhan ang sagot niya. “Bastard,” nagngingitngit na sabi nito. Napataas ng isang kilay si Alekos pero hindi na iyon sinuklian pa ng Ginoo. Umalis na agad ito sa harap niya.

Gustong matawa ni Alekos sa nangyari. Hindi niya inasahan na magkikita pa sila muli ni Mr. Carlito Navarro. Kahit pareho negosyante, magkaiba ang line of business nila kaya mahirap pa rin para sa kanila ang magkita. Chain of pastry shops ang pagmamay-ari nito nito at siya naman ay namumuno sa isa sa pinakamalaki at pinakamatagumpay na Shipping Company sa Pilipinas. Pero dahil maraming linya ang sakop ng negosyanteng ikinasal na pareho nilang dinaluhan ngayon, nasa iba’t ibang field rin ang inimbita nito.

Hindi niya gustong makita muli si Mr. Navarro o kahit sino pa man sa pamilya nito. Oo, minsan na naging magkaaway ang pamilya nila dahil sa kanyang ama. Pero hindi iyon gaanong ininda ni Alekos. Hindi siya ang may kasalanan nang unang pag-aaway ng kanilang pamilya kaya hindi siya ganoong nababahala.

Pero nang dumating si Clara...

Kagaya nang hindi na niya gustong muling makita ang pamilya Navarro, hindi na rin niya gustong isipin si Clara. Si Clara na naging dahilan pa nang mas malaking pag-aaway ng kanilang pamilya. Pero sa pagkikita nilang dalawa ng matandang Navarro, hindi naman maiiwasan iyon. Ang nakakapagtaka nga lang ay mukhang mas lumaki pa yata ang galit nito. Ang akala niya ay lubos na nagdiwang na ang mga ito sa ginawa ng mga ito sa kanya anim na taon na ang nakalilipas. Nakaganti na ang mga ito sa kanyang pamilya, partikular, sa kanya.

Nakakatawang isipin na mas lumaki pa ang galit ng mga ito sa kanya samantalang siya nga ang naloko ng mga ito.

ITINAGO ng malaking sunglasses ni Clara ang pugto niyang mata. Kailangan niyang magmukhang matatag kahit alam niyang ilang sandali na lang ay bibigay na siya. Napakasama ng pakiramdam niya. Kailangan niyang manatiling gising kahit na ba ilang araw na siyang walang disenteng tulog dahil sa sobrang abala sa trabaho. Gusto niya ng magpahinga pero hindi puwede. Hindi niya kaya. Hindi lalo na sa panahong ito. Kailangan niyang tatagan ang sarili niya, ang hindi sumuko at gumawa ng paraan. Kahit na ba ang nag-iisang paraan na natitira sa kanya ay mas nakakatakot pa kaysa ang balikan ang dati niyang pamilya.

Tila isang milagro na nakaya niya pang maging matatag sa kabila ng sama ng kanyang pakiramdam. Pero kailangan niya. Para kay Lexi. Iniisip niya na kung bibigay pa siya sa mga panahong ito, lalo lamang sasama ang sitwasyon. Iniisip niya si Lexi kaya nagagawa pa rin niyang maging matatag sa kabila ng lahat. Kailangan siya ng anak niya. Siya lang ang pamilyang kilala nito.

Halos alas-onse na nang gabi nang makarating siya sa bahay ni Alekos. Wala siyang iba pang contact rito at ang tanging alam lang niya ay ang mga lumang impormasyon dito kagaya ng address ng bahay nito na ipinagpasalamat niya na hindi pa rin nagbabago. Nakumpirma niya iyon nang tanungin niya ang guard ng exclusive subdivision kung saan ito nakatira.

“Kanina pa po nakarating si Sir at malamang po sa oras na ito ay tulog na iyon. Bukas niyo na lang po iparating sa kanya ang sasabihin niyo. Sa sekretarya niya na lang po. Ibibigay ko po sa inyo ang address ng opisina niya. Baka po kasi hindi niyo siya maabutan muli rito dahil sandali lamang naman po siyang naglalagi sa---”

“Hindi. Hindi ko na kailangang ipagpabukas pa ang sasabihin ko sa kanya. Parang awa mo na, kailangan ko talagang makausap si Alekos.” Pakiusap ni Clara sa guard ng bahay na pagmamay-ari ng taong sinadya niya.

Ilang sandaling tinitigan ng guard si Clara, pagkatapos ay tinanong ang pangalan niya. May tinawagan ito mula sa telepono. Ilang sandali ang lumipas ay hinayaan na siya nitong pumasok sa malaking bahay. Sa paglapit niya roon ay nakita niyang nabuhay ang lahat ng mga ilaw na iba sa natanaw niya kanina. Binulabog niya ba ang bahay? Binulabog ba niya si Alekos? Mali at nakakahiya ang ginawa niya pero kailangan niyang gawin iyon.

Para kay Lexi.

Bumababa si Alekos ng hagdan nang tuluyang maggawa ni Clara na pumasok ng bahay sa pamamagitan ng mayordoma na nagbukas at nag-asikaso sa kanya. Sa kabila ng masama at mga nanlalabong pakiramdam, hindi pa rin naiwasan na hindi pansinin ni Clara ang kakaibang damdamin na bumalot sa katawan niya nang muling makita ang lalaking minsan niyang minahal.

Kinakabahan siya, oo. Maraming maaaring mangyari sa pagkikita nila ni Alekos. Maraming pangyayari na magbibigay sa kanya ng mga sakit. Nakakatakot. Pero mas lalo pa na natakot si Clara sa naging tibok ng puso niya nang masilayan ito. Kagaya pa rin iyon ng dati. Hindi niya iyon gusto. Hindi niya gustong maapektuhan nang matinding karisma muli ni Alekos Jason.

“Sa huling pagkakaalam ko, ginagamit lamang ang sunglasses kapag mataas ang araw,” sa halip na pagbati ng “Hi, Hello o Kumusta” ay iyon ang narinig ni Clara kay Alekos. It was rude. He was rude. Hindi pa rin talaga nagbabago ang lalaki.

“I-I’m sorry. May kailangan lang akong pagtakpan kaya---“

Hindi na natapos ni Clara ang sasabihin nang pangunahan siya ni Alekos. Pinutol nito ang kanyang pagsasalita nang tanggalin nito ang sunglasses niyang suot. “Umiyak ka.”

Napatango si Clara. Wala ng silbi kung magkunwari pa siya kay Alekos. Sooner or later, malalaman rin nito ang lahat. Bukod sa pinagdadaanan niya ngayon, kailangan rin niyang anihin ang magiging consequences ng lahat. Ngunit kahit ano pa man ang maging parusa, kailangan niyang tanggapin. Alang-alang kay Lexi. Alang-alang sa anak.

“Kung ganoon, pumunta ka rito dahil may problema ka. Sabagay, ano pa ba ang aasahan ko? Isang babae na pugto ang mga mata, pinagpilitan na pumasok sa ganitong klaseng oras para may sabihin sa akin? Napakalaking problema siguro noon. Lalo na sa lahat ng nangyari sa nakaraan. Nakakatawa nga lamang na ako pa talaga ang pinuntahan mo. Ang ginusto mong lapitan.”

“Ikaw na lang ang maaaring makatulong sa akin, Alekos.”

“Ako?” bahagya pang natawa ang lalaki. “Nasaan ang pamilya mo? Si Jeffrey?”

Huminga nang malalim si Clara. Marami siyang dapat ipaliwanag kay Alekos. Pero hindi niya kailangan nang maraming sermon ngayon. Kailangan niyang magmadali. Tumatakbo ang oras. Anumang oras mula ngayon ay maaaring mawala sa kanya ang pinakaimportanteng tao sa buhay niya.

“Hindi nila ako kayang tulungan.” Hindi nila ako gustong tulungan.

Napakasakit ng mga katotohanan na ganoon ang sitwasyon. Kahit maraming taon na ang nakalilipas, hindi pa rin nakakalimot ang kanyang pamilya. Hindi pa rin siya tanggap ng mga ito. At kahit sa nakalipas na taon ay ngayon na lang siya muling humingi ng tulong sa mga ito ay hindi pa rin gusto ng mga itong tulungan siya.

Kahit na ba isang buhay ang nakataya roon.

“At ako, naisip mo ba na gusto kitang tulungan?”

“Please.” Sandaling napapikit si Clara. “Kahit para sa sake ng pinagsamahan natin. Ikaw lang ang maaari kong lapitan ngayon. Ikaw lang ang maaaring makapagligtas sa kanya!”

“So there is someone who needs saving, huh? Care to tell me who is it?”

Nag-iwas ng tingin si Clara. Kahit alam niyang kailangan rin niyang sabihin ang katotohanan sa lalong madaling panahon, hindi niya pa rin masasabing handa siya. Lalo na at alam niyang maaaring maging masama ang nangyari kapag nabunyag na ang sekreto niya. “Na-kidnap ang anak ko, Alekos...”

Napataas ang isang kilay ni Alekos. “Anak! At gusto mo na iligtas ko siya,” pagak na tumawa si Alekos. “How charming.”

Hindi pinansin ang pang-uuyam sa tinig ni Alekos. Inaasahan na rin naman niya iyon. Pagkatapos ng lahat, kilala si Alekos bilang malupit na tao. Ngunit ayaw niyang mag-isip ng masama sa ngayon. Hindi ngayon ang tamang sitwasyon. Kailangan niyang maging positibo para kay Lexi.

“Iniwan ko si Lexi sa kapitbahay namin dahil may kinailangan akong asikasuhin sa trabaho. Para libangin ang bata ay dinala siya sa parke kung saan siya na-kidnap. Nakatanggap ako ng tawag ngayong hapon na nagsasabing kailangan kong makipagkita ng mag-isa sa kanila ngayong hating-gabi dala ang isang ransom money na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso.”

“`Wag mong sabihin sa akin na kinokonsidera mo ang pagsunod sa mga ganoong utos?”

Napakagat-labi si Clara. Sinubukan niyang pigilan ang mga luhang nagbabadyang pumatak sa kanyang mata. “K-kung hindi mo ako tutulungan, hindi ko na alam ang gagawin ko...”

Napakalaki ng pera na hinihingi. Kahit one-fourth noon ay hindi kayang magbigay ni Clara. Simple na lang na namumuhay siya ngayon at hindi ganoon kalaki ang kinikita ng sarili niyang pastry business para makaipon siya ng malaking pera. Isama pa na sa tingin niya ay hindi niya kayang makipagsapalaran nang ganoon. Nasa alanganin ang anak niya at mahina siya. Kailangan niya ng isang taong alam niyang matapang at makakatulong para lumakas ang loob niya. Kailangan niya ang pamilya pero dahil tinanggihan siya ng mga ito, tanging ang tao na may kaugnayan kay Lexi ang nag-iisa na lang na kaya niyang lapitan.

“Maaari kang tumawag sa mga pulis---“

Umiling si Clara. “Sinabi ng kidnapper sa tawag na kapag tumawag ako sa mga pulis ay hindi ko na makikitang muli si Lexi. Hindi ko kayang i-risk nang ganoon na lang ang buhay ng anak ko!”

“Siyempre, ganoon nga ang sasabihin niya. Sinong kidnapper ang may gustong mahuli? Pero `wag kang magpaloko. Pumunta ka sa pulis. Hayaan mong sila ang gumawa ng paraan. At maaari ka na rin na umalis rito.”

“Hindi! Hindi puwede,” sinubukang pigilan ni Clara si Alekos nang akmang tatalikuran na siya nito. Hinawakan niya ang pulsuhan nito. Nakaramdam siya ng tila kuryente na sa halip na magpalakas ay parang lalo pang nagpahina sa kanya. Nanginig ang mga tuhod niya sa simpleng paglalapit lang nilang iyon ni Alekos.

Ano ba ang mali sa kanya? Matagal na niyang nilimot si Alekos. Pero ito siya, parang tanga na naaapektuhan pa rin nito sa kabila ng pinagdadaanan niya.

Tinanggal ni Alekos ang kamay nito sa kanya. “Bigyan mo ako nang magandang rason kung bakit kailangan kitang tulungan.”

Sinalubong ni Clara ang tingin ni Alekos. It was now or never. “Dahil hindi ko lang siya anak, Alekos. Anak mo rin siya.”

MARAMING mga paano ang pumasok sa isip ni Clara. Paano kung sinubukan niyang huwag sumuko kay Alekos anim na taon na ang nakakaraan? Paano kung sa halip na mabulag sa sakit, pinili niyang komprontahin ito? Paano kung patuloy siyang nagtiwala rito sa kabila ng lahat? Pagdadaanan niya kaya ang lahat ng takot na nararamdaman niya ngayon nang bigo siyang maibigay sa anak ang seguridad at pag-aalaga na kailangan nito? Pagdadaaanan niya ba ang lahat ng hirap at sakit na dinanas niya sa loob ng anim na taon?

Mali ba siya sa desisyon na hindi ito lapitan sa kabila ng pagtakwil sa kanya ng mga magulang? Hindi dapat siya nabuhay na mag-isa at mag-isang nagpalaki kay Lexi. Dapat ay may karamay siya sa lahat ng hirap at saya na naramdaman niya sa pagdating nito sa buhay niya. Dapat ay kasa-kasama niya ang isang taong kasama niyang bumuo kay Lexi.

Pero pinili niya ang daan na inisip niyang mas makakabuti. Ang daan na akala niya ay maglalayo sa kanya sa mga sakit. Pero nagkamali siya. Bigo siya. Mukhang mas matindi pang sakit ang nagbabadya niyang maramdaman sa pagpili ng desisyon na lumayo at magtago. At ano man na oras sa mga sandali ay maaaring magbunga na ang mga sakit.

Ang mapahamak ang anak at anihin ang galit ni Alekos dahil sa sikretong itinago niya rito.

“Ma’am, mahigpit na bilin po ni Sir na hindi kayo maaaring lumabas ng sasakyan habang hindi pa siya nakakarating. Masyadong delikado.” Wika nang driver ni Alekos nang sinubukan niyang buksan ang pinto ng kotse. Ito ang kasa-kasama niya habang sina Alekos at ang security team nito ay nasa loob ng abandonadong gusali kung saan siya sinabihan ng kidnapper na pumunta upang sagipin ang anak. Ngunit kahit malaki ang tsansa na magiging matagumpay ang operasyon dahil na rin sa dami ng kasa-kasamang tao ni Alekos ay hindi siya mapakali.

Si Lexi ang pinakamahalagang tao sa buhay niya. Ito ang buhay niya, ang taong natitira na lamang sa kanya. Kung mawawala ito sa kanya, wala ng silbi ang buhay niya.

Ipinangako sa kanya ni Alekos na ito ang aayos ng lahat. May issue siya tungkol sa pagtitiwala rito pero sa pagkakataong iyon, kailangang tanggalin ni Clara ang lahat ng bumabagabag sa kanya. Mag-iinarte pa ba siya samantalang wala siyang kahit ano na lakas? Sinunod niya ang lahat ng sinabi ni Alekos. Pagkatapos ng lahat, nakita niya ang malaking concern nito nang sabihin niya rito ang sikretong pinakatatago. Hindi nito pababayaan ang kanyang anak. Ang anak nila...

Hindi dapat siya magduda rito. Pagkatapos ng lahat, hindi rin ito nagduda ng umamin siya sa kanyang sikreto. Hindi ito nagtanong. Kumilos kaagad ito kagaya ng gusto niya.

Muntik nang malaglag ang puso ni Clara nang mula sa madilim na gusali ay nakakita siya ng bulto ng isang lalaki ilang sandali ang nakalilipas. May karga-karga itong dalawang taong gulang ng bata. Halos napaiyak siya nang makilala na si Alekos at si Lexi iyon.

“Buksan niyo ang pinto, Manong! Kailangan kong mahawakan ang anak ko! Gusto kong salubungin sila,” malakas ang tinig na utos ni Clara sa driver at nang pagbigyan siya nito ay ibinigay niya ang lahat ng lakas upang makatakbo nang mabilis upang lapitin ang dalawa.

“M-mommy...” naramdaman agad ni Clara ang panghihina at kapanabikan sa boses ng anak. Hindi na niya napigilan ang mapaiyak nang kumawala ito mula sa ama at nagpabuhat sa kanya. Mahigpit na niyakap niya ang anak. Kahit ito ay nahawa rin sa damdamin niya. Napaiyak rin si Lexi.

“Ligtas ka na, anak. Hush now...” pagpapakalma niya sa anak.

“Wala na po bad man, Mommy?” tinitigan siya ng anak. Pagkatapos ay tumingin ito kay Alekos. “Hindi po siya bad man?”

Umiling si Clara. “Iniligtas ka niya mula sa bad man.”

Tinitigan ni Lexi si Alekos. Sinalubong naman ng lalaki ang kaparehong pares ng mga berdeng mata nito---isa sa mga magpapatunay na magkadugo ang dalawa. Napansin niya na agad na lumambot ang mukha ni Alekos kay Lexi pero hindi ito nagsalita. Ganoon pa man, nagustuhan ni Clara ang affection.

Ilang beses na rin niyang naisip kung ano ang magiging reaksyon ni Alekos kapag dumating ang mga panahon na makita nito si Lexi. Tatanggapin ba ni Alekos ang bata? Mamahalin rin ba nito ang anak kagaya ng pagmamahal niya rito? Sinubukan niyang hindi mag-isip ng mga positibong bagay noon. Kilala niya si Alekos. Malupit ito. Mapangahas. Sakim. Marami itong masasamang ugali. Makakabuti ba ito sa anak niya? Pero nagkamali siya na ganoon ang inisip niya. Pinagsisihan niya nang makita ang sitwasyon ngayon.

At ramdam rin niya na mas pagsisihan niya pa ang piniling desisyon anim na taon na ang nakakaraan sa mga susunod na araw...

Nagpababa si Lexi mula sa pagkakabuhat niya. Nilapitan nito si Alekos at niyakap ang binti nito na tanging kaya lang nitong maabot. “Marami pong salamat. Maraming salamat sa pagligtas sa akin, big man.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.