"B-Before you say that... can we talk first? Marami akong gustong sabihin sa 'yo."
Malamig na tumingin lang ako kay Ashteroh. Mukha siyang maputla at marumi pa ang damit, mukha rin may iniinda siyang sakit. Hindi ko alam kung bakit ganyan ang hitsura n'ya. Pilit ko na lang nilabanan ang panlalambot ng puso ko nang makita ko ang mukha n'ya.
Ayoko ng maging mahina sa kanya.
"Wala na naman dapat tayong pag-usapan. Kung gusto mo pa akong pahirapan, ipakulong mo na lang ako. H'wag ka na lang magpakita sa akin ulit," saad ko na lang, pilit kong tinitibayan ang sarili at damdamin ko.
"Nathalie... kahit saglit lang," tila nakikiusap na sabi n'ya pa.
Napakagat ako sa ibabang labi ko at napapikit nang mariin. Nanghihina pa ang katawan ko dahil kakagaling ko lang sa operasyon... Ayoko muna ng dahilan para mag-isip na naman ako nang mag-isip.
"K-Kasalanan mo kung bakit nangyari sa akin 'to, Ashteroh... Gusto ko ng magpahinga. Ayoko ng pahirapan mo 'ko. Lahat na lang nagbago sa 'kin mula ng makilala kita. Lalo akong naging miserable simula nang makilala kita... Gusto ko ng sumaya ulit. Ayoko na ng ganito ako kaya utang na loob. Hindi ko na kailangang pakinggan pa ang sasabihin mo. Umalis ka na, gusto ko ng magpahinga," sabi ko na lang saka napaiwas ng tingin sa kanya.
Ayokong tumingin sa kanya nang matagal. Baka magbago na naman ang isip ko kapag tiningnan ko siya nang matagal. Baka lumambot na naman ako at maging mahina... Ayoko na ng gano'ng pakiramdam. Ayoko ng mahalin siya.
Hindi agad nakapagsalita si Ashteroh. Gusto ko siyang tingnan at ang reaksyon n'ya. Gusto kong tanungin kung ayos lang ba siya at ano ang nangyari sa kanya ngunit nilabanan ko ang sarili ko.
"Mr. Alexeev, umalis ka na muna at hayaang makapagpahinga si Nathalie. Wala pa siyang lakas ngayon para sa sakit ng ulo," sabi naman ni Killian.
Tuluyan na akong bumigay at napatingin ako kay Ashteroh. Tipid na ngumiti siya at tumango.
"Magpahinga ka," malumanay na sabi nito bago lumabas ng silid ko.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at napabuntonghininga... Tama ang ginawa ko. Nakaya ko naman ng tatlong taon na wala siya. Alam kong kakayanin ko kapag tuluyan na siyang nawala sa buhay ko... Dapat kayanin ko.
"Sigurado ka bang ayaw mo siyang kausapin?" Umupo si Killian sa upuan na katabi ng kama ko.
Mapait na ngumiti ako saka tumango. "Kapag hinayaan ko siya... bibigay na naman ako. Nakapagdesisyon na 'kong sukuan ang pagmamahal ko sa kanya. Wala na 'kong balak bawiin 'yon. Wala na rin akong balak pakinggan kung ano man ang sasabihin n'ya dahil hindi 'yon makaka-apekto sa desisyon ko. Hindi siya makakabuti sa 'kin... hindi rin ako makakabuti sa kanya. Mas maganda kung wala na lang kaming ugnayan... may mahal na rin naman siyang iba," usal ko at napaiwas ng tingin kay Killian.
"Okay. Mas maganda nga kung iyan ang desisyon mo... Pero masaya ka naman ba sa desisyon mo? Hindi mo talaga pagsisisihan? Saka sigurado ka ba na hindi na talaga ikaw ang mahal n'ya?" sunod-sunod na tanong ni Killian.
Napakunot ang noo ko saka nagtatakang napatingin sa kanya. "Akala ko ba hindi mo gusto si Ashteroh? May pasabi-sabi ka pa ng normalize blaming everything to Ashteroh Alexeev," reklamo ko.
Napakamot siya sa kilay n'ya. "Wala naman kasi akong sinasabi na gusto ko na siya ngayon. Ayaw ko lang na may pagsisihan ka kasi mas pinili mo ang hindi makinig. Communication is always the key," sabi n'ya saka isinandal ang likod sa sandalan ng upuan.
Hindi na lang ako nagsalita. Para saan po kung pakikinggan ko si Ashteroh? Hindi kami nakabubuti para sa isa't isa.
"Ay, grabe. Hindi n'ya kinuha 'tong pera. Buti na lang," sabi ni Killian saka agad na niyakap ang bag na puno ng pera.
Napabuntonghininga ako at napapikit... Alam kong tama ang desisyon ko. Para 'to sa sarili ko.
HINDI RIN ako nagtatal sa ospital dahil hindi naman daw gano'ng kalala ang tama sa akin ng bala. Sinabihan lang ako na magpahinga ng ilang araw.
"Narinig mo ang sabi ng doktor, magpahinga ka raw. Kapag ikaw pinagpilitan mong magtrabaho, sisisantehin talaga kita," pananakot sa 'kin ni Killian habang nagmamaneho ng sasakyan.
"Oo, alam ko," sabi ko na lang at napangiwi saka napahawak sa tiyan ko. Medyo kumikirot siya paminsan-minsan.
Nanghihinayang lang ako dahil may tahi na ang tiyan ko. Pero wala na naman akong magagawa... saka maganda pa rin naman ako.
Napatingin ako sa phone ko. Agad kong binuksan ang messages na galing kay Thalia.
Nathalie, sorry sa nangyari. Tinanong ko sa mga kaibigan mo ang address mo. Pupuntahan kita mamaya sa apartment mo para magpaliwanag. Sorry talaga sa nangyari. Nadamay ka pa sa away namin ni Xeon. Sorry talaga.
Napabuntonghininga ako at agad na nagtipa ng reply.
Wla u k@sAlAnAn tH@l!a s! x3oN n@MaN An6 bUm@r!L s4kHeN d n4m@n !K@w kAyA wA6 n@ U mAgSoRrY Plzzz
Agad din naman siya nagreply.
Nathalie, I'm sorry but I don't understand. I'll just call you later. Wait for me, hmm. Pupuntahan kita later.
Napakamot na lang ako sa batok ko. Ano naman kaya ang hindi n'ya maintindihan?
"Dito na tayo," anunsyo ni Killian saka agad na bumaba ng kotse. Agad n'ya akong pinagbuksan ng pinto.
"Salamat, Killian. Mauna na 'ko sa loob. Teka, gusto mo ba ng tubig?" tanong ko.
Umiling siya. "Hindi na, Naths. May kailangan din ako asikasuhin. Puntahan na lang kita pag may time ako. H'wag kang magpakapagod ha," sabi n'ya saka tinapik ang balikat ko bago muling sumakay sa kotse n'ya.
Hinabol ko na lang ng tingin ang papalayo n'yang kotse bago pumasok sa loob ng apartment ko. Naabutan ko ro'n sina Chinu na naglilinis. Tipid na napangiti na lang ako nang mapatingin sila sa akin.
"Hello," sabi ko na lang.
Natigilan ako nang agad silang nagsilapitan sa akin at dinaluhan ako. Natawa na lang ako dahil pati sa pag-upo ay inalalayan pa nila ako.
"Ang OA n'yo naman. Kaya ko na kumilos kahit papa'no," nasabi ko na lang saka ngumiti.
"Okay ka na ba talaga, Naths? Ang putla mo pa, oh. Bumalik ka kaya ulit sa ospital?" tila nag-aalalang sabi ni Ken.
"Okay na talaga ako. Pahinga na lang ang kailangan ko saka natural lang na medyo maputla ako dahil kakaopera lang sa 'kin," sabi ko na lang para hindi na sila mag-alala.
Napabuntonghininga sila. "H'wag kang mag-alala. Aalagaan ka namin hangga't mahina ka pa. Hindi kami aalis dito," sabi ni Chinu saka marahang hinaplos ang buhok ko.
"Hindi naman na kailangan. Saka may mga trabaho rin naman kayo at kailangang gawin," saad ko.
"Wala 'yon. Wala pa 'to sa naging tulong mo sa amin noon. Gagawin namin ang best namin para makabawi sa 'yo," sabi ni Gina saka hinawakan ang kamay ko.
Natigilan ako nang maalala kong hindi kinuha ni Ashteroh ang 20 million mula kay Killian. Agad akong tumingin sa kanila. "M-May sinabi ba sa inyo si Ashteroh? Tinakot n'ya ba kayo?" nag-aalalang tanong ko.
Halatang natigilan sila sa tanong ko. Nanatili naman akong nakatitig sa kanila habang hinihintay ang isasagot nila. Kinakabahan ako, baka may balak gawin si Ashteroh sa kanila dahil hindi n'ya tinanggap ang ibinayad ko sa kanya.
"H-Hindi n'ya kami tinakot, Nathalie. Ang totoo n'yan, sinabi n'ya na wala na siyang balak takutin o pahirapan kami," sabi ni Gina saka ngumiti sa akin.
Napakunot ang noo ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ako nakampante sa sinabi niya. "Sinasabi mo lang ba 'yan dahil ayaw mo 'kong mag-alala?" tanong ko.
"Totooo ang sinasabi n'ya, Naths. Wala ng balak si Mr. Alexeev na pahirapan tayong lahat. A-Ang sabi pa nga n'ya sana humingi na lang tayo ng tulong sa kanya noon. Mukhang mahal ka pa rin--" Agad kong pinutol ang sasabihin ni Chinu.
"Hindi gano'n 'yon, Chinu. Siguradong may pina-plano lang siya. H'wag kayong makampante," sabi ko na lang saka napaiwas ng tingin sa kanila.
Hindi dapat nila ako pinapaasa sa mga ganitong bagay. May nililigawan ng iba si Ashteroh... at kung totoo man na may nararamdaman siya para sa akin kahit kaunti, wala na akong balak na tanggapin 'yon. Hindi kami ang para sa isa't isa ni Ashteroh.
"Naths! Nasa labas 'yung kaibigan mo raw. Thalia ang pangalan. Papapasukin ko ba?" tanong ni Kuyu mula sa labas ng kwarto ko.
Agad akong napabangon sa sinabi n'ya. Napangiwi na lang ako nang maramdaman na medyo kumirot ang sugat ko. Agad naman akong inalalayan ni Gina.
"Ano ka ba? H'wag mong biglain ang sarili mo," tila nanenermong sabi ni Gina.
"K-Kuyu, papasukin mo siya. Kaibigan ko siya," sabi ko naman kay Kuyu.
Maya-maya pa, narinig naming may kumatok na sa pinto ng silid ko. Agad namang tumayo si Gina upang pagbuksan si Kuyu. Napangiti na lang ako nang makita si Thalia na nasa tabi ni Kuyu. May dala siyang basket na puno ng prutas at isang plastic na hindi ko alam kung ano'ng laman.
"Sige, Naths. Maiwan muna namin kayo para makapag-usap," sabi ni Gina saka lumabas ng silid ko kasama ni Kuyu. Isinara naman nila ang pinto ng silid ko.
"Upo ka, Thalia," saad ko saka tinapik ang espasyo sa tabi ko.
Tipid na ngumiti si Thalia at umupo. Inilagay n'ya ang mga dala n'ya sa tabi namin. "Nagdala ako ng fruits and vegetables for you," sabi n'ya. Hindi siya makatingin nang ayos sa akin. Tila nahihiya pa rin siya dahil sa nangyari.
"Thalia." Hinawakan ko ang kamay n'ya. "Wala kang kasalanan sa nangyari. Narinig mo naman ang sinabi ng ex mo diba? Sinadya n'ya talaga na isama ako sa 'yo. Saka hindi naman ikaw ang bumaril sa akin kaya h'wag mo ng sisihin ang sarili mo," saad ko sa malumanay na boses saka ngumiti sa kanya.
Napakagat si Thalia sa ibabang labi n'ya saka napaiwas ng tingin sa akin. Mukha talagang hindi siya nakatulog nang ayos. Namumugto pa rin ang mga mata n'ya at mukhang buong gabi siyang umiyak.
"I'm really sorry, Nathalie. Hindi naman mangyayari 'yan kung kinausap ko na lang nang ayos si Xeon. Sorry talaga. Nathalie. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa 'yo," bulong n'ya.
Napabuga ako ng hangin at inakbayan siya. "Ang kulit naman. Hindi mo nga kasi kasalanan 'yon. Kung makapagsorry ka naman diyan akala mo naman ikaw ang bumaril sa akin," tila pabirong sabi ko na lang para kahit papa'no ay gumaan ang pakiramdam n'ya.
Napatingin siya sa akin at hinawakan din ang kamay ko. "Sorry sa ginawa ni Xeon... H-Hindi naman talaga siya gano'n. Pero h'wag kang mag-alala, hindi ka na n'ya guguluhin dahil nakausap na siya ni Ashteroh. Ipagtatanggol ka niya at po-protektahan. Sinugod n'ya sina Xeon kahapon dahil sa nangyari sa 'yo," sabi pa n'ya.
Napakunot ang noo ko. "Ano'ng ginawa ni Ashteroh?" tanong ko naman.
"You don't know? Nasabi sa akin ni Cad na tinangkang patayin ni Ashteroh si Xeon sa sobrang galit n'ya sa nangyari sa 'yo. May malala siyang sugat sa braso dahil sa nangyari pero hindi n'ya ininda 'yon. Pinuntahan ka n'ya agad sa ospital nang malaman n'yang nagising ka na," paliwanag ni Thalia.
Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya. Hindi ko maintindihan kung bakit tila pinapabango n'ya si Ashteroh sa akin.
"Hindi n'ya gagawin 'yon. Bakit naman n'ya gagawin 'yon para lang sa 'kin? Saka nililigawan ka n'ya," sabi ko na lang.
Halatang natigilan si Thalia sa sinabi ko. "OMG, hindi pa ba naaamin sa 'yo ni Ashteroh?" mahinang usal n'ya.
Napakunot ang noo ko. "Ang alin?"
Napailing si Thalia at tila naiistress na napahawak sa sentido n'ya. "My goodness, bakit ang bagal bagal ng lalaking 'yon?" bulong n'ya pa.
Hindi ko ma-gets ang tinutukoy n'ya. Ano ba ang meron kay Ashteroh? Bakit sinasabi n'yang mabagal ang lalaking 'yon? Gusto na ba n'yang sagutin si Ashteroh?
"Nathalie, ang totoo n'yan hindi na ako nililigawan ni Ashteroh. Wala naman siyang nararamdaman para sa 'kin, e," sabi ni Thalia habang seryosong nakatitig sa akin.
"Sinasabi mo lang ba 'yan dahil alam mong dati kaming may relasyon ni Ashteroh?" bulong ko.
Natawa si Thalia at napailing. "Totoo ang sinasabi ko, Nathalie. Hindi ako mahal o gusto ni Ashteroh bilang babae. Kaibigan lang ang tingin n'ya sa 'kin simula pa lang at ramdam ko 'yon... Ayoko siyang pangunahan kaya gusto ko na siya na ang magpaliwanag ng lahat sa 'yo."
BUONG ARAW akong binagabag ng mga sinabi ni Thalia. Pilit sinaway ang sarili ko lalo na ang puso ko. Hindi dapat ako matuwa sa mga sinabi n'ya. Ano naman kung hindi nililigawan ni Ashteroh si Thalia? Wala na dapat akong pakialam do'n.
Napabangon ako nang mapansin kong gabi na. Nagtataka ako dahil hindi ko marinig sina Gina mula sa labas ng silid ko. Palaging maingay ang mga 'yon, e. Baka naman nakatulog na sila. Napailing na lang ako at napahawak sa tiyan ko. Kumikirot pa rin ang sugat ko paminsan-minsan.
Lumabas na ako ng silid ko. Natigilan ako nang mapansing walang tao kahit isa, maski si Gina ay wala rin. May pinuntahan ba sila? Bakit hindi man lang sila nagpaalam sa akin?
Napapitlag na lang ako nang makarinig ng katok sa pinto. Agad akong nagtungo ro'n, hindi ko kaagad pinagbuksan ang kumatok.
"Sino 'yan?!" tanong ko.
Kinabahan ako nang hindi agad siya sumagot. Nanginginig ang mga kamay na kinuha ko ang walis tambo sa gilid ng pinto. "Sino ka nga sabi?!" asik ko pa. Ayokong ipahalata sa kanya na natatakot ako.
Paano kung si Xeon 'to o kaya naman mga tauhan n'ya? Akala ko ba naayos na ni Ashteroh ang problema sa kanya? Napailing na lang ako, hindi naman talaga dapat ako magtiwala sa Ashteroh na 'yon. Hindi n'ya magagawa ang gano'ng bagay dahil galit siya sa akin.
"Ashteroh."
Napasinghap ako. Boses pa lang alam ko ng si Ashteroh nga talaga 'yon. Agad kong binuksan ang pinto. Bumungad sa akin si Ashteroh. May dala siyang dalawang plastic na sa tingin ko ay groceries ang laman. Simpleng long sleeve shirt at pants lang ang sout n'ya, nakabagsak din ang blond n'yang buhok at tila hindi na nasuklay... pero ang gwapo n'ya pa rin.
"Ano'ng ginagawa mo rito?!" asik ko.
Hindi agad siya nakasagot. Siya ba ang dahilan kaya biglang umalis sina Gina rito? Ano naman kaya ang pinaplano n'ya ngayon?
Napaismid na lang ako at akmang pagsasaraduhan siya ng pinto ngunit agad n'yang nahawakan 'yon. Mas binuksan n'yang lalo ang pinto saka basta na lang pumasok. Napakunot ang noo ko at sinubukan siyang itulak palabas ngunit nagmatigas siya.
"Bakit ka nakatayo? Hindi ka pa pwedeng kumilos nang kumilos," nakakunot-noong sabi ni Ashteroh.
Napasinghap ako nang basta na lamang n'ya akong binuhat. Agad naman akong napakapit sa batok n'ya at napatingin sa mukha n'ya. Mukha rin siyang walang maayos na tulog at namumutla rin siya.
Natigilan ako nang tumingin din siya sa akin. Doon ko lang napagtanto na masyadong malapit ang mukha namin sa isa't isa. Halos magdikit na ang mga ilong namin. Agad akong napaiwas ng tingin sa kanya nang agad na naghuramentado ang puso ko... Hindi maganda 'to.
"B-Bitiwan mo 'ko! Bayad na 'ko sa 'yo, ikaw na lang ang ayaw kumuha ng bayad ko kaya tantanan mo na ako!" asik ko habang hindi pa rin makatingin nang ayos sa kanya.
Hindi nagsalita si Ashteroh. Naglakad lang siya patungo sa dining area saka pinaupo ako sa mesa. Napasinghap na lang ako nang itukod n'ya ang dalawang kamay sa magkabilang gilid ko, tila kino-corner ako. Mas lalo akong napasinghap nang ilapit n'ya ang mukha sa akin habang matiim na nakatitig sa mga mata ko. Mas lalong nagwala ang puso ko.
"Hindi ka pa ba kumakain? Ipagluluto kita," sabi n'ya sa tila naglalambing na boses habang titig na titig pa rin sa akin.
"Hindi mo ako kailangang ipagluto!" singhal ko.
Napaiwas ako ng tingin sa kanya at itinulak ang dibdib n'ya. Hindi naman siya nagpatinag at nanatiling malapit sa akin. Natigilan na lang ako nang hawakan n'ya ang kamay ko na tumutulak sa kanya.
"Sabi mo kasalanan ko kung bakit nangyari sa 'yo 'yan. So I should take responsibility. Please let me take care of you. Let me be your slave... Ma'am Nathalie."