Bangag siyang humiga sa malambot na kama na pinagdalhan sa kaniya. Staff house iyon pero sa tingin niya, malabong staff house dahil bakit siya lang mag-isa sa malaking kwarto?! Nag-iisang kama, may sariling banyo, may sariling closet, cupboard, at kusina.
May mali. Damang-dama niya ang bagay na iyon pero wala siyang lakas na loob na magsabi ng saloobin sa Head Chef at baka patalsikin siya nito. Pinagkibit na lang niya ito ng balikat at iniisip na siguro masyadong mayaman ang may-ari ng Silver Garden kaya engrande ang bawat room ng mga employee nito.
“Wala pala akong damit!” Napabangon siya sa isiping wala siyang kagamit-gamit para sa dalawang linggo.
Napatingin siya sa orasan na nakasabit sa dingding. Alas-otso ng gabi. Pwede pa siyang umuwi sa farm at kumuha ng damit. Iyon nga lang, matagal na oras ang byahe! Nagmadali siyang tumayo, bahala na kung matatagalan siya sa byahe. Kesyo wala siyang damit na susuutin bukas.
Nagmadaling kinuha niya ang kaniyang bag at tinungo ang pintuan. Eksaktong pagbukas niya ng pintuan, mukha ng kitchen staff ang kaniyang nabungawan. Babae ito at mas bata sa kaniya ng edad.
“Hi! Baka gusto mo.” May inabot ito sa kaniyang dalawang malaking paper bag.
Napakunot ang kaniyang noo at nagdalawang isip na tanggapin iyon pero sa huli, tinanggap niya. Binuksan niya ito at nagulat sa nakita.
“Bakit?” Imbes na magpasalamat, bakit ang kaniyang naitanong.
Nagkibit naman ito ng balikat at ngumiti. “Narinig ko kasi sa Deputy Chef kanina na galing ka sa Hokkaido Village Farm at napansin ko rin na wala kang dalang mga gamit.”
Napatango siya pero may pagtatanong pa rin sa isip. “Sinong nagpapabigay?”
“Mga damit ko ‘yan na hindi na nagamit. Pwede mong gamitin. Mahirap umuwi at ilang oras ang byahe papunta at pabalik. Baka pagbalik mo ng Sapporo, sabog ka na at hindi mo magampanan ang trabaho sa kusina. Strikto pa naman si Head Chef at lalo na ang may-ari ng Silver Garden.”
May punto ang sinabi ng babae. Wala siya sa farm at kailangan niya ng mga damit ngayon. Isa pa, isa sa rules and regulation ng Restaurant, maging mabait. Tinanggap niya iyon at nagpasalamat. Agad din itong tumalikod at pumasok sa isang silid na nasa kabilang bahagi ng staff house.
Saka siya pumasok sa loob ng silid at tinanggal ang nasa loob ng paper bag. Namangha siya nang makitang mga damit iyon na pasok sa panlasa niya, pantalon, blusa, panglamig na kasuotan at scarf. Hindi ito mukhang mga luma. Kung meron lang itong mga price tag nakakabit, iisipin ni Marie na mga bago iyon at kakabili pa lang sa isang mamahaling boutique.
Mula sa damit, may undies at bra na kasyang kasya sa kaniya. Namula siya sa parteng iyon at isa iyon sa essential na kailangan ng babae. Tiningan niya ang mga ito, bagong-bago pa at nasa isang box. Meaning hindi pa nagamit. Mas mabuti, dahil hindi siya nagsusuot ng galing sa ibang tao lalo na ‘pag undergarment ang pag-uusapan.
Nagpasya siyang maligo at magbabad sa ilalim ng shower. Hindi siya napagod sa trabaho, napagod siya sa utos ni Gheron na kaliwa’t kanan.
Naghubad siya ng lahat ng kasuotan at binalot ang katawan ng tuwalya saka siya nagtungo sa banyo. Pagbukas niya, natigilan siya nang makitang kompleto ang mga bagay na nando’n. Simula sa shampoo, sabon, wash at kung ano-ano pa. Kulang na lang, malaking bath tub sa gitna at iisipin niyang nasa isang hotel room siya naka-check in.
Napangiti siya at nagmadaling tinungo ang shower. Tinanggal niya ang nakabulol na tuwalya sa katawan at saka pinihit ito. Binuksan niya rin ang heater at sobrang nagrelax ang kaniyang katawan sa daloy ng tubig. Ganitong-ganito ang buhay na gusto niya kapag mag-aasawa na siya.
Kaya dapat mayaman at maraming pera ang taong pakakasalan niya. Dahil kung magsasaka at manyakis na tulad ni Gheron lang din, huwag na lang. Magdidildil sila ng asin pareho at habang-buhay silang nasa ibang bansa.
Isang oras siyang nagbabad sa ilalim ng shower. Nang makaramdam ng gutom, lumabas na siya at nagsuot ng pantulog. Isang malaking tshirt ang napili niya na hanggang hita at sa ilalim ay cycling short.
Inayos niya muna ang kaniyang sarili bago niya kinuha ang bag. Tsineck niya ang kaniyang cellphone, 0 messages and 0 calls. Walang tumawag o nakakaala kahit kapatid niya. Ngumiti siya ng mapait.
Tiningnan niya ang kaniyang pera, may baon siyang pera. Dalawang libo iyon sa philippine peso at kasya ang dalawang libo sa dalawang linggo niyang pagkain. Libre ang pagkain sa Silver Garden pero nahihiya siyang kumain kanina lalo na at mapang-asar ang ngiti ni Gheron sa kaniya kanina.
Mabilisan niyang sinuklay ang kaniyang buhok at tinali iyon kahit basa saka nagmadaling kinuha ang makapal na jacket. Pinatong niya iyon at nagsuot na rin ng pantalon. Pupunta lang siya sa malapit na convinent store para bumili ng tinapay at jam.
Pero pagdating pa lang niya sa may kalapitang convenient store, nakita niya na si Gheron do’n na nakatilod sa pangatlong aisle. Bahagya itong nagulat nang humarap ito sa kaniyang pwesto at nakita siyia. Kasunod niyon ay ang pagsilay nito ng nakakalokong ngiti.
“Marie-babes? Wow, pati rito nasundan mo ako o sinusundan mo ako lagi?”
Naging blangko ang kaniyang tingin dito at hindi ito pinansin. Hindi pa rin niya nakakalimutan ang pagiging Chef de Tournant nito. Nilagpasan niya ang binata at nagtungo sa bread section at kumuha ro’n ng isang supot.
“Pancake, bakit mag-isa ka lang?” Nakasunod na sa kaniya si Gheron. “Ayaw mo akong pakiusapan na samahan kita para tayo na?”
Hindi niya pinansin ang pinagsasabi nito. Maiinis lang siya.
“Marie-babes, gusto mo kainin kita?”
Umarko ang kaniyang kilay sa narinig at inis na hinarap ito. “Binabastos mo ba ako?”
“Ang sabi ko, kumain tayo. Ikaw ‘tong bastos mag-isip. Niyaya kita kanina kumain sa kusina, arte-arte mo kasi. Ikaw na nga itong sinusubuan ko ng pagmamahal kanina.”
Huminga siya ng malalim. Hindi matino kausap si Gheron. Hindi siya bingi 30 seconds ago. Nagkukot ang kaniyang kalooban na hinablot ang isang supot ng tinapay at kumuha ng isang jam. Tinungo niya agad ang counter at nagbayad.
“I’ll pay for her!” Si Gheron.
“Ano ako? Bayaran?” asik niya sa binata. Nakasunod pala ito sa kaniyang likuran.
“Ikaw ang maysabi niyan Marie-babes.” Ngumisi ito.
Tiningnan lang niya ito ng masama at binayaran ang pinamili. Nagmadali siyang lumabas at iniwan ang binata na nagmamadaling nagbayad din sa counter para siguro sundan siya at bwesitin.
MALAYO na siya. Nakahinga siya ng maluwang nang makitang ‘di siya sinundan ni Gheron. Nasa loob pa rin ito ng convenient store at halatang nakipag-away sa counter. Nagkibit na lang siya ng balikat at nagmadaling maglakad. Wala siyang pakialam kung makapal ang yelo ng paligid, manhid din naman ang pagkatao niya.
Awtomatikong napatigil si Marie sa paglalakad nang may humarang sa kaniyang daraaanan. Napakunot ang kaniyang noo. Tatlong Hapones ang kaniyang nakikita. May mga hawak na sigarilyo at malayang hinihithit iyon sabay buga sa kaniyang harapan.
“Hitori de?” Alone?
Tumaas ang kaniyang kilay. Hindi na lingid sa kaniya na uso sa Japan ang ganito. Hindi niya pinansin ang tatlo, lumihis siya ng nilalakaran at balak takbuhin na lang ang nasa kalayuang Staff House.
“Haya suginai!” Not too fast. Humarang sa kaniya ang isa. May suot itong bonnet at maangas na bumuga ng usok sa hangin, tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa.
“Hitori de aruite wa ikemasen, Ojosama,” You should not walk by yourself, young lady. Anas naman ng isa at binigyan siya ng nakakatakot na ngisi.
Napalunok siya nang wala sa oras. Matagal na siya sa Japan pero hindi niya ito lugar. Isa pa, nasa Sapporo siya. Malaki ang tsansa na ang kaniyang kaharap ngayon ay kung hindi Yakuza, mga gangster ito sa tabi-tabi.
Lumingon siya. Tiningnan niya kung sumunod ba sa kaniya si Gheron pero hindi niya ito mahagilap. Shit! Kinalma niya ang kaniyang sarili. Sanay siyang maging kalmado sa isang sitwasyon, kay Gheron lang talaga nawawala ang kaniyang konsentrasyon.
“Watashitachi to issho ni kuru.” Come with us. Ngumisi ang isa na akmang hahawakan siya sa braso pero mabilis niyang iniwas ang kaniyang katawan.
“Yatte mimasen ka.” Don’t you ever try. May pagbabanta sa kaniyang boses.
Nagtawanan naman ang mga ito sa kaniyang sinabi.
“Pancakes, kapag ‘di mo na kayang makipagtigasan sa mga Yakuzang ‘yan sabihin mo lang, ha?”
Awtomatikong napalingon siya nang maulinigan ang boses ni Gheron. Nasa kalayuan ito mga dipang layo at pasimpleng umiinom ng kape habang nakasandal sa poste. Halatang tuwang-tuwa pa ito at may gana pa itong kumain ng cookies at nakuha pa isawsaw sa kape.
“Gheron!” Wala pa siyang sinabi pero halata na sa boses niyang kailangan niya ang tulong ng binata.
“Yeah?”
Nagkukot ang kaniyang kalooban. At may gana pa talaga itong maging kalmado sa sitwasyon niyang hindi lang tatlong mga Hapones ang nasa kaniyang harapan. Kundi naging anim na! Nakangisi ang mga ito at sa mukha pa lang ng bawat isa, halatang mga myembro nga ito ng Yakuza. Sunod-sunod siyang napalunok at napaatras pero nasa napalibutan na siya ng mga ito.
“Gheron?!” Lumakas na ang kaniyang boses. Susuntukin talaga niya ito oras na makawala siya sa anim na mga Hapones na may masamang binabalak sa kaniya.
“What?” Muling sinawsaw nito ang cookies sa kape.
Probinsyang-probinsya, ah! Gusto niyang isigaw iyon pero pinigilan niya ang sarili lalo na at nagtawanan na ang mga Hapones sa harapan niya. Napasigaw pa siya nung akmang hahawakan siya nung isa pero mabilis siyang nakaatras.
“Gheron, ano ba?!”
“Your boyfriend is afraid of us.”
Natigilan siya sa sinabi ng isang may maraming hikaw sa labi. Ngumisi ito at nakita niya ang pagkinang ng pilak nitong ngipin. Nayanig siya sa nakita. Nag-unahan na sa pagpitik ang kaniyang puso! Tapos ang bwesit na lalaking si Gheron, chill na chill na umiinom ng kape at pasipol-sipol sa tabi ng poste.
“Yawa ka Gheron talaga! Kapag ako na-gang rape dito, at namatay. Hindi kita papatawarin! Mumultuhin talaga kitang yawa ka!” Hindi niya na mapigilang sumigaw sa galit.
“Hindi ka naman siguro nila papatayin.”
Aba’t! Sa inis niya, binato niya rito ang kaniyang pinamili at tumama sa ulo nito ang Jam. Lahat natahimik sa kaniyang ginawa. Habang si Gheron ay napasapo sa ulong tinamaan. Ilang segundo itong ‘di nakaimik.
Napangisi siya. Ayan! Marunong naman pala itong tumingin sa kaniya. Magaling siyang mambato. ‘Yan ang ginagawa niya sa tahimik na ilog sa tuwing iniiwan siya ng magulang niya at mga kapatid sa bahay para mamasyal ang mga ito sa lungsod.
“Itai!” Ouch! Late reaction ng mga Yakuza.
“Talagang masasaktan pa siya lalo kung hindi niya ako tutulungan!” inis na pakli niya.
Pero sa kaniyang gulat, imbes na lapitan siya ni Gheron at ilayo sa anim na mga Yakuza member, nauna na itong tumalikod habang hawak ang ulong tinamaan niya ng jam.
“Kare wa satta.” He left. Nagtawanan ang anim na tuwang-tuwa pa yata. “Sore wa anata ga watashi no monoda to iimasu!” It says, you are all mine.
Yawa ka Gheron! Akmang tatakbo siya pero nakapalibot na ang mga ito sa kaniya at ang isa ay naglabas ng malaking sako. Napalunok siya. Mukhang dito siya isisilid pagkatapos ng mga ito na gawan siya ng masama. Malala pa, pupugutan siya ng ulo at hindi malalaman ng pamilya niya sa Pinas na patay na siya sa banyagang lugar.
“Gheronnn!”
“Unless you said ‘yes’, tutulungan kitang ilayo sa mga Yakuza kahit mamatay ako sa kamay nila.”
“Ano?!”
“Say ‘yes’, and agree to be my girlfriend.” Huminto ito at lumingon sa kaniya. Ando’n na naman ang ngiti nitong nakakaloko at nakuha pang uminom ulit ng kape.
“Ano!” Mas nagimbal yata siya sa narinig na salitang lumabas sa bibig nito. “Baliw ka ba! Tulungan mo akong makawala sa mga deputang mga Hapones na ito! Ano ba Gheron!” nangangalaiting sigaw niya. Kahit ‘di siya hinawakan o hinarass ng anim na mga Hapones, natatakot pa rin siya para sa kaniyang buhay. Sa paraan pa lang ng pagitingin ng mga ito sa kaniya, mukhang walang balak siyang paalisin ng buo.
“It’s a simple yes, Marie-babes. Walang mawawala sa ‘yo.” Tiningnan lang siya nito ng simple at sawsaw ulit ng cookies sa kape. “Mmmm! Ang sarap nito, ah. Pwede na rin.”
“Hindi ako papayag!”
“Miss?”
“Nani?!” Inis na harap niya sa isang Yakuza.
Agad naman itong nagtakip ng bibig at hindi umimik.
“Gheron ano ba! Isa ka na lang sa ‘kin talaga.”
“May narinig ba ako?” Nagkunwari itong tumingin sa paligid. “Ah wala. Okay-okay, I’m going. Ayaw ko rin mapasamang mamatay ng mga Yakuza. Narinig ko, hindi sila nagpapaalis ng biktima nila. Oo rin pala, narinig ko sinisilid nila sa sako ang katawan…”
Napalunok naman ng sunod-sunod si Marie. Malamig pero pinagpawisan siya ng malagkit. Mas lalo yata siyang natakot sa sinabi nito, eh! Bwesit talaga.
“Narinig ko rin pala, pinapaanod nila ang iba. Ang iba naman, pagkatapos nilang isilid sa sako, ginagawang corn beef, meat loaf, pork and beans at pinapakain sa wild animals—”
“Yawa ka!!! Oo na, oo na!”
“Wala pa rin akong narinig.”
“Oo na! Pwede na yawa ka!” Naiiyak na sigaw niya.
“What? Elucidate please, Marie-babes?” Humarap ito sa kaniya pero ang ngiti nito, abot hanggang bagang.
Napatingin siya sa anim na Yakuza, naka-ready na ang sako. Ang isa ay nakaabang pa ang kamay sa kaniya. Napalunok siya ng laway at pikit ang matang inulit ang kaniyang sagot. Babawiin na lamang niya bukas.
“Oo na! Payag na akong maging girlfriend mo. Magiging boyfriend na kitang bwesit ka. Masaya ka na?”
Ngumiti naman ito na parang nanalo ng lotto at nagkislapan pa talaga ang mata nito. Kung alam lang nito na bukas na bukas din ay babawiin niya.
“Are you sure?”
Parang gusto niyang ibato rin dito ang kaniyang suot na sapatos kung ‘di lang yelo ‘tong inaapakan niya. “Oo nga!”
Nagkibit ito ng balikat at sandaling nagyuko ng ulo habang nakahawak sa noo. Napakunot naman siya ng noo at sisigawan pa ulit ito nang makitang tumatawa ito ng walang ingay at pansin na pansin niya ang pamumula ng mukha ni Gheron kahit gabing-gabi.
Kinikilig ba ito? Gusto niyang itanong pero ‘di niya magawa dahil parang may kung anong gumapang na kung ano sa puso niya. Teka, kinikilig din ba siya?! Pinilig niya ang kaniyang ulo. Hindi ang tulad ni Gheron ang magpapakilig sa kaniya.
“Sige, sinasagot na rin kita.” Ngumisi ito nang magtaas ng tingin.
“Ano?”
“Wala. Pikit mo ang mata mo.”
“Bakit?” nalilitong tanong niya.
“Basta pikit mo lang. Ayaw mo naman siguro makakita ng dumanak na dugo dahil lang sa ‘yo, ‘di ba?”
Napatango-tango siya. Tama si Gheron, ayaw niyang makakita ng ganoon eksena kaya sinunod niya ang sinabi nito kahit gustong-gusto niyang bigwasan ito pagkatapos.
“I-ilang minuto akong pipikit ng mata?”
“Habang-buhay.”
“Hayop ka!”
Tumawa lang ito at muli siyang inutusan na ipikit ang kaniyang mata at iyon nga ang kaniyang ginawa. Wala naman mawawala kapag pinikit niya ang mata niya.
“Ipikit mo lang ang mata mo, pancakes. Ako na bahala rito.”
Napasinghap siya nang maamoy niya ang maiinit na hiningang tumama sa kaniyang teynga. Boses ni Gheron ito at parang may kung anong kumiliti sa kaniyang puso sa bed room voice na ginamit nito. Akmang imumulat niya ang kaniyang mata nang bawalan siya nito.
“Don’t or I’ll kiss you.”
Yawa ka! Kasunod n’yon ay ang malakas na pagkabog ng kaniyang puso na parang mabibingi na siya. Wala na, wala na itong puso niya. Tinraydor na siya…
“Done. You can open your eyes.”
“Ha?”
“Bubuksan mo ang mata mo o hahalikan kita?”
Nagdikit ang kaniyang kilay sa lantaran pangmamanyak sa kaniya ni Gheron na akala nito, kinikilig siya. Bakit hindi ba? Nagmulat siya ng mata at gano’n na lang ang gulat ni Marie nang makitang nakahandusay na ang anim at nakabaluktot ang katawan ng iba sa sakit.
Paano nangyari iyon? Dalawang minuto lang akong nakapikit tapos— Takang napatitig siya kay Gheron. Pakamot-kamot ito sa batok at kunwari shy smile pa ito sa kaniya habang ang isang kamay ay nasa bulsa ng pantalon nito.
“Pinatumba ko na sila, Marie-babes.” Kunwari shy smile pa rin pero kuminang-kinang ang mata.
“Sure ka?” Nang sabihin niya iyon, dumaing sa aray ang anim na Yakuza at namimilipit na waring binugbog ng sampung demonyo. Hindi kaya nagkunwari lang ang mga ito? Ang daming dugo ang nakita niya na parang pinagsaksak ng walong aswang gamit ang matulis na baba.
“Naman! Pumikit ka kasi habang pinagkarate-wataaa Bruce Lee ko sila!” Umarte pa itong nag-martial arts sa hangin.
“Gago ka ba? Pinapapikit mo ako. May pa ‘Don’t or I’ll kiss you’ ka pang nalalaman!” nanlilisik ang kaniyang mata nang angilan niya ito.
“Oh yeah right, I did tell you that.” Napakamot ito sa ulo. “Ngayon napatumba ko na sila at aabutin ng limang taon bago sila makatayo. Let’s go. Ihatid mo na ako.”
Inirapan lang niya ang binata at walang sabing iniwan niya ito at bahala na ito sa mga Yakuzang pinatumba. Huh! Tingin nito ay magpapasalamat siya, nagkakamali ito.
“Marie-babes!”
Mabilis siyang tumakbo papalayo sa binata deretso siyang nagtungo sa staff house. Nakakabaliw ang nangyaring eksena nang gabing iyon pero mas mababaliw yata siya sa pasulpot-sulpot na presinsya ni Gheron. Gusto niyang isipin minsan na ito ang may pakana lahat. Mas mukha kasing killer ang binata keysa sa mga Yakuza na humarang sa kaniya.