Enchanted (Compilation of Lambana Stories) Chapter 34

“ANO’NG gusto mong kainin for dinner mamaya?”

Papalabas na sina Rosette sa opisina ni Erastus. Kakatapos lang nilang mananghalian. Sa totoo lang ay medyo awkward kanina habang kumakain sila ng lunch. Matapos nitong itanong kung ano ang mga pinaggagawa niya pagkaalis nito ay nagpokus na ito sa pagkain. Palagay naman niya ay nagustuhan nito ang luto niya dahil naubos nito iyon.

At tila may isang laksang tuwa ang pumuno sa puso niya sa ideyang nagustuhan nito ang lunch na inihatid niya rito. Binalewala na lang niya ang graham balls na tila di nito gusto. Mag-iisip na lang siya ng ibang dessert na gagawin para dito.

Para bang napakasarap sa pakiramdam na ginagawa niya iyon, ang pagsilbihan si Erastus. Sumasaya siya kapag nakikita niya ang totoong ngiti nito. Ang mga ngiting dati ay kay dali lang nitong ibigay sa kanya.

“Really, Rosette. You don’t need to do all the house chores. May tagalinis ako sa unit tuwing Monday, Wednesday at Friday. Pwede din naman akong magpa-deliver na lang ng pagkain pag-uwi ko. Gumawa ka na lang ng ibang bagay.”

Nakaramdam siya ng bahagyang pagtatampo. Ayaw ba nito na pinakikialaman niya ang unit nito?

“Pero naiinip kasi ako sa unit mo. Ayaw mo naman akong isama dito sa trabaho mo.”

“Para ano? Para putaktihin ka ng mga iyan?” Nakaingos na inginuso nito ang mga kapulisan sa labas na siyang sumalubong sa kanya kanina.

Huminto siya sa paglalakad at pumuwesto sa harapan nito para magkausap sila ng mas maayos.

“Eh, kung ayaw mo akong kasama dito, hayaan mo na lang akong gawin ang mga ginagawa ni Aling Ising.”

“Hindi kita katulong, Rosette!” naiinis na sambit nito.

Natigilan siya nang makitang nayayamot na naman ito. Bakit ba hindi na lang ito maging mabait sa kanya tulad ng dati?

Subalit nagtataka rin naman siya sa sarili. Dahil kahit pakitaan pa siya ni Erastus ng magaspang na pag-uugali ay hindi pa rin nagbabago ang ritmo ng pagtibok ng kanyang puso para dito. Ganoon na yata kahibang ang kanyang damdamin para kay Erastus. Ganoon na niya ito kamahal na ang masama at mabuti mula rito ay buong puso pa rin niyang yayakapin. Dahil para sa kanya, wala nang hindi mabuti rito. Naging perpekto na ito sa kanyang paningin.

“Kung iniisip mo `yong pagtataboy ko sa `yo noon at ginagawa mo iyan para hindi na kita itaboy, itigil mo na. Dahil hindi na kita itataboy. Pwede kang mag-stay sa unit ko hanggang gusto mo.”

“Hindi ko ito ginagawa bilang kabayaran. Gusto ko lang itong gawin dahil…” Natigilan si Rosette. Kamuntik na niyang maibuko ang sarili. Nakakainis naman kasi! Parati na lang siyang pino-provoke!

Maigi na din pala na hindi nito taglay ang kakayahan nitong mabasa ang kanyang iniisip. Kung sakali, baka mawalan na siya ng lakas ng loob para lumapit dito.

“Dahil ano?” Nakataas ang isang kilay ni Erastus na untag sa kanya.

“Dahil… dahil naiinip ako.” Inilayo niya ang mga mata kay Eratsus at napakagat-labi.

Nagsinungaling na naman siya. Bawat araw yata na dumaan ay madadagdagan ang kasalanan niya dahil sa mga pagsukol ni Erastus. At hindi na niya alam kung bago dumating ang ikatatlumpong araw ay nararapat pa rin siyang mabuhay dahil siguradong parurusahan siya sa Engkantasya.

Papatalikod na sana si Rosette nang pigilan ni Erastus ang isang braso niya. Umangat ang isang kamay nito sa baba niya at iniangat ang kanyang mukha. And then she met his wonderful light violet eyes. Gusto na lang niyang matunaw sa mga titig ni Erastus ng mga sandaling iyon. He was entering her whole human being while he was gazing down her just like that.

“You are not good in lying, Rosette.” Bahaw ang tinig na usal nito.

His breath was fanning her face it gave her a warm tingling sensation. And it all creeps down her very spine. Hindi siya makagalaw. O tamang sabihin na ayaw niyang gumalaw. Napakasarap sa pakiramdam na malapit na malapit lang ang mga mukha nila sa isa’t isa. Habang dinadama ang pagwawala ng kanyang puso.

Sa maiksing sandali ay nais niyang isipin na hahalikan siya ni Erastus. At gusto niya! Gustong-gusto niyang matikman muli ang matamis nitong mga labi. Nasasabik siyang maulit ang magandang welcome greet nito sa kanya sa pagbabalik niya sa mundong iyon.

“Rass!!!”

Dagling naputol ang masarap na sandali nang humahagibis na tumilapon si Shunn kay Erastus. Ganoon na lang ang pagkirot ng puso niya nang pumulupot ang makinis na braso ng dalaga sa matipunong bisig ni Erastus. At tuluyan na siyang nakalimutan ng huli.

“Ano’ng ginagawa mo dito, Shunn?”

“Dinadalaw ka. Bakit? Bawal na ba?” Puno ng paglalambing ang tinig ni Shunn at tuluyan siyang nadurog ng malambing ring ngumiti si Erastus dito.

“Hindi naman. Akala ko kasi may photo—”

Tumalikod na si Rosette at mag-isang ipinagpatuloy ang paglabas ng building. Hindi na niya matatagalan ang masayang pag-uusap ng dalawa. Pakiramdam niya ay sinasaksak siya ng bawat masasayang tinig ng dalawa habang magkausap. Alam naman ni Rosette na hindi niya dapat na maramdaman iyon pero hindi niya magawang pigilan ang kanyang puso.

Gusto na lang niyang sumuko. Paano niya mapapaibig si Erastus kung ganitong, nakikita niyang parehong-pareho ng tingin na ibinibigay nito kay Kroen noon ang ibinibigay nito kay Shunn ngayon.

Marahas na humugot at nagbuga siya ng hininga upang pigilan ang mga luhang nagbabanta sa kanyang mga mata. Ang hirap-hirap talagang kontrolin ng emosyon. Lalo pa ngayon at nasa katawang tao siya. Mas fragile ang damdamin niya.

“Rosette? Aalis ka na?”

Papasalubong sa kanya si Jyle. Mabilis na ngumiti siya rito bago pa nito mahulaan ang totoong estado ng damdamin niya. Salamat kay Jyle dahil ito ang nagturo sa kanya kung paano makakarating doon nang maayos. Hindi na lang niya ipinarating dito na kamuntik na siyang mabastos kaninang nag-aabang siya ng taxi, dahil baka makonsensiya pa itong tinulungan siyang magbiyahe papunta roon. Bakit kasi ganoon ang mga tao? Matatakaw sa tawag ng laman.

Gusto ni Jyle na sunduin siya kaninang tawagan niya ito para sa direksyon habang nagbibiyahe dahil marami nga daw luko-luko sa lugar na dadaanan niya pero tumanggi siya. Inaabala na niya ito nang husto at di naman tama na abusuhin niya ang kabaitan ni Jyle para sa pansarili niyang interes.

At kahit may after shock pa siya kanina sa mga bastos na lalaki sa daanan ay mabilis rin iyong napawi nang abutin ni Erastus ang kamay niya at marahang pisilin. Tila ba nasabik ang puso niya sa ganoong pagkakataon. Nasabik siyang maramdaman ang kamay ni Erastus na mapag-alagang nakahawak sa kanya. Kung pwede lang niya sanang hilingin dito na `wag na siya nitong pakawalan.

“Oo. Salamat pala kanina.”

Ngumiti siya uli. Naalala niya ang isang foodkeeper na inilaan niya para dito kanina. Pero dahil di niya ito agad nakita kaya di niya naiabot. Kinuha niya iyon sa eco bag at ibinigay rito.

“Mahilig ka ba sa matamis?” tanong niya habang ibinibigay ang food keeper. “Mukhang hindi mahilig si Erastus sa Graham balls. Nakadalawa lang siya do’n sa dinala ko para sa kanya.”

Ngumiti si Jyle at sandaling may sinilip sa bandang likuran niya. “Talaga? Nakadalawa siya? Hindi iyan mahilig kumain nang matamis, eh. Patikim-tikim lang `yan. `Buti at napakain mo ng dalawang piraso.”

Hindi malaman ni Rosette kung matutuwa o madidismaya. Pinaghirapan niyang iresearch ang paggagawa ng dessert para sana i-impress si Erastus . Pero mukhang palpak. Maigi na lang at `yong lunch ay naubos nito. Kahit paano ay maaya siyang di nasayang ang effort niya.

“Talaga?” Walang ganang sambit niya. Pero dapat na din siyang matuwa na kinain ni Erastus ang Graham balls maski ayaw nito sa ganoon. “Eh, ikaw? Ayaw mo rin ng matamis?”

“Walang masamang pagkain para sa akin,” natatawang sabi nito. “Halika na, hatid na kita.”

“Huwag na. Kaya ko namang mag-isa,” tanggi niya.

“Hayaan mo na ako. May gusto lang kasi akong patunayan.”

“Ano?” nagtatakang tanong niya.

Ngumiti lang si Jyle at dinakma ang isa niyang kamay, saka siya marahang hinila palabas ng exit door.

Gusto sana niyang lingunin si Erastus habang papalabas pero pinigilan niya ang sarili. Siguradong masasaktan na naman siya kapag ginawa niya iyon.

“One… two… three.”

Bago pa matanong ni Rosette kung bakit nagbibilang si Jyle ay narinig niya ang malakas na boses ni Erastus.

“Sandali, Rosette!” pasigaw na pigil nito sa kanilang paglabas ni Jyle.

“Sabi ko na!” Pumapalatak namang bulong ni Jyle sa kanya.

Naguguluhang bumaling siya kay Jyle at hindi niya naiintindihan ang ibig sabihin nang malapad na ngiti nito.

“Aalis ka na, hindi ka man lang nagpapaalam sa akin!” Yamot na sita ni Erastus sa kanya.

Ito pa ang may ganang mayamot samantalang ito ang bumalewala sa kanya sa pagdating lang ni Shunn.

“Eh, busy ka kasi. Ayoko namang abalahin ang moment n’yo ni Shunn,” naiiritang sambit niya rito. At hindi niya maiwasang magtunog nagrereklamo. Alam niyang iyon ang dahilan ng haliling pag-angat ng mga kilay ni Erastus.

Ah! Bahala ito sa buhay nito!

Nilingon niya si Shunn na nagkukutingting sa cellphone nito.

“Bakit nasa `yo `yan? Akin `yan, ah!”

“Akin ito, bro. Bigay ito sa `kin ni Rosette.”

Binalingan niya ang dalawang lalaki na nagtatalo. Inaagaw ni Erastus ang hawak ni Jyle na lalagyan ng pagkain.

“Tsaka `di ba hindi ka naman mahilig sa matamis?”

“Pakialam mo? Akin na nga iyan!”

“Sa akin nga ito!”

Inawat niya si Erastus sa ginagawa nitong pang-aagaw kay Jyle. “Sa kanya `yan, Erastus. Binigay ko iyan sa kanya.”

“Ano?! Binigay mo sa kanya ang Graham balls ko?” asar na baling nito sa kanya.

“`Di ba nasa table mo `yong sa `yo? Tsaka mukhang `di mo naman gusto kasi nakadalawa ka lang. Marami pa `yong nasa table mo. Baka langgamin lang `yon doon.” Binalingan niya si Jyle. “Halika na, Jyle. Ihatid mo na ako.”

“Aba’t—”

Binirahan niya ng talikod si Erastus at nagpasya nang mauna sa paglabas. Sandali pa at kasunod na niya ito habang naghihintay siya ng dadaang taxi.

“Nang-aasar ka ba talaga, Rosette?”

Nakaigkas ang kilay na nilingon niya si Erastus. “`Problema mo sa `kin, ha?”

“Ikaw mismo ang problema ko! Bakit kay Jyle ka magpapahatid? At bakit siya ang tinatawagan mo at hindi ako? Pagkaalis ko na lang kanina sa bahay hanggang sa magtanghali, ikaw ang iniisip ko. Ni hindi ka tumatawag para ipaalam kung ano’ng ginagawa mo. `Tapos malalaman ko na kaya naman pala hindi ka naiinip, kausap mo si Jyle. Pero ako, ni hindi mo naisipang i-text!”

Hindi niya maintindihan si Erastus kung bakit siya nito sinusumbatan nang ganoon. Samantalang sinabi nito na `wag niya itong aabalahin kung hindi rin lang emergency ang dahilan ng magiging pagtawag niya.

“Dapat ba na i-report ko sa `yo ang mga ginagawa ko? Tsaka sabi mo, `wag kitang abalahin?”

Frustrated na naisuklay nito ang mga daliri sa maigsing buhok. “Sabi ko, kung hindi emergency!” asar na giit nito.

“Kaya nga. Eh, wala namang emergency, `di ba?”

“Hindi pa ba emergency na mag-isa kang nagpunta rito?”

May dumaang taxi at pinara niya iyon. Nang huminto iyon sa harapan nila ay agad na inabot niya ang back door pero mabilis siyang pinigilan ni Erastus na buksan iyon.

“Hindi pa tayo tapos mag-usap,” matigas ang tinig na wika nito habang pigil ang handle ng back door ng taxi.

“Hindi pa ba? Eh, tapos na ang lunch break n’yo. Tsaka may naghihintay pa sa `yo sa loob.”

Yamot na inihampas niya sa kamay nitong pumipigil sa back door ang hawak niyang eco bag na may lamang mga food keeper. Napaigik ito sa lakas niyon.

“Huwag kang mag-alala. Hindi na kita dadalhan ulit ng lunch para hindi ka maistorbo sa lunch date n’yo ni Shunn.”

Sumakay na siya sa taxi at pinaalis iyon. Malamang naman nga kasi na kaya hindi ito natuwang makita siya roon ngayong tanghali ay dahil may balak itong makipag-lunch kay Shunn. Hindi nga ba at kaya naroroon ngayon si Shunn ay para sabay mananghalian ang dalawa?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.