“MASABI MO pa kaya iyan kung malaman mo ang totoo?”
Mula sa sangang kinaroroonan ni Rosette ay walang ngalay siyang nakatitig sa maliwanag na bilog na buwan. Kulay-ginto iyon. Katulad noong unang ipakita sa kanya ni Erastus ang flower moon.
Muling bumalik ang kaayusan sa buong Engkantasya. Naging balanse uli ang dalawang nagulong mundo. Bumalik sila sa tradisyonal na pamumuhay habang ang mga masamang elemento ay naikulong sa balon ng walang hanggan. Lahat ng iyon ay dahil kay Erastus at sa kapangyarihan nitong isinaboy sa buong Engkantasya. Hanggang ngayon, nararamdaman pa rin nila ang proteksyon na biyaya ni Erastus sa kanilang lahi.
Masaya na sana ang lahat. Nakabalik na si Xeen at masaya na rin ang mga kaibigan niya dahil bumalik na sila sa dati nilang payak na pamumuhay. Subalit si Rosette, hindi na niya magawang maging masaya. Dahil muli na naman siyang iniwan ni Erastus.
Ang pinakamasakit pa roon, nalaman niyang pareho naman sila ng nararamdaman pero hindi na sila nagkaroon ng pagkakataon na namnamin ang pag-ibig ng isa’t isa.
“Hindi ka makasarili, Erastus. Napakabuti mo.” Halos wala sa sariling sambit ni Rosette.
Inamin sa kanya nina Xyro ang isang malaking dahilan ni Erastus, kung bakit nagawa nitong isuko ang pagiging engkantado at piniling maging mortal. Dahil natakot ito sa damdamin para sa kanya. Takot ito sa walang kasiguruhan.
Kaya pala ay hindi nito naririnig ang iniisip niya. Hindi nito alam na noon pa man ay minamahal na niya ito. At noon pa man ay sinasaktan na nito ang damdamin niya.
At oo, hanggang ngayon ay kahanga-hanga pa rin ang tingin niya sa ginawa ni Erastus. Naging duwag man itong harapin ang kinatatakutan nito subalit malaki ang naging pambawi nito sa nagawa. Hindi rin naman nito nalaman na magugulo ang balanse ng dalawang mundo sa naging desisyon nito. Kaya kung pagiging makasarili man na pinrotektahan nito ang sariling damdamin, hindi pa rin niya magawang magalit dito nang sobra. Sumama lang ang loob niya at nagtampo pero hindi siya kailanman magagalit sa lalaking mahal niya.
“Nakakainis ka talaga! Sana tinanong mo ako!” Hindi napigilan ni Rosette ang pagdaloy ng mga luha mula sa kanyang mga mata.
Sumasabog na naman sa matinding sakit ang puso niya. Tuwing maaalala niya ang masaklap na wakas nila ni Erastus ay hindi niya mapigilang masaktan. Bakit kay lupit ng Batas ng Kalikasan sa kanya? Ano bang nagawa niyang masama para maging ganito kasaklap ang buhay niya?
Buong buhay naman niya ay wala siyang ginawa kundi ang mahalin ang lalaking inaakala niyang may iba nang mahal. Minahal lang niya si Erastus pero hindi niya ito tinangkang agawin sa iba. Siguro, minsan ay naiisip niya iyon, pero hindi rin naman niya ginawa. Kahit marami siyang pagkakataong gawin iyon ay di niya ginawa. Sa halip, tinulungan pa niya ang mga ito na magkalapit.
Kasalanan pa ba iyon? Kasalanan bang tumulong?
At higit sa lahat, hindi naman niya nalaman kung kailan eksaktong minahal siya ni Erastus. Eh, di sana, pinigilan niya ito sa desisyon nito noon?
Pero siguro, maigi na rin ang nangyari dahil nabigyan naman ng pagkakataon na lumigaya ang kaibigan niya maski sandali lang.
“Paano nga kita tatanungin, eh, natatakot akong malaman na magkaiba ang ating mga damdamin.”
Napasinghap si Rosette sa pagkagulat. Binundol siya ng matinding kaba. Inulan ang puso niya ng sandamakmak na pag-asa. Subalit pinigilan niya ang sarili sa huling ideya. Hindi maaari. Imposible iyon!
Wala na si Erastus. Ibinigay nito ang sarili para sa kaligtasan nilang lahat. Kaya imposibleng si Erastus ang naririnig niya. Baka naman kaluluwa nito iyon na naglalayag sa buong Engkantasya para bantayan at protektahan sila.
Napahagulhol si Rosette. Paulit-ulit niyang naririnig ang sinabi ni Erastus sa kanya.
Poprotektahan kita palagi. Mula sa nakaraan hanggang sa hinaharap.
“Ito na ba `yon, Erastus? `yong sinabi mo na poprotektahan mo ako palagi? Kaluluwa mo na lang ang magbabantay sa akin? Nakakainis ka pa din! Ayoko na kaluluwa ka lang. Gusto ko na ikaw mismo ang kasama ko. Ikaw mismo, Erastus!”
“Ako na nga ito. Hindi naman ako kaluluwa, ah.”
Tila sinisira ang kanyang buong sistema nang maramdaman ang mainit at mahigpit na yumakap mula sa kanyang likuran.
Awtomatiko rin ang pagbabago ng ritmo ng kanyang puso. Damang-dama niya ang matinding pag-iingay ng kanyang dibdib. Katulad nang kung paano guluhin ni Erastus ang buong sistema niya.
“Erastus…” pabulong na sambit niya. Tila hindi pa rin siya makapaniwala
“Mahal ko…” Magaan at puno ng pag-ibig na halik ang ibinungad ni Erastus nang lumingon siya rito.
Damang-dama niya ang masarap na sensasyong agad na bumusog sa kabuuan niya. Puno ng pananabik at paggalang. Para siyang mababaliw sa kaligayahang hatid ng bawat paghagod ng mga labi nito sa kanya. At hindi niya kayang hindi tumugon. Kahit na nalilito siya sa nangyayari ay hindi muna niya nais na bigyan iyon ng puwang. Ayaw niyang matapos ang napakagandang sandali. Kung imahinasyon man iyon o panaginip, ayaw na lang niyang bumalik sa kasalukuyan.
Nandito na ang kaligayahan niya at hindi niya iyon nais na pakawalan. Hindi na niya iyon pakakawalan.
“Erastus…” puno ng pag-ibig at pananabik na sambit niya sa gitna ng kanilang halikan. Hindi rin niya napigilan ang mga luha at mahigpit na niyakap ito mula sa batok. Takot na takot siya na baka bigla itong maglaho.
“Tahan na, Rosette. Bakit ka ba umiiyak?” Hindi magkandaugaga sa pagtapik sa kanyang likuran si Erastus upang pakalmahin siya. “At ang higpit ng yakap mo sa akin. Hindi ako makahinga.”
Bahagya niya itong pinakawalan ngunit sa kamay naman nito siya humawak ng mahigpit. Natawa na lang si Erastus.n na sambit niya.
“Ang higpit mong yumakap. Napakasarap!”
Hinampas niya ito sa braso. “Natatakot ako na bigla kang maglaho. Baka maging abo ka ulit. O usok. Ayoko nang sumabog ka ulit!” Hindi na naman niya napigilan ang mapaluha.
Masuyong hinaplos nito ang kanyang pisngi at tinuyo ng maliliit nitong halik ang kanyang mga luha. Naipikit na lang niya ang kanyang mga mata. “Hindi na ako maglalaho, muli.”
“Pero paano kang nakabalik?” bigla niyang naalalang itanong. “At bakit ganoon katagal? Tatlong mabibilog at makikinang na buwan na ang lumipas bago ka pa nakabalik. Hindi mo ba alam na halos ayoko nang bumangon dahil wala na rin naman akong dahilan para doon? Hindi ko alam kung paano ko natagalan ang mga araw na lumipas habang iniisip na wala ka na. Na hindi ka na babalik dahil sa paraan ng iyong paglalaho. Maski sina Xyro ay hindi matiyak ang kinahantungan mo. Hindi ka nila makita sa Gitbutay, Erastus. Labis ang pagsisisi niya na hindi mo kaagad nakuha ang kapangyarihan mo.”
Humagulhol na naman si Rosette sa pagkaalala sa pinakamahirap na tatlong buwang lumipas. Mas masakit ang mga nagdaang araw, linggo at buwan na iniisip niyang wala na talaga ito. Kung nalungkot na siya noon na nasa kabilang mundo ito ay natuwa na rin naman siyang alam niyang nasa maayos itong katayuan. Buhay ito at masaya sa bagong katauhan. Doon lang ay natanggap na niya. Mahalaga lang naman sa kanya ay ligtas ang lalaking mahal niya. Subalit ang nangyari nitong nakaraan ay halos magpawala ng kanyang katinuan. Hindi niya matanggap na wala na si Erastus.
Parati siyang umaasa na babalik ito. Babalikan siya nito. At hindi siya nabigo dahil naririto na nga si Erastus. Hawak niya ito at yakap naman siya ng engkantado.
“Kumalma ka na, Rosette. Dahil tapos na ang lahat. At hindi dapat na sisihin ni Xyro ang kanyang sarili. Maski ako man ay hindi ko na din naalala na bawiin ang aking kapangyarihan sa labis na pag-aalala ko sa `yo. Kung alam mo lang, gusto ko na ding mawala kung naiwala kita noon, mahal ko. Kaya ipinangako ko na hindi ko hahayaang mapahamak ka muli. Kahit kapalit pa noon ang buhay ko.” Buong pusong niyakap niya si Erastus habang umaagos ang luha ng kanyang kaligayahan. “Nakatulong nang malaki ang hindi ko kaagad pagkuha sa kapangyarihan ko. Dahil nang mamatay ako, kusang sumanib sa akin iyon ay siyang nagligtas sa buong lahi natin, katulad ng hiling ko. At ang kapangyarihan ko rin ang tumulong sa akin na makabalik ako. Sadyang natagalan lamang ang pagtubo kong muli dahil mas marami ang kapangyarihang nagamit sa pagpaslang sa masasamang elemento. Subalit hindi ba mas mabuti na rin iyon dahil naibalik ang balanse ng dalawang mundo? Higit doon ay nakabalik ako. Nabigyan uli ako ni Bathala ng panibagong pagkakataon upang mabuhay at mahalin ka, Rosette.”
Masuyong pinakawalan niya si Erastus. Sinalubong niya ang mapagmahal nitong mga mata na nakatitig sa kanya. “At sa paanibagong buhay kong ito, ipinapangako kong hindi na ako matatakot sa mga walang kasiguruhan. Ngayon ko naisip na dapat kong tanggapin na sa buhay ay hindi parating masaya at nagwawagi. Dapat kong tanggapin na minsan ay kailangan nating mabigo upang may matutunan. Kailangang harapin ang takot at hindi dapat na takbuhan. At ngayon, mahal ko...” Magaang na hinagkan siya nito sa kanyang noo. “Natutunan kong ilaban ang damdamin ko kahit hindi ako siguradong matutumbasan din iyon ng babaeng mahal ko. Dahil ang pag-ibig ay hindi dapat na humihingi ng kapalit. Sa halip, sapat na iyon na maging wagas at totoo.” Napasinghap si Rosette nang mahigpit na hawakan ni Erastus ang mga kamay niya at deretsong tumitig sa kanya. Kay lakas ng tibok ng kanyang puso na para bang ayaw na lang niyang huminga.
“Rosette, iniibig mo man ako o hindi ay hindi na mahalaga. Ang nais ko na lang ay malaman mong iniibig kita nang sobra. Pinapangako kong poprotektahan kita palagi bilang tanda ng aking pag-ibig sa `yo, mahal ko. Paliligayahin kita sa habampanahon na tayo’y magkasama. Handa rin akong tanggapin kung may iba kang minamahal basta huwag mo lang akong pigilan na ibigin ka.”
Sa pakiwari ni Rosette ay idinuyan siya sa alapaap dahil sa mga salitang sinambit ni Erastus. Kung meron mang pinakamaligayang nilalang hanggang sa ikapitong daigdig, walang duda na siya na iyon. Dahil sa wakas, natapos na rin ang paghihirap niya.
Mabilis siyang umalis sa kinauupuang sanga at itinapon ang sarili kay Erastus. Napahigpit ng yakap niya rito. Kasinghigpit ng nagsusumiklab na damdamin niya para sa engkanto.
“Wala akong ibang inibig kundi ikaw, Erastus. Noon, ngayon at maging sa hinaharap ay wala akong ibang iibigin kundi ikaw lang. Kahit gaano kasakit sa aking makita na may iba kang nagugustuhan, hindi nabura ng mga sakit na iyon ang pag-ibig ko sa `yo. Dahil sinabi mo nga, hindi kailangan na may katumbas ang pag-ibig. Ang kailangan lang ay maging totoo. At isandaang porsyento na nakatitiyak ako sa damdamin ko para sa iyo. Dahil ni minsan ay hindi iyon nabawasan maski noong mga panahon na magkalayo tayo. Mas yumabong pa nga iyon nang muli tayong magkita maski hindi mo ako naaalala. Iniibig kita nang sobra-sobra at hindi sapat ang mga pagsubok para pawiin ang damdamin ko para sa `yo.”
Naramdaman ni Rosette ang pagpapaulan ni Erastus ng halik sa kanyang tuktok. Nang tingalain niya ito ay noon lang niya nakitang basa na rin ng luha ang napakaguwapo nitong mukha.
“Nalito lang ako noon sa damdamin ko, mahal ko. Nagustuhan ko si Kroen dahil kakaiba siya sa lahat ng mga lambana. Hindi siya karaniwang lambana dahil kalahating tao siya. Habang ikaw, naging napakalapit ng damdamin ko sa `yo. Walang katumbas ang ligaya ko kapag nakakasama kita. Subalit hindi kita kayang basahin. At ang pangamba ko sa bagay na iyon at ang damdamin kong sumibol para sa `yo ang nagtulak sa akin upang mas dapat na pag-ukulan ko ng atensyon si Kroen. Mas pinili ko siya dahil nararamdaman kong maski hindi niya ako piliin ay hindi ako mawawasak ng lubos. Masyado akong naging duwag sa aking nararamdaman. At natakot sa magiging pinakamasaklap kong kabiguan. Dahil Rosette. Ikaw ang aking kaligayahan subalit ikaw rin ang aking kahinaan. Nahihirapan akong ipaliwanag noon ang damdamin ko para sa `yo. Kung bakit hindi ko maintindihan ang ligaya sa puso ko tuwing kasama kita. At kailan ko lang naunawaan ang lahat. Kailanman ay hindi nagkaroon ng sapat na paliwanag ang pag-ibig. Dahil iyon ay damdaming walang tamang salita upang maipaliwanag. Patawarin mo sana ako kung—”
Tinapos niya ang mga sasabihin pa ni Erastus sa isang nagliliyab sa init na halik. Sandali man itong nagulat ngunit mabilis ding nakabawi. Sa huli ay naramdaman na lang niya ang pag-angat nila paitaas sa himpapawid habang malayang ninanamnam ang pag-ibig ng isa’t isa. Walang pagmamadali at puno ng ligaya na pinag-isa nila ang kanilang mga puso at kaluluwa.
Siguro, kung uulitin ang mga buhay nila, pipiliin pa rin niyang maulit ang paghihirap nila, kung sa huli ay ganito naman katinding kasihayan ang kapalit ng lahat. Wala siyang pagsisisihan. Wala siyang panghihinayangan.