THIS way to Lake Tufub.
Ikiniling ni Madison ang ulo nang tingalain ang mabatong daanan paakyat ng lawa. Nasa tuktok pa ng bundok ang naturang lawa. Isa iyon sa atraksyon sa bayan ng Barlig. Iyon ang unang lugar na pupuntahan niya nang di halata ni Lerome na hinahanap talaga niya ang kaibigan nito.
“Nagdadalawang-isip ka ba na umakyat?” tanong ni Lerome sa kanya. May sukbit itong eco bag at sports bag sa magkabilang balikat. May h awak pa itong kahon sa kabilang kamay na may lamang manok na iluluto daw nito. Sa kabila pa ay ang damit niya na nasa maliit na maleta.
“Hindi. Sabi mo mga ten minutes lang nasa Tufub na tayo, di ba? ‘Yung ilang oras nga na lakaran nagawa ko dati,” pagmamalaki pa ng dalaga. Sisiw na lang sa kanya ng ngayon ang mga sampung minutong lakaran lalo na’t alam niyang nasa tuktok niyon ang premyong pinakaaasam niya.
Ayon sa interview niya sa tiyahin ni Beliza na si Manang Lourdes ay ay pumupunta doon si Jeyrick para mangisda at makipagkwentuhan sa bantay doon na si Edward. Kahit siguro isang oras pa papunta sa tuktok ay hindi niya susukuan. Para sa pag-ibig. Para sa career.
Bitbit ang mga gamit nila ay nagsimula na silang umakyat. Matapos ang ilang oras na mabatong daan ay umakyat sila sa hagdan. Magagaan ang hakbang ng dalaga kahit na may kabigatan ang dala niya. Alam kasi niya na malapit na siya sa tagumpay.
Nawala ang lahat ng saya niya nang dalawang aso na papababa ng hagdan. Napababa bigla siya sa hagdan at nagtago sa likod ng lalaki. “Lerome, may aso.”
“Aso lang. Kuuuu!” sabi pa ng lalaki na parang binabati ang dalawang aso.
Tinampal niya ang lalaki sa likod. “Baliw ka ba? Bakit mo pa tinawag? Shooo!” pagtataboy niya sa dalawang aso. Subalit sadyang makulit ang dalawang aso at siya talaga ang tinarget. Inamoy-amoy pa ng mga ito ang binti niya at naglaro pa sa paanan niya. Hindi na natinag si Madison sa kinatatayuan. “Paalisin mo na sila dito.”
Nakuyom ng dalaga palad nang magpaikot-ikot na ang mga aso sa binti niya. Hindi halos humihinga si Madison. Naalala niya nang panahon na habulin siya ng aso sa farm Ang tiyuhin ni Lerome dahilan para muntik na siyang mamatay. Paano kung malakas ang pang-amoy ng mga aso at nasinghot ng mga ito ang “maitim niyang balak” o kontra sa gusto ni Lerome? Friendly-friend nito lagi ang mga aso. Di niya alam kung may mental telepathy ang binata sa mga aso.
“Huwag kang matakot. Wine-welcome ka lang nila,” anang lalaki sa magaang boses.
“Hindi ako nagpapa-welcome. Paano kung kagatin na lang ako basta? Ayoko ng rabies,” aniyang mangiyak-ngiyak na at nagmamakaawang tiningala ang lalaki. Sana naman ay mautusan nito ang mga aso na lumayo sa kanya.
Tumawa ang lalaki na halos humalakhak sa buong gubat. “Aso lang iyan. Di naman nakakatakot. Matapang ka pa nga sa akin.”
Napikon si Madison. Hindi na nga siya tulungan ng lalaki ay pinagtawanan pa siya nito. “Aso lang pala ha?” Bigla niyang sinakyan ang lalaki sa likod. “Sige. Tawa ka pa.”
Naging mabuway ang pagkakatayo ni Lerome. Nabitiwan tuloy nito ang hawak na maleta at ang kahon na may manok. Dumausdos din sa balikat nito ang sports bag at eco bag. “Bumaba ka, Madison. Gugulong tayo pababa.”
Lalo siyang nangunyapit dito at yumakap sa leeg nito. “Wala akong pakialam. Idala mo ako sa taas. Ayokong makagat ng aso,” angil niya at lalong kumapit sa leeg nito. Iyon ang parusa nito dahil sa pang-aasar nito.
Umubo ang lalaki. “Papatayin mo ba ako? Baba!”
Pilit pa rin siyang inaakyat ng mga aso. Parang mas natuwa pa ang mga ito at ginagawang Olympics ang pagsampa sa kanya. Yumakap siya lalo kay “Maawa ka na. Ayokong makagat ng aso. Marami pa akong pangarap. Never been kissed, never been touched ako!”
Sa sobrang taranta ni Madison, di niya napansin na pati ang personal na impormasyon ay ipagsigawan niya. Huli na para bawiin pa niya. Nakakahiya!
“Ah! Virgin. Puro at dalisay,” anang si Lerome at tumango-tango.
“Huwag kang tatawa. Lagot ka sa akin,” banta niya.
Nanatili lang nakatayo doon ang lalaki pero sinapo nito ang likod ng binti niya para di siya tuluyang dumausdos. Hinayaan na nitong bumagsak ang dalawang bag na nakasukbit sa balikat nito. “Ganito ka ba talaga kalupit? Ako na nga ang nahihirapan.”
Isang halakhak ang narinig nila mula sa taas. Isang matipunong lalaki ang bumababa mula doon. “Aba! Ang sweet naman ninyo ng ka-date mo, Lerome. Mabuti naman at dito ninyo naisipang mag-date.”
“Hindi po ito date, Manong,” tanggi ng dalaga.
“Kuya Edward, pakisabihan ang mga aso mo na mauna na. Ayaw bumaba nitong bisita natin. Baka gumulong kami pababa,” nag-aalala nang sabi ni Lerme.
“Kuuu! Whitie! Brownie!” tawag ni Edward sa mga aso pero naglaro pa rin ang mga ito sa binti ni Lerome. Parang inaabangan ang pagbaba niya. “Ma’am, mukhang nagustuhan kayo ng mga alaga ko. Ayaw sumunod sa akin. Nagandahan sa inyo.”
“Hindi ako bababa dito,” giit ni Madison. “Kahit forever tayo dito, Lerome, hindi ako bababa hangga’t may mga aso diyan.”
“Ako na ang mag-aakyat ng mga gamit ninyo. Kargahin mo na lang ang ka-date mo,” sabi ni Edward kay Lerome at kinuha ang mga dala nitong gamit. “Ma’am, ang backpack ninyo?”
“Okay lang po ako. Macho naman si Lerome. Kayang-kaya niya kami ng backpack ko.” Camera, laptop lang ang dala niya sa bag. Hinding-hindi niya isasayad ang mga paa niya sa lupa hangga’t nasa paligid ang mga aso.
“Oo. Sanay magbitbit ng mabibigat ang mga tao dito ng kaban-kaban at ilang oras pang pasan. Saka romantic nga kayong tingnan kaya i-enjoy ninyo ang pag-akyat,” nakangising sabi ni Edward at nauna nang umakyat sa kanila sa hagdan.
Tahimik lang ang lalaki habang pasan siya. Siguro ay nag-iipon ito ng lakas. Gusto niyang mailang nang sila na lang sila. Mukha nga naman silang magnobyo na nagde-date sa gitna ng kagubatan. Madison was enjoying it. Masarap pakinggan ang huni ng mga ibon, ang huni ng mga kuliglig na parang inaawitan sila. Kahit ang sinag ng araw na sumisingit sa mga puno ay napakaganda. Romantic. Siya tuloy ang nailang. Nangangarap siya dito habang ang may pasan sa kanya na si Lerome ay pihadong naiiita na sa kanya.
“Lerome,” untag niya sa binata.
“Bakit?” tanong nito na tuwid lang ang tingin.
“Thank you sa pagbubuhat sa akin ha? Alam ko naman na di ako ganoon kagaan pero di mo pa rin ako inilaglag para ipalapa sa mga aso. Ang bait mo talaga. Guwapo pa,” aniya at pasimpleng pinisil ang pisngi nito.
“Huwag mo na akong utuin. Alam ko nang guwapo ako. Ang tapang-tapang mo. Di ka takot sumugod sa hinihinalang marijuana plantation. Tingin ko rin ikaw ang tipo ng tao na mas masaya pa kahit tutukan ng baril. Pero sa aso lang takot ka.”
“Uy! Hindi mo mapapakiusapan ang aso kapag gusto ka niyang lapain. Di ka pwedeng makipag-bargain sa kanila. Ayokong mamatay sa rabies.”
“Di ka naman mamamatay. May anti-rabies naman ang mga aso dito. At mababait ang mga aso ni Kuya Edward.”
“Katulad ng aso sa farm ng uncle mo na muntik na akong lapain?” tanong niya.
“At sino ang may kasalanan?” tanong nito at bahagya siyang nilingon. Naghahamon ang mga mata nito.
Oo na. Kasalanan na niya kung bakit siya hinabol ng aso. Bukod sa trespassing siya ay tumakbo din siya. Normal lang na habulin siya ng aso. “O! Akala ko ba starting over again tayo? Move on na tayo.”
“Mahirap yatang maka-move on kapag nakapasan ka pa sa likod ko. Masakit ka sa gulugod at buto.”
“Ahhhh! Ang sarap naman dito,” sabi niya at inilinga ang tingin sa paligid. Naglalakad sila sa gitna ng mossy forest. Naririnig niya ang huni ng mga ibon. It was relaxing. Naririnig niya ang huni ng mga ibon na inaawitan siya. Pakiramdam niya ay pumapasok siya sa ibang mundo. Excited na siyang makita ang lawa na dati ay sa pictures lang niya nakikita.
“Unahan tayo!” narinig niyang sigaw ng mga batang mula apat na taon hanggang sampu na nag-uunahang tumakbo mula sa likuran nila. Natigilan ang mga ito nang malampasan sila at nagtawanan. “Hahaha! Ang tanda-tanda na, nagpapakalong pa. Daig pa namin. Di na nahiya!”
Nanlaki ang mga mata ni Madison. “At malditong mga bata ito.” Pero nagtawanan lang ang mga ito at nagtakbuhan paakyat ng hagdan. Pumiglas si Madison. “Ibaba mo ako. Kokonyatan ko lang isa-isa...”
“Papatulan mo ang mga bata?” tanong ni Lerome at di siya pinakawalan.
“Nang-aano sila e...”
“Tanda mo na, papatol ka pa sa mga bata. Tapos kapag tumakbo ka at hinabol ng aso, iiyak-iyak ka naman,” tungayaw nito.
“Pakonyat lang isa-isa,” hirit ng dalaga.
“Pamangkin ni Edward ang mga iyon. Huwag nang patulan. Konti na lang at malapit na tayo sa taas.”
Ibinaba lang siya ng lalaki nang sa wakas ay makarating sila sa taas kung saan natatanaw na ang lawa. Tumuntong siya sa bench dahil nasa paanan pa rin nila ang mga aso at ayaw silang iwan.
Sinapo ni Lerome ang likuran at nalukot ang mukha. “Parang hindi na yata ako magkakaanak sa bigat mo.”
“Okay lang iyan. Ido-donate ko sa iyo ang unang anak ko. Quits na tayo.”
“Your first born?” Umiling ito. “Sa sungit mong iyan, naniniwala ka na magkakaasawa ka?”
“Oo naman. Kunin pa kitang abay kung gusto mo,” aniya at pasimpleng pinisil-pisil ang balikat nito. Ang kaibigan nitong si Jeyrick ang pakakasalan niya kaya makakasama ito sa abay. Siguro naman ay mauunawaan ni Carrot Man kung ipinangako man niya ang panganay niya kay Lerome.
Pumikit ito at umungol. “Pati likod ko idamay mo na rin. Masakit talaga.”
“Dapat magka-girlfriend ka nang mag-aalaga sa iyo lalo na pag pagod ka.”
“Kailangan mo ng boyfriend na pipigil sa iyo na pumunta sa delikadong lugar o gumawa ng delikadong assignment,” balik nito sa kanya.
“Konti na lang at magkaka-boyfriend na ako. Huwag kang mag-alala.”
“Naku! Ngayon pa lang nakikiramay na ako sa kanya,” anang lalaki.
Napamaang si Madison. “Ikaw talaga...”
Pero tatatawa-tawa lang humakbang palayo ang lalaki at nilaro ang dalawang aso. Hindi siya nakasunod kay Lerome dahil sa takot sa aso. Tumawa ang ito nang dilaan ng dalawang aso ang mukha nito. Parang bata ito.
Inilabas niya ang camera mula sa backpack nito at kinuhanan ito ng video. Napaka-interesanteng lalaki ni Lerome. Masungit ito sa kanya pero mabait sa mga aso. Pero nang panahon na nakadama siya ng takot at sumampa sa likod nito ay di naman siya nito binitawan kahit na nabibigatan ito sa kanya.
Tumakbo ito na parang bata sa lake habang hinahabol ng mga aso. He was beautiful while being bathed by sunlight with the glistening lake at the background. She saw Lerome in a new light. Hindi ito ang istrikto at overprotektive na head ng tourism. He saw simply a man. A kid even. Nakadama siya ng saya habang kuhanan lang ito ng video.
Maya maya pa ay tumakbo ito pabalik sa kanya. “Bakit hindi ka sumunod?”
“Okay na ako dito,” sabi niya at ibinaba ang camera.
Pumalatak ito. “Iniisip mo na baka lapain ka ng mga aso? Paano ka mag-e-enjoy sa bakasyon kung lagi kang takot?” Inilahad nito ang kamay. “Halika. Magpapakain tayo ng usa.”
“May usa dito?” tanong niya.
Tumango ang lalaki. “Meron doon sa gilid ng kubo.”
“Pasanin mo ako,” ungot niya.
Akala ni Madison ay kokontrahin na naman siya ng lalaki at aabutin siya ng katakot-takot na sermon. Sa halip ay inalok ni Lerome ang likod sa kanya. Di naman nag-alinlangan ang dalaga na sumampa sa likod nito.
Nang mga oras na iyon, pakiramdam niya ay may magkakaibigang nabubuo sa kanila ng binata. Madalas man silang magbangayan pero alam niyang di siya nito pababayaan kahit pa mabali ang mga buto nito. Maswerte ang magiging nobya nito. Kung hindi lang sana ito nega sa kanya.