Finding Carrot Man 2: He is the One Chapter 28

“San layad ko ken sik-a. Isnan biag ko wada kay man-is-isa.”

Nakangiti si Madison habang pinapanood sa pagkanta ang batang si Nina. Videoke agad ang hinarap nito ng mga bata nang ihatid nila sa bahay ni Lola Diday sa Lingoy. Mahigit kalahating oras ang nilakad nila mula Lake Tufub. Habang pagod na pagod si Madison ay balewala lang iyon sa mga bata. Sa daan pa lang ay nagkakantahan na ang mga bata. Hindi napansin ng mga ito ang tensyon sa pagitan nila ni Lerome.

Hanggang ngayon ay mabigat pa rin ang loob niya dahil di siya kinakausap ng binata maliban kung kailangan. Minsan ay nahuhuli niyang nakatitig ito sa kanya na parang iniisip nito kung paano siya pipigilan sa “masasamang” balak niya.

Inilapag ni Lola Diday ang mga biscuit at kape sa harap nila. “Magmiryenda muna kayo! Nakakatuwa naman at napadpad kayo dito sa lugar namin. Wala namang dumadalaw dito sa amin. Ang mga bisita sa Amuyao lagi ang punta.”

“Ihinatid lang po namin ang mga bata. Wala po kasi silang kasama. Buti di kayo kalayuan sa eskwelahan kumpara sa ibang bata na isang oras o mahigit pa ang nilalakad,” sabi ni Madison. “Hindi po ba delikado sa daan lalo na kapag umuulan o ginagabi sila?”

“Naku! Sanay na ang mga batang ito na sila-sila lang ang naglalakad. Ganito talaga ang buhay namin dito. Nasa bundok kasi kami at may mga lugar na di pwedeng daanan ng sasakyan. Pero nakakaraos din naman, Ma’am.”

Hanga si Madison sa mga mag-aaral na kahit malalayo ang paaralan ay sinisikap pumasok ng paaralan para matuto. Maswerte siya dahil nakapag-aral siya sa magandang paaralan at nakapagtapos sa magandang unibersidad. Hindi niya kailangang maglakad nang kilo-kilometro.

“Saan pala ang punta ninyo?” tanong ni Lola Didang.

“Sa Siblang Taraw po,” sagot naman niya.

“Maganda din doon pero masyadong malayo. Ako nga sa tanda ko nang ito di ko pa iyon napuntahan,” sabi ng matandang babae.

“Dadalhan din po namin ng isda sina Jeyrick at Manong Melvin,” sabi naman ni Lerome na sinadya pang idiin ang pangalan ni Jeyrick. Na parang sinasabi nito na si Jeyrick talaga ang pakay nila.

“Si Jeyrick? Parang wala naman siya sa kubo nila. Parang nakita ko siya noong isang linggo na bumalik ng bayan. Sumakay ng papunta ng Kadaclan siguro.”

Tumaas ang kilay niya. “Umuwi po siya sa Kadac lan?”

“Di ko naman sigurado. Baka hinatid lang ‘yung pamangkin ni Manang Lourdes,” sabi ng matandang babae. “Di ko lang siguro nakitang dumaan. Pero sigurado na nandoon ang tatay niya.”

Gusto pa sanang magtanong ni Madison tungkol sa ibang impormasyon kay Jeyrick nang maalalang naroon lang si Lerome at nakikinig sa kanila.

Maya maya pa ay nagpaalam na sila kay Lola Didang at sa mga bata. Wala na naman silang kibuan ni Lerome habang naglalakad. Nasa likuran lang niya ito pero pakiramdam niya ay malayo ito sa kanya. Sa kabilang bundok. Doon sa di niya ito matatanaw. Pabigat nang pabigat ang hanging hinihinga niya pati ang bawat hakbang niya. Hindi na niya kinakaya ang tensiyon.

Tumigil siya sa paglalakad habang nasa gitna sila ng pilapil. “Gusto mong magpahinga?” tanong ni Lerome.

“Mag-usap tayo,” sa halip ay sabi ni Madison at hinarap ito.

“Tungkol saan? May tanong ka ba sa mga nadadaana natin? Anong kaugalian ng mga tao dito sa Lingoy?”

“Lerome, gusto kong magpaliwanag tungkol kay Jeyrick.”

Dumilim ang anyo nito. “Ano ang gusto mong ipaliwanag? Na gusto mo talagang makita si Jeyrick? Na gusto mo siyang ma-interview? Na kunwari lang ang bakasyon mo dito sa Barlig dahil gusto mo naman talagang makakuha ng exclusive interview kay Carrot Man.”

Bumuga siya ng hangin. “Nagtatanong lang naman ako tungkol sa kanya. Nabanggit ni Manong Edward na malapit sa Siblang Taraw...”

“Kaya naisipan mong magpunta.” Tumango-tango ito. “Parang sinabi mo na rin na hindi ka naniniwala na wala si Jeyrick sa Barlig.”

“Wala rin siya sa Tabuk gaya ng sinasabi mo. Nagpaikot-ikot lang doon ang mga kasamahan ko. Wala silang napala. Nagsinungaling kayo.”

“Lumabas din ang totoo. Siya talaga ang pakay mo dito. Nag-uutuan tayo na gusto mong umaktong turista sa simula pa lang.” Ngumisi ito. “Hndi mo ba naisip na may mga tao na ayaw talagang magpa-interview dahil gusto nila ng tahimik na buhay? Pero di talaga ninyo siya titigilan.”

“Di mo ba naisip na baka makatulong kay Jeyrick kung lalabas man siya sa media? Pwede siyang makatulong sa pamilya niya. Pwede siyang sumikat. Pwede niyang ituloy ang naputol niyang pangarap. Pwede siyang makatulong dito sa community ninyo. Pwede siyang maging face of tourism kung sisikat siya. Marami siyang pwedeng gawin at magawa para sa iba.”

“Desisyon na ni Jeyrick kung lalabas siya o hindi. At kung gusto niyang lumabas, sana noon pa niya ginawa. Mai-interview sana ninyo siya.”

Itinaas niya ang noo. “Hangga’t di ko siya nakikita at nakakausap, di ako naniniwala na ayaw niyang magpa-interview. Kilala ako ni Jeyrick. He can trust me...”

“Trust you?” pagak na tumawa si Lerome. “Sa palagay mo ba ipagkakatiwala ko sa iyo ang kaibigan ko? Do you expect me to trust you now? Nagpanggap ka bilang kaibigan nang pumunta ka dito. Pero ang totoo may ibang balak ka naman talaga.”

Ihinilamos ni Madison ang palad sa mukha. Pahirap nang pahirap ang argumento nila ni Lerome. Parang napapagod na siyang lumaban. Sira na ang tiwala ng binata sa kanya. Hind niya alam kung paano ipagtatanggol ang sarili dito.

“Lerome, kilala mo ako...”

“Oo. Kilala kita. I know you are ambitious. Kung nagawa mong subukang maghanap ng marijuana plantation para lang umangat ang career mo kahit gaano kadelikado, gasino ba ang magpanggap na turista para lang makakuha ng exclusive interview kay Jeyrick. Nagpapanggap kang kaibigan para makakuha ng impormasyon tungkol sa kanya.”

“Kahit anong sabihin ko, hindi ka naman naniniwala. Hindi mo man lang ba naramdaman kahit sandali na sinsero ako sa pakikitungo ko sa iyo?” may halong pagsusumamo na tanong ng dalaga.

“Sa ilang sandali, naniwala ako. For a moment, I believed that you genuinely care. Na gusto mo talaga na magbakasyon dito sa Barlig. Na masaya ka habang nandito at ine-enjoy mo kung ano ang pwede naming i-offer sa iyo...

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.