Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 2

”Good morning, Barlig!” bati ni Beliza pagbukas ng bintana ng kuwarto niya sa Seaworld Inn sa Barlig, Mountain Province.

Unang bumati sa kanya ang malamig na hangin. Kumakaway sa kanya ang bulubundukin ng Cordillera subalit ang pinakatampok ay ang Bundok ng Amuyao na pangsiyam sa pinakamataas na bundok sa bansa. Anino pa lamang iyon noong una subalit sa paglipas ng sandali ay unti-unti nang sumabog ang liwanag sa kalangitan. Naaaninag na rin niya ang luntiang Barlig Rice Terraces at ang bahayan sa baba. Mataas ang kinalalagyan ng inn sa mismong poblacion ng bayan ng Barlig, Mountain Province at para sa kanya ay may pinakamagandang vantage point sa lugar na iyon. At iyon ang magiging tanawin niya para sa pagre-review sa board exam sa pagiging Certified Public Accountant. Hindi pa kasi sila aani sa bukid kaya wala pa siyang pang-review. But she didn’t mind. Mas makakapasok ang nire-review niya sa utak niya kung maganda ang tanawin at sariwa ang hangin.

Kailangan niya ng katahimikan sa pagre-review na hindi niya makukuha sa bahay ng magulang niya sa Bauko. Naroon ang makukulit niyang mga pamangkin na hindi siya lulubayan dahil malambing ang mga ito sa kanya. And she had a marshmallow heart. Di siya makakatanggi kapag naglambing ang pamangkin niyang dalawang taon at apat na taon. Di gaya sa Barlig kung saan may privacy siya at higit sa lahat ay naroon ang inspirasyon niya.

“Speaking of inspirasyon,” usal niya at dinampot ang cellphone na magdamag na naka-charge nang nagdaang gabi. Tinawagan agad niya ang inspirasyon niya. “Good morning, Jeyrick! Nandito na ako sa Barlig.”

“Good morning,” bati naman nito at narinig niyang humikab ito.

“Parang kagigising mo pa lang. Huwag mong sabihing nasa Ogo-og ka pa?”

Nasa dulo pa ng bayan ng Barlig ang Ogo-og kung saan nakatira si Jeyrick. Dalawang oras pa iyon kung bibiyahe sa kotse hanggang sa sentro ng komunidad ng Kadaclan - ang Chupac at may humigit-kumulang isang oras na maglalakad sa bundok at rice terraces hanggang makarating sa baranggay ng Ogo-og.

“Nasaan ba ako dapat?” inosenteng tanong nito.

Nanghaba ang nguso ni Beliza. “Akala ko sabay tayong mag-aagahan. Sabi ko naman sa iyo gabi pa lang nandito na ako sa sentro. Humabol ako sa last trip.”

Nakakainis! Habang excited na excited siya sa muli nilang pagkikita, si Jeyrick naman ay parang balewala ang effort niya. Naiiyak na talaga siya.

Si Jeyrick ang bestfriend niya at ang lalaking lihim niyang mahal. Dumating ito sa punto ng buhay niya kung saan wasak na wasak ang puso niya dahil sa ex-boyfriend niyang si Cardo. Ito ang lalaking inutos sa kanya ng mga pinsan niya na kuhanin niya ang name at phone number nang nasa Lake Tufub sila. Sa kasamaang-palad ay nasukahan niya ito at hinimatay siya sa malaking kahihiyan.

Akala niya ay lalayuan siya ng lalaki. Paggising niya kinabukasan ay nasa labas ito ng tent at nag-alok ng tsaa at sabaw para daw mas gumaan ang pakiramdam niya. Naging masaya ang bakasyon niya dahil dito. Kasama niya itong namasyal sa Barlig at dumami din ang kaibigan niya. At sa pagpasok niya sa kolehiyo ay naging mas masaya siya dahil pareho silang sa Baguio nag-aral.

Di agad nawala ang sakit dahil sa pagkabigo niya pero mas tanggap na niya ang pagbabago ng plano sa buhay niya. Mas mabilis siyang nakapag-move on.

Hanggang lumipas ang mga taon at na-realize na lang niya na nai-in love na siya kay Jeyrick. Hindi niya masabi dito ang nararamdaman niya dahil natatakot siya na baka magkailangan sila. At lagi rin nitong ibinibilin sa kanya na kailangan niyang mag-focus sa pag-aaral at saka na siya magpaligaw. Gusto niya kapag sinabi niyang gusto niya ito ay wala na itong ikokontra pa sa kanya.

“Di yata ako makakapunta diyan ngayon,” malungkot na sabi nito.

“Iiyak na ako! Hindi kita kakausapin ng isang buwan!” banta niya dito.

As if naman kaya niyang tumagal ng isang araw na di ito nate-text man lang. Mababaliw siya.

Isang halakhak ang pinakawalan ng lalaki. “O! Iiyak ka naman agad.” Narinig niya ang ugong ng sasakyan sa background nito.

“Nasaan ka ba talaga?” tanong ni Beliza sa mataas na tono.

“Nasa Lias na. Masyado ka namang high blood. Nakisakay ako kay Vice Mayor papunta sa sentro. Isang oras na lang nandiyan na kami.”

Suminghot siya at umupo sa kama. “Nakakainis ka!”

“Ano ba talaga ang gusto mo? Kaninang akala mo nasa Ogo-og ako, naiinis ka sa akin. Ngayong nasa malapit na ako, naiinis ka pa rin. Ano ba talaga?”

“Basta pumunta ka na dito.”

“Sabay tayong mag-agahan. Ipagluto mo ako. Sarapan mo. Brocolli at carrots na may corned beef ang gusto ko.”

“Opo, Kamahalan,” sagot naman niya.

“At may importante akong sasabihin sa iyo mamaya,” anito sa seryosong boses.

Kinabahan siya bigla. Di siya sanay na marinig na seryoso si Jeyrick. “Ano iyon?”

“Mamaya na lang. Ipagluto mo muna ako. Saka ipapakilala kita sa pinsan ko.”

“Pinsan mo?”

“Oo. Nandiyan siya sa Barlig ngayon.” Narinig niya ang pagrerebolusyon ng sasakyan. “Sige. Bibiyahe na kami. Sarapan mo ang luto mo.”

“Oo na. Malakas ka sa akin e!”

May ipapakilala itong pinsan sa kanya. Parang meet the family. May ideya na siya kung ano ang sasabihin nito sa kanya mamaya. Siguro ay manliligaw na si Jeyrick sa kanya sa wakas. Matagal na siya nitong gusto pero pinipigilan lang nito ang sarili dahil kailangan niyang mag-focus siya sa pag-aaral. Ngayong graduate na siya ay pwede na siyang magpaligaw. Di nga lang muna niya pwedeng sagutin agad si Jeyrick dahil kailangan muna niyang maging certified public accountant. Pero di naman mabibigo ang lalaki sa kanya. Yes na yes ang sagot niya dito. Lalo tuloy siyang na-inspire.

Bumaba siya sa tindahan at dining area ng inn at naabutan ang tiyahin na si Lourdes na naglilinis ng pinagkainan ng ibang guest. “Good morning, Auntie.”

“Anong gusto mong kainin?”

“Ako na po ang magluluto. Dadating po si Jeyrick at ang pinsan niya. Ipapakilala daw po sa akin. Kaya dapat po sarapan ko ang luto ko.”

“Kaya ka ba kinikilig dahil ipapakilala sa iyo ni Jeyrick ang pinsan niya? Baka ‘yung bagong pulis. Guwapo iyon,” anang tiyahin niya.

“Guwapo din naman po si Jeyrick.” Sasarapan niya ang luto para magpa-impress sa pinsan ng kaibigan. “Siya pa rin ang pinakaguwapo dito sa buong Mountain Province.”

“Dahil kaibigan mo o gusto mo siya?” nang-iintrigang tanong ng tiyahin.

“Secret, Auntie,” nakangisi niyang sabi dito.

“Huwag ka munang manligaw. Pumasa ka muna sa board exam.”

“Ako po talaga ang manliligaw?” bulalas niya at humalakhak.

“Di pa manliligaw si Jeyrick siguro. Anim ang kapatid na pinag-aaral niya. May high school at college pa.”

“Willing naman po akong maghintay,” mahina niyang usal. Nauunawaan naman niya na maraming responsibilidad si Jeyrick at kailangan nito ng pamilya nito. Parang pamilya na rin niya ang mga Sigmaton. Di ba iba ang mga ito sa kanya.

Pumalahaw ng iyak ang apo ni Manang Lourdes. “Ikaw na muna ang bahala dito, anak. Gising na si Monique.”

Mag-isa lang ang tiyahin dahil di pa dumadating ang tagapag-alaga ng bata at may inasikaso sa Banaue ang tiyuhin niya. Ang Ate Shan-ye niya at asawa nito ay nagtatrabaho sa Baguio kaya naiwan si Monique sa tiyahin.

“Ako na po ang bahala dito sa tindahan,” pahabol niya sa tiyahin.

Kumukuha siya ng itlog at gulay sa ref nang may kumatok. Nakasara ang tindahan sa labas dahil walang magbabantay kaya lahat ng bibili ay sa tindahan sa loob at sa kainan tumutuloy. “Manang Lourdes,” tawag ng boses ng isang lalaki kasabay ng pagtuktok sa kahoy na pasimano sa tindahan.

“Ano iyon?” tanong niya.

“Ipapaluto ko sana ‘yung manok na ipinatabi ko noong nakaraan, Miss.”

Bakit parang pamilyar sa kanya ang boses na iyon? Sinilip niya ang bumibili sa pinto ng kusina at nakita niya na nakasuot ito ng uniporme ng pulis. Hindi ito katangkaran pero matikas ang pangangatawan. And he had a nice butt. Nice butt nga. Baka naman hindi kaguwapuhan. May lalaki na sana minsan naging butt na lang.

Nanlaki ang mata niya nang pumaling ang lalaki habang namimili ng paninda. Hindi ito mukhang butt. He was handsome. Kaya nitong kompitensiyahin si Jeyrick sa paguwapuhan kahit wala itong dimples.

Isa lang ang problema dito. He was Cardo - her ex-boyfriend.

ANONG ginagawa ni Cardo dito sa Barlig?

Stupid question! Siyempre taga-Barlig ito. Pero bakit nandoon ito? Sinusundan ba siya nito? Alam ba nitong nasa Barlig din siya? Gusto ba siya nitong makita ulit?

Natigilan si Beliza. Si Cardo ang nang-iwan sa kanya. Mas pinili nito ang pagpupulis at ang bestfriend kuno nitong si Glenna na may pagnanasa dito. Nakaka-bitter na naman kapag naaalala niya ang nakaraan.

Nakakainis! Bakit hindi ito pumangit na lang o kaya ay lumaki-laki ang tiyan ? He looked fit. Huwag kang tanga, Beliza. Niloko ka niya at iniwan. May Jeyrick ka na. Si Jeyrick na hindi ka iniwan.

Si Jeyrick. Paparating na ito ngayon. Kailangan ay hindi magpang-abot sina Jeyrick at Cardo. Kailangan ay maitaboy niya ang huli bago dumating ang kaibigan at ang lalaking mahal niya. Gusto niya na wala siyang aalalahaning Cardo kapag moment na nila ng binata.

“Tao po! Sino po ba ang nandiyan? Manang!” tawag ng lalaki. “Pakiprito na lang po sana ng manok. Hihintayin ko na lang po.”

Sumandal siya sa pinto ng kusina. Hindi siya nito makikita mula doon. “Walang manok sa ref. Baka lumipad na.”

“Ano? Paanong walang manok? Lumipad na? Patay na iyon.”

Muntik nang batukan ni Beliza ang sarili. Malamang ay kinatay na ang manok. Di naman magpapaluto ng manok na buhay pa. Accountancy graduate ka, Beliza. Anong nangyari sa common sense mo?

“Ano... Itinapon na. May bird flu kasi ngayon,” palusot ng dalaga at pinagkrus ang mga daliri. Sana naman ay tanggapin na ng kumag niyang ex ang paliwanag niya.

“Paano nagka-bird flu sa Pilipinas? Wala naman no’n sa atin. Saka di naman migratory bird ang manok na iyan.”

“Baka nakipag-interact sa mga dumadaang migratory bird. Mabuti nang ligtas kaysa magkasakit ka, Sir.” Wag ka nang kumontra na di panahon ng migration ng ibon ngayon. Please lang, Cardo. Huwag masyadong maraming alam. Nauubusan na ako ng palusot para maitaboy ka. Di ko pa naipagluluto ng agahan si Jeyrick.

“Sige. Iba na lang ang ipapaluto mo,” sabi ni Cardo.

“Di ako pwedeng magluto. Ano... Sarado ang tindahan. Sa iba ka na lang magpaluto,” pagtataboy niya sa lalaki.

Magpasalamat ka na lang na hindi ako ang magluluto ng agahan mo. Baka mamaya lagyan ko pa ng Tide Powder ang pagkain mo para bumula ang bibig mo. Dapat lang iyon sa mga katulad mo. Paasa!

“Sandali. Sino ba ang nandiyan?” tanong ng lalaki at narinig niya ang papalapit nitong yabag sa kusina. “Bago ka lang bang bantay dito sa tindahan. Pwedeng makausap ka sandali?”

“Huwag! Huwag kang lalapit. Tatawag ako ng pulis,” banta niya.

“Pulis ako, Miss. Hindi naman kita sasaktan. Gusto lang kitang makausap. Kasi mukhang may malaki kang problema. Baka makatulong ako,” malumanay na tanong ng lalaki habang siya naman ay parang mababaliw sa kaba.

Ito nga ang problema niya. “Huwag ka dito sabi. Umalis ka na.”

Subalit huli na dahil bumukas na ang pinto ng pinto bago pa siya nakalayo doon. Tumili siya nang nabuwal siya at pakiramdam niya ay tatama siya sa sahig. Nakita niya ang nanlalaking mata ni Cardo habang nakatingin sa kanya.

Napapikit na lang ang dalaga. Wala na siyang dignidad kapag nagkataon. Pwede bang mag-collapse na lang siya at paggising niya ay panaginip lang ang lahat.

Subalit hindi ang matigas na semento ang kinabagsakan niya ay naramdaman niya ang matatag na bisig na sumalo sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.