Finding Carrot Man 3: Mine From the Start Chapter 27

“Masakit ba ang braso mo?” tanong ng binata.

Nilingon niya ang braso. “Medyo masakit.”

“Gusto mo bang magpahinga na?” nag-aalalang tanong ng binata. Magaan nitong hinawakan ang braso niya at sinipat ang sugat niya.

“Ayos lang iyan. Kailangan kong masanay sa sakit. Anong susunod kong pag-aaralan?” tanong niya.

Pinagpag ng lalaki ang kamay. “Anong dapat mong gawin kapag sinakal ka ng kalaban mo at isinandal ka sa pader? Ikaw muna ang attacker.” Gamit ang kaliwa niyang kamay ay isinandal niya si Cardo sa pader at sinakal ang leeg nito. “Diinan mo pa,” utos nito. Ayaw niya itong saktan pero sinapo nito ang pulsuhan niya at pinisil para higpitan pa niya ang pagkakasakal dito. “Good. Tingnan mong mabuti ang gagawin ko. Yumuko ka muna hanggang lumuwag ang pagkakahawak sa iyo.” Ibinaba nito ang baba at naramdaman niya na nawala ang pressure ng pagkakasakal niya dito. “Hawakan mo ang kamay ng kalaban mo at hilahin pababa. Saka mo suntukin sa lalamunan, ilong o sa panga ang kalaban mo.” At magaang dumapo ang nakakuyom nitong palad sa panga niya. “Tuhurin mo sa pagitan ng hita ang kalaban mo o sa sikmura saka ka tumakbo palayo.”

Tumango siya at kinakabahan. It was hand-to-hand combat. Malapitan talaga ang labanan nila ng kalaban. Hanggang pagkakataon na niya para maging biktima.

“Ikaw naman.” Sinakal siya ni Cardo at isinandig sa dingding. “Yuko,” utos nito. Sinunod niya ang instruction nito hanggang makabisa niya. Sinakal siya nito at inilapit ang mukha sa kanya pero di sapat ang pwersa nito. She froze. Akala kasi niya ay hahalikan siya ng lalaki. “Beliza!” untag nito sa kanya.

“Yes?” tanong niya at kumurap.

Kumunot ang noo nito sa kanya. “Kailangan ko ng pwersa mo ngayon. Hindi na ako si Cardo, Beliza. Ako na ang kalaban mo. Kaya kitang patayin kung gugustuhin ko. Tandaan mo iyan.” At dumiin ang pagkakasakal nito sa kanya.

Nahigit niya ang hininga. She could sense the danger. Bumalik siya sa panahon nang pagtangkaan siyang patayin ng baliw na fan ni Jeyrick. Nag-kick in ang survival instincts niya. Yumuko siya at saka inalis ang mahigpit na pagkakasakal ni Cardo sa kanya. Ubod-lakas niya itong tinuhod sa pagitan ng hita at saka tumakbo palayo.

“Ahhhh!” sigaw ni Cardo.

Nang lumingon si Beliza ay namimilipit ito sa sakit. Sapo nito ang pagitan ng hita habang gumugulong sa sahig. Nanlaki ang mata niya at umuklo sa tabi nito. Hinawakan niya ang balikat nito. “Cardo, sorry. Sorry, sobrang sakit ba?”

Umungol lang ulit ito at mariing pumikit. Namumula na ito habang sapo pa rin ang pagitan ng hita. Shit! Napuruhan niya ang future generation nito. Malamang sobrang sakit. Nasobrahan siya sa practice. Kasalanan niya kapag di na ito nagkaanak.

Nataranta ang dalaga. Di niya alam kung paano aalisin ang sakit. Hinaplos niya ang tiyan nito. “Magiging okay ba kung...”

Pinigilan nito ang kamay niya. “Huwag... Ano ba sa palagay mo ang ginagawa mo?” angil ng lalaki sa kanya.

“Gusto kitang tulungan. Di ko nga alam ang gagawin ko.”

“Huwag kang gumawa ng kahit ano. Kaya ko ang sarili ko.”

“Anong kaya mo ang sarili mo? Kita mong namamalipit ka na diyan. Paano kung magkamatay ang susunod na lahi mo?”

Biglang bumukas ang pinto. “Ang ingay ninyong dalawa. Mas maingay pa kayo sa nagsasabunutang asawa at kabit sa teleseryeng pinapanood ko.”

“Tinamaan ko ang Junjun niya,” sabi ni Beliza at ngumuso sa magkasalikop na kamay nito.

“Junjun?” tanong ni Lilybeth at saka humalakhak. “Ah! Ako na ang bahala. May bulsa de yelo sa may kusina. Kailangang agapan iyan at sayang naman ang lahi ng pinsan ko. Ano ba kasi ang ginagawa ninyo?”

“Cardo, sorry na,” usal niya at hinaplos ang pisngi nito.

Humalakhak lang ang lalaki. “Ayos lang.”

Hinampas niya ang dibdib mo. “Nakaapekto ba sa utak mo ang pagkakatuhod ko sa Junjun mo?”

“Dahil tama ang ginawa mo. Iyon ang paraan para protektahan ang sarili mo.” Kinabig nito ang balikat niya at hinalikan siya sa pisngi. “Congratulations! Magaling kang estudyante.”

Natigagal siya matapos nitong halikan ang pisngi niya. It was just like the old days. Kapag mataas ang grades niya sa exam matapos ang magdamag na pagre-review kasama ito, may halik siya sa pisngi. She want back to the old times when she was still her girl and she felt proud. Kahit na masaktan si Cardo, gaya kung paano ito mapuyat noon o ma-late sa klase dahil sa pagtulong sa kanya, di nababawasan ang suporta nito sa kanya. Habang di naman niya ito nasuportahan sa simpleng pangarap nito noon - ang maging isang pulis.

“Heto na ang bulsa de yelo,” sabi ni Lilybeth pagbalik at inabot kay Cardo.

“Pwede na ninyo akong iwan,” anang binata.

“Sige. Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka,” sabi ni Lilybeth.

“Dito lang ako. Babantayan kita hanggang um-okay ka,” giit ni Beliza at inunan ang ulo nito sa kandungan niya. Sa ganitong paraan man lang ay makabawi siya dito.

“Ayaw mo talaga akong bigyan ng privacy?” tanong ng lalaki.

“Kailangan mo ng karamay. Kasalanan ko naman kung bakit delikado ‘yang si Junjun mo.”

“Sanay na ako sa sakit. Wala ito.” At nalukot ulit ang mukha nito. “Di ka talaga aalis.”

“Hindi ako titingin,” sabi niya at tumingala. “Natuto nga akong depensahan ang sarili ko pero nakakapanakit naman ako ng ibang tao na walang ginagawang masama sa akin. Nakaka-guilty.”

“Kasama iyan sa training. Di mo kailangang ma-guilty. Sa totoong buhay naman, walang practice-practice. Kapag na-guilty ka na masasaktan mo ang kalaban mo, paano mo sasagipin ang sarili mo? You have to protect your self.”

“Masokista ka siguro na okay lang sa iyo na masaktan.”

“Kasama sa trabaho namin. At kung gusto mong bumawi sa akin, tiyakin mo lang na natatandaan mo ang lahat ng turo ko sa iyo. Alagaan mo ang sarili mo. At magte-training ulit tayo hanggang matutunan mo ang lahat...”

Ngumuso siya. “Paano ‘yang Junjun mo?”

“Ipapadala ko ang groin protector ko pati protective pad para sa iyo. Naiwan ko sa boarding house...”

“Pasaway. Gusto mong alagaan ko ang sarili ko pero ikaw naman pala itong hindi inaalagaan ang sarili,” sermon niya.

“Basta ikaw kahit na gulpihin mo ako, okay lang sa akin.”

Hinampas niya ang dibdib nito. “Sira!”

Hindi niya kayang nasasaktan si Cardo. Lalo na’t siya ang dahilan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.