Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side Chapter 42

“PERFECT na perfect ka na sa interview, girl. Di halatang bigo,” bungad ni Hepburn kay Paloma nang puntahan siya sa kuwarto at mapagmasdan ang ayos. Salamat sa pipino na ni-request niya sa pinsan. Humupa na ang pamamaga ng mga mata niya. Nilagyan din niya ng moisturizer at magic snow cushion powder ang mukha. After a good cry, she felt better. Handa na siyang lumaban ngayon.

“Kasabay ko bang mai-interview si Jeyrick?” tanong niya habang bumababa ng hagdan papunta sa common area ng homestay kung saan gaganapin ng interview. Kailangan niyang ihanda ang sarili niya.

Umiling ang pinsan niya at inalalayan siya sa braso. “Sabi ko mauna ka nang interview-hin. Na baka sakaling lumakas ang loob ni Jeyrick. Kinakabahan siya kanina pa kaya kinakausap pa siya ni Lerome at ni Lolo Pio. Kailangan daw ng guidance ni Jeyrick lalo na’t di lang tungkol sa career niya ang pag-uusapan dito. Nire-represent niya ang mga taga-Kadaclan, ang mga taga-Mountain Province.”

Tumango siya. “Naiintindihan ko. This is a big deal for them. Kailangan nilang protektahan si Jeyrick. I think he represents all the Igorots now. It could be overwhelming but a great opportunity for him as well.”

Gusto sana ni Paloma na lapitan si Jeyrick. Gusto niyang siya ang katabi ng binata sa interview. Gusto niyang kamay niya ang hawak nito para maramdaman nito ang suporta niya. Na magkakampi sila. Pero baka mapasama lang ang interview nito. Mabuti na mag-iwasan na lang sila.

Isang magandang babae na may pagka-chinita at mahaba ang tuwid na buhok ang lumapit sa kanya. Nakasuot ito ng press ID ng Star Network. “Miss Paloma, I’m Madison Urbano from Star Network. I will be your interviewer.”

“Di ba nasa press conference ka rin sa Central Barlig?” tanong niya. “Hindi ikaw ‘yung reporter na nag-interview sa akin.”

Tumango ito. Her smile was pleasant. Di ito katulad ni Reda Belle na medyo na-starstruck pa sa kanya. “Yes. Ako ang pinatawag ni Jeyrick para sa exclusive interview. Actually, he owes me one. Ako ang reporter na nag-cover ng travel documentary para sa Barlig. Si Jeyrick ang guide ko. He promised to show me around. Pero pagdating ko, siya na pala si Carrot Man.”

“Mukhang pareho tayo ng kwento,” sabi niya at tipid na ngumiti. And it made her curious as well. Di kaya interesado ang babae kay Jeyrick? Di ba siguro siya magtataka doon dahil malakas ang hatak ng binata sa mga babae kaya nga ito sumikat.

Mas naging komportable ang dalaga nang magsimula ang interview. “Sa dinami-dami ng naghahanap kay Carrot Man, ikaw lang ang nagpunta dito sa Kadaclan at natagpuan siya. Alam mo bang pupunta siya sa Kadaclan? Or was it a wild guess? O baka naman may usapan na kayong magkikita sa Kadaclan at isinikreto n’yo lang? Everyone is really curious.” May bahid ng malisya ang mga mata nito.

“Nabanggit ko na sa interview ko dati na nag-immersion ako sa Kadaclan noong college. Nag-decide akong pumunta sa Kadaclan para madalaw ang professor ko noong college at makita rin ang pamilya ni Jeyrick. Nagulat na lang ako nang magkita kami ni Jeyrick.”

“Hindi ka ba niya itinaboy?”

Natawa siya pero nabitin din nang makitang nakatayo si Jeyrick sa likod ng cameraman. Muntik na siyang maumid. “He tried. Naiintindihan ko na kailangan ni Jeyrick ng privacy. Simple lang siyang tao. Bago sa kanya ang lahat ng atensyong nakukuha niya. He is not a famewhore. Let’s not blame him. Nag-viral siya nang walang kamalay-malay. Hanggang ngayon di niya naiintindihan kung paano siya sumikat dahil lang sa pagbubuhat ng kaing ng carrots. Kaya hindi madali na kumbinsihin si Jeyrick para lumabas sa publiko dahil hindi niya alam ang aasahan niya.”

“Anong nagpabago ng isip niya?”

Inapuhap ng tingin niya si Jeyrick at tumingin sa matiim nitong mga mata. “Sa palagay ko mas mabuting si Jeyrick ang tanungin ninyo.”

Dahil di rin niya alam kung ano ang nagpabago sa isip ni Jeyrick. Bakit pinili nito na sumama pa rin sa kanya pabalik ng Maynila at mag-showbiz samantalang ayaw na siya nitong makasama?

“What do can you say about Carrot Man? At anong masasabi mo sa mga tao na nagdududa sa kasikatan niya?”

Ngumiti siya sa camera. “Una, hindi naman sinasadya ni Jeyrick ang sumikat bilang Carrot Man. Nakita naman ninyo na simple lang siyang magbubukid noong una. Wala siyang kamalay-malay na kinuhanan siya ng picture, ipinost sa internet at sumikat. It was overwhelming and frightening. Lalo na kung di naman niya inaasahan ang ganitong klaseng atensyon. At least, we established that one.

“Pangalawa, alam ko kung anong klaseng talento mayroon si Jeyrick. Alam ko rin na masikap siyang tao. Maaring di siya naniniwala sa talento niya minsan. Maaring mababa ang tingin ng mga tao sa kanya dahil tagabuhat lang daw siya ng mga gulay at simpleng magsasaka.” Puno ng pagmamalaki siyang tumingin kay Jeyrick at inilahad ang palad sa direksyon nito. “But you see, ito ang kaparehong Jeyrick na naging kaibigan ko noong college. Siya pa rin ‘yung Jeyrick na pinag-aral ang sarili niya sa pagiging kargador sa palengke. Siya ‘yung magsasakripisyo ng sarili niyang kaligayahan para sa pamilya niya at sa mga taong mahal niya. He is a proud Igorot. At ipinagmamalaki ko siya kasi higit pa siya sa pagiging simpleng kargador ng carrots. Kung makikilala lang ninyo siyang mabuti, sa palagay ko hahangaan rin ninyo siya.”

Nakita niya ang pagpalakpak nina Sir Jonie at Lolo Pio. Kahit si Lerome at tumango-tango bilang pagsang-ayon sa kanya. Subalit nanatiling matiim ang mga mata ni Jeyrick sa kanya. As if he was not impressed. It broke her heart but she kept her smile when she faced her interviewer once more.

“Wow! That blew me away,” sabi ni Madison na malapad ang ngiti. “Naging interesado pa akong malaman ang maraming bagay tungkol kay Carrot Man. Ano ang mensahe ninyo kay Carrot Man?”

Tumingin siya kay binata. Kahit di ito maniwala, gusto niyang makita nito na sinsero siya. “Jeyrick, alam ko na kinakabahan ka. Alam ko na hindi mo sigurado sa mangyayari sa iyo dahil bagong teritoryo para sa iyo ang showbiz. Maraming magbabago sa buhay mo. But this chance is yours. Wala nang makakaagaw sa iyo. This is your time to shine. Kaya sana panghawakan mo ang mga pangarap mo. Huwag kang bibitaw. I am here to protect you and support you.”

I love you. Please love me again. Patutunayan ko sa iyo na totoo ang pagmamahal ko. Hindi ko pa alam kung paano mapapatunayan sa iyo pero hayaan mong tulungan kita na maabot mo ang pangarap mo ngayon.

But she couldn’t say it loud. Not on national TV. At kahit pa sabihin niya nang harapan kay Jeyrick, di rin naman ito maniniwala.

Matapos ang interview niya ay inabutan siya ni Jeyrick ng isang basong tubig. “Salamat,” sabi niya matapos alisin ang lapel sa kanya. “Ikaw na ang susunod. Kinakabahan ka ba?”

Umiling ang lalaki. “Maganda ng interview mo. Baka maniwala sila sa iyo na talentado talaga ako.”

“Jeyrick, kung di ka maniniwala sa sarili mo, kahit anong paniniwala ng ibang tao sa iyo walang mangyayari. Just be natural.” Inayos niya ang hood ng gray jacket nito. His iconic gray jacket. “Kung di ka komportable sa tanong, pwede mo namang lagtawan. Kung may naisagot ka na ayaw mong lumabas sa publiko, pwede naming ipa-edit.”

“Huwag kang mag-alala. Nakausap na ako ng pinsan mo kung ano ang dapat at di dapat kong sabihin,” sabi ng lalaki. “Wala akong sasabihin na pwedeng makasira sa career mo. Alam ko na naman na pinaghirapan mo ang kinalalagyan mo ngayon.”

“Hindi itong tungkol sa akin…”

“Jeyrick, excuse me. Lalagyan ka na namin ng lapel para sa interview,” singit ni Madison.

Dumistansiya si Paloma at hinayaang lagyan ng lapel ang binata. Tumayo siya sa gilid ng common kung saan nakatayo din ang pinsan niyang si Hepburn. Niyakap siya nito. “Great interview. Hangang-hanga sa iyo ang mga tao dito. Pwede ka nang maging ambassador ng Kadaclan. Gusto ka na nilang koronahan kanina.”

“Everyone was impressed except Jeyrick.” Ito lang naman ang gusto niyang maniwala sa kanya. “Sana maging maayos ang interview niya.”

“Kinakabahan nga rin ako,” aniya at mahigpit na hinawakan ang wala nang lamang baso.

Napakuha tuloy siya ng tubig sa water jug at tinungga habang ang mga mata ay di inaalis kay Jeyrick na sinisimulan nang tanungin ni Madison. Mukhang naiilang itong sumagot sa mga tanong noong una. Mahiyain si Jeyrick lalo na sa mga bagong kakilala. Iba noong tourist guide pa ito at ibinibida ang magagandang tanawin sa Barlig. Iba na ngayong naka-focus na ang atensyon sa personal nitong buhay.

“Marami nang nanggagaya sa iyo. May Carrot Man challenge na rin na kumakalat kung saan nagsusuot ang mga tao ng gray na jacket at nagbubuhat ng kaing ng kung anu-anong gulay. Nagkakaubusan na rin daw ng gray na jacket sa ukay-ukay dahil sa iyo. Ganyan ka kalakas sa mga tao. May lucky charm ba sa iyo ang jacket na iyan?” tanong ng reporter dito. “Saan mo nakuha?”

“Bigay sa akin ng isang taong importante sa akin. Galing sa isang… kaibigan,” sagot ni Jeyrick at makahulugang tumingin sa direksyon niya. He remembered.

“Si Beliza May-os ba ang nagbigay niyan sa iyo? Siya ba ang importanteng tao sa buhay mo?” tanong ni Madison.

Kumunot ang noo ni Jeyrick. “Si Beliza?”

“Sabi niya siya ang bestfriend mo at girlfriend mo.”

Jeyrick’s face was in shock. “Sinabi niya iyon?”

“Sabi niya di pa daw ninyo ina-announce sa lahat dahil kaga-graduate lang niya. Naghahanda rin siya para sa board exam. Okay lang kaya sa girlfriend mo na papasok ka ngayon sa showbiz? Alam na ba niya ang desisyon mo?”

Hindi agad nakasagot si Jeyrick at lumunok. Nalaman nito na nagsinungaling din si Beliza. He must have felt betrayed. He was put on the spot. Itatanggi ba nito na nobya nito ang kaibigan?

Nang makabawi ay ngumiti si Jeyrick. “Maiintindihan naman ni Beliza kung papasok ako sa showbiz. Sinusuportahan namin ang pangarap ng isa’t isa,” sa halip ay sagot ni Jeyrick.

“Hindi ba siya magseselos sa mga babaeng nagkaka-interes sa iyo? May mga fans ka na, Jeyrick. May mga pumunta pa ng Barlig at hinanap ka sa Kadaclan para lang makita at makilala ka.”

Tumingin si Jeyrick sa camera. “Wala akong planong iwan si Beliza. Kasama siya sa tagumpay ko. Mas magiging maluwag sa loob ko na lumuwas ng Maynila at abutin ang mga pangarap ko kung kasama ko siya.”

Parang binaril sa kinatatayuan si Paloma. Di lang basta tinanggap ni Jeyrick si Beliza bilang girlfriend nito. Gusto pa nitong isama sa pagluwas nito sa Maynila.

“Sasama sa atin ‘yung bruhang Beliza na iyon? Paano kung lagi siyang kumontra sa mga career moves natin para kay Jeyrick?” angal ni Hepburn. “Cousin dearest, hindi ako papayag na makasama ang karibal mo.”

“Mapag-uusapan lahat iyan,” kalmadong sabi niya sa pinsan. Subalit sa puso ni Paloma, alam niyang mas mahihirapan silang magkalapit ni Jeyrick ngayon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.