Finding Ethan: The Dream That You Seek Chapter 23

“ANAK, mababa na ang dagat. Alas kuwatro na. Pwede ka nang pang-ti-on. Iyon ang gusto ko ng ulamin ngayong gabi.”

“Opo, Amay,” ungol ni Aurora at pilit na bumangon. Medyo masakit pa ang ulo niya dahil sa pagkakabisa ng script kaya naman nakaidlip siya sa gitna ng pagbabasa.

Dati ay sabik na sabik siya kapag dumadating ang pista lalo na’t lagi niyang ginagampanan ang bidang babae. Sa mga naroon kasi, siya ang maayos-ayos na umarte at mag-deliver ng linya. Siya din ang mas magaling kumabisa ng linya. Ngayon ay parang nangingilo siya kapag naiisip niya na si Omar ang magiging prinsipe niya. Kapag pa pumipikit siya ay si Alvaro ang nakikita niya.

Hindi na normal ang nararamdaman ko kay Alvaro. Hindi na normal na sa lahat na lang ng iniisip ko, lagi siyang nandoon. Pero anong magagawa ko? Kapag naiisip ko siya, gumagaan ang pakiramdam ko. Kung makikita ko lang sana siya ngayon. Kaninang umaga kasi ay niyaya ito ng grupo nila Inez na mamitas ng makopa sa bukid ng mga ito sa bundok.

Halos hilahin ni Aurora ang sarili patungo sa dagat. Tinatamad talaga siyang manguha ng pang-ti-on ngayon. Mainit pa rin kasi ang araw sa balat at masakit pa ang ulo niya. Mukha lang madaling tumuklap ng mga pang-ti-on sa batuhan pero di iyon madali. Di madaling makapuno ng isang tabo. Wala naman siyang magagawa dahil iyon ang paboritong ulam ng ama.

Pagdating sa dalampasigan ay napansin niya na may mga bata at kababaihan nang nanunuklap ng pang-ti-on. Lulugo-lugo siyang naglakad nang makarinig siya ng isang mataginting na halakhak ng isang lalaki. Kilala niya ang boses na iyon. Lumakas ang kabog ng dibdib niya nang makita si Alvaro na nakasuot ng tinuping pantalon at puting sando habang kausap ang mga bata. May hawak din ito na tabo at saka umuklo sa may batuhan. Parang may tinutuklap ito.

Lumusong siya sa mababaw na tubig-dagat at nilapitan ito. “Alvaro, anong ginagawa mo dito?”

“Nangunguha ako ng seashells. Pang... pang..”

“Pang-ti-on,” sabi niya nang makita ang laman ng tabo nito. “Ako rin. Nagpapaluto kasi sa akin si Amay. Iyan din ba ulam ninyo?”

“Hindi. Nangunguha talaga ako para sa iyo.”

Umuklo siya sa batuhan at nilingon ito. “Bakit?”

“Gusto ko kasing ipagluto kayo ni Manoy Gener. Di pala madaling magbakbak ng seashells sa bato dahil laging nakayuko. Lagi ka daw nangunguha ng mga seashells dito.”

“Ipagluluto mo kami? Marunong kang magluto?”

“Kahit paano marunong ako. Frustrated chef ako. Noong bata ako kung anu-anong ine-eksperimento ko. Gusto ko kasing pagsilbihan ang magulang ko dahil lagi silang nagtatrabaho,” kwento nito at umuklo sa kabila ng bato para magtuklap ng pang-ti-on. Malambing pala ito sa magulang noong bata pa. Di malayo sa kanya.

“Nagustuhan ba nila ang luto mo?”

Malungkot itong ngumiti. “Hindi nila natitikman dahil ilang araw sila minsan na di umuuwi dahil sa trabaho. Pero gusto ng kapatid kong si Echo. Number one fan ko iyon. Chef sana ako kung hindi ako natigil sa pag-aaral.”

“Ay! Sayang naman. Di mo na itinuloy?”

“Nawili sa trabaho. Wala akong ibang aasahan sa aming magkapatid nang mamatay ang mag magulang namin.” Tipid na ngumiti ang binata. “Ayos lang. Mahalaga nasuportahan kaming magkapatid nang mga panahon na iyon.”

Bumuntong-hininga si Aurora. “Masarap siguro na may kapatid. Hindi mo mararamdaman na mag-isa ka sa mga problema.”

“Oo naman. Partners in crime kami. Kaya suportado ko rin siya sa lahat ng gusto niyang gawin.” Tinanguan siya nito. “Maupo ka na sa beach. Ako na ng bahala dito.”

“Gusto ko pa ring tumulong,” giit niya at nakibakbak na rin ng pang-ti-on sa bato. Mas madali para sa kanya ang trabaho dahil nariyan si Alvaro. Masaya din siyang pakinggan ang kwento ng buhay nito. “Mabuti pa sabay-sabay na tayong kumain sa labas kasama sina Tiya Manuela at Kenzo. Masaya iyon.”

NAKAPANGALUMBABA si Aurora habang pinapanood si Alvaro na maghimay ng dahon ng sili para isama sa sabaw. Kasalukuyan na nitong pinakukuluan ang pangti-on sa sabaw ng buko para mabawasan ang alat. “Madalang akong makakita ng lalaki na mahilig magluto. Ang mga lalaki kasi dito sa amin, nagluluto lang kapag para sa pulutan.”

“Simple lang naman itong pinapaluto ng tatay mo. Maggigisa lang ng bawang, sibuyas, kamatis at luya saka pampalasa itong seashell.” Saglit lang itong binigyan ng instruction ni Tiya Manuela at nakuha na nito agad.

Bumuntong-hininga siya. “Ewan ko. Kahit yata anong gawin ko, di naman nasasarapan si Tatay. Kapag nagluluto ako niyan, laging may kulang.”

“Huwag mong intindihin iyan. Ako ang bahala sa iyo kaya gusto ko mag-relax ka lang,” anito at kinindatan siya.

Nag-init ang mukha niya at nangingiting yumuko. Anong klaseng relax naman ang gagawin niya kung nagririgodon ang puso niya sa kindat nito? Habang naiirita siya sa atensiyon na ibinigay ng ibang lalaki, iba naman ang epekto sa kanya ni Alvaro. Habang nakikilala niya ito, lalo niya itong nagugustuhan.

Habang nasanay na siya sa ama niya at kay Omar na itinuturing siyang isang babae na walang karapatang magdesisyon sa buhay, si Alvaro naman ay inaalam kung anong gusto niya. Nasasabi niya dito ang mga pangarap niya na di niya nasasabi sa iba. Pinagsisilbihan din siya nito para sumaya siya. Hindi rin nito minamaliit ang mga pangarap niya o ang kahinaan niya.

Hindi niya inakala na makakatagpo siya ng katulad nito. Akala niya ay dapat na siyang maging masaya sa kung anong pwedeng ibato ng ibang tao sa kanya kahit na nanliliit siya minsan. Na kailangang masiyahan na lang siya kung ano ang kayang ibigay sa kanya ng maliit na islang iyon. Sinasabi nito na maari niyang ibuka ang pakpak niya at lumipad dahil may magagandang bagay na naghihintay sa kanya.

At sa ngayon ay ito ang magandang bagay sa buhay niya.

Biglang pumasok ng kusina sina Tiya Manuela at Kenzo. “Naku, Rora! Ano pang ginagawa mo dito?”

“E di nakatitig lang po kay Kuya Alvaro. Hindi naman iyan marunong magluto,” kantiyaw ng pinsan sa kanya. Di man lang nawala ang ngisi nito kahit nang mulagatan niya.

“Doon ka na lang sa labas kung wala kang maitutulong. Maghain kayong magpinsan. Dumilim na,” utos ng tiyahin niya kaya napilitan siyang lumabas.

“Ang lakas mong mang-asar,” sabi niya sa pinsan habang inaayos nila ang mesa at upuan sa ilalim ng niyugan.

“Ang galing ko kamong mambuko. May gusto ka kay Kuya Alvaro ‘no?” nanunudyong tanong nito at pinagalaw pa ang kilay.

Bigla niyang tinakpan ng palad ang bibig nito. “Huwag kang maingay. Baka marinig ka ni Amay.” Saka siya luminga sa paligid. Lagot siya kapag nagkataon.

“Dapat nga magpasalamat ka sa akin. Ako ang nagsabi kay Kuya Alvaro na paborito ni Tiyo Gener ang pang-ti-on kaya dapat ipagluto niya.”

“At bakit naman gagawin niya iyon?”

“Siyempre para magustuhan din siya ni Tiyo para sa iyo,” sabi ng pinsan niya at itinaas ang hinlalaki. “Ayos ba?”

Tumawa siya na parang kinikiliti. May pakinabang naman pala siya sa pinsan niya kung minsan. “Ipagluluto din kita sa susunod ng...”

“Ate, utang na loob! Huwag ka nang magluto. Si Kuya Alvaro lang talaga ang nagtitiyaga sa luto mo. Salamat na lang.”

“Rora, bakit ba di ka pa nagluluto? Aba’y palubog na ang araw. Ayokong kumain sa dilim,” anang si Manoy Gener nang pumasok siya ng bahay para kumuha ng plato at kubyertos.

“Sa labas po tayo kakain kasama nila Tiya Manuela. Mas presko po doon.”

“E paano ang pang-ti-on ko?”

“Iyon pa rin po ang ulam. Huwag po kayong mag-alala.”

Pero di lang sinabawang pang-ti-on ang ulam. May enseladang talong din at talbos ng kamote. May pritong isda din na sariwa dahil bagong huli. Pero ang sabaw agad ang pinuntirya nila ng ama niya.

“Masarap talaga ito. Tamang-tama lang ang lasa,” anang si Manoy Gener nang humigop ng sabaw ng pang-ti-on.

“Si Alvaro ang nagluto niyan.” May pagmamalaki sa boses ni Aurora nang sabihin iyon. Masaya siya dahil nagustuhan ng ama niya ang pinaghirapan ng binata.

Noong una ay kinabahan siya dahil tinitigan lang ni Manoy Gener si Alvaro. Subalit sa huli ay sumubo ito ng pang-ti-on. “Masarap. Tamang-tama lang ang alat at nakuha mo ang anghang na gusto ko. Mas masarap pa sa luto ng anak ko.”

“Si Amay talaga,” aniyang kunwa’y nagtatampo. Kailangan pa talagang idiin iyon?

“Kung gusto po ninyo, ipagluto ko rin po ulit kayo sa susunod,” anang si Alvaro na masaya rin sa papuri ng ama niya.

“Ano ba ang trabaho mo sa Maynila?” tanong ni Manoy Gener habang kumakain.

“I-Iba-iba po,” sagot ni Alvaro gaya ng sagot nito sa kanya noon. “Kung saan po may trabaho at kaya kong gawin.”

Umasim ang mukha ng ama niya. “Ibig sabihin wala kang permanenteng trabaho?”

“Sa ngayon po nakabakasyon po ako. May naipon naman po ako at plano ko po na magtayo ng sarili kong negosyo pagbalik ko ng Maynila,” paliwanag ni Alvaro.

“Ibig sabihin aalis ka rin dito?” tanong ng ama niya pero nahimigan ni Aurora ang bahagyang igting sa boses nito.

“Nasa Maynila pa rin po ang kabuhayan ko.”

“At hanggang kailan ka naman dito?”

“H-Hindi ko pa po alam.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.