“SA palagay mo ba hindi na sila galit sa akin ngayon?” tanong ni Aurora habang mabilis ang hakbang patungo sa multi-purpose hall kung sila mag-eensayo ng dula.
“Oo naman. Dadalhan mo ba naman sila ng nilupak na saging na may langka ni Manay Soling. Mag-e-evaporate ang galit nila kapag natikman ito,” anang binata na bitbit ang basket ng nilupak.
Buong umaga silang nagluto ng nilupak. Sina Alvaro at Kenzo ang nagbayo ng saging habang siya naman ang tumulong kay Manay Soling sa pagluluto. Nararamdaman niya ang matalim na tingin ng ama niya kanina habang kasama si Alvaro sa pagluluto pero wala naman itong sinabi. Hangga’t maari kasi ay kinokontrol nila ng binata ang mga kilos nila. Ngayon naman ay sasabog ang puso niya sa sobrang kilig.
“Maraming salamat sa ideya. Gusto ko talagang makabawi sa kanila sa nangyari kahapon. Konti na nga lang oras mag-ensayo at ayoko nang magkamali.”
Pumalatak ang binata nang makita ang pag-aalala sa mukha niya. “Sabi ko naman sa iyo na huwag mo nang alalahanin iyon. Basta ipakita mo sa kanila lahat ng natutunan mo kahapon. Natatandaan mo ba ang lahat ng itinuro ko sa iyo?”
“Opo, Teacher,” aniya at ngumiti.
Inaral nila hanggang gabi ang mga linya niya. Si Alvaro ang nagturo sa kanya kung paano humugot ng malalim na emosyon sa puso niya. Itinuro din nito sa kanya kung ano ang tamang kilos ng isang eleganteng babae noong unang panahon base sa napanood din daw nito sa mga dula gaya ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Itinuro nito sa kanya kung paano mag-internalize ng character. Kung paano humugot ng emosyon mula sa karanasan, mula sa bubog sa puso niya.
Parang ibang tao ito habang tinuturuan siya sa pag-arte. Hindi ito ang Alvaro na malaro at mahilig makipagbiruan. Seryoso ito sa pagtuturo sa kanya. Masasabi niya na mahal nito ang pag-arte at seryoso ito lalo na pagdating sa disiplina. Ayon dito ay di laro ang pagiging artista sa teatro at wala daw malaki o maliit na gampanin sa teatro. Kahit ang mgam nasa likod ng entablado ay dapat daw irespeto.
Malalim ang karanasan nito sa pagtatanghal. Isang bahagi na naman nito ang nakita niya at hinangaan niya. Marami siyang napulot dito at nasasabik na siyang gamitin ang mga natutunan niya.
“Aba! Malayo pa lang naaamoy ko na ang laman ng basket na iyan,” sabi ni Celso pagdating pa lang nila at pinagkiskis ang palad.
“Nilupak na saging,” sagot naman ni Aurora at ngumiti sa lahat. Bilin sa kanya ni Alvaro, dapat daw ay ngumiti lang siya na parang walang nangyari nang nakaraang araw. Makakatulong daw iyon para mawala ang tensiyon sa set.
“Alvaro, ikaw ba ang nagluto niyan para sa akin?” malambing na tanong ni Inez.
“Ipinaluto ni Aurora kay Manay Soling para sa ating lahat. Pero kami ni Kenzo ang nagbayo,” sagot ng binata at ibinaba ang basket sa mesa.
“Bayuhin mo rin ako, Alvaro,” sabi ni Bebang na nakadikit agad sa lalaki.
“Bebang! Huwag kang malaswa,” saway ni Aurora dito.
“Ipagbayo din niya ako ng saging para sa nilupak. Anong masama doon?” depensa naman ni Bebang at kumindat kay Alvaro.
“Berde na ang utak ni Aurora. Akala ko habambuhay ka nang inosente,” natatawang sabi ni Torya. Lagi siyang tinutukso ng mga ito na pa-virgin. Pagdating sa mga green jokes ay hindi siya nakikisakay.
“Hindi madumi ang utak ko.” At naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha. Naiinis lang siya na may dumidikit na iba kay Alvaro at nagpapahayag ng pagnanasa dito. Hinalikan man niya si Alvaro, puro pa rin ang nararadaman niya dito. Hindi siya malaswang mag-isip pagdating kay Alvaro.
“Lantakan na iyan,” sabi ni Celso at akmang dadakmain na ang loob ng basket.
Tinampal ni Ma’am Mercy ang kamay nito. “Mamaya pa. Di pa nga tayo nagsisimulang mag-ensayo. Salamat dito, Aurora.” At inilayo ang basket sa iba. “Maghanda na ang mga kasali sa kaharian nina Artus. Mga maharlika at mga alipin, maghanda na.”
Sinundan niya ang matandang babae habang itinatabi ang basket ng nilupak. “Pasensiya na talaga kayo sa nangyari kahapon. Alam ko po na malaking abala na nawala sa isip ko ang script.”
Hinaplos ni Ma’am Mercy ang buhok niya. “Ayos na iyon. Lahat naman nagkakamali.”
“Di pwedeng pasensiya lang,” singit bigla ni Omar na nakikinig pala sa usapan. “Nauubos din iyon gaya ng nilupak na dala mo. Sana lang para di sayang ang oras natin ngayon.”
“Handa na ako sa mga linya ko,” nakataas ang baba niyang sabi.
At pinatunayan naman niya na di lang niya basta kabisado ang linya niya kundi malaki ang iginaling niya sa pag-arte. Inspirado siya ngayon kaya walang hirap siya na pakawalan ang linya niya. Hindi na niya problema ang mga babaeng lumalapit sa binata.
Pasimple niyang sinusulyapan si Alvaro na nagpupukpok para sa gagamiting pansamantalang entablado kasama ang bang kalalakihan. Nahuhuli din niyang nakatingin ito sa kanya pero ibinabalik din agad niya ang atensiyon sa kay Omar na kaeksena niya. Mapapagalitan siya ni Alvaro kapag nagalit na naman si Omar sa kanya dahil lumilipad ang utak niya sa binata.
Ginagap ni Omar ang kamay ni Aurora at inilagay doon ang kutsilyong gawa sa kahoy. “Heto ang punyal. Itarak mo sa aking dibdib kung gusto mo talagang iwan ako. Aanhin ko pa ang buhay ko kung wala ka?”
Walang sinabi ang pag-arte nito sa pag-arte ni Alvaro pero wala naman siyang magagawa. Ito na ang pinakamagaling na arte na magagawa nito at hindi naman ito magpapaturo kay Alvaro. Kaya ang pag-arte na lang ng dalaga ang ginalingan niya.
Hinaplos niya ang pisngi nito. “Hindi ko kayang mawala ka. Pero anong gagawin natin? Hindi tayo maaring maging makasarili. Isa kang pinuno. Kailangan ka ng iyong nasasakupan. Ako na lang ang magsasakripisyo.”
“Ang mahalaga ay tayong dalawa. Ayokong mawala ka sa akin.”
Nataranta si Aurora nang dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. Hindi pa pala nasasabi ni Alvaro kay Ma’am Mercy kung paano dadayain ang eksenang iyon para hindi siya tuluyang halikan ni Omar. Talaga bang hahalikan siya ni Omar? Hinihintay niyang sumigaw ng “cut” pero walang sinasabi ang direktor. Hindi ito maari. Ayaw niyang halikan siya ng iba. Si Alvaro lang ang may karapatan doon.
Anong gagawin niya? Itutulak ba niya sa mukha o sa dibdib si Omar para tumigil ito? O kaya ay tapakan na lang niya ang paa nito?
“Aray!” narinig niyang sigaw ni Alvaro.
“Diyos ko po! Nasaktan si Alvaro!” bulalas ni Inez.
“Napukpok siya ng martilyo!” sabi naman ni Bebang. “Alvaro koooo!”
“Si Alvaro,” usal niya at itinulak palayo si Omar. Saka siya tumakbo sa direksyon ng binata na puno ng pag-aalala.
“Rora, sandali! Hindi pa tayo tapos,” sigaw nina Omar at Ma’am Mercy.
Subalit hindi niya pinansin ang mga ito. Hinawi niya ang mga kababaihan na nakapaligid kay Alvaro na pinipilit na tingnan ang nasaktan sa binata.
“Ayos lang ako. I am okay,” narinig niyang sabi ng binata.
“Alvaro, anong nangyari sa iyo? Saan masakit?” tanong ni Aurora at umuklo sa harap nito.
“Wala lang. Malayo sa bituka,” anang binata na bakas ang sakit sa mnukha.
“Patingin.” Hinawakan niya ang kamay nito at nakita niyang nagngingitim ang kuko ng hinlalaki nito. Parang namumuo ang dugo. “Hindi ka kasi nag-iingat.”
“Ayoko lang na halikan ka ni Omar,” bulong nito sa kanya. “Di ko siya kayang pukpukin ng martilyo, sarili ko naman ang napukpok ko.”
Hinipan niya ang hinlalaki nito. “Hindi naman ako papayag na halikan niya ako.”
“Aurora, malala ba ang pinsala sa kanya?” tanong ni Ma’am Mercy. May dala itong bag ng first aid kit.
“Hindi naman po, Ma’am,” sagot niya at umiling.
“Kung hindi naman pala, hayaan mo na si Alvaro diyan. Kailangan pa natin mag-practice. May iba namang pwedeng gumamot sa kanya,” anang si Omar na di maipinta ang mukha. “Akala mo naman naputulan na ng kamay kung maka-aray. Daig pa ang bata.”
“Grabe ka namang magsalita, Omar. E sa nasaktan ‘yung tao. Ikaw kaya ang pukpukin ko ng martilyo sa noo?” banta ni Bebang.
“Huwag mong pansinin si Omar na inggitero. Nandito kami para alagaan ka,” malambing na wika ni Inez kay Alvaro. Gusto niyang tumutol. Gusto niyang siya ang mag-alaga sa binata. Ayaw niyang may ibang lumapit na babae dito.
“Magsilayo muna kayo kay Alvaro,” sabi ni Marlon. “Marami pa tayong trabaho.”
Tumango si Alvaro sa kanya. “Bumalik ka na sa pag-eensayo. Pero kailangan ko munang i-suggest kay Ma’am Mercy na...”
“Ako na ang magsasabi,” putol agad niya sa sasabihin ng binata. “Basta tiyakin mo na daliri lang ang gagamutin sa iyo. Bawal humawak sa kung saan-saan ang ibang babae dahil baka kamay nila ang martilyuhin ko.”
“Rawr! No need for that,” anang binata. “I’m all yours.”
Napilitan si Aurora na iwan si Alvaro. May tiwala naman siya sa binata. Sa mga babae lang na nakapaligid dito ang wala. Lumapit siya kay Ma’am Mercy. “Ma’am, tungkol nga pala sa eksena namin ni Omar, pwede bang tabingan na lang ng kumot at anino na lang ang makikita? Di naman namin kailangang halikan talaga ang isa’t isa, di ba? May mga bata kasi na nanonood.”
“O-Oo naman. Walang problema.” Pinisil nito ang balikat. “Mas gumanda ang pag-arte mo ngayon. Mas ramdam ko ang emosyon. Ipagpatuloy mo iyan. Mukhang may malalim kang pinaghuhugutan.”
“Turo po sa akin ni Alvaro.”
Nakakaunawa itong tumango. “Ah! Kaya naman pala. May hugot kay Alvaro. Inspirado,” anito at nilingon ang binata.
“Ma’am Mercy, hindi po si Alvaro ang inspirasyon ko.”
“Oo na. Tinuruan ka lang niya. Kung anumang inspirasyon iyan, huwag mong bibitawan. Kailangan iyan ng isang magaling na artista.”