Finding Ethan: The Dream That You Seek Chapter 35

“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ni Omar habang nakatingin kay Ethan.

“Ikaw ang aalis dito sa isla bukas. Ako ang maiiwan dito para makasama ko pa nang mas matagal si Aurora. Bahala ka kung saan ka pupunta. Pero lumayo ka muna at bumalik ka isang araw bago ang pista siguro. O mas matagal kung gusto mo,” aniya at nagkibit-balikat. “Kapag ginawa mo iyon, hindi ko sasabihin ang tungkol sa sekreto mo. Kung hindi ka manggugulo at didistansiya ka kay Aurora, wala tayong magiging problema.” Tinapik niya nang magaan ang pisngi nito. “Your secret is safe with me.”

“Paano ang dula? Hindi ko iyon maaring basta na lag iwan. Inaasahan na ako ng mga tao. At tiyak na magtataka si Amay. Hindi ako maaring basta na lang umalis.”

“Ako ang bahala doon. Makakahanap sila ng papalit sa iyo. At tungkol naman kay Mang Robredo, siguro naman magagawan mo iyon ng paraan. Kapag may gusto, may paraan. Iyon ay kung ayaw mong mabulgar ang sekreto mo,” paalala niya dito. “I just want you away from Aurora. Are we clear?”

Tumango ito at nakita niya ang pagkatalo sa mga mata nito. Ayaw ni Ethan na gawin ito sa kay Omar. Sapat na ang hirap nito na hindi nito masabi sa iba ang pagkatao nito at hindi nito maipaglaban ang lalaking mahal nito. Pero mas mahalaga sa kanya si Aurora. Hindi niya ito hahayaang matali sa isang kasinungalingan. So what if a part of him felt like a villain right now?

“Alvaro! Omar! Anong ginagawa ninyo?” tanong ni Marlon at hangos na lumapit sa kanila. “Nag-aaway ba kayong dalawa?”

“Nagkatuwaan lang po kami sa pag-eensayo. Seryoso kasi siya sa role niya,” sagot ni Ethan at umalis sa pagkakakubabaw kay Omar.

“O-Oo. Marami pa kasi akong gustong matutunan k-kay Alvaro,” sabi ni Omar na alanganin ang ngiti. “Madami kasi siyang magagandang suhestiyon. M-Magpapahinga lang ako.”

“Sana naman makuha na niya ang itinuro mo sa kanya,” bulong ni Marlon habang naglalakad sila pabalik sa multi-purpose hall.

“O! Pareho kayong may sugat. Tinotoo yata ninyo ang ensayo,” sabi ni Inez nang masalubong sila.

“Ganoon kapag tunay na lalaki,” sabi Omar at pinalaki ang boses. Pabiro pa siya nitong sinuntok sa braso saka tumawa. Mukhang magaling itong artista kaysa sa inaakala niya.

Akmang gagantihan din niya ito kahit kunyari ay pabiro pero nilapitan siya ni Aurora. “Alvaro, may sugat ka. Gamutin natin.” At hinila agad siya nito palayo. Siya ang maraming sugat dahil hindi naman siya naging pisikal kay Omar kanina. Puro depensa lang siya.

“Malayo sa bituka,” angal niya at nakasimangot na sumunod dito.

“Paano kita papayagang umalis? Ganyan lang di mo maalagaan ang sarili mo. Alam mo naman kapag nasasaktan ka, nasasaktan din ako,” sermon nito sa kanya habang inilalabas ang alcohol sa first aid kit. Napansin niya na parang maluluha ito.

Parang may sumikmat sa puso niya. Inunat niya ang braso. “Don’t get mad at me, Aurora. Alam mo naman na akong nakikita kang nasasaktan. Gamutin mo na ako.”

Seryoso ang dalaga nang dampian ang sugat niya ng bulak na may alkohol. “Tiisin mo!” sabi nito at bahagyang hinatak ang braso niya. Hinipan nito ang sugat niya. “Okay na?”

Tumango siya. Emotion swelled inside his chest. He would rather be caught dead than show any sign of weakness. Pero heto siya at parang bata na hinayaan si Aurora na hipan ang sugat niya. And he liked it. He liked this woman taking care of him. At higit sa lahat, ipinagmamalaki niya na nakuha niya ang sugat na iyon dahil ipinaglaban niya ito. He was willing to do it again.

“Ano ba ang nangyari sa inyo ni Omar? Nag-away ba kayo?” tanong ng dalaga.

“Narinig mo ang sinabi niya. Nagkatuwaan lang kami,” kaswal niyang sagot at tumingala habang pinapakiramdaman ang kurot ng alkohol sa laman niya.

“Sinabi mo ba sa kanya ang nalalaman natin tungkol sa kanila ni Bert?”

Nang ibalik niya ang tingin kay Aurora. May takot sa mga mata nito. “Wala kang dapat alalahanin doon. Titiyakin ko na hindi ka niya masasaktan o tatakutin pa kahit na kailan.”

“Alvaro, hindi mo sinagot ang tanong ko. At paano mo nasabing hindi na ako tatakutin pa ni Omar kahit na kailan? Anong ginawa mo?”

“You don’t have to know anything. Sa amin na lang iyon ni Omar.”

“Hindi pwedeng sa inyo lang kung may kinalaman ito sa akin.”

“Just trust me on this. Okay?” aniya at kinintalan ng halik ang likod ng palad nito. Kung anuman ang resulta ng pag-uusap nila ni Omar ay gusto na lang niyang isorpresa ang dalaga.

MALAMIG ang mga kamay ni Aurora habang hinihintay ang pagsisimula ng pulong. Si Omar daw ang nagpatawag. Hindi niya alam kung para saan iyon. Basta ang alam niya sa gabing iyon ay kailangan niyang ibigay ang sagot dito kung papayag siyang magpanggap na nobya nito.

Iba ang iniisip niya sa huling gabi niya kasama si Alvaro. May plano na siya kung paano tatakasan ang tatay niya. Magkukwentuhan lang sila sa talampas habang nagbibilang ng bituin at hihintayin ang pagsikat ng araw. Hindi niya alam kung mangyayari pa iyan.

Masaya lang na nakikipagkwentuhan si Alvaro sa ibang mga kasama nila. Sa maikling panahon nito ay marami itong naging kaibigan doon. Paano nito nagagawang maging komportable samantalang aalis na ito bukas at iiwan siya nito sa mga kamay ni Omar? Ano ba ang plano nito?

Tumayo si Omar sa harap ng lahat. “Gusto kong magpauna na humingi ng paumanhin sa inyo. Pupunta ako ng Tacloban bukas.”

“Ang layo no’n. Gaano katagal kang mawawala?” tanong ni Ma’am Mercy.

“H-Hindi ko po alam. Baka sa fiesta na ako makabalik. Dumating ang dati kong kaklase galing Tacloban na magtatayo ng pagawaan ng sabon. Isang kamag-anak niya ang pahinante ng bangka na dumating kanina. Gusto daw niya akong makita dahil gusto niyang umangkat ng kopra sa akin. Maganda pa ang presyo. Makakatulong ito sa ating lahat.”

“Paano ang dula natin? Ikaw ang bida doon,” tanong ni Aurora. Alam niya na malaking bagay kung may kukuha ng kopra niya sa magandang presyo pero malapit na ang pista. Ngayon pa nga lang ay nagagahol na sila sa pag-eensayo. “Hindi pwedeng dumating ka na lang sa mismong pista. Madami ka pang di kabisado. Madami pang maaring maging pagbabago. Hindi mo mahahabol lahat iyon.”

“Palitan na lang ninyo ako,” kaswal na sabi ng lalaki na parang ganoon lang kadali na kumuha ng kapalit nito.

“Sino naman ang ipapalit natin na nakakaalam agad ng script? Wala nang oras,” sabi ni Ma’am Mercy na natataranta na.

Itinaas ni Aurora ang kamay. “Si Alvaro po kabisado ang script.” Tumutok ang atensiyon sa kanya ng lahat. Parang nagtatanong ang mga ito kung paano nangyari iyon. “Siya ang tumutulong sa akin kapag kailangan kong i-ensayo ang mga eksena ko. Kaya niya iyan.” Di lang niya sinabi na mas magaling pa itong umarte kay Omar at mas bagay na prinsipe.

“Pero aalis na si Alvaro bukas,” malungkot na sabi ni Bebang.

Tumayo si Alvaro. “Hindi muna ako aalis.”

“Alvaro...” usal niya at tiningala ito. Tama ba ang sinabi nito? Hindi muna ito aalis?

Inikot ni Alvaro ang tingin sa lahat. “Kung kailangan ninyo ako dito, hindi ako aalis. Hindi ko kayo maaring iwan ngayong kailangan ninyo ang tulong ko.”

“Hindi ka na aalis!” tili niya at niyakap ang binata. “Ikaw na ang prinsipe ko.”

Hindi makapaniwala si Aurora na maaring magkatotoo ito. Tinangay ng hangin ang lahat ng lungkot at pangamba niya.

“Masyado ka naman yatang masaya,” pansin ni Celso sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.