Finding Ethan: The Dream That You Seek Chapter 47

MAY sampung doktor at nurse ang nakuhang mag-volunteer ni Doctor Sevilla para sa misyon. Nasa Allen, Samar lang ito na ilang oras lang mula sa Calbayog kaya nakasama niya ito na sumakay ng chopper papunta sa isla. Kasama nila ang mga kahon ng gamot at iba pang gamit nito. Si Celso na kasama niya ay sumakay sa bangka kasama ang ibang mga nurse pati na rin ang ibang medical supplies.

“Base sa sintomas na sinabi mo, pwedeng may gastroenteritis sila o kaya ay stomach flu. O kahit anong virus na ang target ay ang digestive system ng biktima nito. Kailangang ma-dehydrate agad ang biktima at tiyakin na malinis ang tubig at ang kinakain nila. Pakuluan muna ang tubig bago inumin,” sabi ng butihing doktor.

“Iyon na ang ibinilin ko sa kanila,” sagot naman niya. At ipinaliwanag din niya dito kung ano pa ang ibang ibinilin sa mga naiwan sa isla na inaprubahan naman ng doktor.

Umuulan-ulan pa rin sa labas pero mabuti na lang at humupa na ang malakas na ulan. Sa loob daw ng isang oras ay nasa isla na sila.

“Malayo ang isla na iyon. Paano ka napadpad doon?” tanong ng nurse na si Meliza.

“Doon ako nagbakasyon,” tipid niyang sagot.

“Mukhang mas tipo ni Echo ang nagbabakasyon sa ganoon ka-isolated na lugar. It seems like you are more refined in your tastes,” sabi ng babae na mukhang fan niya dahil alam nito kung saan siya nagpupunta nang mga nakaraang bakasyon niya. “Mas hilig mong puntahan ang mga five-star resorts o kaya ay European countries.”

Binigyan niya ito ng seryosong tingin. “You don’t know me at all.”

Dati ay wala siyang pakialam kung anong iniisip ng mga tao sa kanya. After all, it was all about image. Imahe na binuo nila ni Icca para sa ikabubuti ng career niya. Ngayon ay di na siya komportable na inaakala ng mga tao na kilala siya ng mga ito. Dahil kahit siya ay ngayon lang nakikilala ang sarili niya.

“May makakatulong ba kami doon?” tanong ni Doktor Sevilla.

Tumango siya. “Wala pong problema. Basta bigyan lang sila ng instruction.”

Umuulan na naman nang lumapag sila sa Isla Juventus. Mabilis ang kilos nila pagdating. He was tired. Di niya alam kung paano mag-a-attend sa mga pasyente pero naroon ang ibang kababaihan gaya ni Tiya Manuela na masigasig sa pagpapakain. Unang solusyon ng mga doktor ay ang oral dehydration. Para sa medyo malala na ay kailangan nang lagyan ng dextrose.

Nakakahilo ang mga pangyayari sa paligid dahil nadoble na ang bilang ng mga biktima. Kahit si Doc Tagle ay walang nagawa kundi magpagamot sa doktor. Bukod sa gastroenteritis ay may mga inuubo at nilalagnat na rin na kailangang gamutin. Subalit nasiyahan naman siya dahil lahat ay nakikiisa. Magalang naman ang mga tagadoon sa doktor at nurse. Maging si Manoy Gener na ama ni Aurora ay pumayag ding magpatingin nang kausapin ng isa sa mga nurse.

Nang halos mabigyan na ng medikal na atensiyon ang mga pasyente ay saka lang niya napansin na wala si Aurora sa paligid.

“Nasaan na po si Aurora?” tanong niya kay Tiya Manuela na nagsasandok ng pagkain para sa mga nurse at doktor na di pa kumakain.

“Nasa bahay siya. Uuwi daw siya saglit at magpapahinga bago ka dumating. Wala rin kasing tulog ang isang iyon sa pag-aasikaso ng mga tao dito.” Inikot ulit ng matandang babae ang paningin. “Hindi pa rin ba siya bumabalik dito?”

Umiling siya. Kilala niya si Aurora, di ito basta-basta magpapahinga hangga’t kailangan pa ang tulong nito. Kinakabahan tuloy siya. “Pupuntahan ko po siya,” sabi niya at pumunta sa bahay ng dalaga.

Kumatok siya at tinawag ang pangalan nito. “Aurora! Aurora!” tawag niya.

Hindi nakakandado ang pinto kaya binuksan niya. Maaring natutulog ito sa sala kung saan ito nagpapahinga tuwing hapon. Gusto lang niyang matiyak na ayos lang ito. Pagbukas niya ng pinto ay nagulat siya nang matagpuan itong nakabulagta sa sahig at walang malay.

Dali-dali niyang inangat ang ulo nito. “Aurora! Aurora!”

Umungol lang ito at hinang-hina. Nang salatin niya ay halos mapaso siya sa init. Mataas ang lagnat nito. Eksakto namang sumilip si Kenzo. “Kuya Alvaro, pinatatanong ni Nanay kung gusto mo daw kumain...” Nagulat ito nang makita na kalong niya ang walang malay na si Aurora. “Anong nangyari kay Ate?”

“May sakit na rin si Aurora. Tumawag ka ng doktor.”

“KAYA pala hindi na nagsasalita si Aurora nitong huli. Akala ko pagod lang siya. Iyon pala may dinadamdam na siya. Mas pinagpahinga pa niya ako kahit na kaunti pa lang ang nagagawa ko at siya itong walang tulog,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Inez na napasugod sa bahay nila Aurora nang malamang may sakit ito.

Nasa balkonahe sila ng bahay habang nasa loob naman ang dalaga. Si Doctor Sevilla mismo ang tumitingin dito. Hindi agad ito nabigyan ng pangunang-lunas at ilang oras na nitong iiinda ang sakit kaya labis ang pag-aalala ni Ethan.

“Di ko na rin inalam dahil akala ko nagpapahinga siya,” sabi ni Manoy Gener na seryoso ang anyo. “Madalang magkasakit ang anak ko pero laging matindi kapag tinamaan.”

“Bakit hindi niya sinabi na masama ang pakiramdam niya?”ngitngit ni Ethan habang pabalik-balik ng lakad. Parang kinakain ang lamang-loob niya habang naririnig ang pagsusuka nito kahit na parang wala na itong ilalabas. Nang sumilip siya ay parang gusto nitong umiyak pero wala na itong lakas.

“Ganoon naman ang batang iyan. Mas gustong unahin ang ibang tao kaysa sa sarili. Iniisip siguro niya na pasanin pa siya kapag nalaman natin ang kalagayan niya.” Bumuntong-hininga si Tiya Manuela. “Lagi niyang iniisip ang ibang tao kaysa sa sarili niya. O akala siguro niya ay di lalala ang sakit niya.”

“Halos di nakatulog si Aurora dahil sa pagbabantay at pag-aalaga sa mga bata. Iyak na lang kasi nang iyak ang ibang magulang at di alam ang gagawin. Siya ang matiyagang naglinis, nagpakain at nagpapainom ng tubig,” sabi naman ni Inez. “Tinitiyak din niya na lahat ay nakakakain sa oras o kaya ay nakakainom ng tubig.”

Gusto niyang magalit pero di niya alam kung kanino. Gusto niyang pagalitan si Aurora pero di naman pwede dahil natural na dito ang may mabuting puso. Iyon ang isa sa dahilan kung bakit nagustuhan niya ito.

Maya maya pa ay lumabas na si Doctor Sevilla kasama ang nurse. “Doktor, kumusta po ang anak ko?” tanong ni Manoy Gener at nilapitan agad ito.

“Na-expose siya sa virus. Hindi maganda ang lagay niya. Pagod na pagod siya kaya susceptible siya sa virus. Sa pag-aasikaso niya sa iba, mukhang siya itong nakakalimot na i-dehydrate ang sarili niya,” sabi ni ng doktor.

“Ibig pong sabihin delikado si Aurora?” tanong niya habang di humihinga.

Tinapik ng doktor ang balikat niya. “Huwag kang mag-alala. Nilagyan ko na siya ng dextrose.”

“Do you think she can survive this?” kinakabahang tanong ni Ethan.

“Basta mabantayan lang siyang mabuti. Kailangan ko nang balikan ang mga bata. Nasa baranggay hall lang kami kung may kailangan pa kayo,” sabi ni Doctor Sevilla at umalis na ito.

“Ako na po ang magbabantay sa kanya,” prisinta ni Ethan at pumasok agad sa loob ng kuwarto ng dalaga.

Umupo siya sa tabi ng papag na hinihigaan nito. Awang-awa siya sa itsura ni Aurora dahil maputla pa rin ito at nanghihina. Hinaplos niya ang pisngi nito dahil bakas pa rin ang luha doon. He didn’t like the feeling of helplessness.

Nagulat na lang siya nang may humawak sa balikat niya. Paglingon niya ay si Manoy Gener iyon. “Salamat sa pagdadala ng mga doktor dito. Pero sana magamot nila ang anak ko. Siya na lang ang natitira sa akin at hindi ko alam ang gagawin kung kapag nawala pa siya,” naiiyak na sabi nito.

“Hindi ko po siya iiwan hangga’t di bumubuti ang pakiramdam niya. Hindi po mawawala sa atin si Aurora. Manalig lang po tayo,” anang si Ethan sa matandang lalaki. At kung hihilingin ni Aurora na huwag siyang umalis sa isla kahit kailan, handa niyang iwan ang lahat para dito. Handa siyang isuko ang career niya at ang kasikatan para sa tahimik na buhay kasama ito.

Gagawin niya iyon mabuhay lang ito at di ito mawala sa buhay niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.