Football Hotties 2: The Wicked Striker Chapter 14

NAPAKASAKIT sa loob para kay Cattleya na panoorin ang laro. Kalaban ng El Mundo FC ang Century FC. Kung tutuusin ay wala naman siyang dapat ipag-alala dahil kung performance ang pagbabasehan ay alam niyang mas mataas ang level ng El Mundo kaysa sa kalaban. Pero hindi doon nagtatapos ang istosya. Bagamat di maka-score ang kalaban at lamang sila ng lima ay hindi sila makadama ng kaligayahan. Ginagawang wrestling match at karate match ng Century FC ang laro sa dami ng injuries na nakukuha ng players nila. Nariyang sikuhin, tisurin nang wala sa lugar, itulak at sipain na mukhang sinasadya na talaga ng kalaban. Ang masakit pa ay parang walang pakialam ang referee na nagkakapilay-pilay na ang manlalaro nila.

"Football match pa ba ito o UFC? Baka mali tayo ng nilalaruan," frustrated niyang komento at nilingon ang mga fans ng El Mundo na katabi niya.

"Oo nga, Miss Cattleya. Grabe ang mga ito. Hindi sila maka-score kaya dinadaan na lang sa pisikalan ang laro," nailing na sabi ni Emcel.

"Kung pwede lang pumasok din ako sa loob at paggugugulpihin ko ang mga iyan," wika ni Lime na tumayo pa at umamba ng suntok sa mga nasa kalabang nasa pitch.

"Bata ka pa pero bayolente ka na," sabi ni Chef Martinique na piniling manood ng football sa free time nito sa Goal Sports Bar.

Pumadyak si Lime. "Hindi na ako bata, Chef. Twenty-four na ako. Malapit na akong mag-twenty-five."

"Bulag yata ang referee," angal ni Foxx. "Harapan nang nagugulpi ang mga players natin pero di pa rin niya nakikita. Nakakainis ang ganyan."

Hanggang ganoong kantiyawan na lang ang magagawa nila dahil wala naman silang impluwensiya sa laro. Parang gusto na lang niyang maiyak tuwing may nasasaktan sa mga players. Kailangan ba talagang manakit para lang makalamang sa kalaban.

Isa si Liam sa puntirya ng mga ito dahil dalawang beses na itong naka-goal. Ilang beses na itong nakaranas ng hostile tackle at challenge mula sa kalaban.

Nang pumito ang referee para sa pagtatapos ng half-time ay nanlalambot niyang ibinagsak ang sarili sa upuan. Pakiramdam niya ay kasama siya sa nakipag-gulpihan sa pitch.

"Hindi ko na yatang tumagal pa ng forty-five minutes pa nang ganitong klaseng laro. Malapit na akong atakihin sa puso," aniya at tumungga ng mineral water mula sa bote.

Hindi magkandatuto si Doc Wally sa pag-aasikaso sa mga nasaktang manlalaro ng El Mundo. Wala yatang player na di nakaranas ng gulpi mula sa kalaban.

"Mag-cheer na lang tayo," sabi ni Chef Martinique. "Itodo na natin ito. Wala tayong magagawa sa bulag na referee o kaya sa mga mixed martial artist na nagpapanggap na football players na iyan. Pero may magagawa tayo para palakasin ang loob ng team natin. Ready?"

Tumayo siya at sinenyasan ang mga fans na lalaki sa taas. "Boys, handa na rin ba kayong mag-cheer?"

"Sasayawan pa namin kung gusto ninyo," wika ni Julian na siyang numero-unong fanboy nila at pambato nila pagdating sa pagtsi-cheer.

Alam niya kung ano ang kayang gawin ng mga fans sa laro ng isang team. Kapag nanghihina na ang mga ito sa gitna ng laban ay mga fans ng mga ito ang nagbibigay ng lakas sa mga ito.

Animo'y walang tinamong injury at nagpatuloy ang opensiba ng El Mundo. Nagawang agawan ni Liam ang isa sa mga kalaban at lalong nagwala ang mga fans. Pati siya ay nawala na rin. "Go, Liam!" tili niya. Isinantabi niya ang disgusto dito. Nang mga oras na iyon ay bahagi ito ng El Mundo, ang team na ikinararangal niya.

Parang may bumundol sa puso niya nang sikuhin ito ng kalaban at tumumba. Pagtayo nito ay hawak nito ang nasaktang bibig. "Dumudugo ang bibig ni Liam!" bulalas niya.

Humahangos na tumakbo sa pitch si Doc Wally para maampat ang pagdugo sa bibig ni Liam. Napangiwi siya. Mukhang nabungalan ng ngipin si Liam. Binigyan ng yellow card ng referee ang manlalarong sumiko kay Liam.

"Yellow card lang. Hindi ba dapat red card iyon? Unfair! angal ni Cattleya.

Napailing na lang si Liam na dismayado dahil yellow card lang ang nakuha ng kalaban. Maging ang ibang mga fans ay nagwawala na rin sa bleachers dahil hindi makatarungan na yellow card lang ang nakuha ng manlalarong bumungal kay Liam. Yellow card ang ibinibigay sa simpleng foul habang red card naman para sa matitinding violation gaya ng ginawa kay Liam na magreresulta ng pagkakatanggal ng isang manlalaro sa game at pagkakasuspinde para sa susunod na laro. Subalit para yata sa referee ay di pa sapat na mabungalan si Liam para magbigay ng red card.

"Pambihira naman, ref. Napingasan na ng ngipin ang player namin tapos walang red card. Grabe naman iyan!" angal ni Julian.

Nakadama siya ng awa kay Liam. Hindi naman biro-biro na mabawasan ang ngipin habang naglalaro. Paano naman ang kaguwapuhang inaalagaan ng mga tulad nitong manlalaro?

Inaasahan ni Cattleya na magpapa-substitute si Liam pero bumalik ulit ito sa pitch para maglaro. Sa pagkakataong ito ay mas mabangis ito na parang di nabawasan ang ngipin nito. Nagawa pa nitong itawid ang bola at ipasa kay Angel na nakuha ang panghuling goal para sa El Mundo sa larong iyon.

But it was a punic victory. Nanalo nga sila pero marami naman sa mga manlalaro nila ang injured. Masakit iyon sa ulo ng management at coaching staff. Kung injured ang mga players nila ay mahihirapan silang ikondisyon ang mga ito para sa susunod na laro.

Dali-dali siyang bumaba ng track para kumustahin ang mga nasaktang mga players. Tinapik ni Pierro si Liam sa balikat nang lumabas ito mula sa field. "Great job."

Hindi magawang ngumiti ni Liam. "Salamat, Sir."

"Tsk! Tsk! Napingasan ang kaguwapuhan mo. Hindi bale ipapaayos naman natin iyan. Sayang nga at hindi pa na-red card ang gumawa niyan sa iyo."

"Okay lang, Sir. Nanalo naman tayo," matamlay na wika ni Liam at paika-ikang nagtungo sa direksiyon niya.

Hindi makagalaw si Cattleya sa kinatatayuan. Kakausapin ba siya nito? Hindi naman siguro siya nito aasarin ngayon. Anong sasabihin niya dito? Nasaktan ito. Natural lang na kumustahin niya ito. Pero paano?

"Excuse me. Ang bag ko," sabi nito sa malamig na boses.

Nang lumingon siya sa likod ay nasa likuran pala niya ang bag nito. Umusod siya para makuha nito ang bag nito. "M-Masakit pa ba?" tanong niya. Ngumisi lang ito para ipakita na nawalan ito ng ngipin sa baba. "Don't worry. Ipapaayos natin iyan sa dentista bukas."

Hindi na ito nakasagot sa kanya dahil dali-daling lumapit si Misagh dito. "Liam, I saw your tooth. It flew in the air. I tried to catch but I didn't pick it up because I will get a yellow card."

Nagtawanan ang mga nakarinig sa paligid at noon lang niya nakitang tumawa si Liam. Si Misagh na yata ang pinakamakulit na player na nakilala niya. Napaka-comical nito. Daig pa nila ang may kasamang bata kapag nangungulit ito.

Inakbayan ni Misagh si Liam. "I know a very nice dentist. Believe it or not, I am a graduate of Dentistry. So I know she's good."

"Manliligaw ka lang yata," tukso ni Carlie dito.

"Shhhhh!" saway ni Misagh at saka binigyan siya ng inosenteng ngiti.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.