For The Stars Have Sinned (Filipino) Chapter 42

Hindi pa rin tumatawag si Tiden simula noong concert. Baka busy. Pero kasi naman, miss ko na siya. One week na rin mula noong concert, at walang text o tawag. Ewan ko ba do'n. Ito na nga ba sinasabi ko. Kapag malayo na ang nilipad, hindi na marunong lumingon. Hay nako.

"Kung tatawag ka, baka mapatawad pa kita sa hindi mo pag-text ni tawag sa 'kin," diin kong bulong sa screen. Nakapaskil ang numero niya. Binalik ko sa home screen at umirap. Ayoko ngang tawagan ang isang 'yon. Baka mamaya, tutuksuhin na naman ako.

May kumatok. Hayst. Pinagbuksan ko ng pinto at si Husea ang nakita ko. Ngumiti siya. "May nagpapabigay, Miss."

Inabot niya ang isang paper bag. Tinanggap ko 'yon. Sinara ko ulit ang pinto at binuksan ang paper bag. Huh? CD?

Naglakad ako palapit sa kama at binuksan ang lagayan. Lumapit ako sa DVD player at sinalang 'yon. Kinonekta ko sa Bluetooth speaker ang player.

Napapitlag ako. Latest music ng Vine? Mabilis kong kinuha ang lagayan. Blanko. Pero hindi ako pwedeng magkamali. Album ng Vine 'yong CD!

Natawa ako. Aba, may regalo pa siyang nalalaman? Mabilis kong dinampot ang cellphone at tinawagan ang numero ni Tiden. Out of reach. Huh? Saan ba ang isang 'yon?

Kunot-noo akong nag-browse sa contact list at hinanap ang numero ni Jun pero nahinto sa pag-scroll ang daliri ko nang mabasa ang pangalan ng isang contact.

Levi My Love.

Levi? Ah, naalala ko. Namali ko pala 'yong numero ni Lyndon at si Levi ang natawagan ko. Nakagat ko ang labi. Parang destiny na yata ang nagtatagpo sa aming dalawa.

Ngiti kong pinindot ang call button. Tatlong ring pa lang nang sumagot siya. "Rishell," bati niya.

Nanlaki ang mga mata ko. "A-Alam mong ako ang tumatawag?"

"I've saved your number on my phone."

Hilaw akong natawa. "Gano'n ba? Uhm..." Lumunok ako. "Nandiyan ba si Tiden? Hindi ko kasi ma-contact ang number niya. Gusto ko sanang makausap ang lalaking 'yon."

Ilang minuto siyang natahimik. Narinig ko ang pagbukas-sara ng shower. Tapos nabasag na salamin. Napakurap ako. "L-Levi? Ayos ka lang ba riyan?"

Umikhim siya. "I'm doing good, Rishell. Tiden is... busy."

"Busy?" Naningkit ang mga mata ko. "Pero isang linggo na siyang hindi tumawag ni nag-text. Si June? Nandiyan ba?"

"No. He's busy too."

"Oh." Napahinga ako nang malalim. "Sabihin mo na lang sa kaniyang salamat sa regalong pinadala niya."

"That's mine."

Natigilan ako. "H-Ha?"

"Ako ang nagpadala ng regalo, Rishell."

Napakurap ulit ako at napaupo sa kama. "Uhm... i-ikaw? Uh, b-bakit?"

"A little gift for your dedication. I've read your timeline posts on your Facebook account. Rishell, thank you. You made me smile with those sweet words of yours."

Nawalan ako ng salita. Hindi ko inasahang mababasa niya 'yon. Pero, naalala kong humiling ako minsan na mabasa niya ang timeline posts ko, at ngayon... nangapa ako ng sasabihin. Napalunok ako. "W-Welcome and thank you, L-Levi..." Naalala kong hindi ko kailanman nasabi sa kaniya kung nasaan ang EGL, pero baka tinanong niya kay June. Alam ni June kung nasaan ang EGL.

"I miss..." Huminto siya sa pagsasalita.

"Ha?" Nagbaba ako ng tingin. "Anong na-miss mo?"

"Nedostaju mi ​​tvoje slatke usne."

Nangunot ang noo ko. "H-Hindi ko maintindihan, Levi."

Bahagya siyang natawa at nagpaalam bago binaba ang tawag. Kumurap pa ako bago padapang binagsak sa kama ang sarili. Tumili ako. Sheems! Napansin ako ni Levi! Si Levi! As in, si Levi!

Nangisay ako sa kilig.

Mabilis kong binuksan ang cellphone at binisita ang Facebook page nila. Sa susunod na linggo, may fans day sa Ayala. Buong araw doon ang Vine. Napangisi ako. Siguradong pupunta ako ro'n.

MARAMING tao. Nakipaggitgitan ako sa kanila, hanggang marating ang harap. Nagsi-set up pa lang ang crew ng musical instruments. Tumingala ako sa langit. Kulay kahel na. Malamig na rin ang hangin. Tamang-tama. Hindi ako mamamawis.

Halos palibutan na ng fans ng Vine ang buong Terraces. Sa gitna magla-live ang Vine. Naupo ako sa sementadong sahig at binuksan ang cellphone. Pasado alas-singko na ng hapon.

"Miss." Nag-angat ako ng tingin sa tumawag. Isang crew. Umikhim siya. "Pwede ka bang magpunta sa likod? Gusto kang makausap ng Manager."

Ha?

Tinuro ko ang sarili. "Ako? Kakausapin ako ni Maingey?"

Tumango siya. Oh, hindi ko inasahan 'yon. Tumayo ako at sumunod sa kaniya sa likod ng mini-stage. May dressing room doon na pinalibutan ng trapal para hindi kita ang magbibihis sa loob. Sinenyasan ako ng lalaking pumasok. Tumalima ako.

Isang organisadong dressing room ang nadatnan ko. Nakahanay sa gilid ang mga naka-hang na tux at pants. May make-up kits pa at mahabang salamin. Mangilan-ngilang stylist ang nasa loob. Wala pa ang Vine.

"Miss Rishell."

Napatalon ako sa gulat. Mabilis akong lumingon sa tumawag. Si Maingey. Ngumiti siya kaya ngumiti rin ako pabalik. "H-Hi. Bakit mo ako pinatawag?"

"Nicole can't make it tonight. May lagnat siya. Kailangan ni Levi ng makaka-duet sa love songs." Umikhim siya. "Alam kong maganda ang boses mo. Kumanta ka na sa harap ko minsan."

Napatango ako. Noon, nang mag-audition ako para maging sub-vocalist sana, kumanta ako sa harap niya. Ngumiti ako nang malapad. "A-Ayos lang sa akin."

"Thank you, Miss Rishell." Humarap siya sa stylist. "Girls, ayusan niyo na siya. Make her the most beautiful girl tonight."

"Noted, Mama," sabi ng isang stylist. Nag-flying kiss pa kay Maingey bago ako hinila sa isang secluded area, kung saan pwede akong magbihis.

Teka, ambilis ng pangyayari.

Namalayan ko na lang na naka-casual dress na ako at kasalukuyang nilalagyan ng lipstick ng isang make-up artist, habang nakaupo ako paharap sa malaking salamin.

"Girl, ang ganda ng lips mo. Manipis sa itaas at full sa ibaba. Naks, ilang labi na ang natikman mo? I'm sure, maaadik ang lalaking titikim sa labi mo."

Ah. Nailang ako bigla. Akmang kakagatin ko ang ibabang labi pero humiyaw siya. "Don't do it, girl! Masisira ang lipstick mo!"

Napapikit ako sa tinis ng boses niya. Pasimple akong ngumiwi at tumitig na lang sa repleksyon ko sa salamin. Light make-up ang nilagay niya. Ansabi, hindi ko na kailangan ng heavy make-up dahil natural na makinis ang balat ko. Saka, idi-depina lang 'yong features ng mukha ko, ayos na raw.

"Mga mamshies! Nandito na ang ating mga alaga. I-prepare niyo na ang puwesto nila bilis!" sigaw ng isang stylist.

Nahigit ko bigla ang hininga. Nandito na ang Vine?

Hindi pa ako nakakibo nang mula sa entrada sa tapat ng salamin, isa-isang pumasok ang Vine. Una si Ariel, si June, si Tiden, at pinakahuli ay si Levi.

Iiwas ko sana ang tingin sa repleksyon sa salamin pero huli na. Nagtama ang paningin namin ni Levi. Nakita ko ang kakaibang mga mata niya na hindi ko pa kailanman nakita sa kahit na sino. Napalunok ako. Hindi ko alam na asul na may pintik na berde ang kulay ng mga mata niya. Napakurap ako.

Doon lang yata siya natauhan. Diretso siyang naglakad papunta sa secluded area na pinagbihisan ko kanina. Dala-dala niya ang jacket at pants na sa tingin ko ay susuotin niya mamaya.

"R-Rishell," gulat na sambit ni Tiden. "Ba't nandito ka? Hindi ka miyembro ng Vine. Lumabas ka na!"

Nanlaki ang mga mata ko. "T-Tiden..." Sinisigawan niya ako? Kailanman, hindi siya nagtaas ng boses sa akin. Napahinga ako nang malalim.

At mula sa entrada, pumasok si Maingey. Nakapaskil sa mukha niya ang isang ngiti. Pero siguro sadyang malisyoso ako dahil nang makita ko ang ngiti sa labi niya, nanindig bigla ang balahibo ko sa batok.

Kinilabutan ako. May mali sa ngiting 'yon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.