For The Stars Have Sinned (Filipino) Chapter 44

Iba ang tingin ni Papa sa akin. May halong pagmamalaki, at kapansin-pansin ang kasiyahan sa mukha niya. Nagbaba ako ng tingin sa hiya. Hindi ko alam na magva-viral ang ginawa kong pagkanta kahapon kasama ang Vine.

"Tinawagan ako ng kasosyo ko sa negosyo, aniya'y magaling kang kumanta," puri niya.

Napanguso ako. "Kanina ka pa, Pa. Nahihiya na ako sa sinasabi niyo."

Natawa siya. "Bakit? Nakita ko ang video at mukhang namana mo ang talento ng ina mo."

"Talaga, Pa?" Ngumisi ako. "Magaling kumanta si Mama?"

"Magsitigil nga kayong dalawa! Nasa harap tayo ng pagkain," saway ni Mama.

Sabay kaming natawa ni Papa. Tinago naman ng mga katulong ang mga ngiti nila. Naningkit ang mga mata ni Mama pero hindi na umimik. Napailing na lang ako. Narinig ko kasi minsan ang pagkanta ni Mama, at talagang medyo... kulang ng isandaang hakbang mula sa boses ni Lea Salongga. Si Papa lang 'yong medyo sumakto sa tono.

"Pero hindi ka nagpaalam kahapon, Rishell."

Nawala ang ngiti ko. "Nalimutan ko, Pa. Sorry."

"Sinong naghatid sa 'yo kahapon?"

"Uh..." Inaalala ko 'yong nangyari kahapon. Matapos no'ng gig, nagpaalam na ako kay Maingey. Nag-taxi ako pauwi ng Boljoon. Nagkibit-balikat ako. "Maalam naman akong mag-commute, Pa. 'Wag na kayong mag-alala."

"Inalala ko lang na baka mapano ka. Maraming masasamang loob ang nagkalat sa publiko." Umiling si Papa. "Hindi na takot ang mga kriminal na gumawa ng gulo sa mata ng publiko. Kahit tirik ang araw, pwede ka pa ring masaksak sa isang mataong lugar."

"Tinatakot mo naman anak mo," sita ni Mama.

Nangunot ang noo ni Papa. "Totoo ang sinasabi ko. Binalita 'yong pagbaril ng isang tao sa kumpare niya. Sa harap pa ng tindahan kung sa'n maraming nakatingin. Tsk tsk. Hindi pa nag-atubiling itago ang mukha."

"Hayaan mo na, Pa. Baka masyadong galit sa biktima," sabi ko sabay subo ng kanin.

Matapos naming kumain ng agahan, dumiretso ako sa kuwarto. Binuksan ko ang cellphone at sunod-sunod na text ang natanggap ko mula sa classmates at schoolmates ko. Maya-maya pa, may tumawag. Pinatay ko. Hay nako, mabuti pa sila nagti-text, samantalang si Tiden at June, ayon. Hindi na nagparamdam. Swerte nga kahapon, nakita ko pa sila. Kaso, mukhang galit si June sa akin kasi hindi ako pinansin. Si Tiden naman, sinigawan ako. Napanguso ako.

Nilagay ko sa Flight mode ang network, tapos kumonekta ako sa WiFi. Nag-check ako sa reading app at nakita ko ang sunod-sunod na update ni CareLikeGoldFish. Nagbasa ako saglit kaso binaba ko rin ang cellphone. Hindi ako maka-concentrate. Iniisip ko 'yong nangyari kahapon. Grabe talaga si Tiden, pinahiya ako sa mga kasama niya. Pwede naman niya akong hilain sa gilid at doon pagsabihan, o sige, sigawan.

Nag-disable ako ng Flight mode. Hinanap ko ang number niya at tinawagan kaso out of reach pa rin. Kainis naman. Pati 'yong number ni June hindi ko ma-contact. Nag-change number kaya ang dalawang 'yon?

Okay, last resort. Si Levi na lang ang tatawagan ko. Nag-ring! Napangiti ako. Buti pa si Levi, nako-contact ko. E, hindi naman kami mag-close friends.

"Rishell," bati niya. Masigla ang boses.

Napangiti ako. "Hi, uhm... salamat pala sa magandang performance kahapon." Inipit ko ang hibla ng buhok sa tainga.

"Welcome. Why did you call?"

"Hindi ko pa rin ma-contact ang number ni Tiden at June. Nag-change number ba sila?"

"Nawala ang cellphone ng dalawa. Bumili sila ng bago."

"Ah, kaya pala." Nagbaba ako ng tingin. "S-Sige, Levi, salamat sa pagsagot sa tawag ko."

"Our video goes viral. Are you okay there? I hope there's no media in front of your house."

"Ah, wala naman. Medyo exclusive lang kasi 'yong private road papunta sa bahay namin. Kaya siguro hindi nakakapasok ang paparazzi."

"Good to hear that."

"Ikaw? Hindi ba kayo dinumog ng questions mula sa paparazzi?" biro ko.

Natawa siya. "The truth? Our sales increased. Thanks to you."

"Aba..." Natawa ako. "Libre naman diyan," biro ko pa.

"Why not?"

Natutop ko ang bibig. "Seryoso ka?" Nanlaki ang mga mata ko. "Huy, joke lang 'yon. 'Wag mong seryosohin." Hilaw pa akong natawa. Imposibleng ayain niya ako.

"Rishell."

Napaupo ako ng tuwid nang marinig ang seryosong sambit niya sa pangalan ko. "B-Bakit?

"If you'll be given a chance to work with us, will you join us?"

Ilang segundong nahigit ko ang hininga. "T-Tell me, nagbibiro ka."

"No, I'm serious. The management saw your potential. They're curious about you."

Nakagat ko nang mariin ang labi. "K-Kasi, ang totoo niyan, matagal ko nang pangarap na makasali sa banda niyo. Kaso, si Nicole..."

"Don't think of Nicole, okay? If they want you in, it's because you have a talent."

"L-Levi..."

Narinig ko ang buntong-hinga niya. "I've send your contact number to our management. Maybe later, you'll receive a call from them. Please tell me what's your decision later, Rishell."

"O-Okay."

"Alright. Take care," huling sabi niya bago binaba ang tawag.

Nagitla ako nang mag-ring ulit ang cellphone ko. Isang unknown number. Nang sinagot ko, nalaman kong recruiter ng management kung saan under ang Vine. Sinabi niyang nakita niya ang video ko kahapon kasama ang Vine. Gusto niyang makipagkita sa akin.

Huminga ako nang malalim. Nag-tipa ako saglit bago nag-send kay Levi.

To Levi: pumayag ako.

Ngumiti ako at agad nagpunta ng banyo para maligo.

PINALIWANAG ng babaeng recruiter ang tungkol sa contract na pipirmahan ko. Aniya, hindi pumayag ang manager na isali ako sa Vine bilang pang-anim na miyembro, kaya naman 'yong contract na ibibigay ng management ay para sa solo artists.

Hilaw akong napangiti. "Actually, hindi pa ako nakakasali sa banda. Okay ba talaga na maging solo artist ako?"

"My boss is fond of you, Miss. Gusto niya talagang gawin kang artist. Kung hindi miyembro ng banda, solo artist."

"Oh. Ang swerte ko naman," sabi ko na lang.

"May talent ka talaga, Miss. Nandoon ako kahapon sa gig ng Vine and I must admit na mas magaling ka pa kay Miss Nicole." Dumukwang siya sa mesa. "Atin lang 'to, Miss. Pero naisip kong kaya hindi pumayag si Maingey dahil takot masapawan mo 'yong babaeng alaga niya."

Nakagat ko ang labi at hilaw na natawa. "G-Gano'n ba?"

"Oo, Miss." Tumango pa siya. "Kapag pipirmahan mo na 'tong contract, pangako, hinding-hindi ka magsisisi."

"Uh." Tumingin ako sa contract. "Sino ang magiging manager ko?"

"Yong isa sa mga excellent manager ng management. Si Mister Ratunil."

Napakurap ako sa gulat. Si Mister Ratunil? 'Yong manager ng local girl group pero ngayon ay international na? Napangiti ako. "Talaga?"

"Oo. Kumalas siya sa pagiging manager ng Kumarera girl group nang mag-international sila. May bagong foreign manager ang humawak sa inalagaan niya noon. Kaya Miss, mas malaki ang magiging chance ng pagiging successful mo kapag magiging manager mo si Mister Ratunil."

"S-Sige! Pipirma na ako ng contract."

Lumapad ang ngiti niya. Mabilis siyang kumuha ng black pen at binigay sa akin. Tinanggap ko 'yon at walang pakundangang pinirmahan ang halos sampung papeles. Ni hindi ko na binasa ang ilan. Hayst, katamad basahin, e.

"Ayan," ngiti kong sabi sa kaniya.

Ngumiti siya at tumango. Kinuha niya ang black pen at kontrata. "Welcome to ANEW Entertainment Group, Miss Rishell." Nilahad niya ang kamay.

Tinanggap ko 'yon at nakipagkamay sa kaniya. Pagkatapos, inalok niya sa akin ang isang wine. Ngiti ko ulit 'yong tinanggap at nag-toast kami. Sumimsim ako sa alak.

Natigilan ako sa lasa ng alak. Parang... pamilyar.

"May problema ba, Miss Rishell?" tanong niya.

Umiling ako. Binaba ko ang wine glass sa mesang nakapagitan sa amin. Tapos na akong sumimsim. "Kailan ko pala makikilala itong si Mister Ratunil?"

"Nasa bakasyon pa kasi siya ngayon, Miss. Baka sa susunod na linggo."

"E, kailan ko makikilala ang boss mo?"

Ngumiti siya. Bahagyang tumango. "Kapag nakapag-record ka na ng kanta, Miss. Busy kasi siya ngayon."

"Ah, gano'n ba?" Ngumiti ulit ako. Dahil wala na akong maisip na itanong, kinuha ko ulit ang wine glass at sumimsim ng alak. Naubos ko 'yon.

Bigla niyang inabot ang calling card niya. "Kapag may itatanong ka, Miss, tawagan mo lang ako."

Tinanggap ko 'yon at nagpasalamat. Nagpaalam na siya dahil may kailangan pa siyang gawin. Ngiti akong kumaway sa kaniya hanggang mawala siya sa paningin ko. Napabuga ako ng hangin.

Hay, salamat naman. Kapag nakapag-release na ako ng kanta, I'm sure, mas maraming tao ang makakakilala sa akin. Naalala ko 'yong blockmates ko, saka si Jamaica. Napangisi ako. Ano kaya ang sasabihin ng mga 'yon? Naku, excited na tuloy akong mag-enroll sa susunod na buwan.

Nag-angat ako ng tingin nang maramdaman kong may naupo sa upuang binakante ng recruiter. Nakita ko si Levi. Napakurap pa ako saglit at bahagyang sinampal ang pisngi. Si Levi nga!

"Anong ginagawa mo rito?" Nagpalinga-linga pa ako sa restaurant, baka may nakakita sa kaniya at dudumugin kami ng fans!

"Relax." Binaba pa niya nang husto ang bull cap. "They won't mind."

Napabuga ako ng hangin. "Pa'no mo pala nalamang dito kami magkikita?"

Nagkibit-balikat siya. Inabot niya 'yong wine glass na ginamit ko saka nagsalin sa baso. Napaamang ako nang sinimsim niya 'yong alak. "Baso ko 'yan," saway ko.

Binaba niya ang wine glass. "I know," sabi niya saka pinasadahan ng dila ang ibabang labi. "You signed the contract?"

"Yes."

"Have you read what's written in there?"

Sa totoo lang, hindi ko binasa. Pero sadyang ayokong mapahiya kay Levi kaya tumango ako. "Sumasakit nga ulo ko. Ang haba no'n."

Ngumiti siya. "Glad you agreed on the contract. I'm free to share moments with you."

"Ha?" Nangunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin?"

He leaned closer. "Rishell, do you love me?"

Nasamid ako. Ilang segundo akong naubo bago tumitig ulit sa kaniya. "What did you a-ask?"

Nabigla ako nang hawakan niya ang kamay kong nakapatong sa  mesa. "I've been following you around since the day my eyes laid on you. You are so beautiful. I can't get you out of my mind."

Nanuyo ang lalamunan ko sa sinasabi niya. Totoo ba 'to? G-Gusto ako ni Levi?

Pinisil niya ang kamay ko. "Rishell, I love you."

Ilang segundo akong napatitig sa kaniya. Nakagat ko ang labi at napahawak sa dibdib. "Wag mo akong biruin, L-Levi."

"I'm telling the truth." Ngumiti siya at inabot ang pisngi ko. Hinaplos niya. "I love you."

"I-I lo --"

"I know. Your eyes told me so."

"L-Levi --"

Dinukwang niya ang pagitan namin at hinagkan ako sa labi. Natuod ako. Hinahalikan ako ni Levi!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.