GF Trilogy Chapter 29

MASAMA ang tinging ipinukol ni Vincent kay Ellery. Paano, isang dosenang itlog na nilaga lamang ang nakahain sa malaking dining table nito. Walang kanin, dahil hindi siya marunong magluto ng kanin. Ang paglalaga naman ng itlog ay naalala niyang itinuro sa kanila ng TLE teacher niya noong elementary. Iyon nalang ang pinagtiyagaan niyang lutuin maski hindi siya nakasisigurado kung naluto nga ba iyon ng maayos.

“Ito lang? Ang tagal mo sa kitchen, ito lang ang ihahain mo sa akin? Paano pala ako madaling gagaling kung puro itlog ang ipapakain mo sa akin? Baka mamaya, mag-iba ang simoy ng hangin dito sa loob ng unit ko dahil diyan sa mga ipapakain mo sa akin!” nanggigigil na reklamo nito.

“Aba! Sa wala akong ibang alam na lutuin kundi iyan. Kung nagpa-deliver ka nalang sana ng pagkain mo, hindi ka sana nauwi sa pagrereklamo ngayon.” Pangangatwiran naman ni Ellery.

Sa hitsura nito, parang gusto na naman siya nitong sakalin. Pero mukhang nagbago rin ang isip at napabuntong-hininga na lamang. Naisip siguro nito na mawawalan ito ng napakagandang tagapagsilbi. Napangiti siya sa sarili.

“At wala ding kanin?! Tsk! Bakit kasi hindi mo sinabi na hindi ka marunong magluto?”

“Kaya nga sabi ko magpa-deliver ka nalang kasi hindi nga ako marunong magluto. Kung hindi mo ipinilit at ini-enjoy ang pagkakaroon mo ng katulong na maganda, edi sana nakakain ka na ngayon.”

“Tsk!”

Dinukot ni Vincent ang cellphone sa bulsa ng cargo shorts nito at nag-dial. Saglit pa at narinig na niyang umoorder na ito ng pagkain.

“Magpapa-deliver din lang pala, pinahirapan pa ako.” Bubulong-bulong na saad niya.

Pero iyon naman nga ang punto nito sa mga ipinagagawa sa kanya, ang pahirapan siya. Edi sige, pahirapan siya nito at kukunsumihin naman niya ito.

“Maglinis ka diyan sa kusina. Pati ang buong unit ko, linisin mo. Hindi ako sanay ng makalat.”

Ang kapal talaga ng mukha!

Kahit kailan ay hindi pa siya humawak ng cleaning equipment sa mansyon nila. At ngayon, natagpuan niya ang sarili na ginagawa ang bagay na kailanman ay di niya naisip na gagawin niya para lang sa herodes na ito!

Pero sige na. Isang linggo lang naman siya roon. Pagkatapos ng isang linggo, sisiguraduhin niyang hinding-hindi na muling magsasanga ang mga landas nila.

Napaisip tuloy siyang bigla. Ngayon lang ba talaga nagsanga ang mga landas nila? Para kasing pamilyar ang apelido na gamit nito? O baka kamag-anak nito ang nakasalamuha na niya minsan kaya’t ganoon na parang pamilyar ang surname ni Vincent.

Nagsimula siyang maglinis sa kitchen nang may mag-doorbel sa labas. Lumingon siya sa gawi ng prenteng lalaki na nakaupo pa rin sa harap ng dining table. Umigkas ang isang kilay nito at ikiniling ang ulo sa direksyon ng pinto. Tila ba sinasabi nito na pagbuksan niya ang nag-doorbell.

“Ikaw na ang magbukas. Nakita mo naman na naglilinis ako rito. Ang dungis ko na nga o? Ni hindi pa ako nakapag-make up!”

“Hindi ako pwedeng maglakad kasi di ba nga baldado ang paa ko?”

“Isang paa mo lang ang na-injured. Pwede ka pang magpaika-ikang lumakad.”

“Ikaw ang may kasalanan kung bakit ako na-injured at narito ka para pagsilbihan ako kaya sige na, pagbuksan mo na ang nagdo-doorbell.”

Sa inis niya ay parang gusto niya muling balian ng buto ang kabila pa nitong paa para tuluyan na nga itong mabalda.

“Hindi ako pwedeng lumabas. Makikilala ako ng kung sinong nagdo-doorbell at anong sasabihin ko kapag may ibang nakaalam na naririto ako sa loob ng unit mo?” tigas sa pagtanggi na hayag niya.

“You should be proud. Nakapasok ka sa unit ko, and take note, nandito ka bilang katulong ko.” Nang-aasar pang sabi ng walanghiya.

Binalibang niya ito ng kutsara. Tinamaan ito sa ulo pero umigkas lang naman ang isang gilid ng mga labi nito.

“Masaya ka! Hinding-hindi mangyayaring sasabihin ko na katulong mo ako kaya nandito ako. Nasa hitsura ko ba ang pagiging katulong? Baka ikaw pa! Kaya kitang bilhin para maging alalay ko.”

“Ano kamo?!” tila naiinis na tanong nito.

“Marami akong pera, Vincent. Kaya kitang bilhin.” Paglilinaw niya sa sinabi kanina.

“Talaga lang ha? O sige, pero unahin mo munang bilhin ang mga pulis na magbibitbit sayo sa pinakamalapit na presinto.” Umakma itong magpipipindot na naman sa cellphone.

Naalarma siya at mabilis na dinakma ang hawak nitong cellphone. Ibinalibang niya iyon sa concrete wall at nagkahiwa-hiwalay.

“You!” nanggigigil na angil sa kanya ni Vincent.

“Papalitan ko nalang. But before that, kumain ka muna ng ipina-deliver mong food.” Aniya. At mabilis itong tinalikuran para pagbuksan ang marahil ay delivery boy na nagdo-doorbell.

NAPAILING nalang si Vincent habang nagdadabog na lumapit si Ellery sa pinto ng kanyang unit. Gusto niyang i-congratulate ang sarili dahil nagagawa niyang pasunudin ang malditang babae sa mga nais niya. He was happy to know that she was a normal human being, with weaknesses—tsismis.

Lahat naman nga ng celebrity ay takot sa press. Naisip tuloy niya, bakit kaya hindi nalang siya naging isa sa mga galamay ng media para noon pa man ay nagawa na niyang pasunudin si Ellery? Naiganti niya sana kaagad ang kanyang ego na hindi matahimik magpahanggang ngayon.

Sa pagbabalik ni Ellery sa dining table ay walang imik na iniayos nito ang pagkain sa harapan niya. Patalikod na ito para marahil ituloy ang paglilinis sa lababo nang marinig niya ang kanyang sarili na nagsasalita.

“Sit down here, Ellery.”

Nanggigigil na nilingon siya nito. Nasa hitsura nito ang nagugutom na at hindi niya maatim lumunok ng pagkain na may taong nasa tabi niya na nagugutom na rin.

‘Oh, how noble!’ pang-aasar ng kanyang isip.

“Ano na naman ba? Naglilinis pa ako para makaalis na ako!” inis na inis na saad niya.

“Saluhan mo ako rito. Baka himatayin ka na diyan sa gutom. Mag-aalas…” Saglit siyang natigilan at inisip ang oras na idedeklara. Iniayos nga pala niya ang oras sa wall clock niya sa may pinto. “Mag-aalas siete na.”

Napataas ang kilay nito. “Alas siete?” nagtatakang tanong ni Ellery. “Mag-aalas siete pa lang?”

Sunod-sunod na tumango siya. Pigil ang pagsilay ng ngiti. “Pero kumain ka muna at baka malipasan ka ng gutom.”

Actually, baka nga nalipasan na ito ng gutom dahil kanina pa naman itong nagtatrabaho sa kanya. Sinusundot na rin siya ng kanyang konsensiya dahil sa mga pinaggagagawa niya. Hindi naman ganoon kalaki ang atraso nito sa kanya noon. At hindi naman nito kasalanan kung hindi matahimik ang ego niya sa nag-uumapaw na kumpiyansa ni Ellery sa sarili. It’s her nature. Wala siyang karapatang salungatin iyon. Talagang abnormal lang din minsan mag-isip ang kanyang pride.

Pero ano ba? Hindi niya maaaring baguhin ang napagdesisyonan na. Nasimulan na niya, pangangatawanan na niya. Baka matahimik na rin siya kapag napamukhaan na niya ito. Magmula kasi nang mapa-link si Ellery kay Kyle, hindi na natahimik ang kanyang loob. Nabubwisit siya sa tandem ng mga ito at di niya lubos akalain na tatagal iyon ng ganoon na magpahanggang ngayon, naiinis pa din siya tuwing maririnig at mababasa ang pangalan ng dalawang magkapareha.

HINDI inintindi ni Ellery ang sinabi ni Vincent, sa halip ay naghanap ng orasan. At ang nag-iisang orasan sa unit na iyon ay ang wall clock sa itaas ng entrance door. Quarter to seven pa lang ang sinasabi ng mga daliri ng orasan pero bakit pakiwari niya, mahigit tatlong oras na ang lumipas? Ang tagal niyang naglaga ng itlog. Nagbangay pa sila ni Vincent at ngayo’y naglilinis siya sa kusina, pero wala pang isang oras ang lumilipas?

Unbelievable!

Subalit naisip niya rin na tumatagal talaga ang oras kapag hindi niya gusto ang ginagawa. At wala yata siyang magugustuhang gawin sa loob ng unit ni Vincent, maliban sa pagmasdan maghapon ang gwapo nitong mukha at matipunong katawan!

What?!

“Kumain ka muna dito Ellery. Ayoko nang may nasasayang na pagkain sa loob ng bahay ko.” Narinig niyang sigaw ni Vincent.

Ipinagpasalamat niya iyon dahil naputol ang wirdong itinatakbo ng utak niya. Naglakad siya pabalik ng dining at wala sa loob na naupo katapat ni Vincent. Iniusod nito sa harapan niya ang isang meal na ini-order nito. May logo pa ng Orange Cup Café ang mga packaging kaya’t nahulaan niya kung saan ito umorder ng pagkain.

“Eat.” Utos nito nang hindi siya kumikibo.

“Mag-aalas siete pa lang pala.” Wala sa sarili na nasabi niya.

“Oo. Kumain ka na.” balewalang tugon nito.

“Kung ganoon, ilang libong taon ko pang kailangang tiisin ang nakakainis na presensiya mo?!” nayayamot na namang baling niya rito.

Wala pa palang isang oras ang itinatagal niya sa bahay nito pero pakiwari niya, isang taon na niyang hindi nasisilayan ang liwanag ng araw at hindi nalalanghap ang sariwang hangin sa Earth!

Pinukol siya ng masamang tingin ni Vincent, pagkuway inilagay sa magkabila niyang kamay ang mga kubyertos. “Ganyan ka ba magpasalamat?”

Natauhan si Ellery matapos maalala ang pagmamagandang loob nitong idamay siya sa pag-order nito ng almusal. For a while ay napatunayan niyang may itinatago rin naman pala itong kabutihan sa loob. Maaaring mayabang ito pero mabait din naman pala ito.

Pero naisip din naman niya na responsibilidad siya nitong pakainin since pinagtatrabaho siya nito ng wala namang sweldo.

“Thank you.” Nasabi nalang niya. “Kakain na talaga ako dahil nagugutom na ako. Pakiramdam ko, mahabang oras na akong nagtatrabaho para sayo pero isang oras palang pala ang lumipas. Nakakagutom palang magtrabaho sa loob ng isang oras.”

Napabuntong-hininga siya at saka binalingan ang pagkain. Narinig naman niyang nabilaukan si Vincent. Nang lingunin niya ito para abutan sana ng maiinom ay mukhang naging okay naman ito kaagad dahil inabot na ang sariling inumin.

“Hindi ko naisip na naging napakalupit ko pala sa mga assistant ko. Ngayon, natuto na ako. Mula ngayon, oras-oras ko nang pagbe-break-in ang mga assistant ko, para naman, hindi nila maisip na malupit ako.”

At sumubo na siya ng pagkain. Gutom na gutom na siya. Umaga pa naman pero pakiramdam niya, agahan at tanghalian na ang nawala sa daily meal niya.

“Mas marami ka pang matututunan dito sa loob ng bahay ko. Ituring mo nalang itong paaralan kung gusto mo.” Narinig niyang saad ni Vincent.

Binalingan niya ito matapos ngumuya ng pagkain.

“At ikaw ang professor?” sarkastikong saad niya.

Nagulat siyang marinig ang pagtawa nito.

“Aba, at tumatawa ka pala.” Komento niya.

Napakagwapo naman nitong tumawa.

Suddenly, she realized what other good thing she didn’t know about him. Maganda pala ang tunog ng tawa nito. Ah, hindi. Mali ang ginamit niyang salita. Gwapo ang tunog ng tawa nito. Kasing gwapo ng mukha ni Vincent.

He has a pair of twinkling black eyes that seems to be smiling whenever his lips broke into a sweet smile. An arrogant nose, a pale but silky skin and… those beautiful, thin red lips. Ito pa lang yata ang lalaking napansin niya ang mamula-mula at tila mamasa-masa ang mga labi. Daig pa siya nito na parang laging may lip gloss.

Ah, siguro dahil wala naman talaga siyang pakialam sa mga lalaking nasa paligid niya. Hindi talaga siya naaakit sa mga opposite sex dahil may pakiramdam siya na wala na yatang makaka-meet sa standards niya pagdating sa mga lalaki. Isa pa, wala din namang makapagpatibok ng kanyang puso. Minsan nga ay nais niyang isipin na baka may problema siya sa gender. Pero may standard preference naman siya pagdating sa lalaking magugustuhan kaya’t alam pa rin niyang lalaki ang gusto niyang makasama sa hinaharap.

“Natural. Ano bang akala mo sa akin, bato?” nakaismid nang saad ni Vincent.

“Makapagdala nga ng clown bukas para lagi kang tumatawa.” Sabi naman niya. Para kasing bigla niyang namiss ang tunog ng pagtawa nito. Pati na rin ang kagwapuhang produkto ng pagtawang iyon.

“MASAHIHIN mo muna ang paa ko. May isang oras pa bago mag-alas dose. Dito ka na din mananghalian, magpapa-deliver ako.”

Pinukol ni Ellery ng masamang tingin si Vincent. Sa wakas, isang oras nalang at makakalabas na siya sa kastilyo ni Satanas.

“Akala ko ba, maglinis muna ako ng bedroom mo?” naiinis na saad niya. Gusto talaga siyang pahirapan ng walanghiya.

“Mamaya na. Parang kumikirot kasi ang binti ko kaya unahin mo muna ito.”

Sa narinig ay bigla siyang nakaramdam ng pag-aalala. Napasobra nga yata ang nagawa niya rito kaya’t paminsan-minsang hindi ito aware na pinagmamasdan niya si Vincent ay napapansin niyang napapangiwi ito kapag kumikilos.

“Tingnan ko nga.”

Mabilis na dinaluhong niya ang binatang nakaupo sa couch. Maingat na inabot niya ang binti nito na may benda at ipinatong sa mga hita niya habang nakalupasay siya sa sahig.

“Paano bang masahe? Hindi naman ako therapist. Baka makasama pa ang gagawin ko.” Magkahalong pag-aalala at pagrereklamong saad niya.

“Slightly press it. Medyo kumikirot kasi.”

Sumunod siya sa sinabi ni Vincent. Naging maingat din siya dahil baka sa halip na makabuti ay makasama pa ang magawa niya. Ilang sandali sila sa ganoong pwesto. Tahimik niyang minamasahe ang binti nito at tahimik lang din itong nagpapamasahe. Paminsan-minsan ay kumikibo ito na tila ba bahagyang gustong bawiin ang binti dahil marahil may naramdamang hindi maganda sa pagmamasahe niya. Subalit hindi naman ito nagsasalita kaya’t nagpatuloy pa rin siya.

Hanggang sa maramdaman niya ang mga daliri nito sa ilang hibla ng buhok niyang nakatabing sa mukha at iniipit sa kanyang tenga. Napatingala tuloy siya.

“Baka kasi makaabala sa pagmamasahe mo ang buhok mo.” Paliwanag nito habang nakatitig lamang sa mukha niya.

“Excuse me, hindi abala ang buhok ko. Ang ganda-ganda kaya niyan.” Hinaplos niya ang kanyang buhok. “In case hindi mo alam, maraming mga babae ang naiinggit sa makintab at mahabang buhok ko na ito. Ang mga lalaking nahuhumaling sa akin, gustong-gusto itong amuyin.” Inamoy niya ang sariling buhok at napapikit siya sa bango noon.

Nang tingnan niya si Vincent ay nakangiti lang ito habang nakatingin sa kanya. Kung anuman ang laman ng ngiting iyon ay hindi niya magawang maalarma. Mukha namang harmless ang pagngiti ng talipandas.

“Ows?” tila nagdududa at nanunudyong banat nito. Para na rin nitong sinabi na nagsisinungaling siya.

“Bakit di mo subukang amoyin?” hamon naman niya.

“Sige nga.”

Bahagya itong yumuko para pagbigyan ang hamon niya pero dahil sa ginawa nito ay naging masyadong malapit ang mukha nito sa kanya. Bigla ang pagpatikar ng puso niya. Pakiramdam niya’y huminto siya sa paghinga habang nakalapit ang mukha ni Vincent sa mukha niya. Gusto niyang dumistansya rito subalit ayaw namang kumilos ng katawan niya. Mas gusto niya ang pakiramdam na ilapit pa nito ng husto ang gwapong mukha nito sa magandang mukha niya. Gusto niyang ikawit ang mga braso sa batok nito para hindi na nito mailayo ang gwapong mukhang iyon.

Awtomatikong kumilos ang mga kamay niya ngunit bago pa man iyon makarating sa destinasyon ay lumayo nang bigla ang gwapong mukha na pinapantasya niya. Sumunod niyang narinig ang pag-igik nito. Naihulog pala niyang bigla ang binti ni Vincent na kanina lamang ay nakahimlay sa hita niya.

“Woman! Pahamak ka talaga—Aray! Huuu!” sigaw nito.

Natatarantang abutin-dili niya ang binti ni Vincent na pilit inilalayo sa kanya.

“Doon ka na! Maglinis ka na sa bedroom ko.” Pagtataboy nito sa kanya.

“Sorry na.” At umakma siyang hahawakan ang binti nitong napinsala.

“No! Stop—! Go away!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.