Hello, Stranger Chapter 12

ANG sinabi ni Jasper na maaga pa sila bukas ay hindi naman ang paglayo sa condo nito. Pinaligo siya nito, pinagayak dahil may darating pala 'tong bisita. Noon lang niya naunawaan kung sino ang bisita nang ipakilala siya nito ro'n.

"Si Fermin na ang bahala sa 'yo, sige na, tuturuan ka niya ng mga easy steps sa pagmomodelo," ani Jasper sa kaniya. Tinutukoy ang pinakilala sa kaniya na binabae.

Napakamot siya sa sariling kilay. Gano'n siya 'pag kinakabahan. "Ahm, hello po," magalang niyang bati sa binabae na makulay ang kasuotan. Neon ang lahat dito, mula ulo hanggang paa.

"Naku, ikaw pala ang sinasabi nitong si Sir Jasper!" anang binabae sa kaniya, inikutan siya, para siyang mannequin na sinipat nito.

Nagulat siya nang hawakan nito ang balikat niya at idiretso nito 'yon.

"Ganyan ang tamang tayo," sabi nito sa kaniya. "Dapat mong sanayin na ang sarili mo sa tamang pagtindig. Kung sakali na kayanin mong talunin ang isang Stacy Ho, kakailanganin mo ang lahat ng 'to."

Wow, ang advance lang. Para pala 'yon sa kapag natalo na niya ang sikat na modelo.

Napatingin siya kay Jasper, na busy sa laptop nito. Sa kung anong dahilan, napaangat 'to ng tingin, nagsalubong tuloy ang mga mata nila.

"Ayos siya hindi ba, Fermin?" tanong nito sa binabae.

"Yup! Magaling ka talagang kumilatis ng modelo."

"But of course!" proud pa na sagot ni Jasper sa binabae, pagkuwa'y kinindatan siya.

Kindat na nakakagulat dahil parang bigla 'yong nagpahinto sa saglit na tibok ng puso niya…

Napailing na lamang siya nang magkangitian ang dalawa na tila ang mga 'to lang ang nagkakaunawaan sa mga pinag-uusapan.

Oo, pinag-uusapan talaga siya ng dalawa, na parang wala siya sa harap ng mga 'to.

"Masyado lang mahiyain," pahabol pang saad ng binabae sa boss nila.

Tumawa si Jasper. "Nah, akala mo lang."

Kumunot ang noo niya sa tinuran nito. Sa gulat niya, mas natawa pa 'to sa sariling kalokohan.

"Nangangatwiran 'yan 'pag naiinis."

At aba't talaga naman!

"Nagsusunog din ng itlog 'pag nagalit." Tatawa-tawang sambit pa nito.

Napangiwi siya. Ang itlog na tinutukoy nito ay ang inalmusal nila. Nagalit kasi siya nang gisingin siya nito. Pero s'yempre, nang maunawaan niya kung nasaan siya ay humingi rin naman siya ng paumanhin. Boss niya 'to, anak 'to ng mga amo niya. Kung paano niya galangin ang mga amo niya ay dapat na gano'n din siya rito.

"Huwag kang mag-alala, Bebeng, nasabi ko na kay Fermin kung ano ang tunay mong trabaho."

"Wala namang problema sa trabahong 'yon. Mostly nga, 'day, nasa gano'ng trabaho ang mga ginto," makahulugan na saad sa kaniya ni Fermin.

Kung ano ang ibig nitong sabihin do'n ay mukhang si Jasper lang ang nakakaunawa na naman dahil sa malawak na ngiti nito ng mga oras na 'yon.

'BELLE', 'yon ang binigay na pangalan kay Bebeng ni Fermin. At 'yon na ang huling araw ng session nila raw nito dahil madali naman daw siyang natuto. In fact nga raw, ngayon din araw na 'to mismo siya magmomodelo ng singsing na hanggang ngayon ay naroon sa daliri niya.

"Nice! Napakaganda mo, Belle!"

Kahit siya ay napangiti sa kaniyang bagong itsura. At ang lahat ng 'yon ay dapat niyang ipagpasalamat sa singsing at sa may-ari niyon na ilang araw na niyang hindi nakikita dahil abala raw sa business. Dahil nga sisimulan na ang pagmomodelo ng singsing.

"Salamat, Fermin," kiming tugon niya sa binabae.

"Ganyang ganda naman talaga dapat ang kinukuhang modelo. Aba naman, ano ba ang sinabi ni Stacy Ho sa 'yo? Tsinita 'yon, ikaw hayan at morena, bilugan ang mga mata, gandang purong Pilipina!"

Isang tikhim ang pumigil sa sasabihin sana niya kay Fermin. Nalingunan nila ng huli si Jasper.

Si Jasper na nang humarap siya ay tila namatanda.

"'Ganda 'no!" bulalas ni Fermin sa bagong dating. "Sigurado akong taob na 'yang ex mo. Dito na magtatapos ang ninanais mo, Jasper."

Napakunot-noo siya. 'Di yata at totoo ang hinala niya? Na may hugot si Jasper kay Stacy.

"So, let's go?" untag sa kaniya ni Jasper.

Ngumiti na lang siya na sinunod ang gusto nito na umangkla siya sa braso nitong inilahad sa kaniya.

Pumalakpak naman ang binabae na nakasunod sa kanilang likuran.

"Heto na ang magandang bagong modelo ng SM Jewelries!" masayang bulalas nito sa mga taong bumungad sa kanila nang makarating sila sa pagdarausan ng photo shoot sa mismong hotel na 'yon kung saan siya inayusan nito. "Si Belle!"

Nagpalakpakan ang mga taong naroon. At gaya nang tinuro sa kaniya ni Fermin, 'pag daw gano'n ay ngumiti lang siya, kaya, todo smile naman siya habang nakaangkla kay Jasper at sabay sila nitong marahan na naglalakad.

"Grabe, hindi naman ako artista, bakit ganito?" hindi niya napigilan na bulong sa katabi.

Pagak na natawa 'to. "Modelo ka na, that's why."

"At kasalanan mo 'yon."

"Nope. Look at you, para ka talaga rito. You're too beautiful para sa maid."

Nilingon niya 'to. Ewan ba niya, 'yon na yata ang pinakamali niyang lingon dahil nang magtama ang kanilang mga mata, may kung anong humaplos sa puso niya.

Ah, gano'n na talaga ang reaksyon niya sa tuwing mamasdan ang mga mata ni Sir Jasper, na mula nang nakasama niya ay ayaw nang magpatawag ng gano'n pero dahil makulit siya, sir pa rin ang tawag niya rito.

"Sir Jasper, bolero ka po pala."

"Nah, nagsasabi lang ako ng totoo." Ang kamay nito ay dumapo sa mukha niya, napapitlag tuloy siya. Hahawiin lang pala nito ang kaunting buhok na tumabing sa mukha niya, inilaylay kasi 'yon ni Fermin at kinulot, for effect daw. "Relax, ako lang 'to."

"Ikaw lang nga, pero nakakapagtaka na hindi ko po magawang mag-relax."

"But why? Sasahod ka naman dito. Sasahod ka ng doble kahit madalas kang magsunog ng itlog at kahit inuubos mo ang chocolate bar ko sa fridge."

Napahagikgik siya. Kaya lang ay siya rin ang natigilan nang mapuna niyang siya lang pala ang tumatawa. Hindi siya nito sinabayan dahil mataman lang 'tong nakatitig sa kaniya.

"Stop."

"Huh—" Bigla na lang nitong unti-unting nilapit ang mukha sa kaniya kaya hindi na niya natapos ang sasabihin niya.

"There's a small ant on your neck."

Talaga ba? E, bakit mukha nito ang lumalapit sa kaniya? Saka, bakit wala naman siyang nararamdaman na langgam?

Napapikit na lang siya nang hipan nito ang leeg niya.

Napapikit siya at hindi napigilan na mapakapit sa balikat nito. Para kasi siyang nanghina nang madampi sa balat niya ang mainit nitong hininga. Malamig pa naman sa hotel. Nakalabas pa naman ang leeg niya sa gown na suot niya.

"Okay na."

"S—Salamat," aniya nang makahuma siya sa sandaling paghina ng mga tuhod.

"Nasabi ba sa 'yo ni Fermin kung ilang beses kang magpapalit ng damit ngayon?" tanong nito pagkatapos.

"Oo, nabanggit din niya na may effect daw mamaya para sa magazine na kunwari ay hubad ako, tatabunan ako ng mga mamahalin na alahas." Kung paano nga 'yon gagawin ay hindi niya alam.

Tumango-tango 'to. "Yep, idea 'yon ni Mommy. Don't worry, nandito naman ako to protect you."

"P—Protect?"

"Yeah, baka ma-conscious ka. First time mo 'to, remember?"

Oo nga naman. Kung ano-ano naman kaagad ang pumapasok sa isip niya. Feelingera rin talaga siyang minsan!

"Success ang first time mo, Bebeng. Look at the people around us, kung hindi mo pa rin napupuna, kanina ka pa nila nililitratuhan at kanina pa sila namamangha sa 'yo."

"Sila lang ba?"

"Huh?"

Napahagikgik na naman siya. "Joke lang po, Sir Jasper!"

"Ah, of course, nasabi ko naman sa 'yo na ang ganda mo ngayon. Sa pagkakatanda ko nga ay nasabi ko rin naman sa 'yo na huwag mo na 'kong tawagin na Sir Jasper at 'wag mo na 'kong gamitan ng po at opo."

"Jasper, let's start," untag sa pag-uusap nila ng kung sino— ang kapatid pala nito na si Jio San Martinez.

S'yempre ay kilala niya 'to. Sa dami ba naman ng tsismosa sa mansion ng mga magulang nito ay hindi niya makilala ang magkakapatid. Kapuna-puna nga na kulang ang triplets, nangangati tuloy ang dila niya na magtanong kay Jasper.

"So, are you ready?"

"O—Oo naman!"

"Pero bakit parang hindi? Akala ko pa naman at ease ka na sa 'kin..."

"Napakamatampuhin mo naman!" biro niya rito. "Masama bang magtaka kung bakit hindi mo kamukha ang kakambal mo? Sabi kasi ay triplets kayo." Hayun, hindi niya rin napigilan na magtanong!

Natawa 'to. Halakhak pa nga.

"Huy, napa'no ka na?"

"Bebeng, you're funny."

"Anong nakakatawa ro'n? Totoo naman ah!"

Pilit 'tong nagpigil ng tawa. "Of course, yeah, hindi ko talaga sila kamukha dahil mas g'wapo ako sa kanila."

Iningusan niya 'to. "'Yabang nito!"

Tumawa na naman 'to. Inakbayan siya, akbay na naging normal na sa pagitan nila nitong mga nakaraan pero hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin siya sa pagdampi ng balat nito sa balat niya. "Hindi kasi kami identical triplets na matatawag, Bebeng, that's why mas g'wapo ako sa kanila."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.