Her Own Brand Hero (Filipino) Chapter 14

“Sabihin mo lang sa akin kung may kailangan ka,” sabi ng binata at inilapag ang popcorn sa arm ng upuan sa pagitan nila. “Mabuti maraming tao. Nang nakaraang linggo

“Alam mo, sabihin mo lang din sa akin kung nabo-bore ka sa palabas. Di naman lahat ng tao mahilig sa history. Maiintindihan kita,” anang si Verona sa malumanay na boses.”

“Mahilig nga ako sa history. Nabanggit ko na...”

“Oo. Si Naruto at Kenshin Himura. Hindi naman anime panonoorin natin.”

“Shhh! Nagsisimula na,” saway nito nang magsara na ang ilaw.

Palingon-lingon si Sia sa binata. Tahimik lang si Kirst habang nanonood sila. Mukha naman itong seryoso sa pagtutok sa palabas habang kumakain ng popcorn. Nagsimula ang Heneral Luna sa pagtatapos ng giyera laban sa mga Kastila at simula ng pananakop ng Amerika sa bansa. Nakakunot ang noo niya habang nagkakagulo sa gabinete ni Aguinaldo kung saan si Heneral Luna ang Kalihim ng Digmaan at Pinunong Heneral. Damang-dama niya ang mga eksena.

Parang sinaksak ang puso niya nang makita kung paanong saksakin sa likod ng mga Amerikano ang mga Pilipino. Di niya masikmura kung paano pinagpapatay ang mga Pilipino noong araw.

Wala pang sampung minuto sa panonood ay humahagulgol na ng iyak si Verona. Di siya magkandatuto sa paghahanap ng tissue sa loob ng bag. “Okay ka lang?” tanong ni Kirst sa kanya.

“H-Hindi ko kasi makita ang tissue ko.”

May hinalughog ito sa bulsa at inabot sa kanya ang mini-pack ng tissue. “Heto.”

“Salamat. Nakakaawa ang mga Pilipino noong unang panahon. Kawawa na nga tayo sa mga Kastila, noong panahon ng mga Amerikano sa loob lang ng tatlong taon isang milyong Pilipino ang napatay nila.”

“Gagong mga Amerikano iyan. Pinaiyak ka,” sabi nito at pinunasan ang luha niya na parang bata siya.

Natigilan siya sa pag-iyak at hinayaan ito na punasan ang luha niya. Ayaw niyang maging mahina. Mula nang mamatay si Sister Leonora dahil sa cancer noong sampung taon siya ay wala nang nagpunas pa ng luha niya. Kinailangan niyang maging matatag. Kahit si Sia ay pinagtatawanan lang siya kapag umiiyak siya sa mga maliliit na bagay.

Ayaw niyang magmukhang mahina o katawa-tawa sa harap nito. Pero anong magagawa niya kung naiiyak siya? Iba kapag nagbabasa lang pero iba kapag nakikita mismo kung paanong nabusabos ang mga Pilipino. Subalit matatapang pa rin ang mga ito na lumaban para sa bayan.

“Ano? Gusto mo abangan natin sa kanto ‘yang mga Kano? Sasapakin ko sila para sa iyo. Sabihin mo lang sa akin at gagawin ko,” tanong nito sa may kaangasang boses.

“Sira,” aniya at kinuha ang tissue dito. “Salamat. Okay na ako.”

“Bakit di nila sinabi sa akin na madrama pala ito? Nagdala sana akong madaming tissue.”

Bigla siyang kumapit sa manggas ng polo ng lalaki nang ipakita si Paulo Avelino. “Eeee! Si Greggy!” impit niyang tili.

“Ganyan type mo tulad ni Paulo Avelino?” tanong nito.

“Hindi. Type ko si Gregorio del Pilar. Siya ang pambansang baeyani,” aniyang di maitago ang ngiti at sinapo ang sariling pisngi.

“Di ba si Rizal ang pambansang bayani?”

“Bae-yani. Guwapo na, ipaglalaban ka pa. Baeyani,” aniya at ngumiti.“Noong unang panahon daw, pati ang mga Amerikana itinatago ang newspaper clippings na may picture ni Heneral Greggy. Ganoon siya kaguwapo.”

“Ang cute mo palang kiligin. Pero mas cute ka siguro kapag sa akin ka kinilig.”

Akmang kokomprontahin niya ang lalaki nang may marinig siya. “Ang guwapo ni Marcelo,” sabi ng isang babae sa likuran niya.

Kumunot ang noo ni Verona. Marcelo? Sinong Marcelo? Wala namang Marcelo sa cast. Baka naman isa sa mga extra na kakilala niya.

“Sinong Marcelo?” tanong ng katabi nito.

“Si del Pilar. Marcelo H. del Pilar.”

Sinapo ni Verona ang noo. “Gregorio del Pilar iyon,” usal niya.

“Basta makisig talaga si Juan Luna. Pintor na, heneral pa ng digmaan.” Tumawa ang lalaki sa likuran niya. “Nakapagpinta ng Spolarium tapos sharpshooter pa iyan. Idol!”

Isinubsob ng dalaga ang mukha sa palad. Magkapatid sina Juan Luna at Antonio Luna. Hindi sila iisang tao lang. Inangkupo!

“Pansin ba ninyo si Mabini? Kanina pa siya laging nakaupo. Ni ayaw maglakad. Tamad ba talaga iyan si Mabini sa totoong buhay o sadyang idea lang iyan ng direktor?” tanong ng isa pang babae sa likod.

May polio si Apolinario Mabini. Dakilang Lumpo. Di ba nila alam iyon?

Umungol siya at di rin nakatiis. Tumayo siya saka nilingon ang mga nasa likod na pawang mga estudyante ng isang pribadong unibersidad. “Kayo, ano bang tinuturo sa eskwelahan ninyo tungkol sa mga bayani? Nakarating kayo ng college nang walang alam sa kanila? Paano kayo naka-graduate kahit elementary?”

“Ate, ano po bang problema?” tanong ng bading sa grupo.

“Kayo ang problema ko.” Itinuro niya ang screen. “Nakita ba ninyo kung paano namatay ang mga bayani para sa bayan? Kaya malaya kayong nakakanood ng sine ngayon, makakapag-date, nakakapag-text at nakakapag-date kahit mga bata pa kayo dahil namatay sila para sa bayan tapos di ninyo kilala. Ano bang napag-aaralan ninyo sa eskwelahan? Paano makipag-boyfriend sa Facebook? Paanong makipag-away para sa paborito ninyong artista at magpa-trend sa walang kabuluhang bagay?”

Tumayo si Kirst at pinigilan siya. “O! Hayaan mo na ‘yang mga bata. Kaya nga nandito sila para matuto dahil wala nga silang alam.”

“Oo nga, Ate. Gusto naming matuto,” sabi ng isa sa mga estudyanteng babae. Kumaway pa ito kay Kirst. “Hi, Kuyang Pogi! Ako nga pala si...”

Hinawi niya ang kamay ng babae. “Diyan ka magaling. Alamin mo muna sinong del Pilar si Paulo Avelino bago ka magpa-cute.” At saka siya padabog ba umupo. Nakakainit talaga ng ulo!

Inabutan siya ng iced tea ng binata. “O! Pampalamig ng ulo.”

“Inuuna kasi ang boyfriend at girlfriend bago ang pag-aaral. Hmp!” ingos niya at kinuha ang iced tea na inaabot nito. Saka lang siya nakahinga ng maluwag.

“Siguro naman mare-realize nila kung gaano ang hirap ng mga bayani noon pati mga simpleng sundalo para sa kalayaan ng Pilipinas. This could be an eye-opener for them. Bigyan mo sila ng chance,” malumanay na sabi ni Kirst sa kanya.

“Sana nga. O kahit man lang sana ma-realize nila ‘yung ginagastos ng mga magulang nila para mapag-aral sila magamit man lang. Kalunos-lunos naman ang mga bayani natin kung namatay sila sa bayan para lang magkaganito ang Pilipinas.”

Tumawa ang binata. “Kung nabuhay ka siguro noong unang panahon, isa kang Katipunera. Sigurado ako na hindi ka rin papayag na may lalaking manloloko sa iyo.”

“Talaga,” sabi niya at sumimsim ng iced tea. Pero di na siya aabot sa puntong maloloko siya ng isang lalaki dahil wala naman siyang balak na makipag-relasyon o ma-in love. Mabuti nang ngayon pa lang ay malinaw na iyon kay Kirst kung plano nitong makipag-flirt sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.