HIS VILE CRAVING (A Tagalog Story) Chapter 14

"HERE'S your order, Sir. One brandy on the rocks."

"Gracias," nakansakaang turan ni Akihiro sa bartender saka dinampot ang baso na may lamang alak.

Pangatlong araw na niyang nagsu-surveillance sa El Casa Montenegro ng gabing iyon. Patuloy pa rin ang pangangalap niya ng mga ebidensya na magdidiin sa nasabing club. May mga ilang impormasyon na rin naman siyang nakukuha, pero sa tingin niya ay kulang pa rin iyon kaya naman mas pinaghuhusayan pa niya ang pagmamanman.

Gamit ang kaniyang hidden camera na kasing liit ng butones ay kinukuhanan niya ang lahat ng mga kaganapan sa loob. Hindi rin nakaligtas sa camera niya ang mga kabataan na lantarang nag-po-pot session. At dahil doon, napatunayan ni Aki na drug den nga ang lugar at front lamang ang nightclub.

Busy si Akihiro sa pagsimsim ng alak nang mapansin niya ang paris ng babae't lalaki na patungo sa isang parte ng club na tila mga silid. Ang totoo'y ipinagtataka rin niya kung ano ang mayroon sa bahaging iyon, dahil karamihan sa mga kabataan ay doon nagtutungo.

Malakas ang kutib kong may milagrong nangyayari r'on, aniya sasa isipan habang pinagmamasdan mula sa kinaroroonan ang mga customer na naglalabas-masok sa mga kwarto. Hula niyang bukod sa drug den, ay isa ring sex den ang nasabing club.

Handa na sana siyang tumayo para puntahan at alamin kung ano ang mayr'on doon, subalit naudlot 'yon nang may humawak sa braso niya. Paglingon niya ay si Lizzy ang tumambad sa kaniya.

Fuck! Istorbo naman ang babaeng 'to! Naiinis man sa pagkaantala ng sana'y balak niya, ay nakangiti pa rin niya itong hinarap. Itinago rin niya ang paglukot ng gwapo niyang mukha. Smile lang, Akihiro. 'Di ka pwedeng sumimangot. Baka masanay ang mukha mo't pumangit ka! lihim niyang saway sa sarili.

"Lizzy. . ." bati niya rito saka hinalikan ito ng mabilis sa pisngi.

Si Lizzy ay nakilala niya sa mismong club na 'yon. Nag-one night stand sila nito no'ng unang araw niya itong makasama, at aaminin niyang magaling ito sa kama. Wild kasi ito na gustong-gusto niya sa isang sex partner.

"Ray, where are you going?"

"Sa comfort room sana," pagdadahilan niya. "Kanina pa rin kita hinahanap, e," pagsisinungaling pa niya. Madalas rin kasi silang nagkikita at nagkakasama ng babae sa night club na 'yon. Ayon kasi rito, doon ito nagha-hangout.

Tumaas ang kilay ni Lizzy dahil sa sinabi niya saka sumimsim ng cocktail na hawak. "You know, Ray . ." anito saka pinukol siya ng makahulugang tingin. "I've noticed that, you've been acting weird since the first time I saw you," ani Lizzy habang sumimsim ng alak.

Shit naman! Nahahalata n'ya na ba 'ko? Naalerto siya sa tinuran nito kaya naman umakto siyang natatawa rito. "Huh? What do you mean?" kunwari niyang tanong pa niya.

This time ay humarap sa kan'ya si Lizzy at mataman siyang tiningnan; nang-aarok. "Pulis ka, 'no?" panghuhuli nito sa kan'ya ngunit pabulong lamang.

Umarko ang mga kilay niya at nagpanggap na namamangha sa sinabi nito. "Are you drunk, Lizzy? Kung anu-ano nang sinasabi mo," natatawang saad pa niya pero sa loob-loob niya ay kinakabahan siya. Maaari kasing magsumbong ang babae sa may-ari ng club at malagay ang buhay niya sa alanganin.

"Kung gusto mong malaman ang tungkol sa nabubulok na club na 'to, I can help."

Sa sinabing iyon ni Lizzy ay napamaang siya rito. Bakas rin sa mukha ng babae na hindi ito nagbibiro. Ngunit iniisip niyang hindi pa rin siya dapat magtiwala sa kaharap. Maaari kasing nilalansi lamang siya ng babae.

"Alam kong 'di ka basta maniniwala," saad pa nito nang hindi siya sumagot. Tumawa pa ito ng bahaw at pagkatapos ay muling sumimsim ng alak. "So let me tell you this, Alejandro Montenegro killed my younger brother because of drugs," mariing turan nito na ikinagulat niya. At bagaman pabulong lamang iyon ay mababakas sa tinig ni Lizzy ang galit.

Sa narinig ay pasimpleng niyang nilingon ang mga katabing customers. Bagaman mahina ang boses nila ay hindi malayong marinig ng mga ito iyon. Nang mapansing niyang abala rin ang mga ito sa kaniya-kaniyang ginagawa ay hinawakan niya si Lizzy sa braso at marahang hinila patayo.

"Sumama ka sa'kin. Let's talk in private. Baka may makarinig," mahina niyang saad rito. Tumango naman ang babae saka sumunod sa inutos niya.

Mabilis nilang nilisan ang night club at nagtungo sa isang coffee shop. At dahil nga maghahating-gabi na iyon, ay mangilan-ngilan na lamang ang mga customer na naroroon.

"You want to coffee? Mag-o-order ako," alok pa ni Aki sa babae na noon ay tahimik lamang at nakatingin sa kung saan.

Lumingon ito sa kaniya saka umiling. "No. Hindi naman food ang isinama ko rito," seryosong sagot nito.

"Okay."

Tumingin pa muna siya sa mga katabing mesa kung may customers pang umuukopa niyon. At maswerte namang pulos malalayo ang mga ito sa kanila. Pinag-iingatan kasi niyang walang makarinig ng pag-uusapan nila ni Lizzy, dahil confidential iyon. Iniisip din niyang gamitin si Lizzy bilang primary witness laban sa may-ari ng night club na iyon.

"So, simulan na natin. Sino si Alejandro Montenegro na sinasabi mong pumatay sa younger brother mo? Is he the owner of the club?"

Nang banggitin ni Aki iyon ay bumalatay ang galit sa mukha ng babae, 'tapos ay nagkuyom ito ng mga kamao. "Yeah. Alejandro is the owner of El Casa Montenegro. My ex-live in partner," pagsisiwalat nito.

Kung gano'n, sangkot rin s'ya sa illegal activities ng lalaki! Sa naisip ay mataman niyang pinagmasdan si Lizzy. "Kung gan'on. . . sangkot ka rin sa illegal activities ni Alejandro?" diretsa niyang tanong.

"Yes," walang gatol na sagot ng babae. Nabahala si Aki nang marinig iyon, sapagkat naiisip niyang marahil ay isini-setup lamang siya nito. "At handa akong makulong basta mabubulok rin sa bilangguan ang hayop na lalaking iyon. . ."

Ikinagulat niya ang sinabi ng babae. Kasabay niyon, napanatag ang kalooban niya dahil sa narinig. "Ibig sabihin ba nito Lizzy, handa kang maging witness laban sa ex-live in partner mo?" paniniguro niya. Mabilis naman itong tumango at walang pag-aalinlangang mababakas sa mukha.

"Alam mong pwede ka ring mapahamak sa gagawin mo, Lizzy. Kaya tatanungin kita ulit, sure ka bang magiging witness ka laban kaya Alejandro Montenegro?"

"Oo, at handa akong pagbayaran ang mga kasalanan ko sa batas, basta't mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng younger brother ko," walang pag-aalingan at diretsong sagot ni Lizzy.

"Okay Lizzy, simulan mo na ang pagsasalita."

• • •

"Sa loob ng one week na pagsu-surveillance ko sa El Casa Montenegro ay nakumpirma kong sangkot ang club sa illegal activities, Mr. Dominguez."

Tumango-tango si Mr. Dominguez; ang big boss ng DISG habang pinanonood ang video clip na nasa laptop ni Aki, kung saan kuha iyon sa loob ng nasabing bar. Makikita sa video na iyon ang lantarang pagbebenta at paggamit ng droga sa mga kabataan. Huli rin sa kuhang iyon ang pagpo-pot session ng mga ito.

"Front lang ang night club, Mr. Dominguez. Pero pagpasok sa loob, isa itong drug den na halos menor de edad ang customers. At nalaman ko ring 'pag nalango na ang mga 'to, ay ginagawa ring sex den ang lugar."

"This place is bullshit!" galit na saad ng matanda habang pinanonood ang kuhang iyon. "Napakaraming kabataan ang nasisira ang buhay at kinabukasan dahil sa hayop na club na iyan!"

"Kailangan na nating salakayin ang club Sir, bago mahuli ang lahat. Mayr'on na tayong matibay na ebidensya at witness upang mahuli at maikulong ang Alejandro Montenegro na iyon," segunda naman ni Aki rito.

Si Lizzy na pumayag maging witness laban kay Alejandro Montenegro ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga otoridad. Isa pa kasi iyon sa hiniling ng babae bago nito sabihin lahat ng nalalaman. Napag-alaman niyang si Alejandro Montenegro ay isang Spanish-Filipino ay may-ari at siyang nagpapatakbo ng night club. Naging live-in partner ni Lizzy ang lalaki sa loob ng tatlong taon.

Inamin rin niyang sa loob ng tatlong taong pagkakasama nila ay naging bahagi na rin siya ng illegal activities ng lalaki. Subalit nitong huli, ay nakipag-hiwalay na siya dahil nananakit din ang lalaki. Hindi pumayag si Alejandro kaya naman tinakot siya nitong papatayin siya at ang nakababatang kapatid. Hanggang sa nalaman niyang pilit nilululong ni Alejandro ang kapatid niya sa droga at nasiraan ito ng bait at nagbaril sa sarili.

Nangako si Aki sa babae na gagawin niya ang lahat upang pagbayaran ni Alejandro Montenegro ang mga kasalanan ito. Kaya naman wala siyang balak biguin ang pangako niya. Gagawin niya ang lahat upang mahuli ito, patay man o buhay.

"Okay get ready, Agent Tetsuya. Sasalakayin natin ngayong gabi ang club. Ipapaalam natin sa PDEA at NBI ang operasyon upang makatuwang natin ang mga ito. Kailangan na nating masawata ang nagpapatakbo ng club na iyon sa lalong madaling panahon. We have to save those teens. Prepare your team, Agent Tetsuya, kikilos na tayo!" puno ng awtoridad na utos ni Mr. Dominguez.

Tumango si Aki rito saka mabilis na tumayo. "Copy, Mr. Dominguez." Pagkasabi niyon ay nagpaalam na rin siya sa big boss saka tinungo ang quarter at ipinatawag ang mga tauhan niya na makakasama niya sa misyon.

"Get ready guys, mabigat ang makakabangga natin!" paalala niya sa mga ito isinusuot ang bullet proof vest niya.

"Yes, Sir!" magkakapanabay na sagot ng mga ito habang kaniya-kaniyang ayos ng mga baril.

• • •

"Inay, Itay,. . . nais ko po sanang magbalik muli ng Maynila upang magtrabaho, at upang kahit pa'no ay mabawasan ang sakit sa pagkawala ni Carlos," pakikiusap ni Hezekiah sa mga biyenan.

May isang linggo magmula ng yumao si Carlos, ngunit para kay Kiah ay tila kahapon lamang itong nangyari. Naging napakabilis rin ang mga pangyayari. Tatlong araw lamang nila itong ibinurol at pagkatapos ay ipina-cremate rin, sunod sa kagustuhan ng mga biyenan niya.

Hindi pa rin niya matanggap ang biglang pagkawala ng asawa. Buong akala niya ay makakasama pa niya ito ng matagal, pero nagkamali siya. Kung kaya't naging napakasakit para sa kaniya ang pagkawala ng lalaking una niyang minahal. Araw-gabi pa rin siyang umiiyak kapag naaalala niya si Carlos.

Walang pagsidlan ang sakit na nararamdaman niya sa kaniyang puso. May mga pagkakataon pa ngang binabangungot siya ng pagkamatay ni Carlos, dahilan upang magkaroon siya ng takot na matulog sa gabi. At naging sanhi iyon ng mabilis na pagbagsak ng kaniyang katawan..

Kaya naisipan niyang muling lumuwas at magtrabaho upang mabawasan ang sakit at pangungulila niya sa namayapang asawa. Isa pa'y kahit asawa siya ni Carlos ay hindi siya papayag na iaasa ang buhay ng pamilya niya sa kanyang mga biyenan. Kahit pa nga sinasabi ng mga itong may karapatan naman daw siya sa ilang naiwang ipon ni Carlos, ay hindi niya tinanggap. Para kay Hezekiah, may mas karapatan ang mga biyenan niya kaysa sa kaniya.

Ayaw man niyang iwanan ang mga magulang ni Carlos lalo pa't alam niyang napakasakit pa rin sa mga ito ang nangyari ay buo na ang pasya niya. Luluwas siya at magtatrabaho para sa Inay niya at mga kapatid, at para na rin makakalimot kahit paano sa sakit na nararamdaman. At saan man naroroon ang asawa, ay alam niyang maiintidihan siya nito.

"Sigurado ka ba anak? Ang sabi ko naman sa iyo'y may naiwang ipon si Carlos. Maaari mong gamitin iyon upang makapagsimulang muli," nalulungkot na tanong pa ni Luciano sa manugang.

"Sorry po Itay, ngunit sigurado na po ako. Hindi ko rin po matatanggap ang naiwang ipon ni Carlos. Kayo po ni Inay ang may karapatan noon," magalang niyang turan dito.

"Kung ganoon, hindi ka na namin pipigilan Hezekiah, anak. Isa pa'y noon pa man ay alam na naming ikaw ay may prinsipyo at sariling paninindigan sa buhay," umuunawang saad naman ni Erlinda sa mabait na manugang. "Makakatulong rin iyon sa iyo na mabawasan kahit kaunti lamang ang sakit na iyong nararamdaman, anak."

"Maraming salamat po, Inay." Tumayo pa siya at niyakap nang mahigpit ang biyenang babae. Gumanti rin naman ito ng yakap. Nagpapasalamat rin sa Panginoon na biniyayaan siya ng mga biyenan na mababait.

"Kailan mo naman balak umalis, anak?" tanong ni Luciano sa manugang.

"Pagkatapos po sana ng pa-siyam ni Carlos, Itay."

Tumango-tango naman ito. "Sige, kung iyon ang iyong nais, anak."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.