“HINDI talaga ako makapaniwala na huling araw ko na dito,” malungkot na usal ni Paloma habang nakaupo sa labas ng bahay ni Professor Fe at katabi si Jeyrick. Nakaupo sila sa harap ng bonfire para di sila lamigin.
Alas siyete na ng gabi noon at katatapos lang nilang mag-agahan. Matapos maglinis ng pinagkainan nila ay nagpaalam na si Jimarah na maagang matutulog. Napagod ito sa maghapon nilang pagsu-swimmng sa Amfitayok Falls. Pagod din si Paloma pero ayaw niyang sayangin ang huling gabi niya sa Kadaclan. Ine-enjoy niya na wala siyang naririnig maliban sa huni ng kuliglig at ang tipa ng gitara ni Jeyrick. Sinasamantala din niya na makasama ang binata dahil magiging busy na sila sa pag-aaral pagbalik nila ng Baguio.
“Nawili ka sa bakasyon,” sabi ni Jeyrick at kinalabit ang kuwerdas ng gitara. “Si Jimarah naman gustong-gusto nang umuwi. Makakatulog na daw siya sa malambot na kutson, makakapagbabad sa bathtub at makakapag-mall. Kasi kung tumagal pa daw siya ng isang araw dito, mababaliw na siya.”
Kinuha niya ang gitara dito at tumipa. Pakanta niyang sinabi dito kung ano ang gusto niyang sabihin. “Kahit walang mall, kahit walang Jollibee araw-araw, ilang oras mang maglakad sa pilapil, masaya pa rin ako sa Kadaclan.”
Pumalakpak si Jeyrick. “Ayos pala. Isang stanza na ng kanta iyon. Marunong ka palang mag-compose ng kanta.”
“Ha? Wala iyon. Trip-trip lang iyon.” Her fingers strummed the guitar and then hummed. Sinabayan niya ang ihip ng hangin at ang paggalaw ng mga ulap sa ulunan nila. “Salamat sa mga bagong kaibigan. Salamat sa mga alaala. Salamat dahil ikaw ang kasama.”
“Wala namang kakaiba sa ginawa ko. Normal lang iyon na ginagawa ng mga tao dito sa amin,” sabi ni Jeyrick at nagkibit-balikat.
“At sa palagay ko hindi ako makaka-survive dito kung wala ka. Matiyaga kang mag-share ng nalalaman mo. Pati nga pamilya mo nai-share mo sa akin.”
Masarap na itrato na parang pamilya ng mga Sigmaton. Sobra-sobra ang pag-aasikaso ng mga ito sa kanila lalo na nang mag-picnic sila sa falls. Nagtanong pa ang nanay ni Jeyrick kung ano daw ang gusto niyang baunin pauwi dahil ipagluluto daw siya nito.
“Mabait ka daw kasi sabi ni Nanay at inalagaan mo si Anjel. Maliit na bagay lang iyon,” sabi ng binata. “Tapos ibinigay pa ninyo ‘yung ibang damit ninyo kay Charlene at Aiza. At ‘yung mga de lata at noodles iniwa mo pa.”
“Uuwi na kami bukas. Pang-emergency lang naman ang mga iyon na di rin namin halos nakain kasi masarap naman ang lutong pagkain dito. Marami naman kaming damit sa bahay ni Jimarah. Lalo na si Jimarah. Kita mo naman kung ilang maleta ang dadalhin dapat niya. Mabuti na lang kasya sa mga kapatid mo ang damit namin at bagay sa kanila. Sa dinami-dami ng mga natutunan ko dito sa inyo, maliit na bagay lang ang maibibigay naming kapalit. Marunong na akong manghuli ng isda, umakyat sa waterfalls, magbayo ng palay at pati gumawa ng walis tambo. Kakalabanin ko na ang negosyo ninyo,” pabiro niyang sabi sa lalaki.
Natawa si Jeyrick. “Aba! Kung diyan ka ba yayaman.”
Kapag walang trabaho sa bukid ay tulong-tulong ang mga kapatid ni Jeyrick at magulang nito sa paggawa ng walis tambo na iluluwas sa Bontoc o kaya ay sa Banue at Baguio. Iuuwi ni Jeyrick ang mga nagawa nilang walis tambo para may maipanggastos ito sa pag-aaral sa mga darating na linggo.
“Hindi yata magugustuhan iyan ng tita ko. She wants me to be a popular singer. O kaya artista. Gusto niya ganoon kay Sarah Geronimo o Lea Salonga,” usal niya at napatitig sa apoy.
“Kaya mo iyon. Narinig kitang kumanta at maganda ang boses mo. Basta magsikap ka pa at pwede mo ring maabot ang naabot nila.”
Napailing na lang si Paloma at natawa sa kompiyansa ni Jeyrick sa kanya. “Jeyrick, ilang beses na akong um-attend ng audition at sumali sa mga contest. Hindi naman ako nakakapasa sa audition. Di rin ako nananalo ng title sa contest. Maswerte nang magkaroon ako ng place sa contest.”
Bakas ang pagkagulat sa mukha ni Jeyrick. “Sigurado ka? Sa galing mo na iyon, di ka pa nananalo?”
“Hindi naman ganoon kadali ang makapasok sa mundo ng showbiz. Maraming magagaling. May iba nga na ipinanganak na yatang magagaling. Mga gifted na nga yata ang iba sa kanila. Nakakababa ng self-esteem minsan.”
Paulit-ulit niyang naririnig sa isipan niya ang mga sermon ng tiyahin niya. She was not good enough. She would never make it big. Parehong talunan ang magulang niya. Sana daw ay galingan pa niya para naman di sayang ang effort ng tiyahin niya sa pagpapalaki sa kanya. Ginagawa naman niya ang lahat para ma-please ito pero lagi siyang palpak.
“Normal lang sa tao ang mabigo. Normal lang na hindi natin makuha ang gusto natin o ang gusto ng ibang tao para sa atin. Hindi naman natin kailangang manalo lagi. Basta magsikap lang tayo sa buhay nang walang inaapakang ibang tao, makukuha mo rin ang pangarap mo sa tamang panahon. Ang mga pagsubok sa atin ang nagpapatatag sa isang tao,” sabi ng binata at siniko siya. “Kaya kung sa paagay mo hindi ka pa ganoon kagaling, galingan mo pa lalo. Kasi may mga tao naman na naniniwala sa talento mo gaya ko. Maniwala ka lang sa sarili mo.”
Namamangha niyang pinagmasdan ang lalaki. Saka niya naalala na di rin madali ang pinagdaanan nito para makapag-aral. Lumalaban din ito para sa kinabukasan nito.
“Dumadating ba sa punto ng buhay mo na gusto mo na lang sukuan ang mga pangarap mo dahil sa hirap? Naiisip mo bang bumalik na lang dito sa Kadaclan at magtanim na lang kapag nilalait ka ng mga kaklase natin?” tanong niya. Alam niyang sensitibo ang isyu na iyon para sa binata pero gusto pa rin niyang malaman.
“Kapag nalulungkot ako at pakiramdam ko maraming humahadlang sa pangarap ko, tinitingnan ko lang ang mga butuin pagkatapos magdasal at bago matulog sa gabi. Nawawala na ang pagod ko. Lahat ng pangarap ko, iniisip ko na nabuo sa bawat tuldok ng mga bituin. Hangga’t nakikita ko ang mga bituin, alam ko na hindi ko pwedeng sukuan ang mga pangarap ko. Mas importante ang pangarap ko kaysa sa sasabihin ng ibang tao. Tama?”