She finally had an audience who believed in her. Na-inspire siya para ipagpatuloy ang pagtugtog. Binura na niya sa isipan ang puna sa kanya ng tiyahin. Tututugtog siya dahil gusto niya at gagalingan niya. Nakakita siya ng sikat ng araw sa makulimlim na langit gaya ng ginagawa ni Jeyrick sa kanya.
“Sunlight, oh, sunlight, show me the way to a brighter day.”
Napuno ng palakpakan ang bar nang matapos siyang kumanta. Nakapamaywang lang sa tabi ng bar counter ang tiyahin niya. Kung may angal man ito sa performance niya ay wala na siyang pakialam.
Kay Jeyrick siya lumapit. Pumapalakpak pa rin ang lalaki nang lumapit siya. “Magaling ka palang kumanta.”
Natawa si Paloma. Mabuti na lang at hindi ito resulta lang ng imahinasyon niya. “Anong ginagawa mo dito?”
“Nag-deliver lang ako ng mga gulay. Nagka-kargador kasi ako para may pambaon. Mahal kasing tumira dito sa Baguio. Kulang ang allowance na nakukuha ko sa scholarsip. N-Nagtatrabaho ka rin dito na singer?”
“Minsan kahera o kaya waitress kapag kulang ng tao. Tita ko kasi ang may-ari nitong bar. Siya rin ang guardian ko,” paliwanag niya sa lalaki. “Pero hindi ako singer talaga. Sinusubukan ko pero kita mo naman kanina palpak ako.”
“Normal lang naman siguro na kabahan sa simula. Pero magaling ka. Nakakapag-piano ka pa habang kumankanta. Kailangan mo lang ng tiwala sa sarili mo. Gumanda ang kanta mo nang nawala ang kaba mo.”
“Salamat sa pag-cheer sa akin.”
“Katulad ng pag-cheer mo sa akin noong sumasagot ako sa Algebra. Sana makakanta ka rin kapag may school program tayo.”
Umiling siya. “Hindi naman ako ganoon kagaling. Nakakahiya.”
Tumikhim ang tiyahin niya at tumayo sa tabi niya. “Paloma, may bisita ka?”
“Jeyrick, si Tita Bevz. Siya ang may-ari nitong bar. Tita, classmate ko po, si Jeyrick,” pagpapakilala niya.
“Good afternoon po,” anang binata at inabot ang kamay sa tiyahin niya.
Nahihindik na pinagmasdan ng tiyahin ang maruming kamay ni Jeyrick bago ito tiningnan mula ulo hanggang paa. And she didn’t like what she saw. Magulo ang layered na buhok ni Jeyrick. May putik ang pantalon at bota nito. Even his gray jacket was not exactly an acceptable fashion statement per her aunt’s standards.
Isang maasim lang na ngiti ang ibinigay dito ng tiyahin. “Hindi nasabi sa akin ni Paloma na may dadalaw sa kanya na bagong kaibigan.”
Umiling si Jeyrick. “Hindi po ako dumadalaw. Nag-deliver lang po ako ng gulay. Hindi ko po alam na nandito din si Paloma.”
“Ah! I see,” anang matandang babae. Kinakabahan si Paloma dahil baka may masabi ang tiyahin na pwedeng makainsulto sa kay Jeyrick. Matalim ang dila ng tiyahin niya at di iisang beses na harapan itong nanlait ng ibang tao. “Delivery boy ka pala. Pero konting ligo lang, bagay ka sanang mag-waiter dito kahit part-time.”
Ngumiwi si Paloma dahil prangka at laitera ang tiyahin niya sa mga taong di nito gusto. Inilalagay agad nito sa lugar tulad ni Jeyrick.
Natawa lang si Jeyrick, di minasama ang sinabi ng tiyahin niya. “Naku! Salamat po sa alok ninyo pero di ko po basta-basta maiiwan si Manang Suling. Kailangan po niya ng tulong sa tindahan sa palengke. Aalis na po ako. Salamat po sa pag-order ng gulay sa amin,” sabi ng binata.
“Ihahatid na kita sa labas,” sabi niya sa lalaki.
“Huwag na. Umuulan sa labas. Kaya ko na ito,” anang binatilyo at ipinatong ang hood sa ulo.
Ihinatid niya ng tanaw ang lalaki mula sa balkonahe ng restaurant at kumaway dito bago ito sa sumakay sa likod ng pick up. Magaan ang paa niyang tumalikod pero nakaabang na ang tiyahin habang nakahalukipkip.
“You are friendly with that boy, Paloma.”
Natigilan siya sa paglalakad at hinarap ang tiyahin. “Mabait po siya at matalino. Noong nakaraan po sa Algebra, hirap na hirap kami pero siya lang nakasagot. At tinulungan po niya ako sa assignment ko…”
Hinaklit ng tiyahin ang braso niya. “I don’t care. Hindi siya bagay na maging kaibigan mo. Anong maitutulong ng isang kargador sa pag-asenso ng bar ko? Sure, he can be a hired help. Pero hindi siya makakapagpasok dito ng mayayamang kliyente. I mean, look at him.”
“Tita, hindi po ba ako pwedeng makipagkaibigan di dahil sa mga pwede kong pakinabangan sa kanila kundi dahil mabubuti silang tao?” tanong niya sa tiyahin.
“I don’t care. To survive, you must know to be friendly with, Paloma. Matuto ka ng leksiyon mula sa akin. Your mother went with the wrong crowd. Naranasan mo paano kayong nabuhay lang sa squatter’s area sa loob ng mahabang panahon. Tapos umalis na lang siya at di na nagpakita. And look at us. Kaya nasa maganda tayong mansion ngayon at may bar. But we need financiers and clients. That’s why I want you to be with Jimarah and Gordon. They can take you to places. Unlike you new kargador friend. Are we clear?”
Napilitan siyang tumango. “Yes, Tita.”
“So go work on your piano and your voice. You still need to practice some more. Nag-improve ka nang konti ngayon.”
Nakadama siya ng saya sa puso. “Salamat po, Tita.”
At pasalamat siya kay Jeyrick dahil ito ang nagpalakas ng loob niya. Nakadama siya ng pagrerebelde sa puso niya. She couldn’t just turn her back on Jeyrick. Gusto pa rin niya itong maging kaibigan.
Would it hurt to have a new friend without her aunt’s knowledge? She didn’t think so.