MALUNGKOT na pinindot ni Toni ang tiklado ng piano habang nakadiin ang pisngi niya sa ibabaw ng keys. Base sa vibration na nararamdaman niya mula sa bawat pagpindot niya ay isang malungkot na kanta ang nabubuo niya.
Nararamdaman niya ang mahinang pagba-vibrate ng cellphone niya sa ibabaw ng piano pero hindi niya pinapansin. Patuloy lang siya pagtugtog.
Umupo si Rushmore sa tabi niya at ipinakita sa kanya ang cellphone niya. “Kanina pa tumatawag si Tita Pinky. Sagutin mo na,” sabi nito.
Umiling siya at malungkot na nagpatuloy sa pagpindot sa piano. “Ayoko.”
Hinaplos nito ang buhok niya. “Ayaw mo pa rin siyang kausapin hanggang ngayon? Ito na ang chance mong makausap siya. Siya na mismo ang tumatawag sa iyo. Ibig sabihin siya na ang nagpapakumbaba at gusto niyang ayusin ang relasyon ninyong mag-ina.”
Nangilid ang luha ng mata niya dahil sobrang bigat ng dibdib niya. “Wala rin naman akong maririnig sa sasabihin niya. M-May tinnitus ako kanina.”
Kung alam lang nito, kanina pa niya gustong sagutin ang tawag na iyon. Miss na miss na niya ang nanay niya. Kahit si Aya na nakatampuhan niya ay nami-miss na rin niya. Gusto niyang malaman ang kondisyon ng mga ito. Gusto niyang malaman kung maayos na ang preparasyon sa kasal ni Aya. Kung naroon siguro siya at okay ang relasyon nila ay baka siya mismo ang mag-oversee sa preparation ng kasal ng kapatid niya dahil gusto niyang tiyakin na maganda ang kalalabasan. Gusto niyang bumalik ang lahat sa normal sa kanila.
Bumuntong-hininga si Rushmore. “Paano ‘yan? Hindi mo ba sasabihin sa kanya ang kondisyon mo? Nanay mo naman siya.”
“Kung haharap ako sa kanya, gusto ko ‘yung okay na ako. Di na niya ako kailangang alalahanin. Ayokong magmistulang talunan kapag nagharap kami.”
“You can let your pride go. Pamilya mo siya. Baka gusto na nilang ayusin ang relasyon ninyo. Nanay mo pa rin siya. Hindi mo siya dapat na tikisin.”
Inangat niya ang ulo niya. “Hindi naman na ako galit kay Nanay. Ayoko lang dagdagan ang sama ng loob niya. Kahit na hindi niya aminin, malaking problema ang ibinigay sa kanya ng nangyari sa amin ni Aya at Phil. Tapos nagalit pa siya sa akin. Ayokong ma-guilty pa siya at sumama ang loob niya.”
“Hindi mo pwedeng itago ang kalagayan mo habambuhay.”
“Gusto kong matiyak sa kanya na okay lang ako kahit matapos ang operasyon. Alam ko na hindi pa niya ito matatanggap ito sa ngayon. Nakita ko kung gaano kasakit kay Nanay nang alagaan si Tatay nang may sakit siya hanggang mamatay siya. Pakiramdam niya di sapat ang pag-aalaga niya kay Tatay. Ayoko nang maramdaman niya iyon.” Kahit man lang sa ganitong paraan ay makabawi siya sa pamilya niya. “At si Aya baka sumama pa ang kondisyon niya kapag nalaman ang sakit ko. Baka maapektuhan ang ipinagbubuntis niya.”
“But at least tell them that you are okay. Kahit text message na lang. At kapag nakakarinig ka na, pwede mo siyang tawagan para mabawasan ang alalahanin mo. Hindi rin maganda sa kalusugan mo na may inaalala. At ayokong mag-alala sa iyo.”
Marahan siyang tumango at inabot ang cellphone mula dito. “Tama ka. Magpapadala ako ng text sa kanila. Bibili rin ako ng regalo para sa kanya sa internet para hindi na siya gaanong mag-alala. Siguro bibilhan ko rin ng regalo sila Aya at Phil. Pre-wedding gift nila.”
Umaliwalas ang mukha nito. “That’s a good idea. Padalhan mo rin sila ng pictures mo. May mga magaganda kang pictures sa beach noong nakaraan. So that they’ll know that you are fine. Matutuwa ang mga iyon dahil may pisngi ka na ngayon,” anito at pinisil ang pisngi niya.
“Isasama ko ang picture natin na magkasama?”
Umiling ito. “No. Just tell them that you have a good friend taking care of you. At kung may sasabihin ka tungkol sa akin, gusto ko na personal tayong magsasabi sa kanila para naman maramdaman nila na sincere ako sa iyo.”
Kinintalan niya ito ng halik sa labi. “Magugustuhan ka nila. Sigurado ako doon. Gusto ka ni Nanay kaya matutuwa siya kapag nalaman niyang mahal na mahal mo ako.” At magandang simula sana ang mga gagawin niyang hakbang para maayos ang relasyon nila ng pamilya niya.
NAGISING si Toni sa sariling sigaw niya. Naramdaman niya ang matinding sakit ng ulo niya sa gitna ng pagtulog. Parang binibiyak ang ulo niya at gusto na niyang iumpog ang sariling ulo sa pader sa sobrang sakit.
Hangos na pumasok si Rushmore. “Toni!”
Sinapo niya ang ulo at sinabunutan ang buhok niya. “Rushmore, masakit. Sobrang sakit.”
“Inumin mo ang gamot mo,” sabi ni Rushmore at tinulungan siyang bumangon. Isinandig siya nito sa katawan nito. Si Manay Doray ang nag-abot ng gamot sa kanya at baso ng tubig.
Pagkainom ng gamot ay ihinilig niya ang ulo sa dibdib ni Rushmore. Unti-unting kumalma ang pag-iyak niya hanggang maging hikbi na lang iyon. Nakatulong din ang init ng katawan nito para mabawasan ang sakit.
“Ma’am, hindi po kasi kayo nagpahinga kanina. Pagdating ninyo ng bahay, tumulong agad kayo sa paghahanda ng hapunan ni Sir,” sermon ni Manay Doray.
Isang nagbababalang tingin lang ang naibigay niya kay Manay Doray subalit huli na. Nasabi na nito ang sekreto niya. Hangga’t maari ay hindi siya pinagagalaw ni Rushmore sa bahay dahil ayaw nitong mapapagod siya.
“Bumalik na po kayo sa kuwarto ninyo, Manay Doray. Ako na po ang bahala sa kanya,” sabi ni Rushmore. At alam na niya ang kasunod noon. Sesermunan siya nito.
“Gusto lang naman kitang pagsilbihan kanina kaya ako tumulong magluto,” katwiran agad niya bago pa siya nito masermunan. “Kasi pakiramdam ko wala akong silbi dito. Pero hindi naman iyon ang dahilan kaya inatake ako ng sakit sa ulo. N-Natural lang iyong parte ng sakit ko.”
“Hindi iyon ang punto. Ayokong napapagod ka at hindi ako matatahimik hangga’t naiisip ko na nag-contribute pa ako sa sakit mo. Makinig ka naman sana sa akin minsan.”
“Gusto ko lang ipakita sa iyo na mahal kita.”
“Kung gusto mo akong pagsilbihan, gawin mo kapag magaling ka na at kaya na ng katawan mo. Pero sa ngayon gusto ko mag-focus ka sa pagpapalakas mo para sa surgery mo.”