Nagulat si Amber nang makita siya doon. “Bigyan mo ako ng cake na kinakain niya kung fat free ‘yon,” sabi nito at lumapit sa kanya. “Well, well, itutuloy mo pa rin pala ang pagpe-perform para sa Awit Awards kahit na umurong ka sa showdown natin.”
“The organizers and my fans requested it. After all, nominado ako sa apat na categories.”
“Too bad, I am stealing your spotlight. Sabagay laos ka naman na talaga. Naaawa lang sila sa iyo kaya hinayaan ka nilang mag-perform.”
Napailing na lang siya. “Malaki talaga ang galit mo sa akin.”
“Hindi ako galit sa iyo. Naiirita ako. Parang surot ka na pilit ipinagsisiksikan sa industriyang ito. May problema ka na sa utak. Hindi ka na nga halos makarinig,” pasigaw na sabi nito. “Ipapahiya mo lang ang sarili mo. You are nothing now. While I will soar high! I am the new Superstar.”
“Congratulations, Superstar. Minsan ka ring bumagsak at masaya ako na nakabangon ka na. At kung mas magaling ka, you deserve it dahil pinaghirapan mo naman,” nakangiti niyang sabi nang walang bahid ng sama ng loob o sinismo.
“Huh! Ano ‘yan? Bait-baitan lang ang peg mo? O baka naman dahil sa operasyon mo sa utak kaya may tama ka na?”
“Pareho lang tayong may pangarap. Bakit kailangan nating maghilahan pababa? Maikli lang ang buhay para magalit at sumama ang loob. Sayang lang ang panahon kung pwede ka namang maging masaya nang walang galit sa puso mo.”
Napailing ito. “You are really deranged. Sige magpakasanta ka diyan tutal ‘yan na lang ang magagawa mo. Wala ka nang maibubuga,” anito at tinalikuran siya. “Ano ba? Kung hindi pa ako aasikasuhin ni Mommy Betchay, lilipat na ako ng designer.”
“Are you okay?” tanong ni Rushmore nang pauwi na sila. “Sabi ni Mommy Betchay na kung anu-anong sinabi sa iyo ni Amber kanina.”
“Hindi naman ako apektado. Okay lang ako,” sabi niya at pilit na ngumiti.
“Bakit parang malungkot ka?”
“Kasi nakikita ko ang sarili ko sa kanya. Ganoon din ako noon. Gusto ko na laging nasa taas. Wala akong pakialam minsan kung nakakasakit na ako. Nakalimutan ko kung paano makipag-kapwa tao.”
Ihinilig nito ang ulo niya sa balikat nito. “Hindi na kayo pareho. Magkaiba na kayo.”
“Nalulungkot lang ako na makita siyang ganoon. Alalahanin mo na matindi ang pinagdaanan ko bago matuto ng leksiyon.”
“Huwag mo siyang intindihin. Mag-focus ka lang sa performance mo.”
NANLALAMIG ang kamay ni Toni habang hinihintay ang pagkakataon niyang mag-perform. Si Amber ang nag-opening number at mala-Britney Spears at Beyonce ang dating nito. Lalo siyang kinabahan. Di naman kaila sa kanya na marami siyang detractors na gusto siyang makitang bumagsak at tuluyang mabaon sa ilalim ng lupa sa gabing iyon.
“Naghahanda na sila. Ikaw na lang ang hinihintay,” sabi ni Rushmore.
Huminga siya ng malalim at pinagkiskis ang mga kamay. “P-Pwedeng mamaya ng konti? Hindi ako makahinga.” Kahit ang tainga niya ay umuugong. Parang mabibingi siya sa sobrang kaba.
“Relax. Take a deep breathe. Think of happy thoughts. Isipin mo ang music. Hindi mo kailangang isipin ang ibang tao.”
Tinakpan niya ang tainga niya. “B-Baka biglang wala akong marinig.” Alam niyang maari pa rin siyang mawalan ng pandinig ayon na rin sa doktor. Baka kung kailan siya nagpe-perform ay doon pa iyon umatake.
“Then use your other senses. Feel it.”
Mas malakas na ang loob niya nang tumapak sa entablado. Nakita niya ang mukha ng mga audience. Parang lahat ay nagtatanong kung anong ginagawa niya doon.
Puno ng kompiyansa siyang ngumiti at nagsalita. “Bago po ako magsimula, gusto kong magpasalamat sa industriyang ito at sa mga taong bumubuo dito na nagbigay sa akin ng pagkakataong muling umawit sa entablado. Gusto kong magpasalamat sa mga taong nagbigay ng inspirasyon sa akin. Ang mga batang kasama ko ngayon ay mga bulag, pipi at bingi. At isa sa member ng orchestra ay si Ruan. She plays the violin even if she was deaf. Siya ang nag-iisang estudyante ni Professor Edwin na nagtiyagang mag-aral ng musika kahit na wala siyang naririnig. Si Professor Edwin ang nagturo sa akin na ang musika ay nakikita at di lamang naririnig. At higit sa lahat, kay Rushmore. Matagal na sana akong nawala sa mundo kundi niya ako sinagip ng pagmamahal niya. Binigyan niya ako ng dahilan para mabuhay. Siya ang dahilan kung bakit gusto ko pang kumanta. At ang kantang ito ay ang pagmamahal na galing sa puso ko.”
Nang magsimula siyang kumanta ay kasamang kumumpas ang kamay niya para i-interpret ng sign language ang kanta niya. Ito ang bagong Toni na ihaharap niya sa lahat – ang Toni na handang lumaban sa mga pagsubok at pagbabago. At hindi niya hahayaang maging hadlang ang kahinaan niya para muling bumangon.
“Many times I failed falling almost everytime. You held my hand and dried the tears in my eyes. You saved this heart of mine with love so true. Hand in hand together right into my darkest days. Without your light I’m lost, I could never find my way. I’ve been waiting…”
Nang matapos ang kanta niya ay nagulat siya nang tumayo ang mga tao at magpalakpakan. Bakas ang tuwa at paghanga sa mata ng mga ito. Ang iba ay nagpupunas pa ng luha. Parang malalaglag ang puso niya sa sobrang saya. She had proven herself. Tanggap ng mga ito kung sino ang bagong si Toni. And they embraced the new her.
Hindi niya napigilan ang sarili na umiyak sa harap ng mga ito. Ang lahat ng paghihirap niya ay nagbunga. At isang tao ang nais niyang pasalamatan. Tumakbo siya kay Rushmore na nasa baba lang ng stage at niyakap ito. “They love your performance,” he whispered with pride.
Nang tumingala siya ay nakita niyang mangiyak-ngiyak din ito. Tears of joy. Nang mga oras na iyon ay naramdaman niyang kompleto siya.
“Thank you, Rushmore. Naging posible ang lahat dahil mahal mo ako. I love you.”
Hinagkan niya ito para ipakita kung gaano niya ito kamahal. Ito ang pinakamagandang regalo na natanggap niya sa buhay niya. He was the reason why she was alive until now. He was the reason why she found her new self. Wala na siyang ibang mahihiling pa.