International Billionaires Batch 2: The Wannabes Series 1 - 4 Chapter 14

ANG UNANG nabungaran ni Callisto nang maggising siya ay mukha ng mga magulang niya at isang hindi pamilyar na kuwarto. Napakunot noo siya. Matagal na niyang naimulat ang mata pero walang kahit sino sa mga ito ang mga kumilos. Nakatiim bagang ang Daddy niya. Samantalang ang Mommy naman niya ay blangko ang ekspresyon ng mukha.

“Anong nangyayari? Bakit kayo naririto? At nasaan ako?” Ang huling naalala ni Callisto ay mag-isa lang siya sa bahay niya.

Ang Mommy niya ang sumagot. “Nasa hospital. Dinala ka namin rito pagkatapos ka naming makita sa bahay mo na walang malay. Nakahawak ka rin sa tiyan mo. Inatake ka na naman ng ulcer mo sabi ng Doctor,”

Napahawak si Callisto sa kanyang tiyan. Naalala niyang masakit iyon sa mga nakaraang araw. Ngayon ay wala na siyang nararamdaman. Magaling na ba siya? Parang imposible naman. Naging manhid na lang siguro ang tiyan niya ngayon. Hindi siya halos kumakain sa mga nakalipas na araw.

Sandaling umalis ang Mommy niya sa tabi niya. Pagbalik nito ay may dala itong tray. “Kumain ka na, Anak. Kailangan mo `yan para mas gumaling ka kaagad.”

“Ayoko,” sagot ni Callisto, ni hindi tinitignan ang tray.

Naging madilim ang anyo ng Daddy niya. “For Pete’s Sake, Callisto! You are twenty six years old. Kumilos ka ng tama!”

Hindi nagsalita si Callisto. Galit na ang Daddy niya. Medyo masakit ang ulo niya. Ayaw niyang makipagtalo rito sa sitwasyon niya ngayon.

Pero mukhang gusto ng Daddy niya na makipagtalo. Nagpatuloy ito. “Mali talaga kami na hinayaan ka namin sa gusto mong gawin sa buhay mo. You didn’t grow up. Napaka-immature mo.”

“Nasasaktan ako, Daddy!”

“Kapag nasasaktan, kailangan na itigil na ang buhay? Kapag nasasaktan, hindi iisipin ang damdamin ng iba? Hindi iintindihin? Napaka-makasarili mo! Inintindi kita dahil naiintindihan ko na masakit ang pinagdaanan mo. But this time, I’m done with you!”

“Cedric…”

Kahit nang tignan ang Mommy niya ay galit pa rin ang mukha nito. “Sana ay may pasensya ka pa rin, Ericka. Dahil ubos na ubos na ang sa akin.”

Umalis ang Daddy niya ng hospital room. Napabuntong-hininga ang Mommy niya.

“Puwede ka na ring umalis, Mommy…” Hindi tumitingin na wika ni Callisto.

Umiling ang Mommy niya. “Mali ang ginagawa mo, Callisto. And I am near in agreeing with your father, too. Pero mas nanaig sa akin ang paniniwala na mas mali kung susuko kami sa `yo…”

“Pero ayoko ngang kumain!”

“Hindi `yan magugustuhan ni Natalia,”

Callisto snorted. “So what? Hindi ko rin naman nagustuhan ang pag-alis niya. Bakit iisipin ko ang nararamdaman niya?”

“Dahil mahal mo siya. Kapag nalaman ni Natalia ang lahat ng nangyaring ito sa `yo, masasaktan siya. Kapag mahal mo ang isang tao, masasaktan ka rin kapag nasasaktan siya.”

Hindi nagsalita si Callisto. Totoo naman iyon. Nasasaktan rin siya dahil nasasaktan si Natalia. Ilang beses itong umiyak sa kanya. Pero naging sarado ang isip niya. Pinilit niya na hindi ito intindihin. Ayaw niyang magsinungaling. Mas masasaktan siya kapag aalis ito.

“Bakit ba siya mag-iibang bansa? Para kumita nang malaki. Para makasakay ng eroplano. But damn, I can give her everything, Mama! I can even buy her a place. I can bring her to every country she wanted to go---“

“But she wanted it to do all by herself.” Putol ng kanyang Mommy. “At wala akong nakikitang mali roon, Callisto.”

“Masyado siyang ma-pride.”

“Hindi. It is all for her self-satisfaction, too. Hindi ba at masaya kapag naggawa mo ang pangarap mo ng mag-isa ka lang? Ng walang tulong ng iba?”

“Hindi ko pa rin naiintindihan iyon.” Naglihis ng tingin si Callisto.

“Dahil itinago mo ang sarili mo sa mundo, Anak. Hindi mo naiintindihan si Natalia dahil ayaw mo na mamuhay sa reality. Pinili mo na mamuhay sa sarili mong mundo.”

“It’s good there. Walang mananakit sa akin roon.”

Tumango ang kanyang Mommy. “Mahirap ngang mamuhay sa reality, Anak. Pero hindi natin puwedeng takasan iyon. If you really want to be happy with life, you have to face your fears. Kailangan mo na mag-move on,”

“Pipilitin niyo ba ako?”

Hindi diretsang sinagot siya kaagad ng Mommy niya. “Naalala mo ba noong bata ka pa? Ipinilit mo sa amin na manirahan kasama ng Nonno mo sa Italy. Pero anong nangyari? Naging masaya ka nga. But those things end up in a tragedy. Hindi lang para sa `yo pero para na rin sa pamilya natin. Nasasaktan kami ng Daddy mo na malayo ka sa amin. You were our first born. Espesyal ka sa amin. But you didn’t choose us…

“Hindi lahat ng bagay na pinipilit ay mabuti. Pero kung ito ang kailangan na gawin para maging maayos ka, oo, pipilitin kita, Anak. Dahil kagaya ng Daddy mo, napapagod na rin ako. Parehong hindi magandang pamilya ang napuntahan namin ng Daddy mo. At nasasaktan ako na pati ang nabuo namin na pamilya ay ganoon pa rin. Palagi na lang tayong magkakahiwa-hiwalay. Hindi tayo mabuo dahil inilalayo mo palagi ang sarili mo.

“Hindi ka namin pinilit noong bata ka pa. Kahit noong sinabi mo sa amin na ayaw mo na magpagamot, hindi ka namin pinipilit. Dahil mahal ka namin, dahil ayaw namin na masaktan ka.”

“At magagawa ko iyon kapag nabuhay ako sa reality?”

Tumango ang Mommy niya. “Dahil sa reality ay hindi ka na lang mag-isa. You have to think of other people also because you are not the only one in it. You will learn to be completely selfless. At sa tingin ko, kapag naggawa mo na iyon ay puwede mo ng mahalin si Natalia.”

“Hindi ko maintindihan, Mommy. Sinasabi mo ba ngayon na hindi ko mahal si Natalia?”

“Ang tunay na nagmamahal ay hindi lang sarili niya ang iniisip…”

Napakurap si Callisto. Ganoon nga ba? Hindi niya mahal si Natalia dahil mas mahal pa rin niya ang sarili niya? Dahil lang sa hindi niya naintindihan ito?

“Pero hindi rin niya ako mahal dahil hindi niya inisip ang damdamin ko---“

“Love is sacrifice, Callisto. Para kanino ba siya nagsasakripisyo? Sa pamilya niya. Mahal niya ang pamilya niya. Mahal rin niya ang sarili niya kaya inuna niya ang sarili niya. And they say, you should learn how to love yourself first before you should love others. Sa tingin ko, ganoon rin ang ginawa ni Natalia.”

“So I should learn to sacrifice my pride, too.”

“For Natalia and also for us, Callisto.” Tinitigan siya ng Mommy niya. “Kakausapin ko ang Daddy mo. I will ask him for another chance. Just please say yes. Magpagamot ka. Hindi pa huli ang lahat para mag-move on ka…”

Callisto’s mother is convincing. At aminado si Callisto na nakukumbinsi siya ng ina. Nakokonsensya rin naman siya sa ginagawa niya. Ganoon rin sa pamilya niya. Tama ang kanyang ina. Naging napakasarili niya. Sarili lang palagi ang iniisip niya. Sa pagtatago niya sa mundo, hindi niya binigyan ng pagkakataon ang pamilya niya para mabuo. Ang mga ito na lang ang palaging nagsasakripisyo para sa kanya.

“Kapag nagpagamot ako, magtatagal pa iyon. Hindi ko masusundan si Natalia. Hindi ko maayos ang sitwasyon namin kaagad. P-paano kung makahanap siya ng iba?”

“Kung talagang mahal ka ni Natalia, hindi ka niya papalitan sa puso niya…”

“Mommy, natatakot ako.”

Niyakap siya ng Mommy niya. “Bakit ka matatakot? Saan ka ba mabubuhay? Sa reality na `di ba? At ano ba ang sinabi ko sa `yo tungkol sa reality? Hindi ito ang mundong binuo mo sa loob ng mahigit isang dekada. Hindi ka nag-iisa rito. This time, kasama mo ako. Kasama mo kami ng pamilya mo at nang mga taong susubukan mong papasukin sa buhay mo…”

Napayakap rin si Callisto sa Mommy niya. And for the first time, pagkatapos sabihin ni Natalia na may balak itong umalis ng bansa ay gumaan ang pakiramdam niya.

Five Months Later…

MAY PAG-AALINLANGAN si Natalia habang nakatingin sa hawak niyang art exhibit ticket. Nasa harap na siya ngayon ng isang prestigious art gallery sa Canada. Libre lang ang ticket niya, bigay ng boss niya. Day-off rin niya ngayon kaya walang problema kung papasok siya. Isa rin naman iyon sa libangan niya noon---ang magpunta sa art gallery. Pero iisa lang rin naman ang dahilan niya noon kaya niya iyon nakahiligan---umaasa siyang makikita niya roon si Callisto.

Ngayon ay nalinawan na si Natalia. Hindi dahil umasa siya ay matutupad na niya iyon. Alam na rin niya ang past ng lalaki. Hindi ito magpapakita sa mundo. Hindi hanggang sa hindi nito inaayos ang sarili nito…

Masasaktan lang si Natalia kapag pumasok siya ng art gallery. Maalala lang niya ang ex-boyfriend niya. Puro mga artworks ang naroroon at ipapaalala noon sa kanya si Callisto. Pero mas nanaig kay Natalia ang pagka-miss kay Callisto. Gusto niyang kahit papaano ay makasama ito. And who knows, baka naman hindi siya umasa this time `di ba? Kahit man lang siguro sa painting ay present ito. Magiging masaya na siya roon.

Isa pang motivation ni Natalia sa pagpasok ay ang libreng ticket mula sa boss. Dahil prestigious art gallery iyon, mahal ang entrance ticket. Masuwerte si Natalia at ibinigay lang iyon sa kanya. Sabagay, galante naman kasi ang amo niya. Masuwerte siya rito.

Maayos ang naging trabaho ni Natalia sa Canada bilang domestic helper. Mag-asawang senior citizen ang naging amo niya. Halos kaka-retire lang ng mga ito sa trabaho pero parehong malakas pa. Malaking magpa-suweldo ang mga ito. Ni hindi rin niya maramdaman na kasambahay siya ng mga ito. Para kasing pamilya kung ituring na siya ng mga ito.

Ang tanging problema lang ni Natalia sa amo ay madalas na umaalis ang mga ito. Dahil pareho ng retired at umaasa sa malaking pension, naging hobby ng mag-asawa ang gumala. Madalas ay binibisita ng mga ito ang mga anak at apo nito na karamihan ay nasa iba’t ibang state pa ng America. Madalas na naiiwan na mag-isa si Natalia sa bahay. Nalulungkot siya.

Madalas man na nakakausap ni Natalia ang pamilya at mga kaibigan sa Pilipinas ay iba pa rin talaga ang pakiramdam ng malayo. Hindi niya mahawakan ang mga ito, hindi niya mayakap. Mas masarap pa rin ang pakiramdam na alam mong malapit ka lang at puwede mong puntahan ang mga ito kapag gusto niya.

Pero iniisip na lang ni Natalia na ginusto niya ito. She should bear with it. Masaya rin naman siya sa ginagawa niya. Napakalaking tulong sa pamilya niya ng pag-iibang bansa niya. Malaki ang sinusuweldo niya. Nabayaran na niya ang nautang niya kay Tito Cedric sa pagpapagamot kay Lukas. Malaki rin ang naipapadala niya sa pamilya. Buwan-buwan ay nakakapunta si Lukas sa Jollibee. Nagtuloy-tuloy rin ang pagiging maayos ng kapatid.

Binibigyan rin siya ng self-satisfaction ng pangingibang bansa niya. Nagkakaroon siya ng pera dahil sa sarili niyang sikap. Hindi dahil sa awa, kagaya ng pakiramdam niya na trabaho na ibinigay sa kanya ni Tito Cedric.

Natalia knew that she couldn’t also work for Callisto for so long. Nagiging iba na rin kasi iyon. Nagtatrabaho siya rito pero parang hindi professional. At tama ba iyon? Umaasa siya ng trabaho sa pamilya ng boyfriend niya. Para sa kanya ay mali iyon. Hindi dapat ang mga ito ang sumusuporta sa kanya. She wanted to stand on her own feet. Gusto rin niya na makaalis ng Pilipinas, kagaya ng kaibigan niyang si Sophie.

But speaking of Sophie, kahit marami siyang oras ay hindi sila nagkikita. Malayo rin pala ang New York sa Canada. Kailangan pa rin niya na mag-eroplano. Bukod pa roon, parang iwas ang kaibigan niya sa pakikipagkita sa kanya. Ewan ba niya pero pakiramdam niya, may tinatago ito sa kanya. Pero sinisigurado naman nito palagi na okay lang ito.

Maayos naman ang buhay sa ibang bansa. Lungkot lang talaga na hindi mo kasama ang taong mahal mo ang madalas na nagpapahirap. Iniisip na lang ni Natalia na baka kakaiba ang feeling niya kay Sophie ay dahil na rin sa dahilan noon. Matiising tao si Sophie. Tinitiis lang siguro nito ang lungkot at iyon ang nararamdaman niya na tinatago nito.

Pero ganoon na nga. Nasa ibang bansa siya. Dapat lang na matuto siyang magtiis. At ganoon na lang rin ang gagawin niya sa pagpasok niya sa art gallery. Titiisin na lang niya ang sakit sa pag-alala kay Callisto.

Mag-e-enjoy na lang si Natalia. Pero pagpasok pa lang niya ay hindi rin pala niya magagawa. Oo, makulit at madaldal siya. Pero hindi naman siya attention-seeker. Nailang siya nang tignan siya ng mga tao. Nagbulung-bulungan rin ang mga tao.

Pakiramdam ni Natalia ay isa siyang artista na dumating sa event. Pinag-uusapan siya. May iba pang nagpicture sa kanya. Pero wala namang kahit sino ang lumapit, well, not at least after a few minutes.

“You’re here already…” Nakangiting wika naman ng isang Americano na lalaki. Sa itsura nito ay mukha itong staff ng art gallery. Naka-print sa damit nito ang pangalan nito. May name tag rin ito.

“I-is there a problem?”

“Nothing. Your attendance is just right on time,”

“Ha? Are you expecting me?” Inalala ni Natalia ang ticket. Hindi naman iyon pang-VIP.

“Let me assist you to the main event, Ma’am.” Sa halip ay sabi ng lalaki.

Nagtataka man ay sumunod na rin si Natalia sa staff. Dinala siya nito sa pinaka-gitna ng art gallery.

Mas maraming tao roon. Marami rin na camera, mukhang may press conference or something. Basta, mukhang may pinagkakaguluhan. At ewan ba ni Natalia kung ano ang topak ng staff at doon pa talaga siya dinadala.

“What are we doing here? What am I---“ Natigil sa pagsasalita si Natalia nang may suminghap sa tabi niya. Impit na tumili pa ang babae.

“You are the woman in the painting. You are Love!”

Tumawa si Natalia. “I’m not Love. My name is Natalia. And I don’t have any painting.”

“Yes, you have! You are very famous now, you know. Well, today will be the start of that.” Nagningning ang mata na wika ng babae. “You are so lucky.”

“And so are the fans of the art industry, especially Callisto Guidicelli’s fans…” pagsang-ayon naman ng kasama nito.

Napakurap si Natalia. Nagtataka man ay isinantabi na muna niya iyon. Mas nagulo siya nang marinig ang pangalan ng ex-boyfriend. “I-is he part of the exhibit?”

“Yes. We are both part of the exhibit.” Wika ng pamilyar na tinig sa likod ni Natalia.

Namutla si Natalia. At hindi lang iyon dahil sigurado siyang kay Callisto galing ang tinig. It was also because cameras are flashing around them. Nasisilaw pa siya sa ilaw na dala ng mga ito. Itinapat iyon sa kanya.

Gumalaw si Natalia. Nilingon niya ang nasa likod. But this time, gusto na niyang mahimatay. Totoong si Callisto nga ang nagsalita. Nakangiti ito sa kanya---isang ngiti na akala niya ay hindi na niya makikita. Nakaharap sa kanya ang taong akala niya ay hindi na rin niya makikita.

At hindi lang iyon. He was showing himself to the people.

“Anong ginagawa mo rito?” Kumurap-kurap pa rin si Natalia. The lights were blinding. Pero mas nakakabulag ang kaalaman na nasa harap niya ang ex-boyfriend. Parang nawawalan siya ng paningin dahil hindi siya makapaniwala sa lalaking nasa harap.

“Meeting you…”

“Iyong seryoso?”

“Seriously, Natalia. Ikaw ang parang nagloloko sa atin. I’m an artist, I am supposed to attend art exhibits, especially if I have a new art. And I have one today so---“

“Hindi ko pa rin nakikita na reason iyon. Ayaw mo na magpakita sa mga tao `di ba? Takot ka sa real world.”

“I have moved on. Na-realized ko na ang mga mali ko. I am a changed man, but not a changed heart…” Hinawakan ni Callisto ang pisngi niya. “I miss you, Love…”

“You called me Love...”

Inilagay ni Callisto ang isang kamay sa baywang niya. Pinaharap siya nito sa isang painting. “Because that’s you…”

Nanlaki ang mata ni Natalia. Nakita niya ang mukha niya sa painting. Doon lang siya nalinawan sa mga narinig kanina. Sikat na nga siya. Callisto painted her and the painting title is Love.

She was speechless for a while. Pero hindi naman iyon naging problema kay Callisto. Nagkuwento ito sa kabila ng pagkakagulo ng mga tao sa paligid nila.

“Mana ako kay Daddy. I love landscapes. Iyon rin ang madalas na ipinta ko. Pero siguro nga ay malaki ang pinagbago ko pagkatapos kong lumabas ng clinic. I tried to paint and I painted the most important person in my life. One of my inspirations. And in just three days, I finished your portrait. Maganda ba?”

“Siyempre, mukha ko `yan, eh…” Natatawa pero naiiyak sa saya na sagot ni Natalia. “So nagpagamot ka na rin,”

“Kinausap ako ni Mommy,” Ikinuwento ni Callisto ang pag-uusap nito at ng Mommy nito. “It’s five months process. I’m kind of a hard case. Napabayaan na rin kasi. But just a week before, I am totally healed. My Doctor says so and I feel and my family feels so. O siguro ay iyon ang tingin namin. I’m not completely healed because I still don’t have you. Not officially…”

“I’m always yours, Callisto.”

“Hmmm… ibig sabihin ba nito ay hindi na ako mahihirapan na ligawan ka?”

“Marunong ka ba noon?”

“Try me,” nakangising wika ni Callisto.

“Hmf. First try pa lang, palpak na. Oo, maingay at madaldal ako. Pero gusto ko sana secret lang ang love life…”

Napakamot ng ulo si Callisto. “Well, sorry.”

“Hmmm…At least, ngayon ay napatunayan ko na magaling ka na talaga. Nagpapakita ka na sa tao. Hindi ka na takot sa real world. Pero isa lang naman ang kondisyon ko para makabawi ka. And that is for you to understand my situation…”

“Love is all about sacrifices, Natalia. Ginawa mo lang ang lahat ng ito para sa pamilya mo at sa sarili mo. Naiintindihan ko na ang lahat. Tanggap ko na. Mag-a-adjust ako para sa `yo. Marami naman na paraan. I can live here o kaya ay bibisitahin kita kapag pareho tayong free. Wala ng mali para sa akin, well, wala habang wala ka pa na pangako sa akin. You should promise to love me for always…”

“You are and the only one inside my heart, Callisto. I love you.”

“And I love you, too, Love. I’m home now…” wika nito habang yakap-yakap siya.

“Ha? Nasa art gallery tayo. Nasa Canada rin tayo. `Wag mong sabihin na dito ka na magbe-base dahil sa akin?”

“I’m much comfortable in my home in the Philippines. I prefer to base there. Hindi mo naman ako pipilitin na umalis `di ba? Inintindi kita ngayon. I’m sure, maiintindihan mo rin ang gusto ko na iyon.”

“Siyempre. Nagtataka lang ako kasi sabi mo you are home now. Bakit?”

“Yes, I am home now because my description of home isn’t four walls. It was you and the nice feeling that you give me…”

Natalia chuckled. “Cheesy…”

“That’s because I love you so much.” Hinalikan ni Callisto ang labi niya. “Puwede ko na bang ipagsigawan?”

“Haay, ako ang mahilig mag-ingat at sumigaw pero sige na nga, pagbibigyan na kita,” pinindot ni Natalia ang ilong ni Callisto. “Go.”

“She’s mine. She’s mine again!” proud na wika ni Callisto. Inakbayan pa siya nito habang nagpapalakpakan ng mga tao. May ilan pang naiiyak. “Thanks everyone, especially to those who helped me prepared this stunt.”

“Ah, so pinaghandaan mo ito.”

Kinindatan siya ni Callisto. “Slight lang. Nasabi ko na sa `yo na nagpaint ako `di ba? Then I realized to surprise you with this. Naghanap ako ng ilang tao, kinuntsaba ko rin ang mga amo mo para ibigay sa `yo ang libreng ticket para makapasok ka sa gallery.”

“Paano kung hindi ako pumunta?”

“Gusto kong magtiwala na lahat ng nararamdaman mo sa akin noon ay totoo. Kung talagang mahal mo ako, hindi mo ako mapapalitan kaagad sa puso mo. I was convinced you will go here because you love me and want to remember me. You missed me.”

“Wow, mayabang ka na rin, ha? But keri lang. Kahit ano ka pa man, mamahalin pa rin kita. Basta next time ay `wag mo ng gagawin ito, ha? Gusto kong yumaman at sumikat kagaya ng International Billionaires. Pero hindi pala ang sumikat. Nakakasilaw ang camera, ha.”

“Yes, Love. There won’t be a public stunt like this next time. Just a next time romantic for the both of us…” wika ni Callisto at unti-unting inilapit ang mukha sa kanya ulit.

“Yes, next time. Always. Forever…” wika ni Natalia bago tuluyang sinalubong rin ang halik ng ex---este boyfriend na ulit niya ngayon.

Tama nga si Tito Cedric. She’ll have her luck in time. And right now is the perfect time---in Callisto’s arms and pursuing her dreams…

THE END OF BOOK 2

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.