KIMBURA Chapter 26

Dach

PINAHID ko ang mga luhang hindi ko alam na dumudulas na naman sa mukha ko. Kapag naaalala ko si Art, naaalala ko ang mga huling sandali na nagkasama kami. At ang nakakahindik na pangyayaring iyon. Sinabi ko sa parents ko ang mga nakita at naranasan ko at ang nagawa ko, pero hindi sila naniniwala sa akin. Sinabi kong ako ang may kasalanan ng lahat at gusto kong aminin iyon sa pamilya ni Art pero pinigilan nila ako. Hindi ko daw alam ang sinasabi ko. Malamang daw na shock ako sa pagkawala ng best friend ko kaya kung ano-anong sinasabi ko. Madami din kasi noon ang nasaktan at ilan lang kaming nakaligtas. Madami ang nadaganan ng puno at establishment na natumba.

Pinatingnan din nila ako sa psychologist at kinalaunan ay gusto akong dalhin sa psychiatrist. Ayokong isiping nababaliw na nga ako. Alam kong matino pa ang isip ko. Alam kong hindi pa bumibigay ang utak ko.

Kaya naman pinili kong kalimutan na lang ang lahat ng mga nangyari. Hindi na ako nagbanggit ng tungkol doon sa kahit na sino. Pero hindi naman ako pinatahimik ng alaala sa aking mga panaginip. Nadagdagan pa. Sa tuwing matutulog ako, nakikita ko ang sarili ko na hinahabol ng mga dark shadows na kailan ko lang nalaman na mga simulacrum pala. Mga wala silang mukha pero may talukbong na kulay itim at mga matang kulay pula at nanlilisik. Korteng multo na parang si Casper the Ghost pero may hood at kulay itim.

Pinilit kong paniwalain ang sarili ko na ang lahat ng nangyari ng araw na iyon ay isang napakahaba at napakasamang bangungot lang.

Na hindi ko iyon ginawa.

Na hindi ko iyon magagawa.

Kaya lang, ang mga panaginip ko, nadudugsungan doon ang mga nangyari nang araw na iyon. Nandoon ang mga simulacrum. Palagi akong tumatakbo. Palagi akong hinahabol. At natatandaan ko ang mga spells na ginamit ko sa panaginip habang tumatakbo palayo o lumalaban sa mga humahabol sa akin. Hinanap ko iyon sa book of spells ni Lolo at naroroon nga ang mga iyon. Nang gamitin at gumana iyon sa realidad, alam ko, totoo ang lahat. Hindi iyon basta simpleng panaginip lang. May mali sa akin. May kakaiba sa akin. Hindi ako normal at hindi iyon alam ng mga magulang ko. At hindi ko iyon kayang takasan dahil iyon ang tadhana ko.

Ayoko na ring pilitin ang mga magulang ko na maniwala dahil alam kong wala naman nga talagang maniniwala. Baka isalpak lang nila ako sa mental institution. I decided to keep my mouth shut and live my life the normal way. Kailangan kong magpanggap na normal lang ang lahat kung ayaw kong makulong sa mental. Tinanggap ko na lang na ganito na ako. At wala pa akong magagawa sa ngayon para makalaya mula sa kondisyong ito. Soon, baka may mahanap akong paraan. Wala naman akong ibang choice kundi ang makipag-deal sa kakayahang ito.

Sinimulan ko ulit lapitan si Anika matapos kong mai-compose ang sarili ko.

Dahil ako ang may kasalanan kung bakit nawalan siya ng Kuya, ako na lang ang papalit sa pwestong iniwan ng best friend ko. Baka sa ganoong paraan, makabawi ako sa kasalanan ko sa kanya.

Kaya lang, sa ginawa ko parang madadagdagan ang kasalanan ko kay Art. Ginagawa ko naman ang lahat para hindi makasira sa pangako. Pero talagang napakahirap na pigilang mahalin ang kapatid niya. Akala ko, mahirap ang magmahal. Pero mas mahirap pala ang pigilan ang puso na magmahal.

Muli akong tumingin sa bahay nina Anika. Ang lapit-lapit lang niya. Ilang takbo ko lang, nandoon na ako sa tabi niya. Pero kasi, parang kahit ganoon lang kalapit ang distansya namin, pakiramdam ko, milya-milya pa din ang pagitan namin. Parang ang hirap-hirap niyang lapitan. Ang hirap-hirap niyang abutin at hawakan. Kaya parang… hanggang tanaw na lang talaga ako sa kanya. Hindi ko kasi alam kung kapag nalaman niya ang totoo, mapapatawad niya ako. Alam ko din naman na sobrang mahal niya ang kapatid niya. Baka nga hindi lang bilang kapatid.

Dahil hindi naman talaga sila magkapatid. Baka nga sila talaga ang destiny. Maaga lang naputol ang lahat… dahil din sa akin.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko. Kasunod noon ang pagpatay ng ilaw sa silid ni Anika. Isang matipid na ngiti ang ibinigay ko sa direksiyon niya.

“Good night, Anika. I’ll see you tomorrow.”

Pagkasabi ko noon, pumasok na din ako sa loob para matulog. Kailangan kong agahan bukas. Sabay kami ni Anika na papasok sa eskwela.

Anika

NAPABALIKWAS ako ng bangon nang maramdamang parang may nagbubukas ng bintana ko. Yari iyon sa panel na makapal at alam kong ini-lock ko iyon bago matulog. Isa pa, nasa second floor ang silid ko at walang balcony. Saan puwedeng dumaan ang kung sinong nagbubukas ng bintana ko?

At bakit?

Parang nagtayuan ang mga balahibo ko sa takot nang makita kong may anino ng tao na nasa tapat nga ng bintana ko at pilit iyong binubuksan. Nanlaki ang mga mata ko sa pagkagulantang.

Sino siya?

Kasabay ng pagtili ko ang pagkabukas din ng bintana. Sa isang kisapmata, nasa harapan ko na siya. Tinakpan niya ng isang kamay ang bibig ko at kinubabawan ako sa ibabaw ng kama. At mula sa tama ng liwanag ng buwan na pumapasok sa bintana ko, nakilala ko ang lalaking bigla na lang pumasok sa silid ko.

Si… Si Guimard?

What the hell? Ano’ng ginagawa niya sa loob ng silid ko? Anong kailangan niya sa akin?

Bago pa makapag-process ang isip ko ng maayos, pumasok naman sina Mama at Papa sa silid ko. Katulad ko, gulantang din sila na makita si Guimard na nakakubabaw sa akin habang nakatakip sa bibig ko ang isang kamay niya. At bago pa makakilos si Papa para atakehin si Guimard, ginamitan na niya ng kapangyarihan sina Mama at Papa para hindi makakilos. They were freezed over. Aware sila sa nangyayari pero hindi makakilos. Mga mata lang nila ang nagagawang umikot ikot. Ni hindi din sila makapagsalita.

Ibinalya ko naman ang kamay ni Guimard na nakatakip sa bibig ko habang abala pa siya sa parents ko.

“Hayup ka , Guimard! Anong ginagawa mo dito?” Galit na singhal ko sa kanya.

Bigla naman siyang ngumisi ng nakakatakot sa akin. Ngayon ko biglang nakita ang dark aura na nakabalot sa kanya. Bakit hindi ko iyon nakita nitong nakaraang palagi kaming nagkakasama? Paano niya nagawang itago kung kaya ko naman palang makita?

“Didn’t you invite me here?” sabi niyang binalingan si Mama. “Your Mom invited me, right?” Muli siyang tumingin sa akin. Nakakalokong ngumisi pa. “`Yan kasi. Kung hindi n’yo ako inimbitahan, hindi sana ako makakapasok sa bahay niyo. Mas pinadadali niyo para sa akin ang lahat.”

Hindi ko siya maintindihan. Ano bang sinasabi niya. “Anong klaseng nilalang ka?”

“Anong klase?” Inilapit ni Guimard ang mukha niya sa akin na lalo kong ikanasindak. Hinablot niya din ang buhok ko at hinila palapit sa mukha niya. “Anong klaseng nilalang ba ang hindi makakapasok sa bahay ng iba kung hindi iniimbitahan? Anong klaseng nilalang ba ang nabubuhay sa sariwang dugo na nagmumula sa isang tao?”

Inilapit niya muli ang mukha niya sa akin, sa may leeg ko. Nararamdaman ko ang pagsinghot niya sa akin. Doon. At kinikilabutan ako lalo na nang magsalita siyang muli. “Ang bango ng dugo mo, Anika.”

Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize ko kung anong klaseng nilalang siya. Kaya naman pala… kaya naman pala, bigla niyang naitanong kung anong blood type ko. Naalala ko din ang sinabi ni Dach na ang mga babaeng napapaugnay sa kanya, itinatanong kung anong blood type ng mga iyon. Dahil… dahil isa siyang…

“V-vampire?”

“Brilliant!” Masiglang sabi niya na inilayo na ang mukha sa akin. Saka inilabas ang matutulis na pangil. “Matalino ka naman pala, eh. Bakit hindi mo agad nahalata?” Nakakaloko pang tumawa si Guimard. Sinimulan ko naman siyang salakayin pero mabilis niyang inabot ang mga kamay ko. And pinned me down.

Gusto kong magsisi na hindi ko sineryoso ang babala ni Serene. All along, alam ni Serene ang katauhan ni Guimard pero hindi ko iyon inintindi!

“Ano bang kailangan mo sa akin? Hayup ka! Akala ko pa naman mabuti ka! Hindi sana ako nagtiwala sa `yo!”

“Iyan ang pagkakamali mo. Dahil masyado kang mahina kaya ikaw ang pinuntirya ko. Sayang din ang libu-libong tao na ibibigay sa akin ng dark sorceress bilang kapalit ng misyon ko. Isa pa, madali lang naman ang utos. Patayin ang mga priestess. At hindi naman mahirap iyon kung ikaw ang uunahin ko. Sayang lang at hindi ko mahihigop ang dugo mo. May lason kasi iyan sa mga katulad ko dahil sa pagiging royal blood mo.”

Iniangat ni Guimard ang isang kamay at noon ko nakita ang pagkakatutulis na mga kuko niya. Ni hindi ko nagawang ma-analize ang next move niya dahil kumayod na iyon sa mukha at braso ko. Napaigik ako sa hapdi. Ramdam ko ang pagtagas ng dugo mula sa mga sugat na ginawa ng matutulis niyang kuko.

Right. Hindi niya ako makakagat dahil malalason siya ng dugo ko kaya susugatan nalang niya ako until I bleed to death. And no! I can’t let this happen. I can’t let him win!

Nagtagisan ang mga bagang ko. Pero kasabay noon, nag-isip ako ng paraan para makawala sa kanya. Ibinalya ko ang isang braso ni Guimard na nakapigil sa akin. Buong lakas na itinulak ko din siya sa sikmura at sa pagkagulat ko, sumalya siya sa wall ng silid ko. Nalaglag ang mga bagay na nakasabit doon at bumagsak din ang isa sa mga display cabinets. Sandali akong napatingin sa sarili kong mga kamay. Ramdam ko ang naiipong lakas sa mga iyon.

Narinig kong napasinghap si Mama. Lumingon ako sa kanya at nakita kong lumuluha na siya. Alam kong natatakot siya at nag-aalala sa hitsura kong duguan na. Hindi ko naman siya magawang lapitan at aluin dahil nasunggaban na naman ako ni Guimard sa sandaling pagkawala ng pokus ko. Naramdaman ko ang pagtusok ng matutulis niyang kuko sa tagiliran ko. Napaigik ako sa hapdi pero pinilit kong baliwalain ang kirot. Kailangan kong maialis si Guimard sa bahay namin kundi, baka mabiktima niya din sina Mama at Papa.

Naramdaman ko ang pagpasok ng napakalakas na hangin sa loob ng silid ko. At parang on instinct, nag-shape ako ng air power sa palad ko at pinatama iyon sa katawan niya. Pero nailagan iyon ni Guimard. Wasak ang wall ng silid ko at dumeretso pa iyon palabas sa kabilang bahagi ng second floor ng bahay namin. Mabilis niyang nalapitan ang bintana at lumabas doon. Lalo akong naging eager na tapusin siya, naramdaman ko na lang na inilulutang ako ng dilaw na aurang nakabalot sa katawan ko. Sumugod din ako palabas ng bintana at sa bilis ni Guimard, hindi ko alam kung paanong nagagawa ko siyang habulin. Parang naging ipu-ipo ang kulay dilaw kong aura at nakapaloob ako doon habang nasa himpapawid at hinahabol si Guimard na dumeretso naman sa gubat. Wala na akong panahon para kwestyunin ang mga nangyayari. Ang gusto ko nalang gawin ay tapusin ang bagong kalaban. Kalaban na nagpapanggap lang na kaibigan.

“Akala ko ba, tatapusin mo na ako, Guimard? Bakit tumatakbo ka ngayon palayo?” sigaw ko sa kanya habang hinahabol siya.

Nag-shape ulit ako ng air power at inihagis sa kanya. Panay ang ilag niya, niratrat ko naman siya. “Sino ngayon ang mahina, Guimard? Sinong mahina na gusto mong patayin?”

“Buwisit!”

Sa pagkagulat ko, nag U-turn pabalik sa akin si Guimard at sinalubong ako. Hindi ko iyon napaghandaan kaya hindi ako nakailag nang madaklot niya ako sa leeg. Humina ang dilaw na ipu-ipong nakapalibot sa akin hanggang sa tuluyan iyong maglaho.

“Dapat pala, kanina pa kita tinapos,” mapanganib na singhal niya.

Hindi ako makahinga. Pahigpit ng pahigpit ang pagpisil niya sa leeg ko.

“Aaarrrkkk…”

“Nasaan ang ipinagyayabang mong lakas kanina, Anika? Nasaan na? Bakit hindi ka lumaban?”

Hindi ako makasagot sa halip, pinipilit kong makakawala sa kanya. Mapapatay niya ako sa pagsakal lamang. Kailangan kong makapag-shape ng energy…

Pero biglang lumuwag ang pagkakasakal ni Guimard sa akin. Kasunod ng pag-igik niya. “Hayup ka! Sino ang nagbigay sa `yo ng permisong saktan si Anika?”

Nabitiwan ako ni Guimard. Pero hindi ko na iyon halos nabigyan ng atensiyon dahil mas na nagulat akong makita si Dach sa lugar na iyon. Nagliliwanag siya sa kulay dilaw na aura na nakapalibot din sa katawan niya habang papasugod kay Guimard. Katulad na katulad ng aura ng super-saiyan na si San Goku sa anime na Dragon Balls. Ganoon na ganoon. Napakalakas ng enerhiya niya na maski ako, gustong manghilakbot.

Nagpambuno ang dalawa. At nang makita kong nakalalamang na si Guimard, saka lang ako nagkaroon din ng presence of mind na sumugod ulit.

Pinatamaan ko ng shaped air power si Guimard na mabilis na napakawalan si Dach. Walang puwedeng manakit kay Dach. Walang kahit sinong puwedeng manakit kay Dach!

Susugod na lang ako ulit nang matigilan sa biglang pagsasalita ni Guimard. “Talaga ba, Anika? Ipagtatanggol mo sa akin ang lalaking pumatay sa pinakamamahal mong kapatid?”

Ang tangka kong pagbalya sa kanya ng pinakamalakas na shaped air power ko ay nabitin sa ere. Natigilan ako. Anong sinasabi niya? Anong ibig niyang sabihin?

“Oo, ang lalaking inaakala mong pumoprotekta sa `yo, nagbabayad lang ng guilt sa nagawa niyang kasalanan sa `yo, sa inyo. Kawawa ka naman, Anika. Wala kang kaalam-alam sa lahat ng nangyayari sa paligid mo. Nabubuhay ka sa mga kasinungalingan. Nabubuhay kang hindi alam ang katotohanan.”

“Tumigil ka na!”

Bago pa masugod ni Dach si Guimard ay sumalya na ang huli. Noon biglang sumulpot si Sir Elwood at inatake ang bampira. Itinapat niya ang sphere of powers kay Guimard at binigkas ang isang malakas na spell na itinuro sa akin ni Sir Elwood. The spell to severely wound an enemy.

Hindi ko pa iyon mabigkas nang maayos dahil napakahirap. Sa tuwing bibigkasin ko iyon, parang nahihigop ang lahat ng enerhiya ko sa buong katawan kaya hindi ko magamit-gamit.

Nakalayo naman si Guimard at hindi na pinilit pang habulin ni Sir Elwood. Tulala akong napasalampak sa lupa. Halos hindi ko na maramdaman ang katawan ko sa magkakahalong pagod, panghihina at mga kirot ng mga sugat na ngayon ko nalang ulit naramdaman. At ang higit na nangingibabaw sa lahat ay shock. Habang hinihintay ko si Dach na magsalita, lumapit si Sir Elwood para paampatin ang pagdudugo ng mga sugat ko.

Lumapit din si Dach at nag-offer na mag-channel ng energy sa akin pero iniiwas ko ang sarili ko sa kanya. Mas gusto kong marinig ang paliwanag niya higit sa ano pa man. Gusto kong marinig na itinatanggi niya ang mga bintang ni Guimard. Hindi ako naniniwala sa bampirang iyon. Kung itatanggi ni Dach ang sinabi ni Guimard, mas papaniwalaan ko siya. Alam kong hindi niya kayang saktan si Kuya. Mag-best friend sila. Hindi niya gagawin iyon kay Kuya!

“Hindi iyon totoo, Dach. Ang mga sinabi ni Guimard, hindi iyon totoo, `di ba? Gusto lang niyang magalit ako sa `yo `di ba? Hindi mo kayang manakit `di ba?” Desperada na ako. Gusto ko nang marinig na magpaliwanag si Dach. Gusto ko na!

Sa bawat sandali na hinihintay ko siyang magpaliwanag, parang habang-buhay akong nagpipigil na huminga.

Please, Dach. Payagan mo na akong huminga. Payagan mo na naman akong malaman ang totoo.

At nang makita kong lumatay sa mga mata niya ang matinding guilt, tuluyang gumuho ang mundo ko. Lalo na nang banggitin niya ang mga salitang ayokong marinig.

“I’m sorry, Anika. Hindi ko sinasadya…”

Hindi.

Hindi.

Hindi iyon totoo. Hindi niya pinatay si Kuya!

Pero kasi, maliwanag sa mga mata ni Dach ang katotohanang pinipilit kong itanggi sa sarili ko. Katotohanang kahit anong gawin ko, hindi ko na mababago.

Bakit Dach? Bakit ikaw pa? Of all people, bakit ikaw pa? Paano ko pa papayagan ang sarili ko na mahalin ka matapos ang mga nalaman ko ngayon?

Parang ayoko nalang huminga. Mas masakit ang lahat ng ito kumpara sa mga sugat na ginawa ni Guimard sa katawan ko.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.