Love, Lust and Cherry Knots Chapter 16

"Ngayon lang yata kita nakitang bumili ng bulaklak sa araw ng mga puso,” ani Mhyco nang mapasulyap sa kama niya at makita ang mga bulaklak.

Biglang napabangon si James Carlo at sumilip sa kanila ni Mhyco. “Uy ano yan? May ligawan bang nagaganap?”

Inakbayan siya ni Mhyco at tinapik-tapik pa sa balikat. “Tong lalaking ayaw daw sa love eh, mukhang in love na in love.”

Humagalpak ng tawa ang mga kaibigan niya.

Masyadong masaya si Arthur Lance para patulan ang pang-aalaska ng dalawa. Hinubad niya ang suot na damit at kinuha ang bagong bili na polo. Pinaghandaan niya ang araw na iyon. Halos hindi nga siya makatulog sa pag-iisip ng sasabihin kay Guinevere. He tried practicing his speech pero baka mawalan rin yon ng silbi pag nagkita sila ng dalaga. Baka atakihin siya ng kaba at ang tanging masabi nalang niya ay “I love you.”

Pero di na rin masama. Iyon naman ang gusto niyang ipahiwatig. Na mahal niya si Guinevere.

Nasa huling butones na siya nang biglang pumasok si Leigh. Parehong duty ito at si Georgina kaya malamang ay sa ospital na mag-celebrate ng Valentines ang dalawa.

“Pinsan!” Agad na bati niya kay Leigh na pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa.

“Saan ka pupunta?” tanong ni Leigh na nagpakunot ng noo niya.

“Nagpaalam ako sa’yo ah. Lalabas kami ng bestfriend mo ngayon.”

Nag-iba ang anyo ng mukha ni Leigh. Napayuko pa ito bago siya muling hinarap. “Kung gusto mo siyang makasama, palitan mo na iyang sapatos mo ng running shoes at baka sakaling maabutan mo pa siya sa airport.”

Tila may sumabog na bomba sa loob ng ulo ni Arthur Lance. “Airport? Anong ginagawa niya roon?”

“Umalis na siya. She went back to New York.”

Ramdam ni Arthur Lance ang pagliit ng mundo at ang unti-unting pagkawasak nun.

“Umalis?” Halos bulong nalang iyon. “Hindi pwede. Hindi siya pwedeng umalis.” Talo pa niya ang taong hindi nakakain ng tatlong araw sa sobrang panghihina.

“Hayaan mo na siya Arthur Lance. Huwag mo nang balakin na sundan siya.”

“Hayaan?” asik niya. “Leigh mahal ko si Guinevere. Hindi ko siya pwedeng hayaan.”

Napabuga ng hininga ang kanyang pinsan. “Ayusin mo muna ang problema mo sa daddy mo. Kapag tapos na iyon at tingin mo mahal mo pa rin siya, then go find her. Huwag kang maging unfair Arthur Lance.”

“Inayos ko na ang problema namin ni daddy, alam mo yan! We had a deal already. The engagement is off,” giit niya sa halos pasigaw na boses. Nanatiling kalmado si Leigh.

“Win the election for your father first. Because if you don’t, I don’t think Guinevere would want a politician for a husband.”

Hindi na nagsalita pa si Arthur Lance. Napaupo nalang siya sa kama. Salod ng dalawang kamay ang mukha. Paulit-ulit siyang nagmura.

Sana kinausap siya ni Guinevere. Sana napag-usapan nila ang lahat.

Pero siguro nga ay masyado siyang naging makasarili at hindi niya inisip ang nararamdaman ni Guinevere. Wala naman siyang ibinigay na assurance sa dalaga. Kahit ang katotohanan ay hindi rin niya nagawang sabihin.

Anong karapatan niyang mag-demand ng kahit na ano mula dito?

Maybe he deserved this pain. Kabayaran sa lahat pagkakataong nasaktan niya ito ng hindi sinasadya.

----------------------------------------------------------------------------------------

Higit dalawang buwan ding sumama si Arthur Lance sa pangangampanya ng ama. Tumulong din ang kanyang mga kaibigan. Tuwing walang duty ay nagsasagawa sila ng medical mission at hinati ang mga grupo para mas maraming lugar ang mapuntahan nila.

Laking tulong rin ng mga sikat na miyembro ng SGIH community kagaya ng modelong si Jerome Arnan at band vocalist na si Gianni.

Maging ang future brother in law ni Klyde at nakababatang kapatid ni Cupid na si Psyche ay ang dami ring nahakot na mga tao tuwing rally.

Sabi nga ng ilan, maliban sa magandang record ng kanyang ama, nag-uumapaw raw na kapogian at charm ang pambato ng kampo nila.

Laking pasasalamat ni Arthur Lance sa mga kaibigan at kasamahan sa trabaho. Kahit may kalayuan ang Laguna mula sa ospital ay hindi alintana ng mga ito ang pagod. Minsan lang daw kasi siya makibaka sa pag-ibig kaya todo-suporta raw ang mga ito.

Yes, it was indeed a fight for love.

Para sa babaeng mahal niya na sobrang miss na niya. It was harder than he thought. Iyong malayo kay Guinevere. Wala silang kahit na anong komunikasyon. Sa tuwing may bakanteng oras ay pinagkakasya nalang ni Arthur Lance ang sarili sa mga videos ng dalaga sa runway at ilang commercials. Ang picture rin nito na kinuha pa niya mula sa Google ang kausap niya gabi-gabi.

Nasa duty noon si Arthur Lance nang makatanggap siya ng tawag mula sa ama. Nanalo raw ito sa eleksyon.

At sa mga sandaling iyon, walang ibang naisip si Arthur Lance kundi ang muli nilang pagkikita ni Guinevere.

Dalawang araw pagkatapos ay nagulat si Arthur Lance nang maabutan niya ang ama sa loob ng kanyang condo. Nag-iisa lang ito. Walang nakapaligid na bodyguards.

May iniabot itong isang maliit na sobre sa kanya. Nang buksan niya iyon ay agad siyang napayakap sa ama. Plane ticket iyon papuntang Amerika.

“Let me drive you to the airport son.”

Nang araw din kasing iyon ang flight niya.

“Do you hate me son?”

Nilingon ni Arthur Lance ang ama. “Hindi ako galit sa inyo dad. Nagtatampo lang.”

Nakangiting tumango ang Governor-elect ng Laguna. “I’m glad you found someone worth fighting for-again.”

Sandaling nanahimik ang kanyang ama bago muling nagsalita. “I’m sorry for what happened with you and Emily. Masyado akong nalunod sa pulitika na pati pamilya natin halos itaya ko na. Ikinahihiya ko ang mga nagawa at naging desisyon ko anak. I’ve learned from it.”

“You’ve learned from it? Dad, muntik mo na naman akong ipakasal sa iba,” pagpapa-alala niya.

Nagkibit ito ng balikat. “No, not really. Tinutulungan ko lang si Alfred nang mga panahong iyon,” anito na ang tinutukoy ay ang ama ni Veronica. “You see, problemado siya kay Veronica. Wala siyang tiwala sa kasintahan ng anak niya. Naisip ni Alfred na palabasing engaged na ang anak para tigilan na ito ng lalaki. Which worked.”

“Sana sinabi mo sa akin na pagpapanggap lang iyon.”

“Noong dumalaw kasi ako sa’yo ay ramdam kong dala mo pa rin ang pakiramdam na may utang ka sa akin. I wanted to use the engagement as an excuse to free you from that debt. Wala kang utang sa akin anak. Ako ang may napakalaking utang sa’yo.” Napabuntong-hininga ang ama. “But you surprised me nang pumunta ka sa opisina ko. Hindi ako makapaniwalang kaya mong tumaya ng ganoon kalaki. Handa kang pumasok sa mundong pinaka-ayaw mo. And all because of one girl. Maybe I was curious on how far you’d go for love kaya hindi ko muna ipinagtapat sa’yo na hindi totoo ang engagement. And I must say, you made me proud son,” puno ng paghanga at pagmamalaking sambit ng kanyang ama.

“Curious, huh?” Natatawang napailing nalang si Arthur Lance. “Your curiosity almost killed me dad.”

--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

---------------------------------------------------------------------------

Nakangiting binati ni Guinevere ang waitress na naglapag ng order niyang Forbidden Broadway Sundae.

Thirty-fourth birthday niya ngayon. Nang tumapak siya ng eighteen, naging tradisyon na niya ang mag-celebrate mag-isa sa paborito niyang restaurant sa New York, the famous Serendipity restaurant.

Natampok ang lugar na iyon sa isang pelikula na may kaparehong title. Simula noon ay dinadayo na ito maging ng mga Hollywood star. May hawak ding Guinness world record ang nasabing kainan, ang kanilang Golden Opulence Sundae na nagkakahalaga ng isanglibong dolyar.

Serendipity is special to her.

Noong eighteenth birthday niya, habang kumakain ng Caviar burger ay may lumapit na isang scout kay Guinevere at nag-offer kung interesado siyang magmodelo. She said yes and her modeling career started.

Taun-taon ay umaasa si Guinevere na may mangyayaring life-changing sa Serendipity. Labing-anim na taon na siyang naghihintay pero wala pa rin.

“Alam mo ba kung ilang libong milya ang nilakbay ko para sabihing mahal kita?”

Napaawang si Guinevere at napalunok ng wala sa oras. Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin. Natatakot siyang baka bunga lang ng sobrang pananabik ang boses na iyon.

Sunod-sunod ang pagpatak ng kanyang mga luha nang masalubong niya ang pamilyar na mga mata. Bumaba ang kanyang tingin at hindi mapigilang mapangiti nang sa loob ng mahigit dalawang buwan ay muli niyang nasilayan ang mapupulang mga labing iyon. Ang mga labing unang bumihag sa kanya.

Naramdaman ni Guinevere ang mainit na kamay ng binata sa kanyang mukha. Pinapawi ang mga luha niya. “Ssh, hindi ako pumunta dito sa New York para paiyakin ka.” Yumuko ito at ginawaran siya ng halik sa noo. “I came here to say I love you. Nandito rin ako para sabihing babawi ako. Lahat ng hindi ko naibigay sa’yo dati, pwede ko ng ibigay sa’yo ngayon.”

Pansamantalang lumayo si Arthur Lance para umupo sa kabilang silya. Inabot nito ang kamay niyang nasa ibabaw ng mesa. “Say something Guinevere. Your silence scares me.”

“Anong gusto mong sabihin ko?”

“Tell me you miss me.”

Umiling siya. “Ayoko.”

Natawa si Arthur Lance. “A little stubborn, aren't we?”

Nakuntento nalang si Guinevere na pagmasdan ang mukha ng lalaking mahal. Ang tagal nilang di nakapag-usap. Wala rin siyang naging balita dito. Tuwing tumatawag si Leigh ay wala rin itong binabanggit tungkol sa pinsan. Ang inisip dati ni Guinevere, wala talaga siyang halaga kay Arthur Lance. At ang mga ipinakita nito sa kanya noong kaarawan nito, malamang ay bugso lang ng emosyong di rin naman nagtagal. Maybe he was just fascinated. And that fascination had faded.

But now. Arthur Lance was there. The guy that she is deeply in love with just told her he feels the same.

“Alam mo, wala pang reply ang I love you ko,” kunwaring nagtatampong sabi ni Arthur Lance.

Magsasalita sana si Guinevere nang bigla siyang maduwal.

“Okay ka lang?” tanong nito.

Tumango siya pero bigla na naman siyang naduwal.

“Buntis ka,” pahayag ni Arthur Lance. He sounded sure.

Magde-deny pa ba siya?

Higit isang buwan nang makabalik siya ng New York nang magsimulang makaramdam si Guinevere ng mga simtomas. Una ay iwinaglit niya ang ideyang iyon sa kanyang isip. Pero higit isang buwan na siyang delay. Tinipon niya ang lahat ng lakas na mayroon siya para bumili ng pregnancy kit. Positive iyon.

“Magkaka-anak na tayo?” tuwang-tuwang sabi ni Arthur Lance. Napatayo pa ito para hawakan ang tiyan niya.

“Sigurado ka ba na ikaw ang ama?”

Hindi maipinta ang mukha ni Arthur Lance nang tumingala sa kanya. “Ikamamatay ko kung sasabihin mong hindi ako ang ama nitong dinadala mo.”

“Hindi pa nga siya naisisilang, gagawin mo nang ulila sa ama? Grabe ka.”

“Mag-ingat ka kasi sa mga biro mo dahil kahit mahal kita, naku, makakatikim ka,” pagbabanta ng binata na biglang napuno ng kapilyuhan ang mga mata.

“Anong matitikman ko?”

Ngumisi ito. “Ang pagmamahal ko.” Inangkin nito ang mga labi niya.

“Ang korny.”

May kung anong kinuha si Arthur Lance sa bulsa nito. Singsing pala. “Saan ang pinakamalapit na simbahan dito? Pakasal na tayo.”

“Mamanhikan ka muna.”

“Okay. Pero bago iyon.” Hinalikan na naman siya nito. “Mag-practice na tayo ng honeymoon.”

Nakangiting lumabas sina Guinevere at Arthur Lance ng Serendipity.

Itinaas niya ang kamay na may suot na engagement ring. Sabi na nga ba, may life-changing na namang magaganap sa kanya sa Serendipity.

It took sixteen years to happen again, but it’s definitely worth the wait.

-END-

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.