Two years later…
“Pero siya naman po talaga ang may kasalanan teacher, sinipa niya ang bag ko `eh.”
“Hindi naman kita aawayin kung hindi mo ako tinawag na mataba!”
“Kids, tama na okay?” saway ni Vanessa sa dalawang estudyante niya. Napansin niya ang pagsimangot ni Zoey at ang matalim na tingin nito sa kaklase. Kahit na lalaki pa ang nakaaway ay hindi natakot ang paslit at talagang sinipa ang bag ng kaklase. Lumobo ang matambok na mga pisngi nito at matalim na umirap.
Pinigilan niya ang matawa sa inakto ng bata. Sa lahat ng mga estudyante niya ay si Zoey ang talagang nagpapasakit ng ulo niya. Bibo ito at aktibo sa klase pero may pagkamaldita ito kaya nga ito talaga ang tinututukan niya sa klase. Nursery palang si Zoey at ayaw niyang makasanayan nito ang makipag away sa ibang bata. Pero alam niyang hindi na rin maiiwasan iyon dahil madalas na mabully ito dahil sa pagiging malusog nito.
“Zoey, magsorry ka na kay Jasper. Mali rin naman ang ginawa mo `di ba? hindi mo dapat sinipa ang bag niya.”
Nanulis ang mga labi ng nito at bigla ay kumislap ang asul na mga mata. Bigla siyang natigilan at mayamaya ay napahinga ng malalim. Parang may malaking bato ang dumagan sa dibdib niya nang makita ang magandang pares ng mga mata ni Zoey. Sa tuwing pinagmamasdan niya ang mukha nito ay sumasagi sa isip niya ang mukha ng isang taong matagal na dapat niyang kinalimutan. Hindi niya alam kung bakit ang taong iyon ang palaging naiisip niya kapag tinitingnan niya ang paslit. Siguro ay dahil maliban sa pareho ang kulay ng mga mata at malaki ang pagkakahawig ng dalawa.
“Pero teacher—”
“Say sorry na, Zoey `di ba nagpromise ka na kay teacher na magiging good girl ka na?”
Kumibot ang mga labi nito. Natigilan na naman siya. Ipinilig niya ang ulo at muling huminga ng malalim. Mula ng maging estudyante niya si Zoey ay madalas na niyang maalala ang nakaraan. Kahit anong pilit niyang makalimot ay paulit ulit na bumabalik sa kaniya ang lahat kapag nakikita niya ang inosenteng mukha nito.
“Sorry.” Mahinang sabi nito kay Jasper.
“Wala kaming narinig.”
“Sorry po.”
“Very good.” Wika niya.
“Sorry din, hindi na kita aasarin na mataba.” Ani Jasper.
Duda siya sa pangako ni Jasper dahil numero unong bully talaga ito. Kahit anong saway niya ay ayaw nitong magpaawat. Titigil lang ito ng ilang araw at pagkatapos ay maghahanap na naman ng kaklaseng mabubully nito. Si Zoey naman ay masyadong palaban. Apat na taon pa lang ito pero nakikita na agad niya na talagang hindi ito magpapatalo. May pagkaboyish din ang bata kaya ang iba sa mga kaklase nitong lalaki ay natatakot lumapit dito.
Pagpatak ng alas kuwatro ng hapon ay umuwi na ang mga estudyante niya. Kahit na masama ang pakiramdam ni Vanessa ay naglinis pa rin siya ng buong classroom. Alas siyete kasi ang unang klase niya bukas at ayaw naman niyang umuwi ng hindi nakakapaglinis. Kahit na nagwalis lang siya at nag ayos ng mga upuan ay pinagpawisan na agad siya. Napansin siguro ni Zoey na parang namumutla na siya kaya nilapitan siya nito.
“Teacher, okay ka lang po ba?”
Pinunasan niya ng palad ang butil ng pawis sa noo at nilingon ang paslit. Napangiti siya nang makita na may hawak itong dustpan. Kahit pasaway si Zoey ay matulungin ito. Iyon ang unang napansin niya sa bata kaya alam niyang kung matututukan ito ay mababago pa ang ugali nito.
“Oo naman, hintayin na lang natin ang sundo mo, ha?”
Sumimangot bigla ang bata.
“Ayaw ko na nga pong umuwi sa amin `eh. Palaging wala ang daddy ko saka parang hindi naman bahay iyong tinitirahan namin parang hotel lang. Mabuti pa iyong bahay ng lola ko may garden saka maraming mga puno kaya nakakapaglaro kami ng mga kaibigan ko.”
Itinigil niya ang ginagawang pag aayos ng mga upuan at nilapitan si Zoey. Hinaplos niya ang matambok na pisngi nito. Siguro kung lumaki lang ito na may mga magulang ay hindi ito magiging pasaway. Naghahanap kasi ito ng atensiyon kaya nga sa lahat ng estudyante niya ay ito talaga ang tinututukan niya.
Sa pagkakaalam niya ay ang lola na lang ang kasama ni Zoey dahil namatay sa panganganak ang mommy nito. Minsan ay nakausap niya ang matanda dahil na rin may nagawang kalokohan noon ang apo nito. Ipinaliwanag nito sa kaniya ang sitwasyon ng bata. Wala ring kinikilalang ama si Zoey dahil ang mismong ina nito ang may gusto na huwag nang ipaalam ang tungkol sa bata. Nalaman lang ng daddy ni Zoey ang tungkol sa existence nito nang pumanaw sa sakit sa puso si lola Coring.
Walang may gustong kumupkop kay Zoey dahil may kaniya kaniyang pamilya ang mga kamag anak ni lola Coring. Kilala naman ng tiyahin ni Zoey kung sino ang daddy nito at ngayon nga ay nasa poder na ng ama ang bata. Isang linggo palang naman ang nakalipas mula nang lumipat ito sa condo unit ng daddy nito at masasabi naman niya na maayos ang buhay nito. May driver na naghahatid sundo dito at napansin niya na bago na ang mga gamit nito. Masaya siyang makita na hindi na nagtitiis ang bata sa paggamit ng lumang sapatos at sirang bag. Hindi na rin ito nagtitiis na tinapay at tubig lang ang kinakain kapag breaktime nila.
“Teacher, si daddy po pala ang susundo sa akin ngayon. Nagpromise po kasi siya na kakain kami sa mall. Saka sabi ko po sa kaniya ipapakilala kita sa kaniya.” Pagbibida ni Zoey.
Ngumiti siya at pilit na binalewala ang nararamdaman niyang pagkahilo. Ginulo niya ang buhok ng paslit.
“Mabait ba ang daddy mo?”
“Sobra po! At saka gwapo ang daddy ko.”
Natawa siya sa narinig. “Ikaw talaga, siyempre daddy mo iyon kaya dapat lang sabihin mo na gwapo siya.”
“Totoo po.” Giit nito. “Parehas po ang kulay ng mga mata namin at saka sabi po ng lola ko kamukha ko po ang daddy ko.”
“T-talaga?” nagsikip ang dibdib niya sa narinig. May isang ideya ang pumasok sa isip niya pero alam niyang imposible iyon. Iisang tao lang ang kilala niya na kahawig ni Zoey at…
“Hello baby girl, nandito na si daddy.”
“Daddy!”
Mabagal na napalingon siya sa pinanggalingan ng taong nagmamay ari ng tinig na iyon. Nagpakawala siya nang magkakasunod na buntong hininga nang magtama ang mga mata nila ng ama ni Zoey. Hindi na niya masyadong maaninag ang mukha nito dahil mas lalo pang lumala ang pagkahilo niya.
“Vanessa?”
Namutla siya. Hindi niya alam kung epekto lang iyon ng nararamdaman niya kaya bigla ay parang naririnig niya ang boses ni Fabio. Ikinurap niya ang mga mata at sinalubong ng tingin ang lalaki. Pakiramdam niya ay nawalan ng lakas ang mga tuhod niya. Hindi siya makagalaw dahil sa matinding pagkabigla. Nang humakbang ito palapit sa direksiyon niya ay tuluyan na siyang tinakasan ng lakas. Iglap lang ay nagdilim na ang paningin niya.