Ilang beses na napabahing si Fabio. Nahihilo na siya at nagugutom pero hindi naman niya magawang tumayo para magluto. Habang tumatagal kasi ay mas lalo pang sumasama ang pakiramdam niya. Para pa nga siyang masusuka dahil bumabaliktad ang sikmura niya. Sinubukan niyang bumangon sa kama pero napahiga lang siya ulit nang makaramdam nang pagkahilo. Tumingin siya sa kisame at nag isip kung ano nga ba ang gagawin niya sa sarili para lang makabangon na siya.
Siya ang tipo ng tao na hindi mabilis kapitan ng sakit. Pero sa oras naman na magkasakit siya ay hindi siya mabilis na gumagaling. Dahil nga bihirang magkasakit ay hindi rin siya nasanay na uminom ng gamot. Palagi siyang pinipilit noong ng mommy niya sa pag inom ng gamot at sa huli ay nagsusuka lang siya. Hindi niya kasi gusto ang mapait na lasa ng tabletas.
Naihilamos niya ang mga palad sa mukha dahil sa inis sa sarili. Kung bakit naman ngayon pa siya nagkasakit kung kailan iniwan niya ang trabaho niya. Hindi siguro siya sanay ng walang ginagawa kaya bigla na lang siyang nilagnat kagabi. Nang magising naman siya kaninang umaga ay halos hindi na siya makabangon dahil sa matinding sakit ng katawan. Hindi niya magawang sabihin sa mga kapatid niya na nilalagnat siya ngayon dahil kapag nalaman ng mommy niya ang sitwasyon niya ay baka magpanic ito bigla at mapasugod pa ng condo unit niya.
Nakarinig siya ng mga kaluskos mula sa labas ng kwarto niya. Siguradong dumating na ang anak niya. Paano niya ito ngayon ipagluluto ng meryenda kung ganoon na para na siyang lantang gulay na hindi makakilos? Pinilit niyang kumilos. Bumangon siya kahit masakit ang buong katawan niya. Binalot niya ng kumot ang katawan at mabagal ang mga hakbang na lumabas na siya ng kwarto. Nangaligkig pa siya sa lamig nang maramdaman ang hangin na ibinibuga ng aircon.
May slice bread naman at palaman sa kitchen. Pwede na siguro iyon na pangtawid gutom nilang mag ama. Mag oorder na lang siya ng pagkain mamaya para sa dinner nila. Mayamaya ay napailing siya nang mapansin na kahit masama ang pakiramdam ay ang anak pa rin ang iniisip niya. Ayaw niya itong magutom at pagod din ito sa eskwelahan kaya dapat lang na asikasuhin niya ito.
Mabait na bata si Zoey. Ilang linggo palang niya itong nakakasama pero magkasundo na agad sila. Maliban sa magkamukhang magkamukha sila ay pareho rin sila ng ugali. Nang dalhin sa kaniya si Zoey ng tiyahin nito ay totoong nagulat siya. Hindi pa man naisasagawa ang DNA test ay naramdaman na agad niya na anak talaga niya ang bata. Kamukha rin kasi ito ng mommy niya. Hindi na niya matandaan kung paano niya nakilala ang mommy ng anak niya. Nakita naman niya ang picture nito at maganda ang babae. Siguro ay isa ito sa mga nakilala niya noon na naka-one night stand niya.
Sex. Napalunok siya ng biglang maisip iyon. Ilang taon na siyang walang sex life. Baka iyon ang dahilan kaya nilalagnat siya ngayon.
Okay, ang tanga ko para isipin iyon. Bigla ay gusto niyang batukan ang sarili. Masyado na sigurong mataas ang lagnat niya kaya puro kalokohan na lang ang pumapasok sa isip niya.
“Daddy! Nandito ako sa kusina!”
Kumunot ang noo niya nang marinig ang boses ni Zoey. Nasa kusina nga siguro ito dahil hindi niya ito nadatnan sa sala. Naroon ang backpack nito sa couch na katabi ng isang itim na shoulder bag. Muling kumunot ang noo niya. May bisita ba sila?
Kahit na nahihilo ay naglakad agad siya patungo sa direksiyon ng kusina. Naabutan niya ang anak na nakatayo sa silya at kumakanta. Sa tabi nito ay ang hindi niya inaasahang bisita na komportableng kumikilos sa kitchen niya.
“Bakit nandito ka?” gulat na bulalas niya. Tumigil na siguro sa pagtibok ang puso niya nang pumihit paharap sa direksiyon niya si Vanessa. Nagbubukas ito ng malaking balot ng spaghetti noodles at nakatingin sa kaniya.
Damn! Bakit ba kahit na nakauniporme ito at hindi naman sexy ang tabas niyon ay napakaganda pa rin nito sa paningin niya? may suot itong makapal na salamin at ang mahabang buhok ay hinayaan lang nitong nakalugay. Nagmukha itong seductive sa paningin niya kahit na wala naman itong ginagawa para akitin siya.
“Wala daw mag aalaga sa`yo kaya pinuntahan na kita dito.”
Kumabog ng malakas ang dibdib niya sa sinabi nito. Parang computer na gusto na lang magshut down ng utak niya. Hindi siya makapag isip ng maayos habang kaharap niya si Vanessa.
“Ah—”
“Ngayon lang ito, hindi lang talaga kaya ng konsensiya ko na pabayaan ka.” Defensive na turan nito.
Napalundag sa tuwa ang puso niya. Alam niyang iba ang sinasabi ni Vanessa sa totoong nararamdaman nito. Ayaw lang nitong umamin dahil nahihiya itong magpakita ng emosyon sa harapan niya.
“Wala pa nga akong sinasabi.” Napapangiting hirit niya. Parang kinikiliti ang puso niya. Nakakahiya man aminin pero kinikilig siya.
Tiningnan siya ni Vanessa. “Bago ka ngumiti ngiti ng ganiyan, ayusin mo na muna ang sarili mo. Mukha kang nagpapanggap na multo.” Anito.
Natigilan siya. Saka lang niya naalala na nakabalot nga pala siya ng kumot. Napapalatak siya at kahit napahiya ay natawa na lang.
“Wait lang, princess, maliligo ako. Nakakahiya naman sa`yo kung hindi ako presentable ngayon.” Excited na sabi niya. Kanina lang ay hindi na siya makagalaw pa. Pero ngayon ay tatalunin pa niya si ‘the flash’ dahil sa mabilis na pagtakbo niya pabalik ng kwarto.
“Hoy! Hindi ka pwedeng maligo ng may sakit ka. Gusto mo na bang mamatay agad?”
“Daddy ako ba ang tinawag mong princess?”
Napangiti na lang si Fabio. Oo nga pala, dalawa na ang prinsesa niya ngayon.