One month later…
“Matigas talaga ang ulo ng kapatid mo, manang mana sa`yo. Paano niya ako nagawang tiisin ng isang buwan? Pero kungsabagay natiis nga niya na huwag akong makita ng dalawang taon, isang buwan pa kaya?” nakangiting ibinaba ni Fabio ang hawak niyang bulaklak sa tabi ng lapida at naupo sa damuhan.
Ilang beses na siyang pabalik balik sa sementeryo para dalawin si Vincenth. Para mapigilan niya ang sarili na lumapit kay Vanessa ay ang kapatid nito ang naging takbuhan niya. Malamang na isipin ng iba na unfair iyon sa parte ng lalaki dahil baka habang sinasabi niya dito ang mga hinaing niya ay hindi na ito makontento sa pakikinig sa kaniya.
Pero kilala niya si Vincenth, may pagkamalihim ito pero kahit noon pa man ay talagang handa na itong makinig sa kaniya kapag nagsasabi siya ng problema. Hindi rin ito masyadong nagbubukas ng topic noon tungkol sa pamilya kaya hindi niya alam na kapatid nito si Vanessa. Minsan lang nitong nasabi sa kaniya na may kapatid itong babae. Dahil naramdaman niya noon pa man na wala itong balak na magkwento ng mga pribadong bagay ay hindi na siya nagtanong pa.
Apat na taon niyang nakasama si Vincenth at kahit may mga bagay siyang napansin sa pakikisama nito sa kaniya ay hindi niya binigyan ng ibang kahulugan iyon. Nang aminin nito sa kaniya na mahal siya nito ay siya na ang kusang umiwas. Nang makita naman niya ito sa reunion at malaman niya na malapit na pala itong magpakasal kay Candice ay inakala niya na nakalimutan na nito ang feelings nito sa kaniya. Pero hindi nagbago ang pagtrato sa kaniya ng lalaki. Naiinis ito kapag nakikita nitong may kasama siyang babae. Nakahalata na siya na iba na ang mga ikinikilos ni Vincenth kaya iniwasan ulit niya ito. Hanggang sa nabalitaan na lang niya na namatay ito sa car accident noon.
Mahal niya si Vincenth pero bilang kaibigan lang. Parang kapatid na ang turing niya dito kaya kahit na lumampas ito sa limitasyon ng pagiging magkaibigan nila ay hindi niya makuhang magalit o maghihinakit man lang dito. Tama si Vanessa, hindi niya mapipilit ang sarili na mahalin ang kapatid nito. Pero hindi rin niya kayang utusan ang puso na tumigil na sa pagmamahal at kalimutan na lang ito. Para na rin niyang pinatay ang sarili sa oras na ginawa niya iyon.
Narinig niya ang mahinang pagkulog kaya wala sa sariling napatingin siya sa langit. Malamang na mamaya ay umulan na ng malakas. Nagmamadaling tumayo siya at magpapaalam na sana sa kaibigan niya nang masulyapan niya ang maliit at puting paruparo na dumapo sa bulaklak na dala niya.
Napangiti siya bigla. “Ikaw ba `yan Vincenth? Sana naman dalawin mo rin si Vanessa kahit sa panaginip lang. Ipaalala mo sa kaniya na hindi ako mapapagod na hintayin siya.”
Sinundan niya ng tingin ang paruparo nang lumipad iyon palayo. Dahil muling kumulog ay nagpasiya na siyang umalis. Sumakay na siya ng kotse niya at binagtas ang mahabang daan palabas ng sementeryo. May ilang minuto na siyang nagmamaneho nang makita ang pagharang ng maitim na bulto sa daan. Hindi niya alam kung ano ang bagay na iyon pero sa takot na makabangga siya ay pinihit niya pakaliwa ang manibela. Huli na para maiwasan niya ang malaking puno. Kasabay ng malakas na pagpabangga ng bumper ng kotse niya sa katawan ng puno ay ang pagtama ng ulo niya sa manibela. Naramdaman niya ang pagtulo ng dugo sa noo niya at ang unti unting pagdilim ng paningin niya.
*****************************************************
“Kuya! Kuya sandali!”
Kahit masakit na ang mga paa ay panay ang takbo ni Vanessa. Hinahabol niya ang isang puting paruparo. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari basta ang alam lang niya ay ang kuya niya ang paruparong iyon.
“Mag usap naman tayo!” umiiyak na sigaw niya. Tumigil sa paglipad ang paruparo. Nagulat siya ng biglang nagliwanag iyon. Nasilaw siya kaya tinakpan niya ng braso ang mga mata. Nang mawala ang liwanag ay muli niyang tiningnan ang paruparo. Pero hindi na niya ito nakita pa. Ang naroon lang sa harap niya ay ang mismong kapatid na niya.
Nakatayo ito malapit sa ilog at kumakaway sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya at tumakbo palapit sa kapatid niya.
“Kuya! Bakit ngayon ka lang nagpakita sa akin?” umiiyak na tanong niya at niyakap ito ng mahigpit. Napakalamig ng katawan ng kuya niya. Para siyang binalot ng makapal na yelo nang maramdaman ang malamig na yakap nito. “Nilalamig ka ba kuya? Sandali uuwi ako sa bahay, nandoon pa ang paborito mong kumot.”
“Hindi na, hinihintay na ako ni mommy.”
“Si mommy?” gulat na tanong niya.
“Oo, nasa kabila siya. Kapag tumawid ako sa ilog makikita ko siya.” Anito habang hinahaplos ang buhok niya. Hindi niya makita ang mukha ng kapatid dahil napakaliwanag nito. Nasisilaw siya dahil parang tinatamaan ng sinag ng araw ang mukha nito.
“Sasama ako kuya, please?” pakiusap niya.
Tumawa ito at niyakap siya.
“Hindi mo pa oras kaya hindi ka pwedeng sumama sa akin. Magkakaroon ka pa ng masayang buhay kaya hindi mo pa ako makakasama.”
“Hindi ako magiging masaya kung hindi ko kayo kasama ni mommy.” Humihikbing sabi niya.
“Sinasabi mo lang `yan kasi nakokonsensiya ka.”
“Kuya…”
Hinawakan nito ang mga pisngi niya at tiningnan siya sa mga mata. Hindi pa rin niya makita ang mukha ng kapatid at hindi niya maintindihan kung bakit. Napakaliwanag rin ng paligid at napakaraming paruparo na nagliliparan patawid ng kabilang ilog.
“Dinalaw lang kita kasi nakukulitan na ako kay Fabio, palagi siyang nagpupunta sa akin at nagsusumbong na pinapahirapan mo daw siya.”
“Galit ka sa kaniya `di ba kasi hindi ka niya magawang mahalin?”
Umiling ito. “Nagmahal ako pero hindi ibig sabihin ay obligasyon na rin ni Fabio na mahalin ako. Nagmahal ako kasi choice ko `yun. Nasaktan ako kasi iyon ang consequence nang pagmamahal ko sa kaniya. Hindi ako galit kay Fabio at mas lalong hindi ako magagalit sa`yo kung tatanggapin mo siya sa buhay mo.”
“Paano ka?”
“Masaya na ako dito, Vanessa. Hindi mo na ako makakasama pero palagi kitang babantayan.”
“Natatakot akong masaktan ka dahil nagawa kong mahalin ang lalaking mahal mo.” Napahagulhol na siya ng iyak kaya muli siyang niyakap ni Vincenth.
“Huwag mong isipin `yan. Hindi ako nagagalit sa`yo, masaya ako dahil alam ko na sa mabuting lalaki ka mapupunta. Alam kong tuluyan mo nang pinutol ang koneksiyon mo kay daddy kaya mas mapapalagay lang ang loob ko kung may lalaking mag aalaga at magmamahal sa`yo, at si Fabio `yun. Kayo talaga ang para sa isa’t isa kaya bakit mo pipigilan ang sarili mo na mahalin siya. Paano ang magiging baby ninyo?”
“B-baby?”
Humalakhak si Vincenth at bumitiw mula sa pagyakap sa kaniya. Napasigaw na siya ng unti unting maglaho ito sa paningin niya. Ilang beses niya itong tinawag pero hindi na niya ito nagawa pang pigilan sa pag alis. Naging paruparo na naman ito at lumipad patungo sa direksiyon ng ilog.
“Kuya huwag!”
“Miss Vanessa!”
“Kuya!” mabilis na iminulat ni Vanessa ang mga mata nang maramdaman na parang may yumuyugyog sa balikat niya. Nakatulog na pala siya sa mesa niya at ang janitress ng eskwelahan ang gumising sa kaniya. Nang tumuwid siya ng upo ay nakaramdam siya nang pagkahilo.
Ilang araw ng masama ang pakiramdam niya. Palagi siyang matamlay at nagsusuka. Siguro ay may nakain siya at hindi agad siya natunawan kaya palagi na lang nangangasim ang sikmura niya. Nahagod niya ang batok at pinunasan ang mga luha sa pisngi niya. Naalala niya ang panaginip niya. Ngayon lang dumalaw sa panaginip niya ang kuya Vincenth niya. Malinaw pa sa isip niya ang naging huling pag uusap nila.
“Miss Vanessa ginising na po kita kasi magsasara na po ang gate at saka kanina pa po may tumatawag sa cellphone mo.” Sabi ng janitress.
Sakto naman na nag ingay ang cellphone niya. Sinagot niya ang tawag nang mabasa ang pangalan ni Zoey sa screen.
“Hello?”
“Teacher si daddy po nasa ospital ngayon.” Umiiyak na sabi ng paslit.
Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig dahil sa sinabi ni Zoey. Mabilis na tumayo siya at kinuha ang bag. Basta na lang niya iniwan ang susi ng classroom niya sa janitress at natatarantang kinausap niya ang bata.
“Huwag ka nang umiyak, Zoey. Pupunta na ako diyan ngayon.”