Hindi magawang tumutol ni Suzy nang dalahin siya ni Juancho sa tenth floor ng hotel building kung saan naroon ang private suite nito.
Gustuhin man kasi niyang magreklamo ay alam niyang siya rin ang mapapahamak. Kung gagawa siya ng eskandalo ay baka pagbawalan pa siya ni Juancho na tumapak sa pag aari nitong hotel. Kailangan pa naman niyang magpunta doon para maghanap ng bagong prospect niya.
Naisip niya na mas mabuti na sigurong ang magiging ama ng anak niya ay dayo lang sa bayan nila. Walang hassle dahil may posibilidad na hindi na bumalik pa ang lalaki sa lugar nila. Sinubukan naman niya noong una na tingnan sa Facebook ang ilan sa mga kaklase niya noong college pero kung hindi proud addict ay may asawa na ang karamihan sa mga ito.
Wala talaga siyang choice kundi ang maghanap ng lalaki na walang masyadong koneksiyon sa lugar nila.
“Wow!” hindi makapaniwalang bulalas ni Suzy nang tuluyan na siyang makapasok sa loob ng marangyang suite ni Juancho.
Sa malinis na ayos pa lang ng buong lugar ay alam niyang hindi masyadong ginagamit ang suite na iyon. Naalala niya ang tent sa rooftop building ng hotel. Siguro ay doon ito madalas na magpalipas ng oras sa halip na sa malambot na kama na naroon sa silid.
Nang maramdaman niya ang pabalibag na pagsara ni Juancho ng pinto bago siya nito muling hinarap ay malakas na napapalatak siya at pumihit paharap dito. Tinaasan niya ito ng isang kilay. Gusto niyang mapahalakhak nang mapansin ang pamumula ng buong mukha nito. Kung lalaki lang siguro siya ay baka kanina pa siya nito hinamon ng suntukan para lang tuluyan na nitong mailabas ang galit nito.
“Where’s your phone?” seryosong tanong nito sa kaniya.
Napakunot noo siya at agad na itinago ang cellphone sa bandang likuran niya. Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito at muling humakbang palapit sa kaniya.
“No!” asik niya sa lalaki nang lumapat ang katawan niya sa matigas na katawan nito.
Pero sa halip na magprotesta ay parang nagkaroon pa ng matinding komosyon sa katawan niya nang lumapat ang dibdib niya sa katawan nito.
Shit.
Natiklop niya ang mga hita nang makaramdam siya ng kakaibang init ng katawan. Kahit umabot siya sa ganoong edad na birhen pa siya ay aminado siya na hindi na siya inosente pa pagdating sa iba pang bagay na may kinalaman sa pakikipagtalik.
Ilang beses ng muntik na may nangyari sa kanila ng dati niyang boyfriend. At hindi iyon ang unang beses na nakaramdam siya ng ganoong klase ng init. Pero ang init na bumabalot sa kaniya ngayon ay higit na mas matindi. Mas mapaghanap.
Nanlaki ang mga mata niya at agad na tumili ng malakas nang ipaloob ni Juancho ang matigas na bisig nito sa baywang niya. Sinamantala naman nito ang pagkatulala niya dahil nagawa nitong hapitin siya at kunin ang cellphone sa isang kamay niya.
“Juancho!” inis na sabi niya nang ngumisi ito at may kung anong pinindot sa cellphone niya.
Hindi pa rin siya nito binibitawan hanggang ngayon. At siya naman ay hindi magawang magprotesta kahit na nararamdaman niya ang paglalapat ng mga dibdib nila.
Jesus Christ!
Ilang taon na ba siyang hindi nagkaroon ng kahit simpleng body contact lang sa isang lalaki at bakit kailangan niyang makaramdam ng ganoong klase ng pagkasabik? Pigil niya ang paghinga nang ibalik na ni Juancho sa kaniya ang cellphone niya.
Bumangon ang matinding inis sa dibdib niya nang makita na wala na sa contacts niya si Miguel. Naniningkit ang mga matang tumingin siya kay Juancho.
“Fuck you!”
“Thanks, love.” Nakangising sabi nito sa kaniya.
Pinigilan niya ang pagbaha ng maraming emosyon sa puso niya nang mapansin na kumikislap na ang mga mata nito. Kanina ay parang inis na inis ito at gusto na siyang ihagis sa labas ng hotel. Ngayon naman ay daig pa nito ang nanalo sa lotto.
“Ano? Masaya ka na ngayon na hindi ko na matatawagan si Miguel?” pasarkastikong tanong niya.
Pigilan mo Suzy! Utang na loob naman! Pigilan mong maakit sa kaniya.
Napalunok siya nang mula sa kontentong pagyapos lang sa baywang niya ay umakyat na ang mga palad ni Juancho para sapuhin ang mga pisngi niya.
Halos panlumbatan na siya ng mga tuhod ng rumehistro sa balat niya ang init na nagmumula sa katawan ni Juancho. Mas lalo pang nakadagdag sa pagkatuliro ng puso niya ang nakitang pagngiti nito.
Oh-la-la!
Bumata siguro ito ng halos sampung taon dahil sa simpatikong ngiti sa mga labi nito.
“Natatawa ka pa.” Inis na sabi niya at tinabig ang mga kamay nito.
Pero walang lakas ang buong katawan niya kaya ang pagtabig niya ay parang naging pagtapik lang. Natawa si Juancho at yumuko para magpantay ang mga mukha nila. Kung hindi pa iyon gagawin ng lalaki ay baka mangawit na ang leeg niya sa pagtingala dito.
Kahit na matangkad kasi siya kumpara sa ibang mga Filipina ay halos umabot lang naman siya sa baba ng lalaki.
“Sabi ko naman kasi sa'yo, hindi ka magtatagumpay.”
Napaismid siya.
“Kamuntik na akong magtagumpay kaya lang palagi mo na lang akong pinipeste. Kung ayaw mong magkaroon ng pamangkin sa akin, fine! Pero hindi mo ako mapipigilan na maglabas masok dito sa hotel mo. May mga kakilala din naman ako na madalas magcheck in dito at pwede ko silang gamitin para makapasok ako dito sa hotel ng walang problema.”
“At anong gagawin mo dito?”
“Maghahanap ng daddy ng anak ko. Siguro naman hindi mo na ako mapapakialaman pa dahil hindi ko na gagalawin ang kapatid mo.”
Fuck.
Parang noong isang araw lang ay nangako pa siya sa sarili na gaganti sa lalaking ito. Oo nga at gumanti na siya kanina dahil nakuha na niya ang atensiyon ni Miguel. Pero nakialam na naman si Juancho sa diskarte niya. Pero kung tutuusin ay wala naman talaga siyang plano na isama pa ang kahit sino sa mga kapatid ni Juancho sa plano niya.
Ipinakita lang naman niya sa lalaki kanina kung sino ba talaga ang kinakalaban nito. Hindi tuloy niya mapigilan ang mapangiti kapag naaalala niya ang hitsura nito habang kausap niya si Miguel. Daig pa nito ang nakakita ng multo.
Pero tapos na ang pakikipaglaro niya kay Juancho. Kailangan na niyang kumilos sa lalong madaling panahon dahil ang dalawang kuya niya na parehong mas matigas pa sa semento ang mga pagmumukha ay magkasabay na nag uwi ng babae sa bahay nila. Wala naman sinabi ang lolo Impeng niya.
Pinagsabihan na rin niya ang matanda na huwag nang pagalitan ang dalawang apo dahil baka makasama pa iyon sa kalusugan nito.
“Daddy ng anak mo?”
Napalis ang ngisi sa mga labi niya nang mapansin ang pagdilim ng mga mata ni Juancho. Kung tingnan siya nito ay para bang gusto nitong iparating sa kaniya na hindi nito nagustuhan ang sinabi niya. Biglang tumalim ang tingin nito na parang kulang na lang ay magbuga na ito ng apoy ng mga sandaling iyon.
Pero bakeeeet?!
“Magkano ba ang kailangan mong pera para tigilan mo na lahat ito?” mariing tanong nito sa kaniya.
Bumaba sa mga braso niya ang mga kamay nito at nanlilisik ang mga mata sa galit na niyugyog siya.
Nagimbal siya sa narinig at inipon ang lahat ng lakas sa katawan niya para maitulak ito palayo sa kaniya. Nanginginig sa pagkabigla ang buong katawan na tiningnan niya ng masama si Juancho.
“Hindi pera ang kailangan ko! Hindi mo maiintindihan iyon dahil hindi ka nanggaling sa hirap na katulad ko. Nakahiga ka sa salapi kaya kahit anong sabihin mo hinding hindi mo mararamdaman ang nararamdaman ko ngayon.” Matapang na sabi niya at tinalikuran na ito.
Pero hindi pa man niya naihahakbang ang mga paa ay narinig na naman niyang nagsalita si Juancho.
“Fuck! Akala mo ba madali lang sa akin itong ginagawa ko? Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi pa kita magawang isumbong kay Miguel. Hindi ko rin alam kung bakit palagi ka na lang laman ng isip ko. Pinagmumukha ko ng tanga ang sarili ko ng dahil lang sa isang babae!”
Natigilan siya at nanlulumong tumingin sa kawalan. Naikurap niya ang mga mata at hindi makapaniwalang napabuntong hininga na lang siya. Katulad ba niya ay attracted din si Juancho sa kaniya?
Pinigilan niya ang makaramdam ng kasiyahan at marahas na umiling habang hindi pa rin niya nililingon ang lalaki.
“Back off, Mondemar. Hindi ka kasama sa mga plano ko.”