Nakatulala lang si Suzy habang nakaupo siya sa isang may kataasang box at hinihintay ang buyer na kakausapin ni lolo Impeng. Kahit alam niya na wala naman dapat siyang kinalaman sa transaction na iyon ay gusto pa rin niyang makita ang mukha ng buyer.
Hindi pa naman kasi sinasabi ng lolo niya kung ano ang pangalan ng taong kakausapin nito. Basta isang araw daw ay nagpunta sa carnabal ang buyer at nang magustuhan ng lolo niya ang plano ay nangako ito na tatawagan ang buyer kapag buo na ang desisyon nito na ibenta ang carnabal nila.
"Suzy, wala ka bang gagawin? Hindi ka pwedeng tumambay na lang dito sa opisina ko habang hinihintay ko ang taong kausap ko."
Napalabi siya at nilingon ang lolo niya. Naroon ito sa mesa nito at may kung anong isinusulat sa notebook. Umiling lang siya bilang tugon sa tanong ng matanda. Kahit siguro ang pagbuka ng mga labi ay wala na siyang lakas na gawin.
Hindi pa rin kasi siya makapaniwala sa nangyari noong isang araw. Sa tuwing naaalala tuloy niya ang ginawa niyang katangahan ay gusto na niyang sabunutan ang sarili niya. Kung natuloy ang plano niya at nagbuntis siya ay siguradong masisira ang tingin sa kaniya ng lolo Impeng niya.
Tinakpan niya ang bibig nang magsimula siyang maghikab. Ilang oras lang ang tulog niya kaya parang antok na antok pa rin siya hanggang ngayon. Napuyat siya dahil sa napakaraming mga bagay na iniisip niya.
Ang gusto ng lolo niya ay mag aral na siya sa sunod na semestre. Pumayag naman siya dahil ayaw niyang madismaya ito sa kaniya. May kausap na rin itong tao na may ari ng bahay na balak nitong bilihin. Nakita niya ang bahay at nagustuhan naman niya iyon. Galit pa rin si lolo Impeng sa mga kuya niya pero nangako ito na hindi pababayaan ang dalawa.
Pero dahil magkakaroon na ng kaniya kaniyang mga pamilya ay hindi na pwedeng pumisan ang mga ito sa kanilang maglolo.
Mamayang gabi na rin ang last performance niya at ng mga kasama nila. Nagdesisyon na ang lolo niya na itigil ng mas maaga ang operasyon ng peryahan para makapaghanap daw agad ng trabaho ang mga tauhan nila. Sa parte niya ay mahirap tanggapin iyon pero alam niya na para din iyon sa ikabubuti ng lahat.
Dumungaw mula sa labas ng pinto si Tiya Guanda para ipaalam na naroon na ang bisita ng lolo Impeng niya. Patalon na bumaba siya sa ibabaw ng kahon at hinintay na pumasok sa loob ng maliit na opisina ang taong hinihintay nila.
Pero hindi niya inaasahan na si Juancho ang bubungad sa kanila. Napaatras siya sa pagkagulat at tutop ang mga labi na tiningnan ito. Ngumiti ito sa kaniya at bumaling ng tingin sa abuelo niya. Nag usap ang dalawa at ipinakilala siya kay Juancho ng lolo niya. Kumakabog ang dibdib na lumapit siya at tinanggap ang nakalahad na kamay nito.
Napalunok siya nang maramdaman ang init na nagmumula sa palad nito. Hindi niya magawang salubungin ng tingin ang mga mata nito. Sana lang ay hindi mapansin ng lolo niya ang naging reaksiyon ng katawan niya.
Kung hindi pa nagsalita ang matanda ay parang wala pang balak si Juancho na pakawalan ang palad niya. Magalang na nagpaalam siya sa dalawa para makapag usap na ang mga ito. Lumabas na siya ng opisina at lumiko malapit sa exit gate ng carnabal kung saan naroon ang ginagamit nilang tent kapag nagsasagawa sila ng magic show.
Patakbong pumasok siya sa loob ng tent at lumapit sa maliit na entablado. Tutop ang tapat ng puso na naupo siya sentro ng entablado at inilibot ang pansin sa buong paligid. Yari man sa tent ang mga haligi at bubong ng lugar ay malawak naman iyon na tamang tama para sa entablado at mga upuang yari sa kahoy para sa mga manonood.
Ngumiti siya at niyakap ang mga tuhod habang nakatitig lang siya sa kawalan. Hindi niya alam kung ilang minuto o oras siyang nanatili sa ganoong posisyon habang binabalikan niya ang mga alaala niya sa peryahan.
Mayamaya pa ay nakarinig siya ng mga kaluskos at nang pagtabi ng kung sino sa kaniya. Gulat na napalingon siya sa bandang kaliwa niya at natigilan nang makita sa tabi niya si Juancho.
"Juancho.." natitigilang anas niya.
"Masyadong malalim ang iniisip mo kaya hindi mo na napansin ang pagdating ko." Nailing na turan nito.
Pilit na ngumiti siya. "Okay na ba ang napag usapan ninyo ni Lolo?"
Tumango ito. "Okay na lahat. Marami pang proseso pero madali naman kausap ang lolo mo."
"Mabuti kung ganoon.." mahinang wika niya.
"Hey!" masuyong ipinatong nito ang kamay sa ibabaw ng ulo niya at ginulo nito ang buhok niya.
Umungol siya bilang pagprotesta sa ginawa nito at tinapik ang kamay nito.
"Problem?"
Malungkot na nilingon niya si Juancho.
"Sabihin mo nga sa akin, Juancho. Ano ba ang negosyong itatayo ninyo dito? Gusto ko lang malaman para kahit papaano ay makampante na ako."
Natigilan ito at mayamaya ay nakakaunawang ngumiti at hinuli ang isang palad niya.
"Planong magpagawa nila daddy ng ospital at itong location ninyo ang napili namin."
"Ospital? Para ba iyon sa mga mahihirap o baka naman private-"
"Public hospital. Kaya nga siguro napapayag namin agad ang lolo mo dahil maganda naman ang plano at intensyon namin. Para ito sa mga kababayan natin. Nakarating na rin siguro sa'yo ang balita na masyado ng maraming pasyente ang public hospital natin dito sa bayan at hindi maiwasan na magsiksikan sila. Inaayos na nila Governor Seth ang lahat para masimulan na ang construction next month."
Sa sinabi nito ay unti unting gumaan ang pakiramdam niya. Hindi naman pala mahirap intindihin ang naging desisyon ng lolo niya dahil kahit mawala na sa kanila ang peryahan ay makakatulong naman sila sa mga tao.
"Mag aaral na ako sa sunod na semester. Kapag nakagraduate na ako pwede ba akong mag apply sa kompanya mo?"
"Kahit sa buhay ko pwede kang mag apply."
Pumalatak siya. "Seryoso ako,"
"Seryoso din ako," anito at kinabig siya palapit sa tabi nito. "Saan ka mag aaral?"
"Bakit susundan mo ba ako?"
"Gagawin ko iyon kahit hindi mo pa sabihin."
"Ang swerte ko naman pala. Sa lahat ng may stalker ako na ang walang karapatang magreklamo."
Humalakhak ito habang siya naman ay napapangiti na lang. Ano ba ang nagawa niyang kabutihan sa mundo at bakit biglang may ganito kagwapong anghel ang bigla na lang sumulpot sa buhay niya.
Habang pinanonood niya ang bawat pagkibot ng mga labi ni Juancho ay hindi niya mapigilan ang mapabuga ng malalim na hininga. Naroon na naman ang pamilyar na pagkabog ng dibdib niya. Parang binabayo na naman ng malakas ang dibdib niya at siguro ay iyon ang pumipigil sa kaniya para makahinga ng maayos.
Lumabi siya at hindi mapigilan na ipaloob ang mga palad niya sa mainit na mga pisngi ni Juancho. Natigilan ito at hindi kumukurap ang mga mata na tumitig sa kaniya.
"Ang gwapo mo na ulit." Parang wala sa sariling nasambit niya.
Maliban sa inahit na niya ang balbas nito ay kinumbinsi pa niya itong magpagupit ng buhok. Tutol ito noong una dahil tinatamad daw lumabas ng hotel. Pero matapos niyang pangakuan ng maraming halik na kagaya ng hiling nito pumayag na ito sa huli.
"I've missed you.." anas nito at hinuli ang mga palad niya.
"Ako rin, kung alam mo lang." sinserong sagot niya.
Nang dalhin siya nito sa mga bisig nito ay awtomatikong isinandal niya ang ulo sa dibdib nito. Napangiti siya nang marinig ang mabilis na tibok ng puso ni Juancho.
"Kinakabahan ka ba?" natatawang tanong niya.
Tumango ito at masuyong hinalikan ang ibabaw ng ulo niya.
"Sobra. Palaging ganito ang nararamdaman ko kapag nakikita o nahahawakan kita." Pag amin nito.
Namumula ang mga pisngi na nag angat siya ng tingin kay Juancho. Inilagay niya sa tapat ng puso nito ang kanang palad niya at muling nakiramdam habang nakatitig sila sa isa't isa.
"Naniniwala ka na?" nangingiting tanong nito.
Hindi agad siya nakapagsalita dahil pakiramdam niya ay biglang umurong ang dila niya. Masuyong hinaplos nito ang kaliwang pisngi niya habang nananatili sila sa ganoong posisyon.
"Naalala mo ba nang sabihin ko sa'yo na marami akong plano para sa ating dalawa
?"
"A-ating dalawa?"
Heaven!
"Gusto kong manligaw sa'yo."
"H-ha?"
Natawa ito.
"Manliligaw ako sa'yo pero gusto ko munang matapos ang transaction namin ng lolo mo dahil ayokong mahaluan ng business ang relasyon nating dalawa."
"J-juancho.."
"Oh, dear, you can't say no. Nahalikan na kita at ilang beses nang.....kamuntik na may mangyari sa atin." Bumakas ang pag aalala sa mga mata nito bago nagmamadaling kinabig siya at niyakap ng mahigpit.
Napaawang ang mga labi sa pagkagulat dahil sa inakto ng lalaki. Kung makapagreact kasi ito ay parang mawawala siya dito at tatanggi siya sa gusto nito. Napapailing na hinagod niya ang likod nito.
"Payag ako."
"Talaga?" ipinatong nito ang baba sa ibabaw ng balikat niya habang masuyong hinahaplos nito ang mahabang buhok niya.
"Makakatanggi pa ba ako 'eh parang gusto mo na nga akong pikutin." Pabirong umismid siya kaya natawa ito.
"True."
Nang may maalala ay bigla siyang natigilan at nanlumo. Daig pa niya ang nasalanta ng bagyo dahil nalaglag ang mga balikat niya at marahas na napabuntong hininga. Napansin ni Juancho ang pananahimik niya kaya pinakawalan siya nito at nagtatakang sinapo ang mga pisngi niya.
"Why?"
"Naisip ko lang kasi na napakalayo ko kung ikukumpara ako sa ibang babae na nasa sirkulasyon mo. O-okay lang kaya kapag nalaman ito ng pamilya mo? Magsisimula pa lang akong ayusin ulit ang buhay ko, Juancho. Mag aaral pa lang ako ulit ako at marami pa akong kakaining bigas bago ko masabing deserving ako para sa'yo-"
"Ssssh.." tinakpan ng daliri nito ang mga labi niya para pigilan siyang magsalita.
"Huwag mong sabihan iyan. Hindi tayo magkakaroon ng problema sa pamilya ko dahil mabait silang lahat."
Bumaha ang katuwaan sa dibdib niya at hindi mapigilang haplusin ang pisngi nito. Hinalikan nito ang palad niya pero nagulat ito ng sa muli niyang paghaplos sa pisngi nito ay mayroong pisong barya sa kamay niya.
Ginalaw niya ang mga daliri at muling may lumitaw pang isang barya sa pagitan ng dalawang daliri niya.
Gumamit siya ng madali lang na magic trick para mapangiti ulit ito.
"Magic." Nangingiting sabi niya kay Juancho.
Nagniningning ang mga matang tumango ito at hinila ang isang kamay niya para maglapit ang mga mukha nito. Suminghap siya nang ipaloob nito ang mga palad sa mga pisngi niya.
"Yeah..just like you, baby." Sambit nito bago inangkin ang nakaawang na mga labi niya.