Tinupad ni Juancho ang sinabi nito na pagkatapos ng pakikipagnegosasyon nito sa lolo Impeng niya ay magsisimula na ito sa pormal na panliligaw sa kaniya.
Nakakatawa man isipin na alam naman niya na lampas na sila sa ganoong level pero kailangan pa rin nitong gawin iyon para daw magkaroon ng pormalidad ang relasyon nila. Alam kasi nito na lumaki siya sa lolo at ang paniniwala ng mga matatanda ay dapat na sa bahay sinusuyo ang babae.
Hindi naman nagpahuli si Juancho dahil matapos nitong pormal na magpaalam sa lolo niya na liligawan siya ay madalas na nga itong magpunta sa bagong bahay nila para bisitahin siya. Binubusog siya nito sa mga bulaklak at mga pagkain na ibinibigay nito sa kaniya.
Minsan pa nga ay nasosorpresa na lang siya dahil biglang pupuntahan siya ni Dorothea para lang iabot sa kaniya ang pagkain na ipinaorder pa daw ni Juancho sa mamahaling restaurant. Ang alam niya ay malapit nang bumalik sa trabaho ang lalaki at kinukumbinsi nito si Miguel na ibigay na dito si Dorothea para may bago itong assistant.
Pag iisipan pa daw ng boss ni Dorothea dahil hindi madaling makahanap ng tauhan na kasing galing at liksi ng pinsan niya.
Ngayon ay pagkakataon naman niya para kilalanin ang buong pamilya ni Juancho. Minsan na niyang nakita ang mga magulang ni Juancho sa ospital pero hindi siya nagkaroon nang pagkakataon na makausap ang mga ito. Hindi biro ang kabang nararamdaman niya ngayon habang naroon siya sa sala at kaharap ang mga magulang ng binata.
Habang hawak nito ng mahigpit ang kamay niya ay napapabuntong hininga na lang siya habang nakatutok sa kaniya ang mata ng lahat.
Nakita niya si Allyson habang katabi nitong nakaupo sa sofa ang fiancée nito na si Jaime. Ayon kay Juancho ay tradisyon na pala ng pamilya nito na kailangan na munang tumira sa mansiyon ang babaeng pakakasalan ng isang binatang Mondemar. Paraan daw iyon para makilala pa lalo ng mga ito ang isa’t isa at lalo na ng pamilya ng lalaki.
Pagkatapos ng kasal ay maaari nang tumira saan mang mansiyon na gustuhin ng mag asawa. Malawak ang buong lupain ng pamilya kaya hindi lang isang mansiyon ang nakatayo doon. May limang mansiyon pa daw doon na ipinatayo pero magkakalayo naman ang mga agwat.
Bahagyang nabawasan ang kaba niya nang ngitian siya ni Allyson. Hindi sila masyadong magkakilala pero schoolmates sila noong high school sa isang public school. Ngumiti siya dito at nang sulyapan ang mga magulang ni Juancho ay nahihiyang tumango siya.
“Good evening po.”
Nakangiting lumapit sa kaniya si Donya Leticia. Natutuwang niyakap siya nito.
“Ang ganda-ganda mo naman hija,”
“T-thank you po,”
Kahit ang mga kapatid ni Juancho ay isa-isang bumati sa kaniya at nagpakilala. Hindi niya mapigilang humanga nang makita ang mga kapatid nito. Hindi na siya magtataka kung bakit napakaraming babae ang nahuhumaling sa limang magkakapatid. Para siyang nakatapak sa Mount Olympus at nakakita ng napakawagpong mga nilalang.
Mayamaya ay may tatlong chikiting ang kumalabit sa kaniya. Natigilan siya at niyuko ang mga ito. Nanlaki ang mga mata niya ng makita ang triplets na mga anak pala ni Jaime.
“Hello, ang cute naman ninyo.” Bumitiw siya mula sa mahigpit na paghawak ni Juancho sa kamay niya at lumuhod para magawa niyang pumantay sa mga bata.
“Kayo po ba ang magiging tita namin?” inosenteng tanong ng isa sa mga paslit.
Nagtawanan ang mga naroon at nang lingunin niya si Juancho ay pailing iling lang ito. Mahahalata ang ngiti sa mga labi na pilit nitong itinatago.
“Wala akong sinabi…wala pa akong sinasabi.”
“Alam na nila agad,” sabi ni donya Leticia.
Niyakap niya ang mga bata at nangingiting tumayo na lang siya.
Nagulat siya nang hawakan ng donya ang kamay niya at parang gusto siyang hilahin palayo sa ibang naroon. Tinawag nito si Allyson kaya lumapit sa kanila ang babae.
“Mag uusap tayong tatlo.”
“Mom!” magkasabay na angal nila Juancho at Jaime.
“Huwag kayong makialam. Usapan ng mga babae ito.” Umirap ang ginang at nagmamadaling isinama na silang dalawa ni Allyson palayo.
Mahigit isang oras din ang itinagal ng chikahan nilang tatlo bago nagpaalam ang mommy ni Juancho na sisilip na muna sa kusina para tingnan kung tapos nang magluto ang kusinera.
Si Allyson naman ay nagpaalam din para tingnan ang isa sa triplets na kanina pa daw nilalagnat. Naiwan siya sa garden na paboritong tambayan daw ng ginang. Naglakad lakad siya at pinagmasdan ang magagandang halaman.
Akmang hahawakan niya ang isang magandang bulaklak nang maramdaman ang matigas na mga bisig na yumakap sa baywang niya. Napangiti siya nang rumehistro sa balat niya ang kakaibang init na nagmumula sa katawan ni Juancho.
Masuyong hinaplos niya ang mga kamay nito na nakapaloob sa tiyan niya. Napakahigpit ng yakap nito sa kaniya na para bang wala na itong balak pang pakawalan siya.
“Please..please sabihin mo sa akin na walang sinabi sa'yong kahit ano si mommy?” nag aalalang tanong nito at ibinaon ang mukha sa leeg niya.
“Na ano? Na grade five ka na pero umiihi ka pa rin sa kama? ‘O iyong umuwi ka from school at umiiyak ka daw dahil nalaman mo na magpapakasal na sa boyfriend niya ang teacher mo.”
Umungol ito. “Matagal na iyon,”
“Nahihiya ka ba? Okay lang iyon, parte sila ng kabataan mo kaya natutuwa akong malaman. Ang cute mo Juancho—ay!” tumili siya ng malakas nang pihitin siya nito paharap sa direksiyon nito.
“I hate you,” nakalabing sabi nito.
“Dapat talaga sinundan na kita kanina pa.”
“Okay lang iyon,” tumango siya at hinaplos ang mga pisngi nito.
Pinagkiskis nito ang tungki ng mga ilong nito. Nang mapansin ang pagbaba ng mukha nito para angkinin ang mga labi niya ay natigilan siya at itinulak ito ng bahagya sa dibdib.
“Teka, hindi pa ako nakakapagdecide kung sasagutin na kita.” Pigil niya.
“Ngayon? Mamaya? Bukas? Hindi ko alam, love. Hindi na naman ako makapag isip ng maayos.” Wika nito habang nakatitig sa mga labi niya.
“Tutulungan na kitang mag isip.”
Sabi niya at hinatak ang kwelyo ng damit nito. Pareho pa silang napaungol nang maglapat ang mga labi nila. Nagbago na pala ang isip niya. Hindi na kasi dapat pa na pag isipan ang lahat.
Yes na agad!