(Ayesha)
NAKAKAILANG ang naging maghapon ko sa campus sa araw na ‘yon dahil kay Cain. Sa bawat klase ko mayroong mga nakasaksi sa nangyari kanina sa labas ng gate. Maraming ayaw akong tigilan sa kakatanong kung sino si Cain. Maging si Raye na hindi nasaksihan ang nangyari at narinig lang sa iba tanong ng tanong sa akin. Pero ano naman ang isasagot ko na hindi ako lalabas na gumagawa lang ng kuwento? Kahit kay Raye, paano ko sasabihin ang tungkol kay Cain na hindi ko mababanggit ang naging engkuwentro ko kay sir Angus? Ayokong banggitin si sir dahil lalong hindi matatapos ang pagtatanong ni Raye kung sakali.
Kaya ang sabi ko na lang sa mga nagtatanong kakilala ni mama sina Cain. Na si mama ang hinahanap nila at napagtanungan lang nila ako. Hindi sila kumbinsido sa paliwanag ko pero madali akong nakakatakas palayo sa mga nagtatanong. Nagkataon din na puro major subjects ang mga klase namin ni Raye kaya kahit gusto niya akong i-enterrogate hindi pwede dahil magkalayo at magkasabay ang schedule ng mga klase namin. Katunayan mas maaga pa nga ang oras ng uwi ko kaysa sa kaniya.
Pagdating ko sa fastfood chain kinahapunan para sa shift ko nakita ko na agad na nakaparada ang itim na kotse ni Cain sa parking lot. Kumunot ang noo ko habang nakatitig ‘don. Pagkatapos lumingon ako sa loob ng fastfood chain. Katulad ng hinala ko nakapuwesto na sa pandalawahang lamesa na kadikit ng glass wall sina Cain at ang lalaking palagi niyang kasama.
Huminga ako ng malalim at saka lumakad papasok sa fastfood chain. Patalikod na nakaupo si Cain mula sa pinto kaya hindi pa niya ako napansin na dumating. Likod lang din niya ang nakikita ko at hindi ang mukha niya. Napahinto ako sa paglalakad. Kumabog ang dibdib ko nang marealize ko na pamilyar ang bulto ng likuran ni Cain. Biglang bumalik sa isip ko ang panaginip ko.
Ang nakatalikod na lalaki sa underground tunnel. Ang lalaking dahilan kaya ako nagising kaninang umaga na umiiyak. Posible bang si Cain ang lalaki sa panaginip ko? Pangitain ng pagkikita naming dalawa ngayon? Na nagkita na kami dati pero hindi ko lang matandaan?
Kumurap ako nang biglang mapatingin sa akin ang lalaking kasama ni Cain na siyang nakaharap sa direksiyon ko. Kasunod ‘non dumeretso ng upo si Cain at lumingon din sa akin. Parang may balak pa nga siyang tumayo at lumapit sa akin pero pinanlakihan ko siya ng mga mata at sumenyas na huwag na siyang lumapit. Nasulyapan ko na kasi ang manager ko na nakamasid, medyo nakataas na ang kilay. Bawal kami tumambay at makipagkuwentuhan sa customer lalo na at malapit na akong ma-late. Kaya tinapunan ko ng huling sulyap sina Cain, tipid na ngumiti at saka nagmamadaling pumasok sa staff room para mag-log in at magpalit ng damit.
IPINUWESTO agad ako ng manager bilang cashier. Sa kung anong dahilan marami kaming customer sa gabing ‘yon. Halos lahat mga babaeng estudyante at empleyado ng mga kalapit na business establishments. Ni isang minuto hindi ko magawang magpahinga. Pero sa tuwing mapapalingon ako sa lamesa nina Cain naroon pa rin sila, hindi tumitinag, patingin-tingin din sa akin at walang bakas ng pagkainip sa mga mukha. Nakailang sulyap ako sa kanila bago ko narealize na hindi lang ako ang tumitingin kina Cain. Lahat ng mga babaeng customer sa kanila ang atensiyon. Ngayon alam ko na kung bakit ang daming tao ngayon.
Napabuntong hininga ako at ibinalik ang atensiyon sa trabaho. Alas diyes natapos ang shift ko. Nagbihis ako sa staff room at pagkalabas ko wala na sa lamesang inookupa nila kanina ang dalawang lalaki. Kumunot ang noo ko saka iginala ang tingin sa paligid. Nandoon lang sila kanina bago ako pumasok sa staff room ah.
Nagtataka pa rin na lumabas ako ng fastfood chain. Hanggang makita kong nakaparada pala sa ‘di kalayuan ang itim na kotse. At nang makalayo ako ng kaunti sa entrada ng kainan at nakalapit sa sasakyan bumukas ang pinto ng driver’s seat, bumaba ang lalaking kasama ni Cain at binuksan ang pinto sa back seat para sa akin. Sa loob nakita kong nakaupo si Cain. Hindi ako kumilos para pumasok sa loob.
“Get in, miss. Kakausapin kayo ni Master Cain,” sabi ng lalaking nagbukas ng pinto.
“Bakit kailangan diyan pa? Pwede naman sa loob ng fastfood chain.” O kahit saan na may ibang tao. Iyong hindi confined at mahirap labasan. Hindi sa pinagdududahan ko ang kabutihan ng loob ni Cain. Pero bata pa lang ako mahigpit nang pinapaalala sa akin ni mama na huwag akong sasama sa kahit na sinong bago ko pa lang kakilala. Mas lalo na daw kung mukhang mabait at mapagkakatiwalaan. Mas nakakatakot at delikado daw ang mga ganoong tao. Malalim na nakatanim sa pagkatao ko ang babala na ‘yon kaya mahirap para sa akin ang balewalain ‘yon ngayon.
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Cain mula sa loob ng sasakyan. Pagkatapos sumungaw siya hanggang sa makita ko na ang mukha niya. “Huwag kang matakot. Lilipat lang tayo ng ibang lugar na makakapag-usap tayo ng maayos. Komportable ka ba makipag-usap sa akin sa lugar kung saan ka nagtatrabaho?”
May punto siya ‘don. Nakagat ko ang labi ko at sumulyap sa fastfood chain. Kinukulit na nga ako ng mga kakilala ko sa campus dahil kay Cain. Ayokong pati ang mga katrabaho ko ganoon ang gawin. Bumuntong hininga ako. Saka walang salitang pumasok sa loob ng kotse. Umupo ako sa tabi ni Cain na ngayon may munti nang ngiti sa mga labi. “Wala kang dapat ipag-alala. You are safe with me. Wala akong gagawing masama sa iyo.” Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ko, “Trust me, Ayesha.”
Napabuntong hininga ako. Bigla kasi akong narelax. Siguro dahil nakita ko ang sinseridad sa mga mata ni Cain. Pero higit sa lahat, sinasabi ng instinct ko na mabuti talaga siyang tao. “Okay. Pero hindi ako pwedeng gabihin ng husto. Mag-aalala ang mama ko.”
Tumango si Cain. “Don’t worry. Ihahatid ka namin pauwi. I just want us to have time to get to know each other, Ayesha. Arnold, may makakainan ba tayo sa bayan na ito kahit ganitong oras na?”
“Mayroon ho, Master,” sagot ng lalaking ngayon ay nalaman kong Arnold ang pangalan.
“Dalhin mo kami doon,” utos ni Cain.
“Yes, Master,” sagot ni Arnold at pinaandar ang kotse.
Kumunot ang noo ko. Kanina ko pa kasi napapansin ang pagtawag ng lalaki kay Cain na ‘Master’. Sobrang yaman at makaluma ba ng pamilya niya para tawagin siyang ‘Master’? At kung oo, bakit narito siya ngayon sa bayan namin at nilapitan ako? Paano ko siya naging fiancée? Hindi ko talaga maintindihan.
Ilang minuto lang huminto na ang sasakyan. Kumurap ako at dumeretso ng upo. Hindi tumitinag sa pagkakaupo si Cain kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Lalabas ba ako ng kotse o hindi?
Nasagot ang tahimik kong katanungan nang lumabas si Arnold ng kotse at pinagbuksan kami ng pinto. Iyon pala ang hinihintay ni Cain. Namangha na naman ako. Lalo lang akong na-curious kung anong klase siyang tao.
Pagkalabas namin sa sasakyan nakita kong sa Secret Garden pala kami nagpunta. Iyon ang nag-iisang bar and restaurant sa bayan ng Tala. Cozy ang lugar na ‘yon at hardin nga ang disenyo. Puntahan ng mga nag-de-date. Lahat ng mga tao sa bayan namin, basta tumuntong na sa teenage years kasama na sa pangarap ang kumain sa Secret Garden kasama ang taong mahal nila. Naalala ko na noong ikatlong taon ko sa high school, pagkatapos ng junior’s prom, naging trend sa school namin ang Secret Garden. Kapag nakapag-dinner ka na doon kasama ang ka-date mo, ‘in’ ka.
Pero hanggang ngayon, unknown territory para sa akin ang lugar na ‘yon dahil sa seventeen years ko sa mundo hindi pa ako naging romantically involved kahit na kanino. Ni hindi nga ako katulad ni Raye na elementary pa lang kami marami ng crush. Sabi ni mama, isa nga lang daw kasi ang minamahal ng lahi namin at hindi pa raw dumarating kaya wala akong nagugustuhan. Huwag daw ako magmadali kaya ganoon nga ang ginawa ko.
“Let’s go,” sabi ni Cain.