MOON BRIDE (Filipino) Chapter 33

(Cain)

ISANG linggo na ang nakararaan mula nang mapansin kong may nangyayaring kakaiba. Something’s changing. Hindi ko ma-pin-point kung ano at saan mismo ang nangyayaring pagbabago pero nararamdaman ko iyon. I feel something ominous in the air. I feel the change stirring inside me.

Sa loob ng mga araw na lumipas hindi ako mapakali. Idagdag pa ang problemang sunod-sunod na dumarating sa pamilya namin. Si papa ang napipisil ng partido niyang tumakbong presidente ng bansa para sa darating na eleksiyon. Sa lahat ng mga sinasabing makakalaban niya, siya ang malakas sa masa. Hindi pa man alam na namin na si papa ang mananalo sa eleksiyon. We are all preparing for his reign as the president of the country.

Pero bigla, kinausap ng partido si papa. May napipisil daw silang ibang maging presidente at nagdidiskusyon pa ang mga opisyal ng partido kung sino ang talagang patatakbuhin nila. It was a huge blow for us, especially for my father. Nakaplano na ang lahat. Matagal na niyang inaasam ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno. Matagal na niyang gustong alisin sa kadiliman at anino ng mga puppet ang pamilya namin. Pero biglang nagulo ang mga plano.

Ang nakakapagtaka hindi naman aktibo sa politika ang isa pang gusto ng partido na patakbuhing presidente. Ilang beses ko na siyang nakita tuwing may meeting ang partido at hindi naman siya ang tipong mag-aambisyon tumakbo sa mataas na posisyon. Isa siyang congressman na laki sa hirap at ngayon isa nang mayamang negosyante. Mabait at maamo ang mga mata.

But when I met him at tita Martha’s birthday party, he looked different. Wala ang mabait na kislap sa mga mata niya. Naging dark at mapanganib ang aura. Parang si tito Victor. At maging ang paraan niya ng pakikipag-usap may kakaiba. Magkaibigan sila ni papa pero nang gabing iyon hayagan niyang sinabi na kakalabanin niya si papa. Na siya ang papaboran ng partido. Saka siya umalis sa party at naiwan kami ni papa at ng malalapit niyang kakampi sa partido na nagkatinginan. Alam ko, na-threaten sila.

Biglang naging sunod-sunod ang emergency meetings nila at siyempre kasama ako sa mga iyon. Dahil doon halos madaling araw na ako palagi nakakauwi. Sandali lang matutulog at saka aalis rin ng maagang-maaga. Palagi kong naiisip na kamustahin at tawagan si Ayesha pero bago ko pa iyon magawa sumusulpot na si Arnold para tambakan ako ng mga papeles na kailangan ko basahin. Kung hindi naman lumalapit siya para sabihin sa akin ang listahan ng mga meeting at appearances na kailangan ko puntahan para mapalakas ang kandidatura ni papa.

Dumagdag pa ang biglang pagpapatawag sa akin nila lolo Ingracio at lolo Bartolome sa araw na iyon. May panic at pag-aalala sa tinig ni lolo Ingracio nang tawagan niya ako kaya napasugod agad ako sa Old Alpuerto mansion. May problema din pala kami sa mga negosyo namin. Sa nakaraang isang buwan daw ngayon lang nila napansing parami ng parami ang mga stock holders na nagbebenta ng mga shares nila. Ngayon lang nila napansin na anim na pangalan lang ang nakakabili ng mga shares na ibinibebenta. At hindi lang isang kompanya ang binibilhan ng anim na iyon ng shares. Lahat ng kompanya ng mga Alpuerto pinapasok ng anim na pangalang iyon. At palaki ng palaki ang shares nila.

“Ngayon lang namin naisipan i-background check ang anim na share holder, pero walang makuhang impormasyon ang mga kinuha naming imbestigador maliban sa basic information nila,” sabi sa akin ni Bartolome. “Pero hindi iyon ang mas nakakapag-alala sa amin Cain,” dugtong niya at worried na sinulyapan si lolo Ingracio na tahimik, bagsak ang mga balikat at bahagya pang nakayuko sa durasyon ng pag-uusap namin.

I started to really get worried. Ang huling beses na nakita kong ganoon si lolo Ingracio, pinag-uusapan namin ang takot nila na nagbabadya na ang katapusan ng lahi namin. Hindi na maganda ang kutob ko. “Bakit? Ano pa ang gusto niyong sabihin sa akin?”

Ilang segundong katahimikan bago humugot ng malalim na paghinga si lolo Ingracio at nag-angat ng tingin. Nagtama ang aming mga paningin at nakita kong miserable ang kislap sa kanyang mga mata. “Hindi ko na makita ang hinaharap.” Hindi agad rumehistro sa akin ang kahulugan ng sinabi niya. Mas napansin ko ang pamumutla ni lolo Ingracio, ang mga guhit sa kanyang mukha, ang katotohanang nagmukha siyang higit na mas matanda kaysa edad niya at ang kalungkutan sa kanyang mga mata. Na para bang may malaking bahagi ng pagkatao niya ang nawala. Hanggang sa magsalita siyang muli, “Sa tingin ko wala na akong kapangyarihan, Cain.”

Napahigit ako ng hangin at manghang napatitig kay lolo Ingracio. Napatingin din ako kay lolo Bartolome na siya namang nagbaba ng tingin.

“Sigurado kayo?” Paos ang naging labas ng boses ko.

Tumiim ang mga labi nila. Marahang tumango si lolo Ingracio. Na para bang masakit para sa kaniyang aminin ang tungkol doon. “Our special ability is a part of us, Cain. It’s within us. It’s our connection to the Gods. Katulad ng puso natin, somewhere inside us, naroon ang kapangyarihang taglay natin, marahang tumitibok, nagbibigay ng completeness sa pagkatao natin. Hindi siguro natin mapapansin sa simula dahil ipinanganak at nagkaisip na tayong existing ang kapangyarihan natin. Pero nang sandaling mawala ang kapangyarihan ko, naramdaman ko agad ang espasyong iniwan niyon sa loob ko. Parang may kandilang namatay ang ilaw. At it made my chest ache,” garalgal na usal niya. “Parang gusto kong mamatay na lang kasabay nang pagkawala ng kapangyarihan ko.”

“No,” mariing sagot ko. “Don’t give in to that urge, lolo.” Umiling lang si lolo Ingracio at namasa ang mga mata. Sumikip ang dibdib ko. Hindi ko kayang nakikitang ganoon si lolo.

“Nang sabihin niya sa aming nananakit ang dibdib niya, umiiyak, akala namin ng tiya Martha mo may problema siya sa puso at itinakbo namin siya sa ospital. Pero hindi naman daw siya inatake o kung ano pa man,” paliwanag ni lolo Bartolome.

“At nang subukan kong gamitin ang kapangyarihan ko… hindi ko na magawa,” mahina at garalgal na usal ni lolo Ingracio. “It’s gone. Naramdaman ko nang sandaling maputol ang koneksiyon ko sa mga diyos. It was heartbreaking. As if someone tore my heart out of my chest.”

Hindi ako nakakibo. May bumikig sa lalamunan ko habang nakikita ang lungkot at paghihirap sa mukha ni lolo Ingracio. Huminga ako ng malalim bago nagawang magsalita. “Sino pa ang ibang nakakaalam?”

“Kami lang at ang tiya Martha mo. Mas makabubuting tayo lang muna ang makaalam para hindi na magkaroon pa ng panic sa pamilya. Bukod sa may hinala kaming sasamantalahin ng lolo Carlos mo ang impormasyong ito,” paliwanag ni lolo Bartolome.

“Ang ibig sabihin lang nito ay nagagahol na tayo sa oras Cain. Nalalapit na ang muling pagbilog ng buwan at nalalapit na ang kaarawan ni Ayesha,” sabi ni lolo Ingracio.

Nakaramdam ako ng guilt sa pagpapaalala nila sa akin sa tunay na dahilan kung bakit ako lumapit kay Ayesha. Isa siyang interesanteng babae at karapat-dapat suyuin ng taong talagang mamahalin siya ng walang ibang itinatagong motibo na katulad ko. Kahit pa kung magiging tapat ako sa sarili ko aaminin kong hindi na lang dahil sa responsibilidad ko sa pamilya ang dahilan kaya gusto kong palaging nakikita at nakakausap si Ayesha.

I like her. Sa ilang beses na nakausap at nakasama ko siya iyon ang unti-unti kong narealize. I particulary like her eyes. Ang tapang at determinasyon sa mga iyon. Ang kabaitang nakikita ko sa mga iyon. Gusto ko rin ang katotohanang hindi basta humuhusga ng kapwa si Ayesha. Magtatanong siya, aalamin ang mga nais malaman at pagkatapos tatanggapin ka pa rin niya kahit hindi kanais-nais ang madidiskubre niya. Hindi niya ako hinusgahan kahit na naging magaspang at bastos sa kaniya ang mga kamag-anak ko. Hindi siya naduduwag kahit pa nalalaman na niya ang tungkol sa pamilya ko. Instead, she seems to be adapting well. Na para bang kaya niyang makisimpatya at tanggapin ang kahit sino o kahit anong bagay na para sa mga normal na tao ay abnormal.

Na para bang kaya niya akong tanggapin sa kabila ng tunay kong pagkatao.

Nakikinita ko ang sarili kong kasama sa buhay si Ayesha. Na hindi ako mahihirapang pakisamahan siya bilang asawa. Na sa kabila ng abnormal na sirkumstansiya, alam ko na kalaunan ang pagsasama namin mababalot ng pagmamahal. Yes, I can love her.

“Huwag mong kalilimutan ang orihinal nating plano, Cain,” seryosong tinig ni lolo Bartolome ang pumutol sa nagiging takbo ng isip ko. “Para sa pamilya natin.”

Dumeretso ako ng tayo. “Alam ko lolo.”

Later, nang nakalabas na ako ng lumang mansiyon at palapit na sa kotse kung saan naghihintay si Arnold napansin kong tensiyonado ang assistant ko. Mariin niyang hawak ang cellphone ko at parang maraming taon ng training lang ang pumipigil sa kaniya na tumakbo palapit sa akin. Nagkaroon ako ng hindi magandang kutob kaya lumaki ang mga hakbang ko hanggang makalapit kay Arnold.

“Master Cain. Tumawag si master Angus.”

Kumunot ang noo ko at kinabahan na. Dahil hindi tatawag sa akin si Angus kung walang malalim na dahilan. “Anong sabi niya?”

“Nasa biyahe daw sila papunta dito. Kasama niya si master Chance at si Rebecca Malyari.”

“Bakit? Sabihin mo na sa akin kung ano ang tunay na problema, Arnold.” Hindi ko na naiwasan magalit.

“Si Ayesha daw. Tatlong araw nang nawawala.”

Ilang segundo akong hindi nakahuma. Nang rumehistro sa isip ko ang balita umusbong ang magkakahalong pagkataranta, galit at protectiveness sa dibdib ko. Sa isang iglap nakapasok ako sa loob ng kotse ko. “ Tawagan mo si Angus para sabihing sa penthouse na lang sila magpunta. Sabihin mo sa akin ang detalye habang nasa biyahe.”

“They think she was kidnapped, master.”

Tumiim ang bagang ko at mariin kong ikinuyom ang aking mga kamao. “Whoever the hell did it will pay for it ten fold.” Pilit kong pinapakalma ang boses ko pero kahit sa pandinig ko nahimigan ko pa rin ang galit. Dahil iyon ang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Kapag may nangyari kay Ayesha magbabayad ang salarin.

I realized that moment, that my rage and worry has nothing to do with her being the moon bride. Ang protectiveness na nararamdaman ko sa mga sandaling iyon ay para kay Ayesha Querol, ang interesante at matapang na babaeng nakilala ko sa bayan ng Tala.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.