(Ayesha)
BINUHAT ulit ako ng lalaking naka-itim at nagpatuloy sa paglalakad. Malayo ang nilakad niya, pasikot-sikot sa kagubatan na kahit pinilit kong kabisaduhin ang daan nalito rin ako kalaunan. Hindi ko alam kung sinasadya niya akong iligaw o talagang ‘yon ang daan patungo sa kung saan niya ako balak dalhin.
Makalipas ang sa tingin ko isang oras din na lakaran huminto sa paglalakad ang estranghero at ibinaba ako hanggang lumapat na ulit sa lupa ang mga paa ko. Nahilo ako at nahirapan mag balanse dahil matagal akong nakabitin sa balikat niya. Napakapit tuloy ako sa mga braso niya para hindi matumba. Umangat ang mga kamay niya at akala ko itutulak niya ako palayo at magagalit na naman sa akin. Kaya nagulat ako nang hawakan niya ako sa magkabilang balikat para tulungan akong makuha ang balanse ko.
Napatingala ako sa kaniya. Natigilan ang lalaki at kahit suot na naman niya ang dark shades niya alam kong nakatitig siya sa mukha ko. Naramdaman ko rin na na-tense ang muscles niya.
“Bakit?” kabadong tanong ko. Paos ang naging labas ng boses ko. Siguro dahil sa kakasigaw ko kanina.
Himbis na magsalita humigpit lang ang hawak niya sa mga balikat ko, pinihit ako patalikod sa kaniya at paharap sa isang maliit at halatang abandonadong bahay na gawa sa katawan ng mga puno. “Pasok,” magaspang na sabi niya. Marahan niya akong itinulak kaya nawalan ako ng pagpipilian kung hindi ang humakbang palapit sa nakabukas na pinto.
Nanginig ako sa lamig at pangingilabot nang nasa loob na kami. Madilim at amoy basang lupa at nabubulok na dahon. Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa nakabukas na pinto nakita kong may isang papag doon na hindi ko alam kung pwede pa bang gamitin o baka kinain na ng anay. Mayroong parang kitchen sink na gawa sa kawayan at isang lutuan na mukhang kahoy o uling ang ginagamit para makapagluto. Sa kahoy na pundasyon ng mababang bubong may nakasabit na malaking gasera. Lumapit doon ang estranghero, dumukot ng kung ano sa bulsa na nang buksan niya nalaman kong lighter pala. Sinindihan niya ang gasera at lumiwanag sa loob ng maliit na bahay.
Sa muling paggala ko ng tingin sa paligid napansin ko ang isang malaking backpack sa isang sulok. Sa papag may dalawang unan at kumot na maayos na nakatupi sa ulunan.
Narealize ko na kuta ng lalaking naka-itim ang bahay na ‘yon. Hindi ang bahay kung saan nila ako ikinulong. Bakit may hiwalay siyang taguan? Dahil ba naisip na niya ang posibilidad na tatraydurin siya ng mga kasama niya? O may iba pang dahilan?
Biglang humarap sa akin ang lalaki. “Hindi ka lalabas ng bahay na ‘to. Kapag sinubukan mo ulit tumakas ay hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa ‘yo,” galit na sabi niya. Mariin kong itinikom ang mga labi ko at niyakap ang sarili ko. Itinuro niya ang papag at pautos na sinabing, “Umupo ka.”
Gusto ko sanang magmatigas. Kaso ayaw sumunod sa utak ko ng katawan ko. Nanlalambot pa rin ako. Lalo na ngayong unti-unting bumabaha sa akin ang sakit at takot na naranasan ko sa kamay ng mga kasamahan ng lalaking naka-itim. Natatakot pa rin ako sa kaniya pero wala akong pagpipilian kung hindi ang umasa na hindi niya ako sasaktan na katulad ng iba. At least, hangga’t hindi ko pa alam kung paano makakatakas.
Dahan-dahan akong naglakad hanggang makaupo ako sa gilid ng papag paharap sa lalaki na tumalikod naman sa akin at lumabas ng bahay. Nang mapag-isa ako nataranta naman ako at natakot. Kahit pa alam kong hindi rin naman ako ligtas kapag kasama siya. Mas gugustuhin ko na ang may kasama sa loob ng bahay na katulad ‘non sa gitna ng kagubatan kaysa ang mapag-isa. Iniwan na ba niya ako roon? Kailan naman siya babalik?
Nanlalamig na ako sa takot at panic nang marinig ko ang lagaslas ng tubig mula sa likurang bahagi ng bahay. Kung pagbabasehan ko ang naririnig kong tunog mukhang may poso sa likod ng bahay at mukhang doon nagpunta ang lalaking naka-itim. Nang tumigil ang ingay nahigit ko ang hininga, naghintay, at saka lang pasimpleng napabuga ng hangin nang bumukas ang pinto at pumasok ulit ng bahay ang lalaki. May bitbit siyang maliit na timba ng tubig. Dumeretso ako ng tayo nang marealize ko na palapit siya sa akin. Muntik akong mapaatras nang lumuhod siyang bigla sa harapan ko hanggang magkapantay na ang mga mukha namin.
“A-anong gagawin mo?” dudang tanong ko nang ilapag niya ang balde sa tabi niya at kumilos siya para dumukot ng kung ano sa back pocket ng suot niyang pantalon. Hindi sumagot ang lalaki at nagpatuloy sa ginagawa. Panyo pala ang kinuha niya mula sa pantalon na inilublob niya sa tubig, piniga at saka walang pasabi na biglang inilapat sa binti ko. Napaigtad ako sa magkahalong pagkagulat at hapdi ng ginawa niya.
“Huwag kang gagalaw,” banta niya sa akin. Sinubukan ko namang huwag kumilos. Kaya lang sa tuwing dumadampi ang basa at malamig na panyo sa mga sugat ko napapaingit talaga ako sa sakit. Ang tagal tuloy bago rumehistro sa isip ko na nililinis niya ang mga sugat ko. At na kahit magaspang siya magsalita at palagi akong binabantaan magaan at maingat ang mga kamay niyang dumadampi sa balat ko. Napatitig tuloy ako sa kaniya. Wala naman ako masyadong makita dahil sa suot niyang shades. Pero nakatatak pa rin sa isip ko ang hitsura niya kanina. Lalo na ang kanyang mga mata.
Umigtad ako at kumurap nang bigla siyang mag-angat ng mukha. Kumunot ang noo niya na para bang hindi natutuwa at naiinis pa nga sa pagtitig na ginagawa ko sa kaniya. Pero himbis na sigawan ako hinawakan niya ang isang braso ko at ang mga gasgas naman doon ang sinimulang dampian ng basang panyo.
Nakalma na tuloy ako at unti-unting nawala ang takot ko sa kaniya. Dahil kung talagang masama siyang tao at wala ni katiting na kabutihan sa puso niya bakit niya nililinis ang mga sugat ko?
“Tanggalin mo na ang salamin mo sa mga mata. Kung ano man ang itinatago mo, nakita ko na kanina,” bulong ko bago ko pa napigilan ang mga salitang lumabas sa bibig ko.
Napahinto sa ginagawa ang lalaki at nakita ko nang tumiim ang bagang niya. Bigla siyang tumayo at pabalang na inabot sa akin ang basang panyo. “Tapalan mo niyan ang pisngi mo. Namamaga at nangingitim.”
Kumurap ako at napahawak sa pisngi ko na kanina ko pa nararamdamang nangangapal. Napangiwi ako kasi mahapdi rin ‘yon. Doon ako malakas na sinampal ng isa sa mga lalaki kanina. Wala sa loob na inilapat ko ang basang panyo sa pisngi ko habang nakatingin pa rin sa estranghero na ngayon ay nakatalikod na sa akin. Kumabog ang dibdib ko nang mapatitig na naman ako sa likuran niya. Katulad talaga ng nasa panaginip ko. Hindi ko pa rin nakakalimutan na kamukha siya ni Cain.
“Sino ka ba talaga?” tanong ko.
Huminto ang lalaki at nilingon ako. “Hindi mo pa kailangan malaman.” Saka siya akmang lalabas na naman.
“T-teka! Saan ka pupunta?” Madilim na sa labas at naririnig ko na ang mga huni ng mga insekto at hayop na nakatira sa kagubatan. Paano kung may mabangis na hayop doon?
Mukhang alam niya ang mga inaalala ko dahil lumingon siya sa akin. “Kukuha ako ng makakain. Sa tingin ko kaya mong protektahan ang sarili mo kung mga hayop lang naman ang lalapit sa iyo.”
Nang makaalis siya saka ko lang naintindihan ang sinabi niya. Naalala ko ang mainit na enerhiyang bumalot sa katawan ko kanina kaya napigilan ko siya sa halos pagkitil na sa buhay ng mga lalaking kasabwat niya sa pag-kidnap sa akin. Napatingin ako sa mga kamay ko. Paano ko nagawa ‘yon? Paano ko ulit ‘yon magagawa? Katulad ba ng mga Alpuerto mayroon din akong espesyal na abilidad? Pero walang nabanggit si mama sa akin na may kapangyarihan ang isang moon bride.
Sinubukan ko ulit kung magagawa kong palabasin ang enerhiyang naramdaman ko kanina. Pero walang nangyayaring kakaiba. Sa huli na-frustrate lang ako. Napatitig ako sa pinto. Wala pa rin siya. Lumalalim na ang gabi kung pagbabasehan ko ang paglamig ng paligid at paglakas ng huni ng iba’t ibang nilalang na naninirahan sa kagubatan. Inangat ko ang mga paa hanggang sa nakatalungko na ako sa papag pasandal sa kahoy na pader ng bahay. Unti-unti akong tinatalo ng pagod at antok kahit pilit kong pinipigilan. Ayokong maging vulnerable sa mga sandaling ‘yon. Pero sa huli hindi ko na talaga kinaya ang pamimigat ng mga mata ko.
Nakatulog ako.