MOON BRIDE (Filipino) Chapter 37

(Ayesha)

HINDI na ako makahinga. Hindi lang dahil mahigpit ang pagkakatakip ng estranghero sa bibig ko kung hindi dahil sasabog na yata ang puso ko sa kaba. Sa labas naririnig ko pa rin ang mga bandido na nag-uusap. At alam ko na ano mang sandali bubukas na ang pinto at makikita na nila kami. Hindi ko pa nakakalimutan ang ginawa sa akin ng tatlong traydor na kasamahan ng lalaking naka-itim. Paano kung higit pa doon ang gawin sa akin ng mga bandido?

Naramdaman kong gumalaw ang lalaking naka-itim at dahan-dahang humakbang kasama ako palapit sa pinto. Nanlaki ang mga mata ko at pilit siyang nililingon. Anong plano niyang gawin?

Dahan-dahan at walang ingay na nakalapit kami sa gilid ng pinto. Naririnig kong nagbibilin ang bandido sa labas at ano mang sandali bubuksan na nila ang pinto. Nabibingi ako sa malakas at mabilis na tibok ng puso ko. Hanggang maramdaman ko ulit ang mainit na hininga ng estranghero sa tainga ko. “Kapag sinabi kong takbo, tumakbo ka at magtago,” bulong niya sa akin.

Biglang bumukas ang pinto at dalawang lalaking armado ng armalite ang sabay na pumasok. Natigilan ang dalawa, napansin ang bonfire na kahit patay na umuusok pa rin. Umalerto ang dalawa at humigpit ang hawak sa mga baril. Bago pa nila kami nakita kumilos na ang estranghero. Inalis niya ang pagkakatakip sa bibig ko, hinila ako hanggang mapunta na ako sa likuran niya at ubod lakas na inundayan ng sipa ang isang bandido. Sa sobrang lakas napaatras ito, tumama sa kasamang bandido at parehong tumilapon palabas ng bahay. Mabilis na hinila niya ako palabas. Nakita ko na may anim pang mga bandido na armado rin ng mga matataas na kalibre ng baril. Sandali lang nabigla ang mga bandido at agad iniumang sa amin ang mga hawak nilang baril. Marahas na nagmura ang estranghero at hindi ako tinitingnan na itinulak ako palayo na halos matumba ako.

“Takbo,” sigaw niya at mabilis na sinugod ang mga bandido. Nanlaki ang mga mata ko nang mag-echo ang putok ng baril kasabay ng pag-igkas ng suntok at sipa ng estranghero. Parang piniga ang mga laman loob ko sa sobrang takot nang marealize ko na wala siyang hawak na sandata. Pero nang maalala ko ang ginawa niya sa mga kasamahan niya kanina medyo nakalma ako.

Tumalikod ako at kumaripas ng takbo. Wala akong pakielam kahit madilim o kahit hindi ko alam kung saan ako mapapadpad. Basta tumakbo ako. Napahinto lang ako nang ang putok ng mga baril mahaluan na ng nakakapanayo-balahibong hiyaw ng mga lalaki na nag-echo sa kagubatan. Narealize ko na ginagamit na naman ng estranghero ang kapangyarihang taglay ng kanyang mga mata.

“Ano iyon?! Puntahan natin,” narinig kong sigaw ng mga lalaki sa di kalayuan. Kasunod ang mabibigat na yabag at tunog ng mga kinakasang baril. Nanlamig ako sa takot at nagpatuloy sa pagtakbo kasalungat ng pinanggagalingan ng mga yabag. Sa pagkakataong ‘yon, kahit narinig ko ang mga hiyaw hindi ako huminto ni lumingon. Deretso ang tingin ko sa harapan. Napahugot ako ng hininga nang may marinig akong lagaslas ng tubig. May talon sa direksiyong tinatahak ko. Kaunting takbo pa narating ko rin ‘yon sa wakas. Napabuga ako ng hangin at tinakasan ng lakas ang mga tuhod ko na napaluhod ako sa batuhan.

Malakas ang lagaslas ng tubig, binibingi ako sa ingay na nangyayari sa bahagi ng kagubatan kung saan ako nanggaling. Uminit ang mga mata ko at kinailangan kong kagatin ng mariin ang ibabang labi ko para lang hindi ako mag breakdown. Kailangan ko magpakatatag. Binalaan na ako ni mama na mapanganib mapalapit sa pamilya Alpuerto pero ako ang nagdesisyon na harapin ang lahat ng mga mangyayari kaya hindi ako pwedeng umiyak.

Matagal bago ko nagawang kalmahin ang mabilis na tibok ng puso ko. Sumalampak ako sa batuhan, niyakap ang aking mga tuhod at isinubsob doon ang mukha ko. Pumikit ako. Hindi ko alam kung gaano katagal ako sa posisyon na ‘yon. Napaigtad ako nang may marinig akong kaluskos mula sa likuran ko. Takot na lumingon ako. May nakasunod ba sa akin na bandido? O baka may mabangis na hayop sa lugar na ‘yon? Tumindi ang kaluskos ng mga halaman. Tumalon ang puso ko. Bumalikwas ako ng tayo nang may lumitaw mula roon.

Napasinghap ako nang sa wakas makita ko na ang susuray-suray na lumalapit sa akin ay ang estrangherong naka-itim. Mariing nakatikom ang mga labi niya, basang basa ang mukha at katawan ng pawis… at dugo!

Impit akong napasigaw at nanlaki ang mga mata ko nang mapaluhod siya sa mismong harapan ko. Marahas siyang nagmura. Bakas sa paos niyang boses ang sakit. Lumuhod ako sa harap niya. “Tinamaan ka ng bala? Saan?!” tarantang tanong ko. Inangat ko ang mga kamay ko pero hindi ko naman alam kung saan siya unang hahawakan. Sa huli inilapat ko sa magkabila niyang pisngi ang mga palad ko at iniangat ang kanyang mukha.

Nakita ko ang mga mata niya. Sandali akong natigilan nang makita kong itim na itim na naman ang mga ‘yon. Mas matindi pa kaysa noong unang beses kong nakita ang pagpapalit anyo ng mga mata niya. Kahit ako na hindi naapektuhan ng kapangyarihan niya nararamdaman pa rin ang parang magnetic energy na inilalabas ng mga matang ‘yon. Parang gustong higupin ang enerhiya ko, ang hininga ko at ang kaluluwa ko. Pero nararamdaman ko rin na para bang mayroon akong invisible shield kaya hindi umeepekto sa akin.

“May malay ka pa ba? Naririnig mo ba ako?” tanong ko pa rin. Sandaling pakiramdam ko hindi niya ako naririnig kaya hinigpitan ko ang hawak sa magkabilang pisngi niya at determinadong sinalubong ng tingin ang mga mata niya. “Wake up!”

Kumurap ang lalaki at nawala ang hindi pangkaraniwang itim sa mga mata niya. Pero kasabay din ‘non parang lalo siyang nanghina. Umungol siya at biglang natumba pasandig sa akin. Nataranta ako. Mamamatay ba siya? Bumaba sa mga balikat niya ang hawak ko. Pilit kong pinagana ang isip ko at pinakalma ang mabilis na kabog ng dibdib ko. Nang magawa ‘yon dahan-dahan ko siyang ipinahiga sa batuhan. Umungol siya na parang nasasaktan. Huminga ako ng malalim. Kailangan ko linisin ang mga sugat niya. Kailangan ko malaman kung daplis lang ba o mayroong bumaong bala sa katawan niya.

Wala akong panyo na katulad ng ipinanglinis niya sa mga galos ko. Ang damit na suot ko lang ang meron ako. Hinawakan ko ang laylayan ng blouse ko. Sandali akong nag-alangan. Madilim naman at kaming dalawa lang ang tao doon. Wala pa siyang malay. Umungol na naman ang lalaki sa sakit kaya nawala ang pagdadalawang isip ko. Hinubad ko ang blouse na suot ko, inilublob sa tubig at piniga. Huminga ulit ako ng malalim at lumuhod sa tabi niya. Pagkatapos magaan kong dinampian ang noo niya, pababa sa mukha niya.

Unti-unting nawawala ang alikabok at kulay ng dugo kaya nalaman ko na may sugat siya sa sentido pero sa awa ng mga diyos hindi naman dahil sa tama ng bala. Mukhang galing sa pakikipagbuno niya sa mga bandido. Bumaba ang pagdampi ko ng basang tela sa leeg niya at napahinto dahil kailangan kong alisin ang itim na jacket na suot niya.

“Hello? May malay ka ba?” mahinang sabi ko at magaan na tinapik ang pisngi niya. Umungol lang ang lalaki. “Tatanggalin ko ang jacket mo. Lilinisin ko ang mga sugat mo.” Nang hindi siya sumagot o kahit dumilat man lang sinimulan kong alisin ang jacket niya. Hindi ‘yon naging madali dahil nang pipilasin ko na ang sleeve ‘non umungol sa sakit ang lalaki. Nang magawa kong alisin ang jacket niya nakita kong may sugat siya sa balikat na pinagmumulan ng maraming dugong nakakalat sa katawan niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.