(Ayesha)
HINDI kami nagtagal sa abandonadong bahay. Kinuha lang ni Zion ang malaking bag niya tapos naglakad na kami palayo. Hinawakan niya ako sa braso. Sinisiguro lang ba niya na hindi ako makakatakas? Mula kasi nang may tumawag sa kaniya hindi na siya nagsalita at parang galit na ang ekspresyon. Hindi rin ako nagsalita kasi iniisip ko pa rin kung sino ang kausap niya sa cellphone.
Pero nang matagal na kaming naglalakad at nahihirapan na ako kasi hawak niya ang braso ko at higit na mas malalaki ang mga hakbang niya kaysa sa akin binasag ko na ang katahimikan. “Nahihirapan ako sa paghatak mo sa akin ng ganiyan. Matitisod ako.”
Huminto si Zion at pinakawalan ang braso ko. Hinaplos ko agad ang bahaging hinawakan niya kanina.
“Hindi tayo pwedeng babagal-bagal. Malayo pa ang lalakarin natin. Mamaya lang madilim na at lalabas na ang mga mabangis na hayop. Hindi na rin makikita ang daan. Kailangan bilisan,” inis na sabi niya.
Nainis na ako. “Alam ko naman na kailangan magmadali. Pero sa kakahatak mo sa braso ko, mas mapapatagal kung madadapa ako. I’m not trying to be difficult here. Nagsasabi lang ako ng totoo.”
Marahas na bumuga ng hangin si Zion. “Oo na. Liliitan ko na ang mga hakbang ko.” Pumihit na siya paharap sa daan at nagsimula na ako maglakad nang mabigla ako sa sunod niyang ginawa. Hinawakan niya ang kamay ko. Nanlalaki ang mga mata kong napatingin sa mga kamay namin. Mukhang napansin niya ang reaksiyon ko dahil kumislot ang mga daliri niya na para bang nag-iisip siya kung aalisin o hindi ang kamay. Pero nang mukhang nakapagdesisyon kung ano ang gagawin humigpit ang hawak niya sa akin. Malakas siyang tumikhim. “Hindi tayo pwedeng magkahiwalay. Wala akong enerhiyang hanapin ka,” pabalang na sabi niya. Saka ako hinila pero mas maingat na kaysa kanina.
Natahimik na naman kami. Ni hindi niya ako nililingon. Kung hindi tuloy sa mga paa namin sa likod niya ako napapatitig. Hanggang sa huli hindi ko na napigilang tingnan ang magkahugpong naming mga kamay. Mas malaki ang kamay niya kaysa sa akin. Magaspang ang palad niya na para bang banat siya sa pisikal na trabaho. His grip is firm and strong.
Alam ko na hindi tama pero bakit ngayong hawak niya ang kamay ko pakiramdam ko ligtas ako? Mali ‘yon dahil siya nga ang dahilan kaya ako naroon hindi ba? Siya ang banta sa kaligtasan ko. So why does it feel as if I’ve been waiting for his hand to hold mine even before we met?
Kumurap ako at naalis ang tingin ko sa mga kamay namin nang marinig ko na ang lagaslas ng talon. Ilang hakbang pa nakabalik na kami sa lugar kung saan kami nagpalipas ng gabi. Nahigit ko ang hininga. Iba kasi ang hitsura ‘non ngayong hapon na at nagkukulay orange na ang kalangitan. Sinasalamin ng tubig sa ibaba ng talon ang kulay ng langit habang ang bumubuhos namang tubig mula sa kabundukan kumikinang sa repleksiyon ng liwanag ng araw. It was breathtaking.
“Hanggang ngayong gabi lang tayo dito. Bukas ng umaga aalis na tayo,” sabi ni Zion na binitawan na ang kamay ko at naglakad patungo sa ilalim ng isang puno kung saan niya ibinaba ang malaking bag.
“Saan tayo pupunta? Ibabalik mo na ba ako sa amin?” tanong ko habang naglalakad palapit sa kaniya.
Umismid siya at dumeretso ng tayo. “Kailangan ka pa namin.” Nilingon niya ako. “Kapag oras na ibabalik din kita.”
“Oras na? Kailan ‘yon?” kunot noong tanong ko.
Himbis na sagutin ako nagkibit balikat lang siya. Inalis niya ang tingin sa akin at bigla na lang hinubad ang suot na t-shirt. Gulat na napatalikod ako. “Bakit ka naghuhubad?!”
“Basang-basa ako ng pawis at maalikabok ang katawan ko. May tubig dito na pwedeng liguan kaya maliligo ako,” inis na sagot niya. “Kapag sinubukan mo akong takbuhan, itatali kita sa isa sa mga puno dito.”
Manghang napalingon ulit ako sa kaniya at akmang sasagot pero may bumara sa lalamunan ko nang makita ko siya. Nakatalikod na siya sa akin at palusong na sa tubig. Natutok ang tingin ko sa exposed niyang likod. Marami siyang pilat, malalaki at para bang dating malalalim na sugat. Ngayon ko napansin na mayroon din siyang pilat sa mga braso at mga balikat. Para bang ang buhay niya puro pakikipagbuno sa kung sino-sino. O hindi kaya pisikal siyang naabuso noon? Tinorture?
Sa lahat ng mga pilat, tumatak sa akin ang malaking mapa sa likod niya hanggang batok. Nalapnos na balat na may palagay akong nakuha niya sa isang sunog.
Nakagat ko ang ibabang labi ko at parang may kumurot sa puso ko. Kahit na magaspang si Zion, palagi akong pinagbabantaan at dinala ako sa gubat na ‘yon, hindi ko pa rin gusto ang nakikinita kong pinagmulan ng mga sugat niya. Lumublob na siya nang tuluyan sa tubig at napakurap ako. Mabilis kong iniwas ang tingin sa kaniya.
SUMALAMPAK ako ng upo sa ilalim ng puno kung saan niya ibinaba ang bag. Nasa kabilang dulo na si Zion, lumalangoy pa rin. Napasulyap ako sa bag dahil naalala ko ang cellphone na ginamit niya kanina nang may tumawag sa kaniya. Tumalon ang puso ko sa posibilidad na matatawagan ko si mama. Pero paano ko sasabihin kung nasaan ako? Kapag sinabi kong nasa magubat na bundok ako, Tala pa lang napapalibutan na ng kabundukan.
Wait. Paano kung nasa Tala lang kami all this time? Napaderetso ako ng upo at may nabuhay na pag-asa sa dibdib ko. “At least, kailangan malaman ni mama na ligtas ako,” bulong ko at sumulyap ulit kay Zion. Pabalik na ang langoy niya. Deretso sa batuhan at umahon. Natigilan ako at nahigit ko ang hininga. Ang bilis lang niya naglublob sa tubig. Habang naglalakad palapit sa akin hinawi niya ang basang buhok na tumabing sa mukha niya. Saka ako deretsong tiningnan. May intensidad sa mga mata niya na para bang alam niya kung ano ang iniisip kong gawin.
Napalunok tuloy ako nang makalapit na siya sa puno at sandaling tumayo lang sa harapan ko, basang-basa ang buong katawan.
“B-bakit?” kabadong tanong ko at napasiksik sa katawan ng puno. Masyado siyang malapit. Naiilang at natataranta ako dahil wala siyang suot na pang-itaas. Yumuko siya at sumikdo ang puso ko nang dumukwang siya sa akin – pero agad ko ring narealize na ginawa niya ‘yon dahil may pinulot siya mula sa likuran ko. Nang dumeretso ulit siya ng tayo hawak na niya ang maliit na tuwalya na napansin ko ngang naroon kanina. Umatras siya palayo at tumalikod sa akin habang nagpupunas. Nakita ko na naman tuloy ang mga pilat niya.
“Saan mo nakuha ang mga naging sugat mo?” hindi nakatiis na tanong ko.
Natigilan siya at napatingin sa akin. “Hindi mo gugustuhing malaman. Hindi para sa isang katulad mong lumaki sa isang ligtas at tahimik na lugar ang detalye ng buhay ko kaya ‘wag ka na magtanong.”
“Huwag mo ako maliitin,” sagot ko.
Umangat ang gilid ng mga labi niya sa isang nang-uuyam at sarkastikong ngiti. “Ako? Minamaliit ka? Hindi ko tatangkain. Isa kang importanteng pain para sa amin. At isa ka ring importanteng kasangkapan para sa mga Alpuerto. Poprotektahan ka nila, gagawin ang lahat para maging maayos ang buhay mo na hindi mo kailangan maghirap. Hindi ka nila sasaktan o hahayaang may makapanakit sa iyo. Hindi ka nila ipagkakanulo at hahayaang magdusa. Lahat ng ‘yon gagawin nila dahil lang pinanganak ka sa tamang sandali. Bakit kita mamaliitin?”
Dumeretso ako ng upo at pilit kinontrol ang sakit na naramdaman ko sa sinabi niya. Ayoko man na-offend ako sa mga sinabi niya. Pinili ko ba na maging moon bride? Hindi naman ah. Pero kahit ganoon nakapagdesisyon na ako na harapin ang mga darating na pagsubok o pangyayari sa buhay ko bilang isang moon bride. Ayokong takbuhan ang tadhana ko pero hindi rin naman ibig sabihin ‘non magpapadala na lang ako sa agos.
Itinaas ko na ang noo ko at ibinuka ang bibig para sabihin sa kaniya ang mga nasa isip ko nang matigilan ako. Teka lang, bakit alam ni Zion ang tungkol sa pagiging moon bride ko? At bakit katulad ng mga Alpuerto may kapangyarihan din siya? Ibig bang sabihin mayroon pang ibang katulad ng mga Alpuerto at mga Malyari na may koneksiyon sa mga diyos?
“Sino ka ba talaga?” tanong ko.
Nahaluan ng misteryo ang sarkastiko niyang ngiti bago tumalikod sa akin. Hindi na naman sinagot ang tanong ko.
MABILIS na lumubog ang araw. Nawala sandali sa kagubatan si Zion at nang bumalik may dala nang mga mangga na malapit na mahinog at piling ng hinog na saging. Ang mga ‘yon lang ang kinain namin maghapon. May bitbit din siyang mga sanga na ginawa niyang bonfire nang tuluyang dumilim.
Nakaupo ako pasandal sa katawan ng puno. Ilang dipa ang layo mula sa akin nakaupo naman si Zion. Hawak niya ang cellphone at para bang may hinihintay siyang tawag. Hindi ko gusto ang sinisimbolo ng cellphone na ‘yon. Tumataas kasi ang pader sa pagitan namin at nagmumukha siyang nakakatakot sa tuwing nakikita kong hawak niya ‘yon. Natatahimik kami at nagkakaroon ng tensiyon sa pagitan namin na hindi ko gusto kasi ninenerbiyos ako kapag ganoon.
Maya-maya may narinig akong kakaiba. Malayo ang ingay pero dahil nag-e-echo ‘yon sa kagubatan nakarating ang tunog sa puwesto namin. Alam ko na naririnig din ‘yon ni Zion dahil napatayo siya at naging alerto. Napatingala ako dahil parang sa taas ko naririnig ang papalapit na tunog na ngayon ay ugong na parang sa… helicopter?