MOON BRIDE (Filipino) Chapter 44

(Zion)

HINDI PA AKO puwedeng mamatay. Kumbaga sa pusa na may siyam na buhay, kung bibilangin ko ang ilang beses na akala ko malalagutan na ako ng hininga pero nakaligtas ako, mayroon pa akong tatlong buhay.

Dalawa kung isasama ko ang muntik ko nang pagkatigok sa kamay ng mga letseng bandido na wala sa plano ko. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang ganoon sila karami? Kung hindi ba naman ako tinamaan ng katangahan at naisip pang sugurin sila lahat kahit alam kong limitado sa dilim ang kapangyarihan ko dahil hindi naman nila makikita ng husto ang mga mata ko kapag madilim. Bakit hindi na lang ako tumakbo? Nabawasan tuloy ang reserba kong buhay.

Na isa na lang kapag nakaligtas ako ngayong gabi.

‘Tangina talaga. May nakabaong bala sa braso ko. Mayroon din yata sa binti ko. Parang gripo ang sirit ng dugo ko sa bawat hakbang ko pero alam kong hindi ako pwedeng tumigil. Kapag naabutan nila ako, ayos lang sana kung papatayin na nila ako agad. Ang masama ay kung bubuhayin nila ako at pipiliting alamin ang planong wala akong balak sabihin sa kanila.

Nanginginig ang mga kamay ko at nabagsak ko sa kung saan ang bag ko sa pagmamadaling makalayo para hindi maabutan ng mga taong nagpunta roon para iligtas si Ayesha.

Ayesha.

Napahinto ako at sumandig sa katawan ng isang puno. Habol ko ang paghinga ko. Nanlalabo ang paningin ko dahil nahihilo na ako. Sa pagpikit ko, mukha niya agad ang nakita ko.

Madalas ko na nakikita ang mukha niya kahit wala siya sa harap ko. Mula pa nang magising ako kaninang umaga na ang natutulog niyang mukha ang nakita ko, ilang dipa lang ang layo mula sa akin. Mula pa nang para akong engot na tinitigan lang ang natutulog niyang mukha at hindi naiwasang mamangha sa kapal at haba ng mga pilik mata niya. O kung paanong matagal natutok ang tingin ko sa mapupula at nakaawang niyang mga labi.

Shit. Hindi ko siya dapat iniisip sa ganitong paraan. Isa lang siyang kasangkapan para sa plano namin. Iyon lang ang papel ni Ayesha. Kahit sa mga Alpuerto, iyon lang din naman ang silbi niya. ‘Eh ano kung mabait pala siya at hindi maldita at matapobre na katulad ng inaasahan ko para sa isang babaeng nakatakdang maging asawa ng pinuno ng isang mayamang angkan? ‘Eh ano kung himbis na tumakbo ay mas pinili niyang langgasin ang sugat ko at bantayan ako nang gabing pwede naman niya akong abandonahin na lang?

Ibang imahe naman niya ang nakinita ko. Noong halatang nasaktan siya sa sarkastikong komento ko tungkol sa kapanganakan niya.

“Ah, putsa, ang gago ko lang talaga,” hirap at paos na anas ko. Kung bakit ba naman kasi ganoon ang naging sagot ko kahit halata naman na sinsero ang pagtatanong niya tungkol sa mga naging sugat ko. Pero nagsabi naman ako ng totoo nang sabihin ko na hindi niya gugustuhing malaman. Ako nga ayoko na inaalala ang nakaraan. Ang sabihin pa ba ang tungkol doon sa iba?

Dumilat na ako at pinakiramdaman ang paligid. Mukhang walang nakasunod sa akin kahit kung tutuusin ay hindi pa naman ako nakakalayo. Tunog ng papalayong helicopter ang naririnig ko. Hanggang mawala na ang tunog at mga huni na lang ng mga hayop ang maingay sa gubat.

Pinigilan nga yata ni Ayesha na habulin ako nang mga naghanap sa kaniya. Ah, mali na isipin ko na naman siya. Naaalala ko na naman ang mukha niya, ang pakiusap sa tono niya habang pinipilit niya akong tumakas na. Parang naiiyak pa nga siya kanina. Naaalala ko ang emosyon sa mga mata niya. Kahit kailan wala pang tumingin sa akin ng ganoon. Siya lang.

Humugot ako ng malalim na paghinga at dumeretso ng tayo. Lalong sumakit ang mga sugat ko at lalong lumabo ang pag-iisip ko. Gumewang ang katawan ko kaya inangat ko ang kamay ko para humawak sa puno. Pero tuluyang nagdilim ang paningin ko at hindi na lumapat ang palad ko sa katawan ng puno.

Natumba ako padapa sa lupa.

SANAY ako mabuhay sa dilim. Nagkaisip ako sa kadiliman. Nakatakas man ako kaso panibagong impiyerno naman ang napuntahan ko. Impiyerno ng kalye, ng kahirapan, ng kamangmangan, ng kawalan ng magulang na dapat ay nag-aaruga sa akin. Impiyerno ng sindikatong gumamit sa akin at sa iba pang mga batang kalye para mamalimos at gumawa ng krimen para sa kanila. Impiyerno ng kapangyarihang matagal bago ko nakontrol.

At dahil wala yatang tama na nangyayari sa buhay ko, aksidenteng nadiskubre ng pinuno ng sindikato na hindi ako pangkaraniwang tao. Sinamantala nila at inabuso ang kapangyarihan ko. Binigyan nila ako ng mas mapanganib na misyon. Hindi na lang simpleng pamamalimos o pagnanakaw. Hinasa nila ako maging mamamatay-tao.

Maraming dugo na ang dumanak at dumaan sa mga kamay ko. Mga taong pinapatay sa akin dahil kung hindi, ako ang papatayin. Sa dami hindi ko na matandaan ang mukha ng marami sa kanila. Pero ang iba na natatandaan ko, dinadalaw pa rin ako sa mga bangungot. Bata pa ako, marumi na ang konsiyensiya ko. Malamang kapag namatay ako, impiyerno na naman ang kababagsakan ko.

Hanggang sa dumating ako sa edad na nakaya ko na mag-isip para sa sarili ko. Na nakaya ko nang manindigan at lumaban para protektahan ang sarili ko.

Kaya pagdating ko ng kinse anyos, nilabanan ko ang pinuno ng sindikato. Ang gusto ko lang makuha ang kalayaan ko. Ayaw niya pumayag. Sinubukan niya ako patayin. Naunahan ko siya at nagamitan ko ng kapangyarihan ko. Siya ang huling taong napatay ko.

Mula noon naging mersenaryo na ako. Nagtatrabaho para sa kung sino-sino pero sinisiguro ko na walang pagpatay na gagawin. Mag-isa lang ako at mas gusto ko ang ganoon. Mas madaling mawala at bumalik kapag may misyong kailangang gawin. Mas madali mabuhay dahil wala akong kailangan intindihin kung hindi sarili ko lang. Mas madali kalimutan ang nakaraan at ituon ang isip sa kasalukuyan.

Pero noong bente anyos ako, nabago ang lahat. May sumulpot sa maliit na apartment na tinitirhan ko. Biglaan at walang pasabi.

“Zion. Sa wakas natagpuan din kita. Maraming taon na kitang hinahanap. Ako ito. Natatandaan mo ba?”

Noong una hindi ko nakilala ang may-edad na lalaking bigla na lang sumulpot sa buhay ko. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon nang makilala ko kung sino siya. Hindi ko akalain na posibleng magkita kami ulit. Hindi ako makapaniwala na matatandaan ko pa siya o na makikilala niya ako noong bente anyos na ako.

Anim na taong gulang lang ako nang huli kaming nagkita. Noong gabi na akala ko nakatakas ako sa kadiliman na kinalakihan ko. Noong mismong gabi na nakita ko ang duguang katawan ng nanay ko na nakahandusay sa sahig ng sarili niyang kuwarto. Sa gabi na pinagtangkaan din akong patayin ng sarili kong ama.

Sa gabi na nasiguro ko na hindi ganoon kadaling tumakas sa kadiliman kaysa inaakala ko. Matindi ang hawak ng dilim sa akin, parang kadenang mahigpit na nakapulupot sa mga binti at mga braso ko. Sa tuwing sinusubukan kong kumawala lalo lang akong nilalamon. Sa bawat pagpalag ko, lalo kong nasisiguro na imposibleng makawala.

Tutulungan kita…

Sa tuwing gusto ko na sumuko sa pakikipagbuno ko sa kadiliman, sa tuwing para akong nalulunod at gustong hayaan na lang na balutin ako ng kasamaan, palaging parang may bumubulong sa tainga ko ng mga salitang iyon. Bumabalik ako palagi sa huwisyo at pansamantalang nagkakaroon ulit ng lakas na lumaban.

Palalayain kita….

Sa mundo ko na nagyeyelo sa kalamigan, kapirasong init ang katumbas ng mga salitang iyon. Kahit pa baka gawa-gawa lang ang mga iyon ng utak ko. Defense mechanism ba. Dahil sinong nasa tamang pag-iisip ang mag-aaksaya ng panahon para tulungan talaga akong makawala sa pagkakakulong ko?

Matagal ko na natanggap na mag-isa lang ako sa mundo. Nakaya ko buong buhay ko na mag-isa. Makakaya ko pa rin hanggang sa dumating ang araw na talagang mamamatay na ako…

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.