MOON BRIDE (Filipino) Chapter 49

(Ayesha)

SA UNANG pagkakataon mula nang una kong makita ng personal si Victor, ngayon ko lang talaga tiningnan ng maigi ang mukha niya. Alam ko na ex-fiancee siya ni mama at na siya dapat ang clan leader kung hindi nakipagtanan si mama kay papa. Pero ngayon ko lang nalaman na tinangka pala niyang patayin ang mga magulang ko. Kasama na ako.

“Hindi ko alam na buntis ka noon. Mas lalong hindi ko alam na matagal ka na nagtataksil sa akin. Sino ang lalaking hindi magagalit kapag nalaman niyang nakikipagkita sa iba ang kanyang fiancée?” basag ni Victor sa nakakailang na katahimikan.

Kay mama ako nakatingin kaya nakita ko na mariing tumikom ang mga labi niya at bumakas ang guilt sa mga mata. May punto naman kasi ang lalaki.

“Isa sa mga katangian ng mga babae sa pamilya namin ay isa lang ang lalaking mamahalin namin buong buhay. Nakilala ko ang lalaking iyon at kahit alam kong marami akong masasagasaan, pinili ko siyang makasama. Hindi ako nagsisisi kahit maaga siyang pumanaw kasi iniwan niya sa akin si Ayesha. Siguradong mas nagsisi ako kung pinili kong sundin ang napagkasunduang magpakasal sa iyo.” Nanginginig ang boses ni mama pero nakikita ko sa mukha niya ang kakaibang tapang at determinasyon.

Tumingin ako kay Victor. Mukha na naman siyang galit. “Hindi ka nagsisi kahit nilabag mo ang kasunduan ng mga pamilya natin mula pa noong simula ng panahon? Hindi ka nagsisisi na nagkagulo-gulo ang mga pamilya natin dahil sa pagiging makasarili mo?! Na nasira ang buhay ko dahil sa mga nangyari? How selfish and heartless can you be, Rebecca?”

Nagulat ako at ganoon din ang lahat ng naroon sa biglang paglabas ng sama ng loob ni Victor. Hindi galit kung hindi hinanakit ang narinig ko sa boses niya. Napatitig ako sa mukha niya at unti-unti kong nakita ang nasa likod ng galit at malamig na ekspresyon na palagi kong nakikita sa mukha niya.

“Patawad kung makasarili at wala akong puso para sa iyo. Mas pinili ko lang makasama ang taong mahal ko kaysa habambuhay na makasama ang lalaking hindi ko mahal at hindi ako mahal.”

“Mali ka Rebecca,” biglang sabat ni lolo Bartolome na bumuntong hininga. Parang biglang napagod ang matanda sa palitan ng mga salita ng dalawa. Maging sina lolo Ingracio at lolo Carlos parang napagod at sabay pang napaupo sa sofa. “Minahal ka ni Victor.”

“You don’t have to tell her that, tito Bartolome,” matalim na sabi ni Victor, kumuyom ang mga kamao.

Narinig ko ang paghigit ng hangin ni mama, gulat na gulat. Mukhang wala talaga siyang ideya. Hindi ko naiwasan maawa kay Victor. Simula pa kasi kanina na nakita niya si mama, nagkaroon na ako ng hinala na ‘yon nga ang kaso. Minahal niya ang nanay ko. At siguro, may munting bahagi pa rin ng puso niya ang nananatiling nagmamahal kay mama.

“Totoo na wala siyang nararamdaman para sa iyo noong una ko kayong ipakilala sa isa’t isa. Pero nahulog ang loob niya sa iyo dahil isang beses isang linggo kayo nagkikita. You grew up together. He treasured and adored you. Kung hindi ay bakit niya hihilingin na makita ka palagi? Siya ang may gusto niyon at hindi ako,” patuloy ni lolo Bartolome.

“Stop it,” mariin pa ring saway ni Victor na mas lalong nagmumukhang galit. Namumula ang mukha niya. Natakot ako sa ekspresyon niyang ‘yon noong una ko siyang nakita. Pero ngayon may palagay akong ganoon ang hitsura niya kapag nahihiya siya. Sinulyapan ko si mama. Nakanganga pa rin siya at manghang mangha habang nakatingin sa dating fiancée. Para bang ngayon lang niya nakikita ang tunay na pagkatao ng lalaki. O siguro kahit na lumaki siyang regular na nakikipagkita hindi nag-effort si mama na kilalanin si Victor. Napangunahan siya ng takot. She ended up misunderstanding him until the end.

“P-pero… mukha siyang palaging galit noon. Palaging malamig ang pakitungo niya sa akin. Ni hindi niya ako nginingitian noon kaya nakakatakot siya,” sabi ni mama.

“Nakikita ko siyang ngumiti kapag nasa mansiyon ka,” biglang sabi ni Chance, nakapamulsa. Sa mga sandaling ‘yon, kahit mukhang kaedad ko lang ang pisikal niyang anyo, nagmukha siyang higit na mas matanda. Nasa mga mata niya. “Bago siya lumapit sa iyo, matagal siya tumatayo sa bahaging hindi mo nakikita at ngumingiti siya habang pinagmamasdan ka. He shows his emotions when no one is looking. Mabait naman si tiyo Victor pero mukhang hindi niya alam kung paano ipapakita ang kabaitan niya kaya palaging mukhang galit. At least, ganoon siya noong bata pa ako.”

“Hindi siya naging mabait sa akin kahit kailan,” mabilis na sabi ni sir Angus, lukot ang mukha. “He was a bully.”

“He was jealous of you. Sa buong pamilya natin, sa iyo lang naging malapit si Rebecca. Maybe because you looked so harmless.” Tumingin si Chance kay mama at may kumislap na pait sa mga mata niya. “Kahit pa buong buhay niya naitanim na sa utak niya kung ano ang mga Alpuerto, may bahagi pa rin niya ang hindi tayo kayang tanggapin. Sa isip niya siguro, alam niya kung ano ang dapat niyang gawin. But there is still a part of her that is rejecting us. May parte pa rin niya ang gustong mabuhay ng normal at malayo sa atin. Kaya iyon ang ginawa niya. Ganoon lang iyon kasimple. Hindi ko naman siya masisi. Who in their right mind would want to get involved with us, really? Who would want to accept us? Kung hindi mayaman at maimpluwensiya ang mga Alpuerto, kung ang mayroon lang tayo ay ang sumpa ng isang Diyosang umibig sa isang mortal, malamang walang babae ang gugustuhing maging bahagi ng pamilya na ito.”

“Chance,” nagbabantang saway ni Carlos sa apo.

Himbis na tumigil bumaling pa si Chance kay Victor. “Dapat noon mo pa tinanggap iyon. Not that I’m taking your side. Trying to kill someone even if they betrayed you was a huge crime. Hindi ko rin gusto ang ginawa mong pagsira sa sarili mo mula ng umalis ang dapat fiancée mo at mawala ang kapangyarihan mo. Nagpakasal ka sa isang babae na hindi mo mahal at hindi ka nag-effort na mahalin siya at sa huli iniwan ka rin niya. Marami kang pwedeng gawin kahit hindi na ikaw ang clan leader pero mas pinili mong magpakalugmok sa galit at depresyon.

“You have a daughter but you chose to ignore and hurt her for the past fifteen years. At ngayon gusto niyo pa siyang magpakasal din sa taong hindi niya mahal at gagamitin lang siya. Tama na ang ginawa niyong paggamit sa amin ni Angus para makuha niyo ang gusto niyo. Leave Agnes alone. You might as well get over the past, tito. We are all going to end up powerless and dead anyway. Ang henerasyon naming magpipinsan ang magiging huling henerasyon ng mga Alpuerto. Iyan ang tadhana natin.”

Napasinghap ako. Ganoon din si mama. Ang mga lalaki naman na naroon, natahimik at manghang nakatitig kay Chance.

“Paano mo iyan nasasabi? Paanong sumusuko ka na lang ng ganiyan?” kunot noong tanong ni Cain. “Kaya nga nandito si Ayesha. Kaya nga may moon bride.”

“And what if she chooses to be with an outsider too? Paano kung katulad ng nanay niya, ma-in love din siya sa isang tao na hindi parte ng pamilya at piliing iwan tayo para sumama sa taong iyon?” argumento pa rin ni Chance.

Napatingin silang lahat sa akin. Napaatras ako pero agad kong nakontrol ang sarili ko. Lumunok ako. “Sinusubukan kong intindihin ang mga dapat kong malaman. Sinusubukan kong kilalanin at magustuhan kayo. Nagdesisyon na ako na hindi ako tatakbo.”

“Ayesha,” bulong ni mama sa tabi ko, may pag-aalala sa tinig at pinisil ang braso ko.

Sinulyapan ko siya at nginitian. “Sarili kong desisyon ‘to mama. Magiging okay ang lahat.”

Umismid si Chance kaya napatingin ako ulit sa kanila. “Bahala ka. Aalis na ako. It’s too crowded in here.” Saka siya nag-walk out.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.