More Than A Fairy Tale (Unofficial Series) Chapter 27

BOOK 4: ALADDIN'S THIEF

“A WHOLE new world, that’s where we’ll be, a thrilling chase, a wondrous place...for you and me....”

Naging napakalakas ng pagpalakpak si Jasmine nang matapos mag-perform ang mga estudyante niya. Bilang adviser at siya rin na naging facilitator ay isang malaking karangalan na makitang naging matagumpay ang play nila ng Aladdin. Isinama nila sa huling bahagi at credits ang pagkanta ng sikat na “A Whole New World” mula sa nasabing fairy tale. Ang pag-arte at pagkanta ng kanta ay ang huling ginawa ng mga estudyante bago sumara ang kurtina.

Lumapit kay Jasmine ang mga co-teachers niya. Kinamayan siya ng mga ito para sa isang job well done.

“Thank you,” wika ni Jasmine sa malakas pa rin na palakpakan ng lahat. Nakangiti ang lahat, masayang-masaya sa nasaksihan na performance.

“Kami dapat ang magpasalamat sa `yo, Miss Jasmine.” Wika ng mga cast ng play. Niyakap at halos buhatin siya ng mga ito sa tuwa. Grade six ang advisory class niya pero malalaking bulas na ang mga ito. Ilan sa mga ito ay natangkaran pa ang height niyang 5’1.

“Oh, guys!” natutunaw ang puso ni Jasmine. “Kayo ang nag-perform. Don’t put the credit on me.”

“But you are our adviser. Halos kayo na rin ang naging director namin. You encourage and motivate us. Hindi namin magagawa ang ganitong kagandang play kung wala kayo...”

Tuluyan ng napaiyak si Jasmine. She was overwhelmed with joy.

Naging abala at mahirap para kay Jasmine ang nakalipas na buwan. Pero lahat ng iyon ay worth it sa nararamdaman niya ngayon. She was glad for everything.

Hindi nagsisisi si Jasmine na pinili at pinangarap niya na maging guro. Sa ngayon ay mahigit limang taon na siyang nagtuturo. Sa tuwing nakikita niya na napabago niya ang buhay ng estudyante niya, kapareho ng nararamdaman niya ngayon ang nangyayari sa kanya. Pero paminsan-minsan ay naiisip rin ni Jasmine kung tama nga ba na maging masaya siya. Karapat-dapat ba talaga na maging guro siya?

Pero sa reaksyon ng mga estudyante niya, sa tingin niya ay tama lang iyon. Pinagsumikapan niya ang lahat ng ito. Tama naman siguro kung isipin na karapat-dapat siya sa kasiyahan na iyon.

Walang ginagawang masama si Jasmine. Wala na sa ngayon at wala rin naman talaga noon. Lahat ng ginawa niya ngayon ay sariling sikap niya. Nagplano siya at nangarap. Nagtagumpay siya.

Nanalo bilang best play ang mga estudyante ni Jasmine. Contest mula Grade One hanggang Grade Six ang play. Taon-taon na ginaganap ang play. Dahil nasa elementary, pawang mga kuwento ng fairy tales ang ginagawan ng play. Mas lalong naging masaya ang lahat. Halos kalahating oras na may bumabati kay Jasmine. Kahit ang mga parents na nanood, lalo na ang magulang ng casts ay todo ang pasasalamat sa kanya. Hindi pa mapapaalis si Jasmine sa gym kung saan ginanap ang play sa dami ng gustong kumausap sa kanya kung hindi lang siya sinita ni Maida---isa sa mga co-teacher niya. Binati at may sinabi ito sa kanya.

“Miss Jasmine, pinapatawag po kayo sa office ni Mrs. Carvajal,” Si Mrs. Carvajal ay ang Principal ng School kung saan siya nagtuturo. Napakunot ang noo ni Jasmine. Nabati na siya ng Principal. Isa ito sa mga naunang bumati.

“May gusto raw kumausap sa inyo na sa ngayon ay nasa office.” Ngiting-ngiti si Maida. Ka-close niya ito kaya kilala niya ang babae. May kakaiba sa ngiti nito, tila kinikilig. Nakumpirma niya kung bakit nang magsalita muli ito. “Ang guwapo, girl!”

Napailing-iling si Jasmine. Nagpaalam siya sa mga kausap hindi dahil sa gusto na makita niya ang guwapo. Iyon ay dahil sa kailangan. Utos na iyon ng Principal. Mukhang importante iyon.

Nagpatuloy si Maida. Sinamahan siya nito papunta sa Principal’s office. “Ewan ko ba kung masyado lang ako na nagkakaroon ng Aladdin feels dahil sa play. Pero girl, iyong guwapo niya ay mas mataas pa sa kaguwapuhan ni Aladdin!”

“Arabo?”

“Oh yes. May lahi. Pero nakakapag-Tagalog naman. May kilala ka bang maaaring magpahanap sa `yo na Arabong Pilipino, Jasmine?”

Cool lang dapat si Jasmine. Sanay na naman siya na makipag-usap sa mga bisita o iba’t ibang tao. Bilang Teacher, isa sa mga trabaho niya ay ang kumausap ng magulang ng kanyang estudyante. Pero sa nasabi ng kaibigan ay mas kinabahan pa siya ngayon kaysa kanina habang nagpe-perform ang mga estudyante niya.

Mas mataas sa kaguwapuhan ni Aladdin. May lahi. Arabong Pilipino...

Coincidence lang ba na may naghahanap sa kanya ng isang lalaking kamukha ni Aladdin pagkatapos ng isang Aladdin Play? Masaya siya na nagtagumpay ang play. Pero sa totoo lamang, hindi gusto ni Jasmine ang kuwento na iyon. Napilitan lang siya dahil iyon ang na-assigned sa kanya.

Eh ano kung kapareho ng pangalan ni Jasmine ang bida sa sikat na fairy tale? Hindi ganoon ang buhay niya. Hindi rin siya naniniwala sa happy ending ng kuwento na iyon. Paano pa? Kung halos nangyari rin sa kanya ang ganoong kuwento na may halong twist...

Nagagaya ka lang rin kay Maida, Jasmine! Masyado ka lang nadadala sa nangyaring play!

Hindi si Ali ang nasa opisina. Malabo iyon. Sampung taon na ang nakakaraan. Dapat ay nilimot na nito ang lahat. Hindi nito maaaring guluhin ang maayos ng buhay niya.

“W-wala. Wala akong kilalang Arabo na Pilipino,” nilimot na ni Jasmine ang kilala niyang Arabo na Pilipino. Dapat ay nilimot na rin siya nito.

“Hmmm... ano kayang pakay niya sa `yo, ano?”

Hindi sumagot si Jasmine. Nanalangin siya. Nag-isip siya ng mga positibo na bagay. Magiging maayos ang lahat. Naging ganoon iyon sa mga nakalipas na taon na wala si Ali sa buhay niya.

Hindi na pumasok si Maida sa loob ng office. “Balitaan mo ako, ha?”

Nininerbiyos na ngumiti lang si Jasmine. Mas lalo pa siyang ninerbiyos nang pagpasok sa opisina, lahat ng positibong bagay ay naging negatibo. Hindi natupad ang panalangin niya.

“Jasmine...” napakamalumanay ng boses ni Ali nang magsalubong ang tingin nila. Ibang-iba iyon sa boses nito sa huli nilang pagkikita.

“Mr. Fehr wants to talk to you, Miss Jasmine.” Ngiting-ngiti pa ang Principal sa pagsasalita nito.

Hindi inalis ni Jasmine ang tingin kay Ali. May parte niya na gusto iyon, pero malaking parte niya ang nagsasabing hindi. Kaya lang niya ginagawa ang bagay na iyon ay para maramdaman ni Ali na totoo at buong-buo ang sinasabi niya.

“I’m sorry, but I don’t want to talk to you, Mr. Fehr. Wala akong nakikitang rason para mag-usap tayo.” Diretso at tagos sa mata na sabi ni Jasmine.

Jasmine needs to be strong. Hindi dapat siya nagpapaapekto sa tibok ng kanyang puso at reaksyon tuhod niyang tila nagiging gelatine. Hindi niya dapat nararamdaman ang makapangyarihan na damdamin na iyon. For God’s sake, it’s been ten years! Ibinaon na niya sa limot si Ali. Bagaman hindi ang sakit ng nakaraan pero ang nararamdaman niya para rito. Matagal na niyang kinumbinsi at kinondisyon ang sarili niya. Sapat na ang hirap na naranasan niya ng dahil rito para magtagumpay iyon.

“Miss Jasmine!” nagulat na saway kay Jasmine ng Principal. “Teka, hindi mo ba kilala si Mr. Fehr---“

“I know him, of course. Isa ang pamilya niya sa pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas. Their family own’s the Fehr oils, the leading oil company in the Philippines.”

Umiling si Ali. “You make it sound like I am just a business man to you, Jasmine.”

“Dahil iyon ka naman talaga `di ba?”

“We are something, Jasmine. Magkaibigan tayo. Minsan na nagmahalan at---“

Tumingin si Jasmine sa Principal. “I better get going, Ma’am.”

Naguguluhang tumingin kay Jasmine at Ali ang Principal. Pero hindi na hinintay ni Jasmine ang sagot nito. Tumalikod na siya. Lumabas siya ng opisina.

Hindi naging dahilan para kay Ali ang sundan siya. Lumabas rin ito ng opisina. Kinuha nito ang balikat niya na kaagad na nag-init sa hawak nito. Pinaharap siya nito rito.

“Huwag mong palabasin na hindi tayo magkakilala, Jasmine. Alam ko na nasaktan kita. Pero naririto na ako. Bigyan mo ako ng pagkakataon para makapagpaliwanag sa `yo. We used to be friends. We used to love each other. Gusto ko na dugtungan ang kahapon.”

Kung dumating si Ali bago nakilala ni Jasmine si Arthur, natunaw na siguro ang puso niya sa narinig. Nakakaramdam naman siya ng kakaibang reaksyon mula sa kanyang puso. Pero kailangan niya na pigilan iyon. Maraming komplikasyon. Higit sa lahat, bawal rin iyon.

Itinaas ni Jasmine ang kamay na may suot-suot na wedding ring. “You are confessing your love to an engaged woman, Mr. Fehr. That is so unethical. As a teacher, kailangan ko na i-maintain ang status ko. You shouldn’t be here. Hindi ko dapat i-entertain ang sinasabi mo. So excuse me, I’ll better be going now...”

Sa namumutlang mukha ni Ali ay tumalikod muli si Jasmine. Naglakad na siya palayo. Sa ginawa, nakaramdam siya ng pagsisisi. Nasasaktan rin siya sa pagpapaalis kay Ali. Pero iyon ang tama. Isa rin siyang guro. Nagtuturo siya ng katotohanan. Kailangan niyang panindigan ang sinabi niya.

There’s no door for “us” now, Ali...

DIRETSONG nilagok ni Ali ang alak mula sa bote. Hindi siya mahilig uminom ng alak. Pero gusto niyang maniwala na nakakatulong ang alak para mawala ang mga sakit. Kailangan niyang makalimot.

Napakaraming mali sa buhay ni Ali ngayon. Mahigit isang buwan pa lamang ang nakalilipas ay namatay ang ama niya sa sakit na prostate cancer. Sa deathbed nito ay may isang malupit na sikretong inamin ito sa kanya. Masakit ang pagkamatay ng ama at lalo pa iyong pinasakit ng sikreto. Kinain siya ng guilt, lalo na ng panghihinayang. Sinamahan pa ang lahat ng pagkawala ng matalik na kaibigan niyang si Eric. Nag-crash ang private plane na sinasakyan nito papunta ng Palawan.

Alak lang ang nakikita ni Ali na mapupuntahan ngayon. Wala si Eric. Hindi sigurado kung kailan makikita ito o kung makikita pa ito. Wala siyang ibang malapit na kaibigan na puwede niyang pagsabihan sa problema niya. Kung mayroon man siguro na puwede, si Abu lamang iyon. But Abu is just a monkey. Hindi siya maiintindihan ng alaga niya.

Walang masyadong kaibigan si Ali. Hindi naman kasi niya masasabing kaibigan ang mga business colleagues niya. Napakahigpit kasi ng kanyang mga magulang. Kahit thirty one years old na siya, pinakikialaman pa rin ng mga ito ang buhay niya. Kahit ang mga kaibigan niya ay pinipili pa ng kanyang mga magulang, partikular ng metikolosa niyang ina.

Ano bang mayroon at napunta kay Ali ang lahat ng kamalasan? Si Eric lang ang nakasundo niya sa lahat ng mga taong puwede raw niyang kaibiganin ayon sa mga magulang. Pero pati ito ay ipinagkait pa sa kanya. Ang lungkot-lungkot niya. Lahat na lang ng minamahal ni Ali, nawawala sa kanya. Hindi lang naman kasi ang ama at si Eric ang mga taong nawala kay Ali. Isa sa mga pinakamasakit ay ang pagkawala ng nakababatang kapatid niyang si Rapunzel noong pitong taong gulang pa lamang siya.

Masasabi ni Ali na ang pagkawala ng kapatid ang naging dahilan ng pagbabago ng kanyang buhay. Simula nang mawala ito ay naging napakahigpit na ng kanyang mga magulang. Dalawa ang body guard niya at hindi siya hinahayaan na mapalapit sa Yaya niya. Ganoon kasi ang nangyari sa noon ay tatlong taong gulang niyang kapatid na si Rapunzel. Masyadong naging malapit rito ang Yaya nito. Na-obsessed ang Yaya sa kapatid at itinakas sa mansion nila. Mula noon, gaano man hanapin ng lahat ang kapatid ay hindi na ito muling nakita. Naging madilim ang buhay niya. Nawala na nga ang kapatid, pati kalayaan niya ay nawala.

Naging mapagduda ang magulang ni Ali sa lahat. Isinara siya sa pakikipagkaibigan, kahit ang mga taong nakakasama niya sa bahay. Isa rin iyon sa mga dahilan ng isang bagay na hiling niya ay hindi sana nawala sa kanya: ang pag-ibig.

Masakit ang pagkawala ng tatlong mahahalagang tao kay Ali. Pero ngayong nalaman niya ang katotohanan tungkol sa estado ni Jasmine ay parang wala ng makakapantay sa sakit.

Ali is in love with an engaged woman. Parang hindi lang si Rapunzel, ama at Eric ang nawala. Ganoon rin ang puso niya. Huli na siya para sa lahat. Naging matagal na nga na magresponde ang mga private investigators niya kung nasaan si Jasmine, ganoon pa ang nalaman niya.

“You should be sleeping now, my son.” Mula sa likuran ay narinig ni Ali ang boses ng ina.

Hindi lumingon si Ali. Sa kabila ng trahedya sa pamilya, marami siyang nakuhang mabubuting asal. Magalang siya. Marunong rumespeto. Pero umeepekto na nga siguro ang alak. Nalimutan na niya ang magagandang asal. Pero sa isang banda, paano rin ba niya magagawang rumespeto pa ngayon sa taong sumira sa kanya at sa tanging babae na minahal niya?

“You shouldn’t be drinking,” lumapit na sa kanya ang ina. Inilayo sa kanya nito ang baso niya ng alak. Pero hindi dahilan iyon para kay Ali para tumigil sa pag-inom. Nilagok niya ang bote ng alak.

“Napakabastos ng ginagawa mo!” hindik na hindik ang ina sa nakitang asal niya.

Hindi nagkomento si Ali. Nagpatuloy siya sa pag-inom hanggang pati ang bote ay pakialaman na rin ng ina. Nagtagis ang bagang niya.

“Tumigil ka, Aladdin!” Ginagamit lang ng ina ang buong pangalan ni Ali kapag ganoon na galit na ito. “Kamamatay lang ng ama mo. Paano mo nagagawang pasamaain pa ang loob ko?!”

Hindi pinansin ni Ali ang konsensya. Kung naggawa ng kanya ina na hindi pairalin iyon sa mga nakalipas na taon, bakit hindi siya? “For years, I’ve been listening to you, Mama! Puwede bang pabayaan mo naman ako ngayon?”

“You’re my only son, my only child and the only family I have now!” dinuro pa siya ng ina. “Hindi ko gustong pati ikaw ay mawala pa sa akin.”

“Simula nang malaman ko ang ginawa mo kay Jasmine, nawala na ako sa `yo, Mama...”

Namutla ang ina niya. “Hindi mo magagawa sa akin ito...”

Hindi nagsalita si Ali. Pamilya niya pa rin ang ina sa kabila ng kasamaan na ginawa nito sa kanya, kay Jasmine at sa pamilya nito. Sa kabila ng ipinapakita na masamang asal, magagawa ba niya na patunayan talaga iyon? Magagawa ba niyang alisin talaga ang ina sa buhay niya?

Bumuntong-hininga si Ali. “Pagod na pagod na ako, Mama.”

“At anong akala mo sa akin? Intindihin mo ako, Ali. Wala na ang kapatid mo at ang ama mo. Hindi ko rin gusto na mawala ka sa akin...” puno ng sakit ang boses ng ina.

“I want Jasmine back,” nausal na lang ni Ali.

Lalong namuta ang ina. “No, you don’t! Matagal na kayong nagkahiwalay. Surely, nalimutan mo na siya---“

“True love never fades.” Putol ni Ali sa sinasabi ng ina. Jasmine is Ali’s true love. Noon pa lang ay nararamdaman na niya iyon. They enjoyed being with each other. Komportable sila at masaya. They love each other.

Pero sa lahat ng istorya, kahit sa isang maganda sanang fairy tale na kagaya ng sa kanila ay may kontrabida. Ang pinakamasaklap nga lamang, ang taong minamahal pa niya ang naging sanhi ng pagkakahiwalay nilang dalawa.

“Sa kabila ng nangyari, hindi ko pa rin siya matatanggap, Ali.”

“Hindi ko hinihingi ang opinyon niyo para roon.”

“Kapag ipinagpatuloy mo ang kahangalan na ito ay hindi kita ilalagay sa last will ko. Hindi kita bibigyan ng mana at---“

“You are blackmailing me.”

“I should! Hindi ko gusto ang babaeng iyon sa `yo, Ali! Napakaraming babae diyan na nagkakandarapa sa `yo. Maganda, matalino at karamihan ay galing sa may kaya at kapantay natin na pamilya. Look at them. Fancy them! Hindi kagaya ng isang Jasmine Rivera lamang ang nararapat para sa `yo!”

Hindi nagsalita si Ali. Hindi na rin naman niya kailangan, lalong hindi na rin siya kailangan na i-blackmail ng ina. Wala siyang pakialam kung hindi mapunta sa kanya ang kompanya nila. May mga sarili siyang business. Mabubuhay pa rin siya ng masagana roon. At higit sa lahat. Kahit ano naman na gawin niya, hindi na niya makukuha pa si Jasmine. May nagmamay-ari na rito.

Pero sa sinabi ng ina ay nakapag-isip si Ali ng paraan. Hindi man niya buong makukuha si Jasmine, bakit hindi niya pagbigyan ang sarili niya para kahit sandali ay maging maligaya? Hindi pa rin naman huli ang lahat. Ang mag-asawa nga ay naghihiwalay. Ano pa ang hindi pa legal na nakatali?

Maraming kumakagat sa blackmail. Naisip ni Ali na maaari niyang gamitin rin iyon.

LINGGO ng hapon. Sa tuwina ay masaya si Jasmine kapag ganoong panahon. Hindi siya kagaya ng normal na tao na kinaiinisan ang Lunes. Gusto niya ang weekdays. Sabik siya palagi na magturo.

Pero iba ang araw ngayon. Nahahaluan ng lungkot ang saya ni Jasmine. Isang linggo na lang kasi at tapos na ang pasukan. Walang klase kapag bakasyon kaya walang bata. Wala siyang trabaho at wala siyang pagkakaabalahan. Private school ang school na tinuturuan niya. Isa sa patakaran roon ay na kapag bakasyon, bakasyon rin ang mga teachers.

Walang masyadong social life si Jasmine. Ang mga kaibigan lang niya ay ang mga co-teachers niya. Pero karamihan sa mga ito ay may mga pamilya na. Tanging sila na lamang ni Maida ang nanatili na dalaga. Pero si Maida ay may malaking pamilya. May boyfriend na foreigner rin ito. Sa bakasyon ay magbabakasyon ay inimbitahan ito ng boyfriend sa Hawaii kung saan ito nakabase.

Kung gugustuhin ni Jasmine ay magagawa rin niya na magbakasyon. May ipon naman siya. Ngayon ay wala na siyang problema sa pera. Pero ang problema, wala siyang makakasama. Sa Japan naka-base ang fiancé niya. Nagtatrabaho ito bilang restaurant manager roon. Sa June pa ito makakauwi. Sa June rin nila sisimulan ang preparasyon ng kasal nila.

Wala ng pamilya si Jasmine. Mag-isa lamang siyang nakatira sa apartment niya na may kalapitan lang rin naman sa school. Paniguradong mabo-bored lamang siya sa bakasyon. Hindi siya sanay sa ganoon. Bilang teacher kasi, sanay siya na marami siyang kailangan na gawin.

Kung tutuusin, may choice pa rin si Jasmine. Wala man siyang pamilya pero mayroon ang fiancé niya. Magiliw ang pamilya ni Arthur sa kanya. Bilang nag-iisang anak at apo na lalaki, mahal na mahal si Arthur ng pamilya nito. Kapareho ng pagmamahal ng mga ito ang lahat rin ng mahal rin ni Arthur. Tanggap at masaya ang mga ito na dumating siya sa buhay ng lalaki. Paano kasi ay nangangamba ang pamilya na baka hanggang kay Arthur na lamang ang pagsasalin-lahi ng pamilya nito. Akala kasi ng pamilya ay walang plano si Arthur na magpakasal. Paano ay thirty-four years old na ito nang magdesisyon silang pumasok sa isang relasyon. Dahil sa kanya, hindi mangyayari ang kinatatakutan.

Walang problema kung tutuloy muna si Jasmine sa pamilya ni Arthur. Pero ang problema, magbabakasyon ang buong pamilya sa Singapore ng dalawang buwan. Pinapasama siya ng mga ito. Pero pinili niyang tumanggi.

Magiging malaking gastos kung sasama si Jasmine sa bakasyon. Baka kulangin ang ipon niya. Mahal ang cost of living sa Singapore. Kahit alam niya na willing ang pamilya na i-sponsor siya at kahit si Arthur, hindi niya gusto iyon. Ayaw niyang umasa sa iba, lalo na at hindi pa naman legal ang lahat sa kanila ni Arthur.

Kinalma ni Jasmine ang sarili. Bahala na. Magbabasa na lang siguro si Jasmine ng maraming libro sa bakasyon. Sa ngayon, pinalipas niya ang oras sa panonood ng TV. Nang akmang papatayin na niya iyon para magluto ng kakainin na hapunan ay may kumatok sa pinto. Inuna muna niya iyon para lamang mas lalong makaramdam ng sama ng loob.

Ang kumakatok at ang nasa labas ay si Ali. Binuksan ni Jasmine ang pinto para isara muli iyon. Naging napakalakas ng tibok ng puso niya. Kung sa gulat ba iyon o dahil sa normal na reaksyon niya kapag nakikita at nakakasama si Ali ay hindi niya masigurado. Maaaring pareho o mas malaking dahilan ang huli.

“I need to talk to you, Jasmine...” malamig ang boses nito na naririnig niya sa kabila pa rin ng pagsara ng pinto.

“Wala tayong dahilan para mag-usap. Umalis ka na. `Wag mo na akong guluhin,” lalo na ang puso ko…

“Hindi, lalo na kung bubuksan ko muli ang nakaraan. Ang nakaraan tungkol sa gintong lampara.”

Nanlaki ang mata ni Jasmine. Mabilis rin na tumulo ang malamig na pawis sa katawan niya.

“H-hindi mo puwede na gawin `yan. Masisira ang reputasyon ko....” wika ni Jasmine sa kabilang pinto.

May ipaglalaban si Jasmine. Hindi totoo ang lahat ng binibintang ng pamilya ni Ali sa kanya. Na-set-up lang siya. Pero ano ba ang laban niya sa pamilya ng mga Fehr? Napakamakapangyarihan ng mga ito.

“Kaya ko. At gagawin ko iyon kung hindi mo bubuksan ang pinto na ito at kakausapin ako...”

Mas mahal ni Jasmine ang reputasyon niya kaysa sa sarili. Binuksan niya ang pinto at kinausap si Ali. Mali iyon at alam niyang mapupunta sa panganib ang puso niya. Kung may isa siguro na talagang masamang budhi si Jasmine, iyon na ang puso niya.

Ang puso niyang palagi na lang bumabalik kay Ali...

Nawindang at mas nawalan ng kulay ang mukha ni Jasmine nang ilahad ni Ali ang kailangan nito sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.