My Fat Chance (Filipino) Chapter 15

“QUINN, maganda ang project mo. Maisasama natin ito sa exhibit,” puri ni Miss Soriano na siyang nagpagawa sa kanila ng project. Gusto daw kasi nitong I-promote ang kakayahan nila sa paggamit ng indigenous materials. Gagamitin nila iyon para sa exhibit na gagawin sa foundation day.

Pero di lang simpleng kubo ang ipinasa niya. Ginawan din nila iyon ni Chance ng clay figures nila Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at mga Katipunero na nagpupunit ng cedula na kagaya sa Sigaw ng Pugadlawin. Gusto kasi ni Quinn na maging makabuluhan iyon.

“Tinulungan po ako ni Chance sa project ko,” pagmamalaki niya sa guro. “May sugat po kasi ang kamay ko.”

“Mabait talaga ang batang iyon. Talented pa. Gusto mo bang makita ang ginawa niya?” tanong ng guro at iginiya siya papasok sa library kung saan nakalagak ang ibang entry sa exhibit.

Nanlaki ang mata niya nang isang miniature Spanish era community ang ginawa nito gamit ang maliit na capiz at shell. Gumamit din ito ng recycled papers at abaka. “Wow! Ang galing niya.”

“Napaka-talented niya. Natutuwa din ako na nagtutulungan kayong magkakakaklase. Sabihin mo sa kanya ang magandang balita.”

Magagaan pa ang hakbang ni Quinn habang papunta sa botanical garden kung saan nandoon si Chance. Pero pagdating doon ay natigilan siya nang makita sina Chance at si Cindy na magkasama sa paborito nilang tambayan. Umiiyak ang huli habang inaalo ni Chance. “Sobra silang manlait. Pinagtatawanan nila ako. Sabi nila wala daw magkakagusto sa ginawa kong picture frame. Wala daw ako kahit kaunting creativity. Parang sobrang tanga ko,” humihikbing sabi ng pinsan niya.

“Hindi naman siguro. Baka naman nagjo-joke lang ang mga kaibigan mo o ganoon lang sila mang-asar.”

“Nakakasakit na sila. Baka nakakalimutan nila kung sino ang inaasar nila. I am Cindy Arboleda. A-Akala ko pa mandin tinatrato nila akong prinsesa at sa ganitong pagkakataon ko sila maasahan. But they treated me like trash. How dare them!”

“Huwag ka nang magalit. Hindi bagay sa iyo ang nagagalit.”

Humikbi ang dalagita. “Sino ba naman ang di magagalit kung ganyan ang mga kaibigan mo? Mabuti pa si Quinn may mabuting kaibigan na tulad mo.”

Nakahalukipkip lang si Quinn sa likuran ng mga ito habang di maiwasang makinig sa usapan. Di muna siya lumapit dahil gusto niyang malaman kung anong drama ng pinsan niya.

“Gusto mo bang ulitin ang project mo? May materials pa sa bahay. Ako na ang gagawa para maihabol mo bukas.”

“Talaga? Tutulungan mo ako sa project ko.” Pinahid agad ni Cindy ang luha. “Salamat, ha? Naku! Basta ikaw na ang magpaganda. Alam ko naman na kaya mo iyon. Ang bait mo nga talaga.”

“Basta ikaw!” sabi nito. “Malakas ka sa akin.”

Di na nakatiis si Quinn at lumapit sa mga ito. “Masakit din ba ang kamay mo at sa iba ka magpapagawa ng project, Cindy?” nakataas ang kilay niyang tanong. May paiyak-iyak pang nalalaman. Iyon pala ay magpapagawa lang ng project. May kakapalan din ang mukha. Matapos ang panlalait nito sa kaibigan niya, dito pa tatakbo. Kahit pinsan niya ito, di niya ito-tolerate ang kagagahan nito.

“Naglabas lang naman ako ng sama ng loob kay And he is so nice. He is willing to help.” Matamis na ngumiti si Cindy at bumaling kay Chance. “Pagagandahin mo ang project ko, di ba?”

“Oo naman. Gusto mo gawin natin ang katulad ng project ni Quinn para mas mataas ang grade mo?” alok ni Chance sa pinsan niya.

“Excuse me! Sarili kong design iyon. Kung hindi lang masakit ang kamay ko, hindi ko iyon iaasa sa iyo. Kung hanggang picture frame lang ang kaya ni Cindy, hanggang doon lang ang gawin mo,” maasido niyang sabi habang nakapamaywang.

“Kung ano na lang ang kaya mo, Chance. Oo nga pala. Invited ka sa swimming party sa Saturday. Mag-o-overnight kami sa Antipolo,” anang si Cindy dito.

Napanganga si Chance sa pagkagulat. “Ako? Iniimbitahan mo ako?”

“Oo. Saka walang aaway sa iyo dahil ako ang kasama mo.” Sama ka, ha?”

Tumango naman agad si Chance na animo’y manghang-mangha. “O-Oo naman. Hindi kita kayang tanggihan.”

Matagumpay na ngumiti si Cindy nang lingunin siya. Parang nagsara nang dam ang mga mata nito at walang luha. Ganoon lang at nakuha na nito ang gusto nito. “See you around, cousin!”

Nagngangalit na sinundan ng tingin ni Quinn si Cindy. Nang makaalis ito ay si Chance ang pinagbalingan niya. “Bakit ka pumayag na gawin ang project niya? At gusto mo pa na katulad ng project ko ang gawin mo. Sinuswerte siya. Di siya naghirap.”

Nanatili pa rin ang ngiti sa labi ni Quinn. Ni di nito pinansin ang iritasyon sa boses niya. “Narinig mo ba iyon? Isasama niya ako sa lakad nilang magkakaibigan. Overnight sa Antipolo. ”

Humalukipkip siya. “Huwag kang sumama doon. Di ako sasama. Baka kung ano pa ang mangyari sa iyo gaya dati.

“Ang importante nandoon si Cindy. Siya mismo ang magbabantay sa akin. Matagal ko nang pangarap na makasama siya at ngayon, ako ang pinakamasayang lalaki sa mundo!” Nagtatalon ito at humiyaw sa tuwa. “Ako ang gagawa ng project ni Cindy! Isasama niya ako sa lakad nilang magkakaibigan. Nagsisimula nang matupad ang mga pangarap ko. Magugustuhan na niya ako. Hindi ka ba masaya para sa akin, Quinn.”

Nagmistilang sinagasaan ng pison ang puso ni Quinn. Gusto niyang ipamukha sa kaibigan kung anong klaseng babae ang gusto nito. Natatakot siya na masaktan na naman ito. Kahit pa sabihing pinsan niya si Cindy, di ito dapat pagkatiwalaan lalo na’t hindi naman basta-basta bibitawan ng pinsan niya ang mga kaibigan nito. Mas malaki ang napapakinabangan nito sa grupo nila Turvey.

“Tumuloy ka kung gusto mo. Diyan ka masaya basta mag-ingat ka lang,” aniya at tipid na ngumiti. Sana lang ay hindi na masaktan pa si Chance dahil siya ang higit na masasaktan.

NAKAILANG buntong-hininga si Quinn bago isinubo ang huling piraso ng vegetable dumpling. Nasa botanical garden siya at pinagtatalunan nina Harry at Sosimo ang tungkol sa kabaklaan ng huli. Kanina pa tapos kumain ang mga ito.

Wala siyang ganang kumain kung di niya kasama si Chance. Ilang araw na rin nila itong di nakakasalong kumain dahil lagi na nitong kasama ang grupo nila Cindy. Ngayon ay kumakain ang grupo ni Turvey malapit sa football field habang naiwan naman silang magkakaibigan sa dati nilang tambayan. Nakakapanibago talaga.

“Mare, depress ka na naman,” nag-aalalang sabi ni Sosimo.

Uminom siya ng tubig ngunit di nabawasan ang bigat ng loob niya. “Lagi na lang siyang nasa barkada nila Cindy. Ginawan na nga niya ng project si Cindy, isinama pa siya sa overnight sa Antipolo.”

“Kung ikaw ang tatanggapin ng grupo nila Cindy at Turvey, hindi mo na maalala ang mga dating kaibigan mo. Siyempre sila ang pinaka-cool na grupo. Pakonswelo na lang na nabiyayaan pa rin tayo ng dumpling ni Chance. Kahit paano di pa rin siya nakakalimot,” katwiran ni Harry.

“Hindi naman pagkain niya ang kailangan ko. Gusto ko kasama natin siya.” Tumingin ang dalagita kay Harry. “Harry, may idea ka ba kung bakit di pa rin pinakakawalan ng grupo ni Cindy si Chance? Di naman guwapo si Chance para sa kanila. Di rin pumayat. At lalong di ako naniniwala na sinaniban sila ng mabuting espiritu.”

Bahagyang yumuko si Harry. “Sa atin-atin na lang ito. Sabi ni Antoni di rin niya alam kung bakit isinama si Chance sa kanila. Ayaw sana ni Turvey pero si Cindy mismo ang nagsabi na aalis siya sa grupo kung di kasama si Chance.”

“Ay! Ang bongga-bongga ng friend nating tabachingching!” tili ni Sosimo. “Talagang aalis si Cindy sa grupo kung di siya ka-join. Hindi kaya sinapian ang pinsan mo ng alien na ang hilig ay mga plus size na nilalang kaya nagkakaganyan ang pinsan mo?”

“Kahit ano pang dahilan, di pa rin maganda ang pakiramdam ko sa ginagawa nila. At hindi ako titigil hangga’t di ko nalalalaman ang totoo,” deklara ni Quinn.

Sari-sari ang naglalaro sa isip niya habang papunta ng restroom. Di naman siguro nagkagusto si Cindy kay Chance. Imposible iyon. Hindi naaakit ang pinsan niya sa mga busilak na kalooban ng mga tao. Puro bulsa at itsura ang importante dito.

Pagpasok niya ng restroom ay eksaktong naroon si Cindy at papasok ng cubicle. Inunahan agad niya ito sa pagpasok at saka sumandal sa pinto. Napatili ito pagharap sa kanya. “Quinn, what are you doing?”

“Kailangan nating mag-usap.”

Itinirik ni Cindy ang mga mata. “Can’t you see that I need to pee?”

Humalukipkip siya. “Mabilis lang ito kung sasagutin mo ang tanong ko.” At wala siyang planong pakawalan ito hangga’t di siya nito sinasagot nang maayos.

Ibinaba nito ang lid ng toilet bowl at umupo. “What? Huwag mo akong tatanungin ng mga questions sa quiz shows. It’s not my forte.”

“Bakit bigla mong kinaibigan si Chance?” direkta niyang tanong. “Alam naman ng lahat na hindi ka lumalapit kay Chance. Ngayon kasama mo pa siya sa grupo mo. You are not nice to losers like him.”

“Iyan lang? And you are making me suffer?”

Inunat niya ang isang kamay para lalong humarang sa pinto. “Sasagot ka ba o hindi? Kahit maghapon tayo dito okay lang sa akin.”

Ibinagsak nito ang dalawang kamay sa kandungan. “Fine! Si Chance ang pamangkin ng kapartido ni Daddy na tatakbong congressman. Walang masama kung maging kaibigan ko si Chance. Maganda iyon para kay Daddy. Maganda sa reputasyon namin. Dapat lang na kaibiganin ko ang mga tamang tao. His connection has its appeal even if he is not so handsome.”

Nakuyom niya ang palad sa sobrang galit. “Ginagamit mo lang siya?” Para sa pansariling interes nito ay inilayo nito si Chance sa kanilang mga tunay na kaibigan.

“Bukod sa political affiliation niya, matalino din siya at malaki ang naitutulong niya sa akin. Magiging mataas ang grades ko at ng mga kaibigan ko kung magiging close kami. In return, may mga kaibigan siyang maganda at gwapo.”

Lalong humigpit ang pagkakakuyom niya sa palad niya. “Ang sama mo! Sabi na nga ba’t wala kang gagawing mabuti.”

“Wala akong kailangang ipaliwanag sa iyo. Nasagot ko na ang tanong mo. Now please leave me alone.”

“Hindi ako papayag na gawin mo ito kay Chance.”

Ngumisi ito sa kanya. “Sabihin mo sa kanya ang totoo. Tingnan natin kung maniniwala siya sa iyo. Iisipin lang niya na naiinggit ka sa amin. Alam mo naman siguro na patay na patay sa akin ang piggy bank na iyon.”

Dali-dali siyang lumabas bago pa niya masaktan ang pinsan niya. Cindy was so evil. Sarili lang nito ang iniisip nito. Wala itong pakialam sa nararamdaman ng iba.

“Quinn, ano pang ginagawa mo dito sa restroom?” nag-aalalang tanong ni Chance. “Magsisimula na ang English class natin.”

Ilang beses siyang kumurap. Nandito si Chance, ang kaibigan niya na natutunan niyang mahalin. Bumalik na ito sa kanya. Sinundan siguro siya nito sa restroom dahil nag-aalala itong ma-late siya.

Ginagap niya ang kamay nito. “Let’s go! Baka ma-late pa tayo.”

“Sandali. Hinihintay ko pa si Cindy. Nakita mo ba siya sa loob?”

Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay nito. Lumabas si Cindy at awtomatikong ngumiti nang makita si Chance. “Hinihintay mo ba ako?”

“Oo. Baka kasi ma-late ka. Malakas ako kay Miss Toralde. Di ka niya pagagalitan basta kasama mo ako.”

Humawak sa braso ni Chance si Cindy. “You are so sweet!”

Nilingon siya ni Chance. “Quinn, sumabay ka na rin sa amin.”

“S-Sige.” Ngunit parang ayaw humakbang ng paa niya. Parang pinipilit ang puso niya. Sabihin man niya ang totoo kay Chance o hindi, masasaktan pa rin ito. Gusto niyang sabihin ang totoo. Di lang niya alam kung paano. Hanggang kailan ba siya ganito?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.